Return to site

MAGBAGO MAN ANG PANAHON

ni: CHRISTIAN L. CHUA

Sa harap ng pagbabago’t pagpalit kulay

Naroon ako sa gitna’t tuong nakatunghay

Sa pag-inog yaring Panahon at ng buhay

Naroon ako, umaasa at naghihintay.

Sa panimula, kinatha ang langit, lupa.

Sumunod ang dagat, mga hayop, mga halaman

Ngunit sa lahat ng nabuo sa santinakpan

Tao ang siyang sa mundo ay nangibabaw.

Sa gitna ng tumatakbong kasaysayan

Sa pagitan ng mga digmaa’t karahasan

Nariyan tayo na siyang mga nilalang

Ng Panginoong Diyos, dakila’t mahusay.

Magbago man ang panahon, naroon ang tao

Magbago man ang panahon, tayo’y nakatayo

Ngunit sa huli, ano ang lugar sa mundo

Ng payak na mga nilalang, nating tao?

...Bilang mga diyos at ng ating sarili?

...Bilang liwanag at pag-asa ng kapwa?

...Para dumaan lamang at tayo ay maparam?

...Para ganda ng buhay, sa iba’y ipakita?

Magbago man ang panahon, ating unawain

Ating buhay ay higit pa sa pansarili

Bagkus, ito ay para sa ating likhain

Isang ugnayan sa kapwa, mga mahal natin.

Tayo’y maninindigan, sumulong sa buhay

Sapagka’t panahon nati’y magbago man,

Kung ikaw at ako’y sadyang magkakapatiran,

Ang maliwanag na bukas, ating mababanaag.