Return to site

MAGING PANAUHING PANDANGAL DIN KAYA AKO?

ni: MARIA CECILIA H. MENDOZA

· Volume V Issue I

Papalapit na naman ang Hulyo, abalang-abala na naman ang bawat paaralan para sa napakahalagang araw ng pagtatapos ng mga mag-aaral. Ngunit siyempre hindi mawawala ang pag-iisip ng iimbitahang panauhing pandangal na mula sa hanay ng alumni.

Ano nga ba ang batayan ng pagpili ng panauhing pandangal? Sino ng aba ang kwalipikado para rito? Ang mga guest speaker ay mga mag-aaral na naging mahusay at nagbigay karangalan sa paaralan ng panahong sila’y nag-aaral.

Kung ganito ang magiging basehan sa pagpili ay ekis na ang pangalan ko at malabo akong makuha ng aking Alma Mater.

Ayaw kong maging malungkot ang buhay dahil sa pangyayaring ito, at kung sakaling maging guest speaker ako ito ang nais kong iparating sa lahat ng magsisipagtapos.

Kung sakaling maging guest speaker ako, kailangang kong ihanay ang mga naging accomplishment ko. Syempre sasabihin ko na nakapagtapos ako ng pagkaguro sa isang kilalang Unibersidad sa Batangas. Ano pa ang pwede kong sabihin, alam ko na, naging Ulongguro II ako sa paaralan na aking pinagtuturuan. Nagampanan ko ng maayos ang responsibilidad ko bilang guro at naging inspirasyon ako ng aking kasamahang guro sa larangan ng hanapbuhay. Naku sayang, dapat pala naging Outstanding Teacher ako para may maidagdag ako sa aking accomplishment. Gayunpaman kahit ganito, ang mahalaga naging happy ako sa accomplishment ko bilang guro.

Balik tayo kung sakaling maimbitahan akong maging panauhing pandangal, kailangan kong mabigyan sila ng inspirasyon at motibasyon ang lahat ng magsisipagtapos upang magsumikap sila para makamtan ang minimithi nilang tagumpay sa kabila ng mga balakid at hamon sa kanilang paglalakbay mula sa madawag na daan patungo sa patag at malinis na daan.

Sa lahat po ng mga magsisipagtapos, pasalamatan ninyo ang inyong mga magulang na patuloy na sumusuporta sa pag-aaral ninyo. Pasalamatan din ninyo ang inyong mga guro na nagturo at gumabay sa inyo upang matapos ang pag-aaral.

Mga magsisipagtapos, ipagpatuloy ninyo na matupad ang inyong pangarap sa buhay. Hindi hadlang ang kahirapan sa pagkamit ng magandang kapalaran at pagkakaroon ng maayos na buhay.

Kahit mahirap ang buhay, nagpapasalamat ako sa aking mga magulang na sumuporta sa akin upang makatapos ang aking pag-aaral. Sa aking mga mahal sa buhay na naging inspirasyon ko sa araw-araw upang lalo kong pagbutihin ang aking trabaho. Pagpapasalamat rin ang ipinaaabot ko sa aking mga naging guro sa panahon ng aking pag-aaral. Kayo po ang naging inspirasyon ko kaya naging guro ako. Naku, mahaba na yata, baka mainip na ang mga magsisipagtapos.

At sa lahat po na magsisipagtapos, magpasalamat kayo sa Poong Maykapal sa patuloy na paggabay at hilingin ninyo na matupad ang pinapangarap sa buhay.

Pero teka, ang lahat ng mensaheng ito ay maaaring hindi ko maiparating sa mga magsisipagtapos sapagkat hindi naman talaga ako makukuha bilang panauhing pandangal. Subalit ang lahat ng ito ay hindi kailanman maiisangtabi na lamang sapagkat maaari kong maibahagi ito sa aking mga mag-aaral sa oras ng aking klase upang maging inspirasyon nila upang ipagpatuloy ang pakikibaka sa hamon ng buhay.

Hindi man ako makuhang panauhing pandangal, alam ko sa sarili ko na malaki ang naiambag ko bilang guro sa lahat ng aking mga naging mag-aaral.