Taong 1950
“Ate Celia! Hindi makakarating si Odong sa kantahan.” Hapong-hapo na wika ni Alicia habang tumatakbo papalapit sa akin. Iyon ang araw ng patimpalak sa kantahan sa aming baryo. Dahil sa namatay ang kalabaw na ginagamit ng aming Tatay sa pag-aararo ng bukid, napagpasyahan ko na sumali sa nasabing patimpalak nang sa ganoon ay makabili ulit kami ng bagong kalabaw. “Ano? Paano yan, kami ang susunod na tatawagin, kailangan pa naman natin ngayon ng pera”, nag-aalalang wika ko. Pagkatapos ng unang nagtanghal ay tinawag na ang numero namin ni Odong. Wala akong nagawa kundi ang umakyat ng entablado nang mag-isa. Nagsitinginan ang mga hurado, tila nagtatanong kung bakit ako lamang mag-isa. Hiyang-hiya ako nang mga oras na iyon, hanggang sa may isang lalaking umakyat ng entablado at nagpakilalang aking kapareha. Hindi ko man siya kilala ay pumayag na lamang ako sapagkat ang higit na nagingibabaw sa aking isipan ay ang makapagtanghal ako at manalo. Maganda ang boses niya, matipuno at higit sa lahat ay tila mabait. Sa awa ng diyos ay nanalo kami sa patimpalak. “Nanalo tayo!”, masayang wika ko. Bahagya naman siyang ngumiti at sinabing “Binabati kita,” sabay abot ng kanyang kamay sa akin. “Tayong dawala ang nanalo, paghahatian natin ang premyo”, wika ko habang hawak ang aming limang pisong premyo. “Narinig ko kanina na kailangan niyo ng pera para makabili ng bagong kalabaw,kaya sa iyo na lamang ang premyo. Ang nais ko lang ay malaman ang iyong pangalan”, wika ng estrangherong lalaki. “Celia, ako si Celia” sagot ko naman sa kanya. “Ako nga pala si Narsiso”. Nagtinginan kami ng aking kapatid na si Alicia na may kaunting ngiti sa aming labi. “Ikinagagalak kung makilala ka Narsiso”, wika ko habang nakatingin sa kanyang mapupungay na mga mata.
Mula ng araw na iyon, naging magkaibigan kami ni Narsing. Dumadalaw siya sa aming bahay, nagsisibak ng kahoy, nag-iigib ng tubig at kung minsan ay katulong ni Tatay sa bukid. Nahulog ang loob namin sa isa’t isa. Naging palagay naman ang loob nina Nanay at Tatay sa kanya. Mabait si Narsing kaya hindi na nakapagtataka na marami siyang kaibigan sa aming lugar kahit na siya ay dayo lamang galing Maynila. Kami ay nag-isang dibdib at namuhay nang masaya sa piling ng isa’t isa sa probinsiya.
Taong 1985
Nang namatay sina Nanay at Tatay, umalis si Alicia kasama ng kanyang nobyo papuntang Palawan upang bumuo na din ng kanilang pamilya. Naiwan kami ni Narsing sa bahay kung saan ako lumaki. Tuwing umaga ay nagpapakain siya ng manok at inaasikaso ang kanyang alagang baboy samantalang ako naman ay nagtitinda ng gulay sa talipapa. Isang masaya at simpleng buhay sa probinsiya ang aming nabuo. Araw ng sabado, nakahiga kami sa duyan ni Narsing sa labas ng aming kubo. “Kung tayo ay matanda na… sana’y di tayo magbago…” Napakaganda ng boseng ng aking asawa, ito ang aming pampalipas oras tuwing araw ng sabado, kinakantahan niya ako, ipinagluluto at walang katapusang tawanan. “Nagugutom ka na ba?” tanong ni Narsing sa akin,nakahiga ako sa kanyang braso habang nasa duyan. “Opo ITAY.” Napatingin siya sa akin.”ITAY?” Nakakunot ang kaniyang noo na may pagtataka. “Nagugutom na po KAMI, ITAY”. Maingat siyang bumaba ng duyan. “ITAY?” tanong niya ulit. “Mahal, tatlong linggo na akung hindi dinadatnan kaya nagpakonsulta ako sa center, buntis ako.” Hindi makapaniwala si Narsing. Napaluha ito at niyakap niya ako ng mahigpit. “Mas magsusumikap ako, dadamihan ko ang alaga kung baboy at manok para kapag nakapanganak ka na ay mabibilhan natin siya ng magagandang damit”. Iyon ang pinakamasayang araw ng buhay namin. Sa wakas ay magiging magulang na kami.
Makalipas ang tatlong buwan, isang masamang balita ang aming nakuha mula sa doktor sa bayan kung saan kami nagpapakonsulta. Walang makitang pulso ang batang nasa sinapupunan ko, ipinaalam din sa amin ng doktor na malabo na ulit akong mabuntis. Ang supling na inaasam namin ni Narsing ay isa na lamang malaking pangarap. Kitang-kita ko ang lungkot sa mata ni Narsing. Nang umuwi kami ng bahay ay agad siyang nagluto ng tinola upang makahigop ako ng mainit na sabaw. “Tayong dalawa na naman uli ngayon, ikaw at ako. Tuloy natin ang buhay, kaya natin ito Mahal. Aalagaan kita habang buhay. Mahal na mahal kita”, wika ni Narsing habang nakahawak sa aking mga kamay. Niyakap ko siya ng mahigpit, sa pagkakataong iyon, nawala ang kaba at naibsan ang lungkot na nadarama ng aking puso.
Lumipat kami sa Maynila, dala namin ang pangarap na maski papaano ay makaahon sa hirap. Nagtinda ako ng mga kakanin sa bangketa, si Narsing naman ay nangangalakal ng basura. Nakatira kami sa isang maliit na barong-barong sa gilid ng terminal ng dyip. Tuwing makakapagbenta si Narsing ng mga kalakal ay agad niya akong sinusundo sa aking pwesto upang sabay kaming umuwi. Dinadalhan niya ako palagi ng paborito kung balot at sampaguita na inilalagay ko sa aming altar. Tuwing umaga ay nagigising ako sa isang halik sa pisngi at yakap na mahigpit mula kay Narsing.
Taong 2025
Isang ordinaryong araw, gigising kami. Hahalik at yayakap si Narsing sa akin at aalis papunta sa pangangalakal. Ako naman ay magtitinda ng kakanin sa aking pwesto. Ngayon ay ang anibersaryo ng aming kasal. Espesyal ang araw na ito kaya sinabihan ko si Narsing na umuwi nang maaga dahil magluluto ako ng pansit. Naghintay ako ng matagal sa aking pwesto nang araw na iyon. Inabot ako ng alas saes ng gabi, ngunit walang Narsing na dumating. Naisip ko na baka naabutan siya ng malakas na ulan sa daan, kaya umuwi na lamang ako nang mag-isa. Alas-syete na ng gabi, nang may biglang kumatok sa tagpi-tagpi naming pinto. “Lola Celia…” Si Banjo, isa sa mga kasamahan ni Narsing sa pangangalakal. Hapong-hapo ito at humahangos. ”Si Lolo Narsing po, nasaksak”. Nang narinig ko iyon ay para akong binuhusan ng mainit na tubig. Dali-dali akong pumunta sa ospital. Hindi ko na alintana ang sakit ng aking mga tuhod dahil sa katandaan. Ang gusto ko lamang nang mga panahong iyon ay makita ang aking Narsing.
“Kayo po ba ang Asawa ni Lolo?” wika ng doktor. “Opo, ako nga po”, sagot ko sa kanya. “Lola, si Lolo po ay mahina na nang dumating sa ospital. May tatlo po siyang saksak sa tagiliran. Ayon po sa mga pulis ay nahold-up po si Lolo. Kaya nga lang daw po ay ayaw niyang ibigay ang pera kaya sinaksak siya ng mga hold-uper. Ito po ang huli niyang hawak nang natagpuan siya sa bangeka”. Ibinigay sa akin ang supot na may lamang balot at sampaguita. Nang mga panahong iyon ay wala na akong maintindihan sa sinasabi ng doktor. Ang gusto ko lang ay ang makita si Narsing. “ Lola, huwag po kayong mabibigla, wala na po si Lolo”. Gumuho ang aking mundo. Sa isang iglap ay nawala ang taong pinakamamahal ko at pinakamamahal ako. Ang aking kakampi sa buhay, ang dahilan kung bakit ako lumalaban. Nilapitan ko si Narsing, nakahiga siya sa kama habang nakatalukbong ng puting kumot ang kanyang mukha. Binuksan ko ito at nakita ko ang mukha ng aking Narsing. Bahagya itong nakadilat. “Ang ating pangako na ang pag-ibig ko’y laging sayo… kahit maputi na ang buhok ko…” Isang mahigpit na yakap at isang matamis na halik sa noo ang aking ipinabaon sa aking Narsing. Unti-unting pumikit ang kanyang mga mata doon ko napagtanto na wala na si Narsing.
Wala na ang mga halik at yakap tuwing umaga. Ako na lamang mag-isa ngayon, ako na lang ang kumakain sa lamesa. Mag-isa nalang akong umuuwi ng bahay. Gustong-gusto ko na siyang makita ulit, gusto kong ibalik sa kaniya ang pagmamahal na labis niyang ibinigay sa akin. Araw-araw akong nagungulila. Balang araw, alam ko magkakasama kami ulit ni Narsing. Balang araw mayayakap ko ulit siya, at magkikita muli kami, kung saan nagtatagpo ang langit at ang lupa.