Return to site

MANOLITO: TINIG NG NAKARAAN, SIGAW

PARA SA KINABUKASAN

ni: DR. MICHAEL R. BABAO

Isang binata ang nagngangalang Manolito. Labing-pito ang edad, ngunit tila ba mas matanda pa ang bigat ng kanyang loob kaysa sa kanyang mga balikat. Sa bawat araw na lumilipas, halos hindi na humihiwalay ang kanyang mga mata sa liwanag ng kanyang cellphone. Hindi siya mapakali kapag wala itong hawak. Lahat ng oras ay nakatuon sa panonood ng mga dayuhang vlogger, pakikinig sa K-pop, at pag-scroll sa mga content ng iba’t ibang banyagang artista.

Sa kanyang silid, wala kang makikitang anino ng pagka-Pilipino. Wala siyang pambansang watawat, ni larawan ng mga bayani o maski simpleng pamaypay na yari sa buri. Sa halip, puno ang kanyang dingding ng mga poster ng mga anime, Western bands, at fashion trends na hindi mo agad maiuugnay sa kanyang pinanggalingan. Maging ang paraan niya ng pananalita ay laging may halong banyagang salita. Halos hindi mo na maramdaman sa kanya ang wika ng sarili niyang bayan.

Hindi siya basta naging ganoon. Sa likod ng kanyang pagkababad sa banyagang kultura ay ang sugat ng isang malalim na alaala. Bata pa lamang siya nang mamatay ang kanyang ama, isang sundalo, sa isang misyon sa katimugang bahagi ng bansa. Mula noon, lumaki siyang walang ama, at bihirang makasama ang ina na kailangang magtrabaho sa malayo upang matustusan ang kanilang pangangailangan. Sa puso niya, may tanong na paulit-ulit: Bakit kailangan pang isakripisyo ang pamilya para sa tinatawag nilang bayan?

Kahit anong paliwanag ng kanyang Lola Sela ay hindi niya matanggap. Ang simpleng sagot nito na “Ginawa iyon ng tatay mo dahil mahal niya ang bayan” ay tila walang laman para sa kanya. Sa isip ni Manolito, walang saysay ang pagiging bayani kung kapalit naman nito ang isang pamilyang iniwan. Ayaw niyang marinig ang salitang "paglilingkod." Lalo na ang “pagkabayani.” Para sa kanya, ang mga iyon ay matatamis na salitang ginagamit lamang upang takpan ang sakit ng pagkawala.

Isang gabi, habang nasa kanyang kama, abala pa rin siya sa panonood ng mga video sa TikTok. Hindi niya namalayan na madaling araw na. Malalim na ang gabi, ngunit hindi pa rin siya makatulog. Sanay na ang kanyang katawan sa liwanag ng screen, sa tunog ng notification, at sa walang humpay na kaluskos ng mga kwento ng ibang tao.

Hindi rin niya napansin ang pagod sa kanyang mga mata, hanggang sa unti-unti siyang nakaramdam ng bigat sa katawan. Pumikit siya ng sandali, ngunit sa halip na makatulog nang payapa, parang may kakaibang nangyari.

Ramdam niya na lumulubog siya sa sarili niyang hinihigaan. Bumigat ang kanyang likod, parang hinihigop siya ng kama. Napahawak siya sa gilid ng kutson, ngunit wala siyang mahawakan.

Parang may bumuka sa ilalim niya, isang malalim at malamig na puwang, at sa isang iglap, nahulog siya sa isang madilim na kailaliman. Hindi siya makasigaw, hindi siya makagalaw. Para siyang nilalamon ng espasyong walang hanggan.

Walang liwanag, walang tunog, ngunit sa kalagitnaan ng katahimikan, nagsimulang lumitaw ang mga bagay na dati niyang tinatanggihan.

Pagdilat ng kanyang mga mata, agad na sinalubong si Manolito ng alikabok, putok ng baril, at sigawan ng mga taong tila nagkakagulo. Nagising siya hindi sa kanyang kama, kundi sa isang maputik at magubat na lugar. Nasa gitna siya ng isang kagubatan na puno ng sigawan, yabag, at hiyawan ng mga taong may dalang itak at sandata. Ang langit ay kulay abo. May usok sa paligid, at ang hangin ay amoy pulbura at pawis.

Hindi niya alam kung saan siya pupunta. Hindi niya alam kung sino ang kalaban, o kung sino ang kakampi. Napapaligiran siya ng mga taong nakasuot ng lumang kasuotan, may mga bandilang Pilipino sa noo, at ang iba nama’y may unipormeng hindi niya kailanman nakita. Ang ilan sa kanila ay may balat na maputi at may dalang kakaibang baril.

“Labanan ‘to! Bilisan n’yo!” sigaw ng isang matandang lalaking may pulang panyo sa leeg.

Sa gulat, napaupo si Manolito sa lupa. Hindi niya alam kung ano ang nangyayari. Ang tanging narinig niya ay ang sigawan, ang kalabog ng katawan sa lupa, at ang putok ng baril na tila malapit lang sa kanyang tenga.

Bigla siyang hinila ng isang babae. Marumi ang kasuotan nito, may balang nakasukbit sa katawan, at sa mga mata nito ay mababakas ang tapang. Isa itong sundalong Pilipino.

“Bakit ka nandito? Nakasuot ka ng pambihirang damit, at wala kang dala. Mamamatay ka kung magtatanga-tanga ka riyan!” sigaw ng babae habang hinahatak siya palayo.

Hindi makasagot si Manolito. Nanlalambot ang tuhod niya. Para siyang batang hindi alam ang ginagawa. Pabulong siyang nagtanong, “Anong… anong nangyayari?”

Tumitig ang babae sa kanya. “Nasa gitna ka ng giyera. Hindi mo ba alam? Nilulusob ng mga Amerikano ang mga pamayanan natin. At ngayon, sinisikap naming depensahan ang natitirang bayan.”

Hindi maintindihan ni Manolito ang takbo ng mga salita ng babae. Ang kanyang pananalita ay puno ng talinhaga. May mga salitang Tagalog na hindi niya madalas gamitin, mga salitang tila kinuha pa sa lumang panitikan. Ngunit hindi na niya iyon masyadong inintindi. Nanginginig ang kanyang katawan. Ang mas iniisip niya ay kung paano siya nakarating doon, at kung ligtas ba siyang makakaalis.

Sa di inaasahang pagkakataon, nagkasalubong ang mga sundalong Pilipino at Amerikano sa isang masikip na bangin. Muling sumiklab ang putukan, at napayakap si Manolito sa katawan ng babaeng sundalo na pilit siyang itinatago sa likod ng isang bato. Naramdaman niya ang paghinga nito, mabigat, ngunit matatag.

Maya-maya, huminto ang putukan. Nagpadala ng mensahe ang bawat panig. Magpapahinga muna sila dahil papalubog na ang araw. Ang tunay na labanan ay itutuloy kinabukasan.

Sa paglamig ng gabi, sinamahan ni Manolito ang mga sundalong Pilipino patungo sa kampo. May sugat ang ilan sa kanila, may putik sa katawan, at halatang pagod sa buong maghapon. Ngunit sa kabila ng lahat, masisilayan sa kanilang mga mukha ang kakaibang sigla.

Nagtatawanan sila habang sabay-sabay na nagsasalo sa nilagang saging at tinapa. Ang iba'y abalang nagkukuwento ng mga kaganapan sa labanan kanina. Parang hindi sila nanggaling sa putukan. Parang hindi nila kailanman ikinakatakot ang kamatayan.

“Ano ‘yung mukha ng Amerikano kanina nung nasabugan yung kanyon nila?” tanong ng isang sundalo habang humahagikhik.

“Napalundag sa ilog! Akala ko bibisitahin pa nila nanay ko!” sagot ng isa, sabay tawa.

“Tanghali pa lang, sigurado na akong panalo tayo ngayong araw,” wika ng isang matandang kawal habang pinupunasan ang duguang baril. “Ang mahalaga, walang nalagas sa atin ngayon.”

Naguguluhan si Manolito habang pinagmamasdan sila. Parang hindi niya maunawaan kung paanong sa kabila ng panganib, ng sugat, at ng takot, ay may ligaya pa rin. Hindi niya matanggap kung paano nagiging normal na bahagi ng buhay ang digmaan sa kanila. Ngunit may isang bagay ang malinaw: sa gabing iyon, masaya sila. Dahil kahit isang araw lang, sila ay nagtagumpay.

Maya-maya, may lumapit sa kanilang grupo. Taimtim ang lakad, maayos ang tindig, at sa murang edad ay may awtoridad sa bawat kilos.

“Sumama ka sa akin,” wika nito kay Manolito. “Pinapatawag ka sa kubol.”

Tahimik siyang sumunod. Dinala siya sa gitna ng kampo kung saan may isang maliit na toldang yari sa kahoy at yantok. Sa loob ay isang binatang maputi, may matalim na mata, at may balingkinitang katawan.

“Narito na po siya, Heneral Goyo,” sabi ng bantay.

Hindi makapaniwala si Manolito sa kanyang nakikita. Sa harap niya ay si Gregorio del Pilar, ang pinakabatang heneral sa kasaysayan ng Pilipinas. Hindi ito larawan sa libro. Hindi ito istatuwa. Isa itong buhay na tao, humihinga, at nakatitig sa kanya.

“Anong ngalan mo, binata?” tanong ni Goyo habang iniikot ang sulat sa kanyang kamay.

Saglit siyang natigilan. Gusto niyang sabihin ang totoo. Na siya'y mula sa hinaharap. Na siya'y hindi dapat naroroon. Ngunit alam niyang walang maniniwala. At baka matawag pa siyang espiya.

“Manolito po... Isang manunulat,” sagot niya, pinilit ang sarili na maging kalmado.

“Manunulat?”

“Opo. Galing po ako sa Laguna. Pauwi na sana ako ngunit... nanakawan po ako ng mga gamit at napadpad sa gubat. Hindi ko na alam kung saan ako pupunta, kaya napadpad po ako sa gitna ng labanan.”

Tila nag-isip si Goyo. “Marami kaming kakilala sa Laguna, ngunit hindi ko kilala ang mukha mo. Anong sinusulat mo?”

Nag-isip si Manolito. “Tula... kwento... tungkol sa ating lahi.”

Napatingin si Goyo sa kanya. “Kung gayon, ito ang tamang lugar para sa’yo. Dito mo maririnig ang tunay na mga kwento ng ating bayan. Dito mo mararamdaman kung paanong nabubuo ang kasaysayan, hindi lang sa salita, kundi sa dugo, paninindigan, at wika.”

Napayuko si Manolito. Wala siyang masabi. Hindi siya manunulat. Hindi siya makabayan. Pero sa gabing iyon, sa harap ng tunay na heneral, may kakaibang kirot siyang naramdaman. Parang may umuusbong sa kanyang loob na hindi niya pa kayang bigyang pangalan.

Pagkalabas ni Manolito sa kubol ni Heneral Goyo, sinalubong siya ng malamig na ihip ng hangin. Tahimik na ang kampo. Ang apoy sa gitna ay marahang sumasayaw sa dilim, at ang mga sundalo’y nagsimula nang magpahinga. Nakaupo sa isang gilid ang babaeng nagligtas sa kanya kanina. Nilapitan siya nito at ngumiti.

“Kumusta ka? Ayos ka lang ba?” tanong ng babae habang ibinibigay ang isang basong mainit na salabat.

Kinuha iyon ni Manolito at bahagyang tumango. “Maraming salamat kanina. Kung hindi dahil sa’yo… baka...” hindi na niya itinuloy. Lumingon siya sa paligid at marahang huminga.

“Walang anuman. Gabriela ang pangalan ko,” pakilala ng babae habang tinutok ang mga mata sa apoy. “Manolito,” sagot niya.

Saglit na katahimikan ang lumipad sa pagitan nila, hanggang sa muling magsalita si Gabriela.

“Paano ka napadpad dito? Mukha kang... hindi ka sanay sa ganitong laban.”

Gaya ng kanyang sagot sa heneral, muli niyang inulit ang kanyang kwento. “Manunulat ako... mula sa Laguna. Pauwi na sana, pero nanakawan ako ng mga gamit habang naglalakbay. Naligaw ako, hanggang sa mapunta ako sa gitna ng engkuwentro.”

Tumango si Gabriela, waring nauunawaan niya, kahit may bahid ng duda. Ngunit hindi na siya nagtanong pa. Sa halip, siya ang nagsimulang magbukas.

“Alam mo ba kung bakit ako nakikipaglaban?” tanong nito, habang pinagmamasdan ang dilim sa itaas.

Umiling si Manolito.

“Simple lang. Dahil mahal ko ang Pilipinas,” sagot niya, walang pag-aalinlangan. “Gusto ko siyang makita bilang isang bansang malaya. Wala sa ilalim ng dikta ng dayuhan. Hindi inalipin. Hindi tinatakasan. Ang laban na ‘to, hindi lang para sa akin. Kalooban din ito ng ama ko.”

Napatingin si Manolito sa kanya. Hindi niya inaasahan ang kasimplehan ng sagot, pero sa likod noon ay may bigat. Isang bigat na ngayon pa lang niya nauunawaan.

“Ang tatay mo...?” tanong niya.

“Namatay siya noong isa sa mga unang engkuwentro sa Bulacan. Sundalo rin. Pero hindi lang baril ang iniwan niya sa akin. Iniwan niya ang paninindigang dapat ipagpatuloy,” sagot ni Gabriela habang kinikiskis ang kamay sa kanyang armas.

Tahimik si Manolito. Tumitig siya sa lupa, saka marahang bumulong.

“Ang tatay ko rin... sundalo. Namatay din... para sa bayan.”

Hindi sumagot si Gabriela. Tumango lamang siya at muling tumingin sa apoy. Sa sandaling iyon, tila nagkasundo ang dalawa sa katahimikan. Walang sermon. Walang pilit na paliwanag.

Sa ilalim ng bituin ng gabing iyon, dalawang magkaibang mundo ang nagtagpo. Isang kabataang naligaw ng panahon at isang mandirigmang namumuhay sa panahong puno ng sigalot. Ngunit iisa ang hinahanap nilang kasagutan, ang kahulugan ng pagiging Pilipino, at ang halaga ng paninindigan para sa bayan.

Kinabukasan, maagang gumising ang buong kampo. Lahat ay abala sa pag-aayos ng mga gamit, armas, at suplay. Ihahatid si Heneral Goyo patungo sa bayan upang dumalo sa isang mahalagang pagpupulong ng mga heneral kasama ang mismong Pangulong Emilio Aguinaldo.

Kasama sa paglalakbay ang ilang piling kawal at siyempre, si Gabriela. Hindi rin pinigilan ng heneral si Manolito na sumama. Marahil ay nais niyang makita ng binata ang mas malawak pang larawan ng bayan.

Habang tinatahak nila ang mga bundok at burol, hindi maiwasang mamangha si Manolito. Sa unang pagkakataon, hindi siya nakatingin sa screen ng cellphone o computer. Nakatingin siya sa totoong paligid. Ang mga bundok ay kulay esmeralda, ang mga punong-kahoy ay humahaplos sa langit, at ang mga ibon ay umaawit ng musikang tila noon pa niya hindi pinansin.

“Nakakagulat, no?” bulong ni Gabriela sa tabi niya habang tinatanaw ang taniman ng palay sa paanan ng bundok.

Tumango si Manolito. “Parang ngayon ko lang nakita kung gaano kaganda ang Pilipinas,” mahina niyang sagot.

Pagdating nila sa bayan, sinalubong sila ng masiglang musika mula sa plaza. Parang pista ang paligid. Makikita ang makukulay na banderitas na nagsasayaw sa ihip ng hangin, mga batang tumatakbo habang may dalang saranggola, at mga ina na abalang nag-aalok ng kakanin sa mga dumadaan.

Sa gitna ng plaza ay may mga pagtatanghal: mga sayaw ng katutubong grupo, mga kantang isinulat sa sariling wika, at tula ng kabataan na isinisigaw ang kanilang pagmamahal sa Inang Bayan. Ang bawat kilos at tunog ay may saysay, may sigasig, may damdamin.

Ang mga sundalong sumama ay agad na sumama sa kasiyahan. Ang ilan ay sumayaw, ang iba ay tumulong sa mga kusinero. Wala kang makikitang tensyon. Sa araw na iyon, ang bayan ay tila nakalimot muna sa digmaan.

Habang si Heneral Goyo ay nasa loob ng isang magarang bahay na yari sa kahoy at bato sa itaas ng plaza, tahimik na nagpupulong kasama ang mga kapwa heneral at si Pangulong Aguinaldo, si Manolito naman ay nasa ibaba, pinagmamasdan ang lahat, kasabay si Gabriela.

“Minsan,” sabi ni Gabriela habang nakaalalay ang siko sa lamesang kawayan, “dito ko nararamdaman na may saysay ang lahat ng sakripisyo. Ang halakhak ng mga bata, ang sayaw ng matatanda, ang awit ng mga kababaihan, para sa kanila lahat tayo lumalaban.”

Hindi sumagot si Manolito. Sa halip, napangiti siya. Hindi niya inakalang mararamdaman niya ang ganito, isang kakaibang damdamin ng pagkakaugnay. Para bang sa unang pagkakataon, parte siya ng isang mas malaking larawan.

Sinulit nila ni Gabriela ang maghapon. Tumikim sila ng bibingka at suman, nakisali sa paligsahan ng patintero, at nakinig sa isang lalaking bumibigkas ng tula tungkol sa “wika ng kalayaan.”

Hanggang sa dumilim ang kalangitan, at ang bituin ay unti-unting sumilip. Tapos na ang pagpupulong. Bumaba na mula sa bahay si Heneral Goyo, bitbit ang bagong kautusan.

Tahimik at disiplinado, muling bumalik sa ayos ang mga kawal. Sa utos ng heneral, naghanda na sila sa pagbabalik sa kampo. Bitbit ang tuwa mula sa pista, ngunit dala rin ang alaala ng panibagong pakikibaka sa mga susunod na araw.

Habang tinatahak muli ang daan pauwi, hindi maiwasan ni Manolito na lingunin ang bayan. Sa kanyang mga mata, hindi na ito ang bayang dating tinatakasan niya. Isa na itong bayang may kulay, may sigla, at may puso.

Tahimik ang gabi. Tila ba nakikiramay ang kalangitan sa mga iniisip ni Manolito. Sa itaas, bilog ang buwan, maliwanag, maputi, at buong-buo. Ang liwanag nito'y banayad na humahaplos sa kampo habang ang malamig na hangin ay dumarampi sa kanilang balat.

Nasa labas siya ng tolda, nakaupo sa isang patag na bato, habang katabi si Gabriela. Wala silang masyadong sinasabi, tanging mga buntong-hininga at mumunting halakhak ang pumupuno sa pagitan nila. Ngunit sa puso ni Manolito, may bagyong unti-unting umiikot.

“Naiintindihan ko na,” bulong niya habang nakatingala sa buwan. “Ngayon ko lang talaga naiintindihan kung bakit kailangang ipaglaban ang kalayaan. Hindi lang ito tungkol sa giyera. Hindi lang ito tungkol sa mga sundalo at armas.”

Nagpatuloy siya, ang boses ay bahagyang nanginginig sa damdamin.

“Kung wala tayong kalayaan, paano natin mararamdaman ang pista na nakita natin kanina? Ang musika, ang pagkain, ang mga awit, ang mga tula, lahat ‘yon ay bunga ng pagiging malaya. Kaya pala mahalaga ang laban, dahil may mga sandali sa buhay na dapat nating maramdaman na tayo’y tunay na Pilipino, may sariling kulay, sariling tinig, at sariling galaw.”

Tumawa si Gabriela. Hindi pangungutya, kundi payak at masayang halakhak. Tinapik niya sa balikat si Manolito.

“Napakababaw naman pala ng dahilan mo,” biro niya.

Napangiti si Manolito. “O eh, anong mas malalim na dahilan para sa’yo?” tanong niyang may halong pagtataka.

Tumigil sa pagtawa si Gabriela. Tumingin ito sa langit, saka nagbuntung-hininga. Ang mga mata niya ay seryoso, puno ng bigat at paninindigan.

“Kailangan nating maging matapang at makamtan ang kalayaan,” mahinahon ngunit matatag ang kanyang tinig. “Dahil darating ang araw... mauubos ang mga tulad namin. Yung mga handang lumaban. Yung mga hindi natatakot mamatay para sa bayan.”

Napatingin si Manolito sa kanya, ngunit hindi pa tapos si Gabriela.

“Darating ang panahon na iilan na lang ang magkakaroon ng lakas ng loob para ipaglaban ang Pilipinas. Dadami ang mga pipiliin ang tahimik na pagkakait sa sarili, kaysa ang mag-ingay para sa tama. Darating ang araw... na ikahihiya na ng mga Pilipino na sila ay Pilipino. Isasantabi ang wika. Kakalimutan ang kasaysayan. At ang bandila, isa na lang palamuti.”

Napabuntong-hininga si Gabriela. “Kaya kami lumalaban. Hindi lang para sa kalayaang hindi pa namin natatamasa. Laban ito bilang kabayaran sa mga kasalanang gagawin ng mga Pilipino sa hinaharap. Kung saan hindi na uso ang bayan, at ang sariling wika ay itinuturing nang palatandaan ng pagiging ‘kulelat’.”

Ang bawat salita ay tila punyal na tumatama sa puso ni Manolito. Ang malamig na gabi ay bigla na lang uminit sa kanyang dibdib. Parang may pumunit sa kanyang kalamnan. At sa unang pagkakataon, naunawaan niya kung gaano kabigat ang sakripisyo ng kanyang ama. Ng kanyang mga ninuno. Ng mga taong dati’y pinagtatawanan niya sa librong pangkasaysayan.

Hindi niya na napigilan ang kanyang sarili.

Napaluhod siya sa harap ni Gabriela. Tumulo ang kanyang mga luha, hindi dahil sa takot, kundi sa matinding pagsisisi. Hinagkan niya ang lupa. Tinakpan ang kanyang mukha. Ang puso niya ay tila binuksan ng mga salitang matagal na niyang tinakasan.

“Patawad…” mahina niyang sambit, habang lumuluha. “Patawad sa pagtalikod. Patawad sa paglimot. Patawad sa pagiging manhid.”

Tahimik na lumuhod si Gabriela sa kanyang tabi. Marahan niya itong niyakap, pinisil ang balikat, at hinayaang ilabas ang lahat ng hinanakit. Wala siyang sinabing kahit ano. Hindi niya kinailangan ng salita. Ang yakap ay sapat. Ang yakap ay pag-unawa.

At sa gabing iyon, sa ilalim ng liwanag ng buwan, muling ipinanganak si Manolito — hindi na bilang batang alipin ng makabagong mundo, kundi isang binatang mulat sa halaga ng kanyang pinanggalingan.

Kinaumagahan, nagising si Manolito sa tunog ng mga tambol at sigaw ng mga sundalo. Abala ang lahat. Ang ilan ay naghahanda ng bala, ang iba nama'y naghuhukay ng pansamantalang trintsera. Ang heneral ay nagsusuri ng mapa habang ang mga kawal ay patuloy sa pagkakasa ng kanilang mga sandata.

Ito na ang huling pagkakataon para ipagtanggol ang kanilang teritoryo.

Nasa likuran si Manolito ng huling linya ng depensa. Hindi siya armado. Ang kanyang mga kamay ay nanginginig. Ang kanyang puso ay humahagibis sa dibdib. Ngunit sa kabila ng takot, may apoy sa kanyang mga mata, apoy na sinindihan ng pag-unawa, pagmumulat, at pananampalataya sa sariling bayan.

Mula sa kinatatayuan, naririnig niya ang una at pangalawang bugso ng putukan. Ang lupa ay tila umuuga sa lakas ng pagsabog ng kanyon ng mga Amerikano. Ang hangin ay mabigat sa amoy ng pulbura at dugo.

Habang tumatagal, unti-unti nang humahakbang papalapit ang kalaban. Mula sa malayo, kitang-kita ang agwat: makabago at matitibay ang sandata ng mga Amerikano, de-kalibreng riple, unipormeng bakal, at walang tigil na kanyon. Samantalang ang mga Pilipino ay may kakaunting bala, lumang baril, at ang iba ay may itak lamang na hawak. Ngunit sa kabila nito, hindi sila umatras.

Mula sa likod, nasaksihan ni Manolito kung paanong isa-isang bumabagsak ang mga Pilipino. Mga kabataang mukhang hindi pa nakakakita ng sarili nilang bayan sa kapayapaan. Mga matatandang sundalong ilang dekadang naglingkod. Mga babaeng tulad ni Gabriela, nasa unahan, walang pag-aalinlangang lumalaban.

Habang pinapanood niya ang bawat sundalong bumabagsak, unti-unting gumuguhit sa kanyang isip ang tanong: Hanggang kailan siya manonood?

Ang kanyang mga kamay ay hindi nakakapit sa sandata, ngunit ramdam niya ang bigat ng laban. Ang kanyang mga paa'y tila may sariling isip. Hindi na niya kayang tumayo lang. Hindi na siya maaaring manatili sa likod at magdasal lamang. Sa oras na iyon, alam niya: hindi sapat ang dasal kung hindi ito sasabayan ng gawa.

At sa isang iglap, tumakbo siya, patungo sa gitna ng digmaan.

“Manolito!” sigaw ng isang sundalo mula sa likod, pero hindi na niya ito narinig.

Habang nagliliparan ang bala, isa-isa niyang binuhat ang mga sugatan mula sa unahang linya. Ang ilan ay may tama sa braso, ang iba sa binti. Ang ilan ay halos mawalan na ng malay. Hindi siya tumigil. Hindi siya natakot. Ang mga sundalong nakakakita sa kanyang ginawa ay biglang nabuhayan ng loob.

“Para sa bayan!” sigaw ng isa habang pinoprotektahan si Manolito mula sa parating na bala.

Nakita iyon ng iba. At sa isang iglap, tila nabuhay muli ang apoy sa kanilang mga dibdib. Maging ang mga sugatang sundalo na kanina’y halos mawalan ng ulirat, ay pilit pa ring gumagapang para muling sumali sa depensa. Ang ilan sa kanila ay muling humawak ng baril. Ang ilan ay sumisigaw ng panata. Tila may anting-anting sila ng katatagan.

Ang mga Amerikano, sa kabila ng lakas ng armas, ay unti-unting nakaramdam ng takot. Hindi sa dami ng kalaban, kundi sa tapang na hindi nila maunawaan. Parang ang bawat Pilipino ay hindi takot sa kamatayan. Parang ang bawat sugat ay lalong nagpapalakas sa loob.

Nang makabalik si Manolito sa linya ng mga sugatan, duguan ang kanyang braso, pagod na pagod ang katawan, ngunit matatag ang puso. Sa di kalayuan, nakita niya si Gabriela, sugatan man ay nakatayo pa rin, nakatingin sa kanya. Tumango ito, saglit ngunit puno ng kahulugan.

Walang salitang nasambit. Ngunit pareho nilang alam: si Manolito ay hindi na ang binatang ikinahihiya ang pagiging Pilipino. Siya ay naging saksi, naging kasapi, at naging buhay na patunay ng paninindigan.

Tumitindi na ang putukan, ngunit sa di kalayuan ay tila humihina ang hiyaw ng mga dayuhan. Unti-unti nang umatras ang mga sundalong Amerikano, bitbit ang sugatang mga kasama, at bitin sa bala. Ang huling bigwas ng hukbong Pilipino, pinalakas ng walang takot na pagkilos ni Manolito, ay tila naging panggising sa mga kalaban, panggising na ang bayan na kanilang nilalait ay may pusong hindi kayang supilin.

“Umaatras na sila!” sigaw ng isang sundalo. “Tagumpay!”

Biglang sumiklab ang hiyawan sa linya ng mga Pilipino. Ang mga sugatan ay pilit pa ring nakatayo, ang iba'y niyayakap ang mga kakamping buhay pa. Ang mga sundalo'y tumatawa, umiiyak, at umaawit ng mga himig ng tagumpay. Sa gitna ng lahat ng ito ay si Manolito, pawis, dugo, at putik ang bumalot sa kanyang katawan.

Ngunit sa gitna ng pagdiriwang, isang matinis na putok ang pumunit sa hangin. Isa lang. Walang kasunod. Pak!

Mabilis ang lahat. Isang ligaw na bala, isang huling putok mula sa kalabang umatras, ang dumaplis sa dibdib ni Manolito. Bahagyang napaatras ang kanyang katawan. Nanghina ang tuhod. Ngunit hindi siya bumagsak.

Itinaas niya ang kanyang kamay, at sa gitna ng sigawan at tagumpay, sumigaw siya sa buong lakas ng kanyang tinig: “Laban!!!”

Ang kanyang tinig ay umalingawngaw sa buong palibot. Tumigil ang lahat. Ang kanyang sigaw ay tila kidlat na tumama sa puso ng mga kawal. Parang nabaliw ang paligid, nagsigawan ang mga Pilipino, sumugod nang mas mariin, at piniling tapusin ang huling alon ng digmaan.

At sa huling sandali ng sagupaan, tuluyan nang umatras ang hukbong Amerikano. Naitala na: panalo ang mga Pilipino.

Habang ang tagumpay ay ipinagdiriwang, nakita ng mga sundalo ang pagbagsak ni Manolito. Sa gitna ng lupaing dinaanan ng bala at dugo, bumagsak ang kanyang katawan. Ngunit sa kanyang mga labi ay nakalapat pa rin ang isang ngiti, ngiting may pagkapanatag, ngiting punô ng pag-unawa, ngiting hindi na dayuhan sa sariling bayan. “Manolito!!!”

Isang tinig ang tumawag. Si Gabriela, humahangos, halos hindi makahinga, agad na lumuhod sa tabi niya.

“Manolito, huwag mong isara ang mata mo! Naririto ako!” sigaw niya habang niyayakap ang duguang katawan ng binata.

Nanlalabo na ang paningin ni Manolito. Sa likod ng kumukupas na liwanag ay nakita niya ang mukha ni Gabriela, basang-basa ng luha at putik, ngunit tila pinakamagandang larawang nakita niya sa buong buhay. “Gab…riela…” mahina niyang sambit.

Ngunit bago pa siya muling makapagsalita, dahan-dahan nang bumigay ang kanyang katawan. Dumilim ang paligid. Ang huling narinig niya ay ang malalim na tinig ni Gabriela, paulit-ulit siyang tinatawag, sinisigaw ang kanyang ngalan habang yakap siya nang mahigpit.

“Manolito!!! Manolito!!!” At pagkatapos, katahimikan.

Pagmulat ng kanyang mga mata, agad niyang narinig ang isang pamilyar na sigaw.

“Manolito! Tanghali ka na! May klase ka pa!”

Napaupo siya sa kama. Basang-basa ng pawis ang kanyang likod, at ang puso niya’y parang binayo ng isang dambuhalang tambol. Nanghihina ang katawan, pero gising na gising ang kanyang diwa. Humihingal siya, at ang kanyang mga kamay ay nanlalamig.

Wala na ang kampo. Wala na ang sigaw ng digmaan. Wala na si Gabriela.

Panaginip lang pala ang lahat.

Ngunit sa kaloob-looban niya, hindi iyon basta-basta panaginip. Dahil bawat eksena, bawat salita, bawat dugong tumilamsik sa lupa ay damang-dama pa rin niya. Para bang nangyari talaga. Para bang siya ay hinugot ng kasaysayan, isinama sa isang panahong pilit niyang tinatalikuran, upang gisingin siya sa isang katotohanang matagal na niyang nalimutan.

Luminga siya. Tahimik ang silid. Hanggang sa bumukas ang pinto, at pumasok ang kanyang ina.

“Manolito! Ano ba, mag-aalas otso na! Nandiyan si Lola Sela sa kusina, magagalit 'yon pag nakita kang hindi pa bumababa.”

Napatingin si Manolito sa ina niya. Isang liwanag ang gumuhit sa kanyang isipan. Ang sundalong si Gabriela sa kanyang panaginip, matapang, maalaga, at mapagmalasakit, ay walang iba kundi ang anyo ng kanyang ina sa tunay na buhay.

Lumapit siya at niyakap ito nang mahigpit.

“Mahal na mahal kita, Inay. Kayo ni Itay. Salamat sa lahat.”

Napakunot ang noo ng ina, pero ngumiti. “Naku, anong drama 'yan? Gutom lang ‘yan. Mahal ka rin palagi ni Inay, at sigurado akong gano’n din ang Itay mo.”

Bago pa makalabas ang ina sa silid, isang boses mula sa ibaba ang narinig ni Manolito.

“’To na ang batang mahilig sa cellphone pero ayaw sa kasaysayan!” Si Lola Sela.

Bumaba siya at nadatnan ang matandang babae sa hapag, nakaupo, may hawak na rosaryo sa kaliwang kamay, at may kape sa kanan. Kahit maiksi na ang buhok nito at kita ang pilak sa buhok, ang mga mata ni Lola Sela ay tila may lalim ng daan-daang taon.

“Ano, apo? Napanaginipan mo na ba kung gaano kahalaga ang kalayaan?” pabirong sabi nito, pero tila may kakaibang ngiti sa kanyang labi.

Napatingin si Manolito. Tila hindi siya makapaniwala. “Paano n’yo—”

“Basta. Madalas akong managinip rin, nu’ng bata ako. Minsan, mga panaginip na galing sa mga kwento ng lolo mo.” Hinigop nito ang kape. “May mga panaginip na hindi guni-guni lang. Minsan, paalala. Minsan, mensahe.”

Hindi na nagsalita si Manolito. Tumabi siya sa kanyang lola, saka tumingin sa lumang larawang nakasabit sa dingding, litrato ng kanyang amang sundalo, nakasuot ng uniporme, nakangiti.

At doon niya tuluyang naunawaan ang lahat.

Ang panaginip ay hindi lamang tungkol sa digmaan. Ito’y paglalakbay tungo sa kanyang sariling pagkatao, isang paalala na ang kalayaang tinatamasa niya ay bunga ng dugo, pawis, at luha ng kanyang mga ninuno. Ang kanyang ama. Si Gabriela. Si Lola Sela. Ang kanyang ina.

At mula sa araw na iyon, si Manolito ay hindi na ang binatang ikinahihiya ang pagka-Pilipino.

Siya na ngayon ang binatang may layunin, mulat ang isipan, gising ang puso, at handang ipagpatuloy ang laban. Hindi bilang sundalo, kundi bilang Pilipinong hindi na muling tatalikod sa kasaysayan.