Return to site

LETRANG KAYAMANAN

ni: MARK AARON B. DEMAFELIX

I

Sa mga pulong nasa karagatan,

palibutan man ng ‘sang-katerbang katauhan

Himig ng wika’t kultura’y ‘di mapapantayan,

magkasabay na kumikintab ng alab sa’ting daluyan

 

II

Wikang Filipino, isang tila-perlas ng bansang sinilangan

Guhit at pinta ang kahulugan ng bawat kawikaan

Sagisag ng tagumpay mula sa mga pinunong nauna,

iniingatan ang tanging regalo na sa’ti’y ipinamana

 

III

Bawat letra’y maituturing na kayamanan

Kung wala ang isa, ay wala na rin ang kinabukasan

Wika ang nagdudugtong sa’tin sa naging nakasanayan,

lipasin man ay alam ng taong ito’y iniingatan

 

IV

Puso ng madla, wikang Filipino na nga ba?

Wala ng makakapagpalit pa sa’ting wikang sinauna

Nagsilbing kultura, bagamat sila’y iisa lamang

Sa bansang iba-iba ang katauhan, sentro ng salitaan ay wika lamang

 

V

Kahit paghiwalayin man ng iba’t-ibang wika,

maging ang etnisidad, kagustuhan o kahit pa paniniwala

Alab ng bawat puso’y sa wikang Filipino lamang nakataya,

tulay ng iba’t-ibang pagtawid ng mensahe sa bawat isa

 

VI

Paghiwalayan man, wika o kultura, ay hindi ito maaari

Sapagkat ang himig ng wika’t kultura katangi-tangi

Lahat ng kayamanan ng kultura’y iisa lamang ang sinasanhi,

wikang pinagpasa-pasahan ng iilang salinlahi

 

VII

Mula sa pananalita ng nakakarami,

yumayabong ang kultura sa puso ng nakararami

Hindi ka na titingin sa salamin at mag-aatubili

Kita mo naman sa simpleng salita, may pagbabagong nangyayari

 

VIII

Wika’t kultura’y parehong sumasalamin,

sa mga kaganapang sinubok ng ihip ng hangin

Gintong Pilipinas, gintong wika na ipinamalas

Asahang magsisilbing kayamanan sa darating pang mga bukas