Sa barangay Halimuyak, makikita ang iba’t-ibang kulay ng paru-paro. Mayroong dilaw, pula, berde, puti, at marami pang iba. Sa lahat, naiiba ang asul na paru-paro na si Ahli. Kadalasan ay kinaiinggitan siya ng karamihan sapagkat kayang-kaya niyang pagandahin at punuin ang isang lugar ng mga bulaklak. Sa katunayan, ang lugar na kaniyang napapaganda ay paboritong puntahan ng mga tao lalo na noong kasagsagan ng pandemya. Nawawala ang pag-aalala ng karamihan dahil pagpapadami niya ng magagandang bulaklak. Tuwang-tuwa ang kanilang Reynang Paru-paro.
“Ako ay natutuwa sa mga naririnig ko sa mga tao. Nalalapit na rin ang pinaghahandaan nilang Flores de Mayo. Isasabay ko sa pagdiriwang ng mga tao ang isasagawa kong paligsahan sa paramihan ng bulaklak. Bibigyan ko kayo ng kaniya-kaniyang lugar. Ang pinakamaraming bulaklak na maibibigay sa mga tao ay siyang panalo,” ang sabi ng Reyna.
“Naku! Sigurado namang ako ang mananalo sa paligsahang iyan. Napakasipag at magaling kaya ako sa pagpapaganda ng lugar, ang sabi ni Ahli sa kaniyang mga kasamang paru-paro.
“Oo nga napakagaling mo sa ganyan Ahli pero susubok rin kaming sumali”, ang sabi naman ng dilaw na paru-paro.
“Kami rin ay sasali rin”, dugtong naman ng pulang paru-paro.
At ganun rin ang sinabi ng iba pang kasamahan niyang paru-paro.
Walang sinayang na oras si Ahli, kinaumagahan nagsimula na siya sa kaniyang pagpaparami ng bulaklak. Nangangalahati na siya ng dumating ang mga sosyal niyang kaibigang sina Zofie at Zofia. Sila naman ay ang kambal na may iba’t-ibang kulay sa kanilang katawan. Nakatira sa siyudad at binisita ang kanilang kaibigang si Ahli.
“Ahli sumama ka na muna sa amin sa siyudad, mayroon tayong dadaluhang kasal. Napakaganda ng kanilang mga bulaklak roon at hindi mo na kailangang magpagod pa”, ang yaya ni Zofie.
“Oo nga naman kaibigan namin, makikita mo napakaganda roon. Pansamantala mo munang itigil ang iyong ginagawa”, ang dugtong naman ni Zofia.
“Sige sasama ako sainyo aking mga kaibigan. Sigurado naman akong matatapos ko ito bago dumating ang araw ng paligsahan”, ang sagot naman ni Ahli.
Dumalo nga ang magkakaibigan sa isang kasal. Masaya silang naglibot-libot sa napakaraming bulaklak sa lugar na pinagdausan. Nagtataka si Ahli kung bakit walang halimuyak ang mga bulaklak.
“Zofie at Zofia, napakaganda nga rito ngunit bakit walang bango ang mga bulaklak ninyo rito?’’ ang tanong ni Ahli.
“Naku Ahli! Masanay ka na. Iyan ay hindi totoong mga bulaklak. Hindi kami napapagod magpadami ng bulaklak dito”, ang sagot ni Zofie.
“Hindi ko na pala kailangang magpakapagod. May magagamit naman palang mga bulaklak ang mga tao”, ang sabi niya sa kaniyang sarili.
Nalibang si Ahli at masayang nagpaikot-ikot. Halos makalimutan na niyang mayroong paligsahan sa kanilang barangay at alam niyang inaasahang siya ang mga pinakamaganda at pinakamadaming bulaklak na maibibigay. Ilang araw siyang namalagi sa siyudad.
At sa kaniyang pag-uwi sa kanilang barangay, naamoy niya agad ang mababangong halimuyak ng mga bulaklak na naparami ng iba niyang kasamahang paru-paro. Ibang saya ang kaniyang naramdaman sa kaniyang naamoy. Ngunit naalala niya ang lugar na kaniya sanang pinapaganda. Halos wala ito sa ayos at kakaunti pa lamang pala ang naparami niyang mga bulaklak. Mabuti na lamang ay naisipan niyang magdala ng mga plastik na bulaklak. Minadali niyang ilagay ang mga ito at gumanda ang lugar na ibinigay sa kaniya ng Reyna.
Dumating ang araw ng paligsahan, Masayang nanguha ang mga tao ng mga bulaklak na gagamitin nila sa kanilang Flores De Mayo. Sa lugar ni Ahli halos kalahati lamang ng kaniyang bulaklak ang naubos. Nagtaka ang Reyna kung bakit ang kalahati ng bulaklak na naparami ni Ahli ay walang kumukuha. Nilapitan niya ito at inamoy.
“Ahli, maaari mo bang ipaliwanag ang nangyari sa hawak mong lugar? Dati rati ay maganda ang naririnig ko sa mga tao”, ang tanong ng Reyna.
“Mahal na Reyna, nahihiya po akong aminin na ako ay nasilaw sa mga pekeng bulaklak sa siyudad. Naisip ko na hindi ko na kinakailangan pang magpakapagod para magbigay ng maraming bulaklak sa mga tao. Ipagpatawad po ninyo ang aking ginawa. Tatanggapin ko po ang parusang ibibigay ninyo sa akin”, ang malungkot na sagot ni Ahli.
“Dahil diyan Ahli, ikaw ay hindi na kasali sa paligsahan ng ating barangay. Sana ay magbigay saiyo ito ng aral. Mas maganda ang mga bagay na pinaghirapan at mas masaya na marami kang napapasaya dahil sa taglay mong galing sa pagpapaganda ng isang lugar. Hindi mo kailangang gumamit ng mga hindi totoong bagay”, ang sabi ng Reyna.
“Opo Mahal na Reyna. Hindi na po mauulit. Hayaan po ninyo at ipagpapatuloy ko ang aking kasipagan sa pagpapaganda ng isang lugar gamit lamang ang aking kagalingan at hindi gagamit ng mga pekeng bagay,” ang pagsisising sagot naman ni Ahli.
Masaya niyang binati ang mga nanalo sa paligsahan at sabay na rin niyang pinanood ang Flores de Mayo ng mga tao gamit ang pinaraming mga bulaklak ng kaniyang mga kasamahan. Simula noon, lalo pang ginalingan ni Ahli sa pagpapaganda ng mga lugar sa pamamagitan ng pagpaparami niya ng halaman at mga bulaklak. Nakadagdag ito upang mas lalong sumaya ang mga tao sa kabila ng mga problemang kanilang kinakaharap. Kung kaya mas lalo siyang naging masaya sa kaniyang mga ginagawa.