Sa isang masikip na eskinita sa Brgy. Bayog, kung saan halos magdikit ang mga dingding ng mga bahay, nakatira si Ana kasama ang kanyang ina na si Aling Digna.
Si Aling Digna ay isang labandera; araw-araw ay pagod na pagod siyang nagtitiis na malabhan ang mga damit ng iba upang may maipagkasya sa kanilang hapag-kainan.
Pumanaw ang ama ni Ana bago pa man siya maipanganak, kaya’t sa walong-taon, tanging silang mag-ina na lamang ang naging sandigan nila sa hirap at saya.
Tuwing hapon, paglabas ng klase, ang paboritong tambayan nina Ana at ng kanyang mga kaibigang sina Benjo at Tanya ay ang tindahan ni Aling Nenita.
Doon, mabibili ang mga paborito nilang kendi na iba't iba ang kulay—mga matamis na bilog na kulay pula, dilaw, berde at asul na tila kumikinang sa paningin ni Ana.
Madalas siyang anyayahan nina Benjo at Tanya na makihati o bumili kasama nila, ngunit palaging mapapabuntong-hininga si Ana at sasabihing, "Mauna na kayo, wala pa akong baon ngayon."
Isang araw, hindi na napigilan ni Ana ang kanyang kuryosidad.
Ang kulay ng mga kendi ay tila ba umaakit sa kanya.
Paulit-ulit niya itong naiisip…
Kaya’t habang naghahanda si Aling Digna para sa trabaho kina Gng. Reyes ng araw na iyon ng Linggo, nakakita si Ana ng pagkakataon…
“Ang pitaka ni inay…” naibulong niya habang titig na titig sa lumang pitakang yari sa tela na nakalapag sa papag.
Dahan-dahan siyang lumapit sa papag.
Nanginginig ang kanyang mga kamay.
Tila ba may dumadagundong na tambol sa kanyang dibdib…pakiramdam ni Ana ay biglang napakabanas, mainit ang pakiramdam ng kanyang mukha ngunit bakit parang giniginaw naman ang kanyang maliliit na mga kamay.
Habang papalapit siya ng papalapit,luminga-linga siya, ng mapagtantong hindi siya napapansin ni Aling Digna ay mabilis na dinukot ang isang limang-pisong barya sa lumang telang pitaka, at walang lingon-likod na tumakbo siya palayo.
Habang tumatakbo siya patungo sa tindahan ni Aling Nenita, parang tumatambol parin ang tibok ng kanyang dibdib, marahil ay dahil sa takot na mahuli, ngunit nananaig ang kagustuhan niyang matikman ang pinakaaasam na makukulay na kendi.
Pagdating niya roon, naabutan niya sina Benjo at Tanya na punong-puno ng kendi ang mga bibig, at masayang ngumunguya.
Nalalanghap nya ang amoy ng iba’t bang kulay na kendi sa kanilang bibig kapag bumubuka ito at hinihimok siyang bumili na.
“Ana, napakalinamnam ng kendi na kulay pula at berde...” wika ni Tanya na ngiting-ngiti.
“Hindi! mas masarap ang dilaw, masim-asim na parang lemon..” saad naman ni Benjo na ipinakita pa ang loob ng kanyang bibig kay Ana.
Napapalunok si Ana sa takam na nararamdaman.
Ngunit bago pa man makapagsalita, narinig ni Ana ang boses na nagpatigil saglit sa kanyang paghinga.
"Magandang umaga ho, Aling Nenita..." wika ng tinig mula sa kanyang likuran…
Si Aling Digna.
Sa matinding takot, dali-daling nagkubli si Ana sa likod ng isang mataas na tambak ng mga lumang karton sa tabi ng tindahan. Agad namang nakitago sina Tanya at Benjo sa tabi ni Ana ng hndi natatalos kung bakit.
Mula sa kanyang pinagtataguan, kitang kita niya ang kanyang ina.
“Ana, bakit tayo biglang nagtago kay Aling Digna?” pabulong na tanong ni Tanya na napapakamot sa kanyang ulo.
“..sssshhhh…baka naglalaro sila ng tagu-taguan…” wala sa sariling naisagot ni Benjo habang pinipili sa mga kamay ang susunod na kendi na kanyang isusubo.
Napasulyap si Ana sa gawi ng kinatatayuan ng kanyang ina.
Pinagmasdan niya ang luma ngunit malinis na daster ni Aling Digna, may ilang tagpi na ito sa bandang manggas at tagiliran.
Nakapusod ang hanggang balikat niyang buhok na may mangilan-ngllan naring puting hibla.
Nakayuko, nahihiya at pabulong na nakikiusap kay Aling Nenita.
“Muli ho sana akong makikiusap… kung maaari ho sana na mapaluwagan ninyo muna ako ng isang kilong bigas at isang latang sardinas, kukunin ko pa lang kina Gng. Reyes ang mga palalabhang mga damit, wala pa po akong sapat na pambayad sa ngayon..”
Bagamat matulungin naman ang matandang dalagang si Aling Nenita, hindi nito naiwasang magbitaw ng ilang masakit na salita tungkol sa utang bago iniabot ang mga hiniling.
“Naku Digna, kung di lamang nga dahil sa anak mo ay hindi na kita mapapaluwagan..” litanya ng matandang-dalagang tindera habang iniaabot ang mga paninda niyang ipinautang.
Nakaramdam ng kirot sa dibdib si Ana habang pinapanood at naririnig ang usapan ng dalawa, ang kanyang ina ay tahimik na tumango, kinuha ang mga dala, at naglakad na palayo.
Nang makaalis na si Aling Digna, lumabas si Ana sa kanyang pinagtataguan.
Tinitigan niya ang limang-pisong barya sa kanyang pawisang palad.
Mahigpit niya itong hinawakan, at sa mga matang may luha, sinabi niya sa sarili, "Isasauli ko ito kay Inay."
Hindi na niya pinansin sina Benjo at Tanya na sumisigaw at nagtatakang tinatawag siya habang nagmamadali siyang tumatakbo pauwi.
"Ana! Saan ka pupunta!? Akala ko ba bibili ka na ng kendi!?" sigaw ni Benjo na muntik ng mahulog ang isang berdeng kendi sa kanyang bibig.
“Bakit kaya siya biglang umalis?” napapaisip namang bulong ni Tanya.
“Baka siya na ang taya sa taguan…” banggit naman ni Benjo.
Pagdating ni Ana sa bahay, madilim-dilim na ngunit wala pa ang kanyang ina.
"Inay?.....”
“Inay?!" tawag niya nang dalawang beses, ngunit walang sumagot.
Nagsimula nang lumubog ang araw at lumamig ang simoy ng hangin.
Hanggang sa wakas, dumating si Aling Digna, hingal na hingal at pagod na pagod, bitbit and dalawang malaking sisidlan ng mga labahin nila Gng. Reyes, at ang isang pulang sisidlan kung saan nakalagay ang isang kilong bigas at isang lata ng sardinas.
Nadatnan ni Aling Digna si Ana na nakaupo sa pinakadulong sulok ng maliit nilang bahay, malapit sa may bintana at tahimik na nakatingin sa kalangitan at pinagmamasdan ang papalubog na araw.
Lumapit si Aling Digna at umupo sa tabi ng anak..
“Ana, bakit tila malungkot ka anak?” malambing na tanong nito.
Hindi mapakali ang pakiramdam ni Ana, ang kaninang buong-loob na desisyon ng pag-amin ay napalitan ngayon ng aga-agam at takot sa maaaring maramdaman ng ina kapag nalaman nito ang kanyang maling nagawa.
Kaya’t hindi siya nakapagsabi ng katotohanan.
“Patawad Inay, hindi ko po masabi ang aking pagkakamali….” paulit-ulit na sinasabi ng kanyang isipan.
Buntong-hininga ang naging sagot niya sa ina, sabay wika… “Marahil ay napagod lamang po ako sa paglalaro kanina..”
Nang gabing iyon, magkasalo silang kuman nang may katahimikan at badya ng hindi maipaliwanag na emosyon.
Sa tuwing magkakasalubong ang tingin nilang mag-ina ay agad umiiwas si Ana.
Sa bawat pagsubo ay naaalala niya ang tagpo ng pangungutang ng ina sa tindahan.
Labis na nasasaktan si Ana, sa kanyang munting isipan, nababatid na niya ang katotohanan ng kahirapan, at sa kabila ng kanilang sitwasyon ay nagawa pa niyang kumupit ng limang-pisong barya para sa makukulay na kendi.
May kung anong kirot ang nararamdaman ng kanyang puso.
“Napakalaking mali ng aking nagawa kay inay, ang kakaunti niyang kita sa paglalabada ay sumasapat na lamang sa pagkain at baon ko sa eskwela...pagkatapos…..nagawa ko pa iyon…” patuloy na naisip pa ni Ana habang kumakain ng tahimik.
Ang labis na pagtataka ni Aling Digna ay tila isang bulong na lamang sa kanyang puso.
Dulot na rin ng maghapong pagod sa paglalabada sa hndi lamang iisang tahanan mula pa nang umaga, nakatulugan na lamang ni Aling Digna ang pag-iisip.
Kinaumagahan, malungkot na naglakad si Ana patungo sa eskwelahan. Naiisip pa rin niya ang nagawa niyang kasalanan.
Pagdating sa kanilang silid-aralan agad niyang hinanap sina Benjo at Tanya upang ikwento ang kanyang mga nararamdaman.
Nang dumating siya sa silid-aralan, napansin niyang bakante ang dalawang upuan sa unahan.
Mukhang lumiban sa klase sina Tanya at Benjo.
Maya-maya pa.
“Ngayong araw ay hindi natin makakasama sa pagtalakay ng mga aralin sina Benjo at Tanya, parehong masakit ang kanilang mga ngipin.” pagbabalita ng kanilang guro bago pa man simulan ang kanilang klase.
Pinaalalahanan din ang lahat na umiwas sa pagkain ng mga kendi upang makaiwas sa matinding pananakit ng ngipin dulot ng sobrang pagkain ng mga matatamis.
May lungkot sa matang napangiti nang may pait si Ana at napahawak sa kanyang pisngi.
Lihim siyang nagpasalamat sa langit sa kabila ng pag-aalala sa mga kaibigan—dahil kung hindi dahil sa kanyang pagkakamali at sa aral na natutunan, baka siya rin ay isa sa mga ito na lumiban sa klase ngayon at umiiiyak dahil sa sakit ng ngipin.
Nang hapong iyon, pagkatapos na pagkatapos ng klase ay agad na umuwi si Ana. Humahangos siyang nakarating sa kanilang bahay.
Naratnan niya ang kanyang ina na naglalaba ng ilang mga damit, marahil ay mga tanggap na labahin na naman iyon.
Walang anu-ano ay niyakap ni Ana si Aling Digna mula sa likuran..
“Inay……” na tila malapit na mauwi sa mga hikbi ang pagbigkas.
Nagulat man ay napangti si Aling Digna sa inasal ng anak.
“Naku, ikaw na pala iyan Ana, kamusta ang klase anak…bakit tila nababagabag ka?...” may pag-aalalang sabi nito.
“Inay, nais ko pong humingi ng paumanhin sa ‘yo” sabi ni Ana habang patuloy sa pag-iyak.
“May nagawa po akong mali….” At lalong humigpit ang yakap sa kanyang ina.
Hinawakan ni Aling Digna ang mga munting braso ni Ana na nakayapos sa kanya, na nalagyan ng kaunting bula ng mga sabon.
“Maaari mong sabihin sa akin anak…upang maibsan na ang iyong nararamdamang lungkot.”
Saglit lumuwag ang yakap ni Ana sa ina.
Naramdaman ni Aling Digna ang mainit-init pang mga luha ni Ana na pumapatak sa kanyang batok at balikat.
“Kumuha po ako ……ng pera …..limang-pisong barya po,,,,,,,sa inyong pitaka, at hindi po ako humingi ……ng permiso sa inyo…” halos mautal na sabi ni Ana
Humarap si Aling Digna sa umiiyak pa ring si Ana. Ipinunas ang mga kamay na nababalot ng bula ng sabon sa bulaklaking daster.
“Ano naman ang binili mo sa perang iyong kinuha?” tanong ng ina habang hinahawakan ang mga bisig ni Ana nang may pang-unawa.
“Dapat po ay ibibili ko ng makukulay na kendi…..kagaya po ng mga binibili nila Tanya at Benjo” nakatungong pagpapaliwanag ni Ana.
“Ngunit inay…hindi po ako bumili….napagtanto ko po na, mali po ang aking ginawa….” May hikbi nitong wika habang patuloy na nagpapaliwanag.
Dahan-dahang kinuha ni Ana sa kanyang bulsa ang limang-pisong barya, mahigpit niya itong hinawakan, at unti-unting iniaabot sa kanyang ina.
“Narto po ang limang-pisong barya inay…ibinabalik ko na po sa inyo… sana po ay mapatawad po ninyo ako sa aking nagawa…” taos-pusong pahayag ni Ana.
“Nangangako po akong hinding-hindi ko na po ito uulitin” nakatungong wika ni Ana na para bang nagbabadya muli ang mga luha.
“At kung mamarapatin po ninyo ay tutulong na ako sa mga gawaing bahay, imbis po na makipaglaro kina Tanya at Benjo.” pakiusap pa rin niya habang pinipigil ang muling pag-iyak.
Nag-atubiling pinunasan ang mga luha ng anak.
“Ana, tunay na mali ang iyong ginawa, ngunit hindi ibig sabihin ay hindi kita mapapatawad anak…sapat na sa akin ang pagtanggap mo sa iyong pagkakamali…” marahang lumuhod si Aling Digna upang matingnan ng maiigi ang mukha ni Ana.
“Basta, huwag na huwag mong kalilimutan ang mga aral na parati kong sinasabi sa iyo.” muling paalala nito sa anak.
Tanging ang mga ngiti at tango ang naisagot ni Ana kay Aling Digna.
Nang gabing iyon, natulog na magkayakap ang mag-ina, kahit tanging gasera man ang nagsisilbing ilaw ng kanilang tahanan, ngunit patuloy itong mababalot ng init ng pagmamahalan.
Mahirap man ang buhay sa ngayon, pero mananatili ang mayamang binhi ng aral ng limang-pisong barya para sa kanila, lalo’t higit kay Ana.
see PDF attachment for more information