Return to site

KULTURA AT WIKANG FILIPINO

ni: EMIL A. NOLASCO

Sa pag sulyap ng mata sa mundong ibabaw,

Ulinig ang mga katagang umaalingawngaw,

Sa pandinig ng musmos na nagpapalahaw,

Musikang matimyas sa langit na bughaw.

 

Wikang unang nadining sa piling ni Inay,

Tumiim sa puso at namumutawi ngang tunay,

Hanggang sa pagyabong at magkamalay,

Wikang Filipino ang aking taglay.

 

Ngunit ang tadhana ay sadyang mapaglaro,

Kalayaan ng bansa ay dagliang naglaho,

Mga banyagang mapaniil at tusong totoo,

Nais pang halinhan ang wikang taglay ko.

 

Ang lahing Pilipino ay hindi nagpadaig,

Sa mga mananakop ay nagkapit-bisig,

Sa mga Espanyol, Hapones at Amerikano,

Ipinaglaban ang bansa at ang wikang Filipino.

 

Ilang siglo ang lumipas at ang tagumpay ay nakamtan,

Wikang Filipino ay ipinagsisigawan,

Pinayabong ng karanasan at ng kasaysayan,

Wikang Filipino ang naging sandigan.

 

Wikang Filipino ay sadyang mahalaga,

Tayo ay binuklod sa pagkakaisa,

Tradisyon, paniniwala at maalab na diwa,

Ay hindi naparam dahil sa ating wika.

 

Sa talastasan, edukasyon at komersyo,

Sa mga rehiyon at saan mang dako,

Wikang Filipino ang ating instrumento,

Upang pag-ugnayin ang mga tao.

 

Diyalekto man natin ay magkakaiba,

Sa puso at isipan ay hindi mabubura,

Ang wikang Filipino na mula sa umpisa,

Ay pundasyon ng katatagan at mayabong na kultura.