ABSTRAK
Ito ang panimulang pag-aaral at pagtatangka na ipakilala sa publiko ang The Language Problem of the Filipinos Monograph (1932) ni Dr. Manuel Viola Gallego batay sa pagsusuri sa mga nakalap na datos mula sa mga lumang dokumento gaya ng news clippings, larawan, at mismong monograph. Ang mga dokumento ay natagpuan sa silid-aklatan ng Manuel V. Gallego Foundation Colleges (MVGFC) noong 2022. Ang MVGFC ay mismong itinayo ni Dr. Gallego noong 1960 upang isulong ang edukasyong publiko sa Gitnang Luzon.
Makikita sa pananaliksik ang wika at politika bilang simbayotikong umiiral sa loob ng lipunan at kasaysayan. Gamit ang Dialectical-Historical Materialism (DHM) ay malawak na nakita ang malalim na gampanin ng wika at politika sa kolonyalismo at kontra-kolonyalismong kilos ng tao sa loob ng lipunan, na siyang ipinapakita ng monograph. Bagamat unang seksiyon pa lamang ang sinisipat ng pag-aaral na ito, may interdisiplinaryong ambag naman ito sa kabuuan. Sa huli, itinataguyod ng pag-aaral na ito ang paggamit ng Mother Tongue-Based Multilingual Education (MTB-MLE) bilang anyo ng protesta kontra sa Ingles na pamana ng kolonyalismo at neo-kolonyalismo, mas epektibong pamamaraan ng pagtuturo at pagkatuto, at tunay na demokratisasyon sa wika at politika.
Mga Susing Salita: wika; politika; Pambansang Wika; MTB-MLE; kolonyalismo
EPILOGO: SA HUWAD NA NGALAN NG KOLONYAL NA PROYEKTO
Turan ng yumaong Pambansang Alagad ng Sining sa Panitikan Lazaro Francisco ay walang propetang kinilala sa kanyang sariling bayan. Walang mabuting kalagayan sa/ng isang bayan ang hihigit pa sa isang pansamantalang bagay gaya ng buhay, at walang napakahalagang pangyayari ni tao ang makaaasang ito’t siya’y paniningningin ng panahon nang walang katapusan. Kung tutuusin, ang buhay sa mundo’y hindi lamang gaya sa isang paglalakbay kung saan nararamdaman ng ating pandama ang pangako ng lahat ng mga nasa ibabaw ng lupa. Kasabay ng paglalakbay ang pagkatuto ng/sa maraming bago. At mula sa mga bagong ito’y unti-unti nating niyayakap ang larangan ng pagkitil sa mga sumpa ng lumang orden gaya na lamang sa malupit na digmaan. Pero, gaano man kalupit at mapanlinlang, gigil na gigil pa rin ang tao na hamunin ang kanyang namamanang kaaway, ang kamatayan. Pilit itinatayo ng tao ang anumang estruktura na magpapanatili sa kanya sa gunita ng kanyang bayan: malalaking gusali gaya na lamang ng sa Katedral ni San Nikolas ng Tolentino (ang patron ng mga kaluluwa sa purgatoryo), rebultong marmol gaya na lamang ng busto ni dating Alkalde Honorato Perez ng Cabanatuan, at lapida sa lugar ng kinamatayan ni Heneral Luna makaraang ipapatay siya ni Heneral Emilio Aguinaldo. Labintatlong taon bago anihin ng karit ni kamatayan si Dr. Gallego ay ganito rin ang kanyang ginawa, noong 1963, sa edad na pitumpung taon ay kanyang itinatag ang Central Luzon Education Center. Sabi ng marami’y ito ang kaunaunahang nursing school sa buong Region 3 bago talunin ni Marcos si Macapagal sa pagkapangulo at ideklara ang Batas Militar nonng 1972.
Sa lalawigan ng Nueva Ecija, ginagamit ang muhon upang hatiin ang pinitak o parsela ng lupa sa bukid. Pasyok naman ang tawag sa mga pinagputulan ng palay tuwing anihan. Kung pagsasanibin ang muhon at pasyok ay dito iikot ang naratibo ng papel sa ito. Kung ihahambing, hindi kalabisan kung ating ituturing ang wika at politika na gaya nga sa muhon at pasyok sapagkat sa bawat pag-inog ng panahon ay mayroon pa ring pagkakahati-hati sa wika sa kabila ng may naaani ang bayan. Kung sa wika’y maaaring ang tila hindi mapipigilang ebolusyon nito mula sa mababa at mataas na antas at vice versa. Gayundin sa naman sa politika, halimbawa ay ang praktika ng pagkakaisa at pagkakahati-hati. At gaya nga sa pag-ani sa mga bunga na nasa suhay ng palay, meron itong katawan at ugat na siyang nagbigay buhay sa bunga. Ganito rin sa wika at politika, mayroong pinagmulan upang tamasain natin sa kasalukuyan ang kung anumang pangako ng wika at politika sa ating bansa.
Upang makuha ang kabuuan, susuriin natin nang maiksi ang ilan sa mga pangunahing yugto ng kasaysayan ng lipunang Filipino. Mula rito, layon nating i-highlight ang mahalaga at krusyal na papel ng wika sa iba’t ibang aspeto—politikal, ideolohikal, kultural, militar, at partikular sa politika ng bayan. Titignan natin ang wika bilang isang organikong espasyo ng hegemonikong at kontra-hegemonikong tunggalian ng mga puwersa at kapangyarihan (San Juan, 1998). Ang suliraning pangwika na hinaharap ng mga Pilipino ay may maraming aspekto, kabilang ang mga hamon sa kakayahan sa wika, patakaran sa edukasyon, at implikasyon sa sosyo-ekonomiko na madalas ay maiuugnay sa kaligirang pangkasaysayan ng isang bansa.
Hindi lamang ang mga Amerikano ang gumamit ng wika bilang pinakaepektibong kasangkapan sa kolonyalistang adyenda; ginawa rin ito ng mga Kastila. Makikita ito, halimbawa, sa isang eksena sa pelikulang GomBurZa (2023), kung saan nagkaroon ng hadlang sa isang klase ni Padre Burgos dahil Latin ang ginamit na midyum ng instruksyon. Samantala, ang wikang Kastila ang naging episyenteng paraan upang maipasailalim ang mga katutubong pagano sa kanilang kontrol sa loob ng mahigit tatlong daang taon. Ang wikang Kastila ang nagsilbing midyum ng piyudalismo at monarkiyang politika sa Espanya at Europa. Samantala, ang mga katutubong wika, tulad ng Tagalog, ay naging instrumento ng lokal na pagtutol, maging ito man ay sa antas ng indibidwal o kolektibo. Para sa mga kolonyalista, ang wikang katutubo ay wika ng mga pagano, at ang pagiging pagano ay katumbas ng pagiging demonyo. Mababasa ang mga obserbasyong ito sa mga akda ni Isabelo Delos Reyes.
Sa lipunang piyudal, dalawang matingkad na uri ang nagtutunggalian: ang uring Panginoong Maylupa (PML) at ang mga magsasaka. Mayroon ding tunggalian sa pagitan ng principalia o cacique kontra sa mga magsasaka (ang principalia o cacique ang pagmumulan ng uring burgesya sa hinaharap). Dahil sa malalim na pagkaalipin, ang mga Prayle, Gobernador, at iba pang kinatawan ng Espanya ay nagiging kontra sa mga magsasaka at ilang sektor ng principalia at cacique, pati na rin sa uring panginoong maylupa (bagaman ito ay magiging ganap na mas maliwanag sa hinaharap).
Ang pag-institusyonalisa ng wikang Kastila ay isang mahalagang salik upang mapasunod ang karamihan ng populasyon. Bukod sa pagpapatupad ng militar, politikal, at ekonomiyang programa na nakasalalay sa piyudalismo, ang impluwensiya ng Kristiyanismong may Tatlong Persona ay nagdulot ng malaking epekto sa kaisipan ng mga katutubong Pilipino sa pamamagitan ng matinding pananampalatayang ipinapalaganap nang pwersahang paraan. Ang ganitong indoktrinasyon ay nagtagal nang maraming dekada, at habang ang mga Pilipino ay patuloy na nagpapakumbaba at sumusunod sa relihiyong ipinanganak ni Abraham, patuloy din nilang ipinapamana ang kanilang kalagayan bilang mga kolonyal na paksa at proyekto sa kolonyalismo ng Pilipinas. Dahil dito, ang bansa ay nananatiling hindi ganap sa kanilang pagkakakilanlan.
Ang mga simbolo ay nagiging isang uri rin ng wika at politika, na nagtataglay ng kapangyarihan sa komunikasyon. Ang mga krus, rosaryo, at mga Santa at Santo ay hindi lamang mga simbolo kundi pati na rin mga instrumento ng pananakop at pagsasakop. Sa pagiging bahagi na ng pang-araw-araw na buhay ni Juan Dela Cruz, ang ganitong pagpapamana ng pagiging alipin ay hindi lamang isang produkto ng kasalukuyang panahon kundi isa ring anyo ng pagsasalin muli ng kolonyalismo gamit ang wika at politika, na umaabot hanggang sa kaluluwa ng katawan at lipunan.
Ang simbahan ay naglaro ng isang mahalagang papel sa usaping ito, partikular sa pamamagitan ng mga ritwal ng repetisyon: una, bilang isang konkretong panlipunang arketipo na nagtataguyod ng konsolidasyon at paglawak ng piyudalismong Europeo at bilang pundasyon ng superstructure; at pangalawa, bilang sentro ng hegemonya ng dominanteng wika sa kalakalan, pulitika, relihiyon, at kaalaman mula sa global patungo sa lokal na antas, na nagtutunggali sa mga katutubong wika sa kalakalan, pulitika, relihiyon, at kaalaman.Ang taong 1896 ay magsisilbing kulminasyon ng kolonyal na paghahari ng Espanya sa Pilipinas at kasabay nito, ang simula ng kolonyalismong Amerikano. Sa panahong ito, muling hahamunin ng mga katutubong wika ang wikang Kastila hindi lamang sa simbolikong digmaan kundi pati na rin sa madudugong labanan sa pagitan ng mga pwersa ng rebolusyon at kontra-rebolusyon. Ang wikang Tagalog, sa kabila nito, ay ginamit ng mga Ilustradong rebolusyunaryo (bagaman bihasa rin sila sa wikang Kastila) bilang opisyal na wika ng rebolusyon. Ito ay nagbigay ng senyales ng hangaring otonomiya hindi lamang sa wika kundi pati na rin sa ekonomiya at politika. Mapapansin ito sa deklarasyon ng Artikulo VIII ng Biac-na-Bato.
Ngunit magbabago ang daloy ng tunggalian sa pagdating ng mga Amerikano. Ang ilang kaalyadong uri ng Rebolusyong 1896 ni Bonifacio, tulad ng mga principalia, cacique, at mga panginoong maylupa, ay kumampi sa bagong mananakop na Amerikano bilang bagong mga kolonyal na panginoon. Dahil dito, muling isinantabi ang katutubong Tagalog pabor sa wikang Ingles na mas moderno kumpara sa wikang Kastila. Kitang-kita ito sa pelikulang Heneral Luna (2015).
Sa panahon ng Kongreso ng Malolos (1898-1899), layon nitong hubugin ang sariling kapalaran ngunit nakita rin na dominante ang mga principalia, cacique, ilustrado, at ilang iba pang kasapi ng kolonyal na lipunang may kaugnayan sa Europa o bihasa sa wikang Kastila. Dito, itinatakda na opsyonal lamang ang paggamit ng wikang Tagalog sa anumang aspeto ng pamumuhay ng buong pamayanan, na nagresulta sa pagsasalin muli ng institusyonalisasyon ng wikang Kastila habang ang Tagalog ay naiwan sa likuran. Bagaman ganito ang nangyari, nanatiling pangunahing wika ng rebolusyonaryong kilusan at ng mga katutubong Indio, o mga itinuturing na mangmang na Pilipino ayon sa mga pinuno na ang politika ay nauugnay sa pakikipagsabwatan sa bagong kolonyal na kapangyarihan.
Sa kabuuan, problema pa rin ng mga Amerikano kung paano isasakatuparan ang kanilang proyektong kolonyal. Papalitan ng Ingles ang wikang Kastila bilang pangunahing wikang opisyal, habang ang Kastila ay magiging sekundarya, upang maisakatuparan ang misyon ng Amerika na gawing sibilisado ang bansa. Maiinstitusyunalisa ang Ingles sa pamamagitan ng edukasyon, na magiging mas epektibo kaysa sa ginawa ng mga Kastila, na ang layunin ay ganap na koloniyal na proyekto. Magmimistulang nakakahigit ang proyektong ito ng Amerika dahil sa kanilang demokratisadong pamamaraan at sa mas maluwag at abanteng mga tratado sa ekonomiya at sistemang politikal.
see PDF attachment for more information