KABANATA 1
Ang Pangalang Ipinagkaloob
Taong 1949.
Walang mapagsidlan ng tuwa ang mag-asawang Perpetua at Gorio sa pagsilang ng kanilang pangatlong anak—isang sanggol na babae na pinangalanan nilang Consuelo.
Bago isinilang ang sanggol, mayroon na silang dalawang anak—si Antonia, ang kanilang panganay na maagang pumanaw, at si Eugenio, na noo'y apat na taong gulang nang isilang ang bago niyang kapatid.
Ngunit bago pa man dumating si Consuelo sa kanilang buhay, marami nang mabibigat na pagsubok ang pinagdaanan ng mag-asawa.
Hirap na hirap silang itaguyod ang kanilang pamilya sa gitna ng kahirapan.
Ilang taon ding naging gerilya si Gorio noong panahon ng pananakop ng mga Hapones at minsang naibilanggo.
Halos araw-araw siyang dinadalaw ni Perpetua upang dalhan ng pagkain.
Madalas ay kasama niya ang musmos na si Antonia.
Bibo ang bata.
Mataba, kulot ang buhok, at madaling mapangiti.
Mabait naman ang sundalong Hapones na nagbabantay.
Habang nakikipag-usap si Perpetua sa kanyang asawa, madalas nitong hiramin si Antonia upang makipaglaro rito.
Ngunit makalipas ang ilang panahon, dinapuan ng matinding karamdaman si Antonia.
Dalawang taong gulang pa lamang siya nang bawian ng buhay.
Ang kanyang pagpanaw ay nag-iwan ng sugat sa puso ng mag-asawa na hindi madaling maghilom.
Dumanas muna ng ilang taon ng matinding kalungkutan sina Perpetua at Gorio dahil sa pagkawala ng kanilang panganay na anak.
Lumipas ang panahon.
Muling nagdalang-tao si Perpetua.
At sa pagsilang ng isa pang sanggol na babae, tila muling nagbalik ang pag-asa sa kanilang pamilya.
Tatlong linggo na ang lumipas mula nang isilang ang sanggol, ngunit wala pa rin silang mapagkasunduang ipapangalan dito.
Gorio," wika ni Perpetua habang karga ang sanggol, "ano bang ipapangalan natin kay bunso?"
"Sandali lang, nag-iisip pa ako ng magandang pangalan," nakangiting sagot ni Gorio habang papasok sa kanilang kasilyas na may tabing na palapa.
Ilang saglit pa'y bigla itong napasigaw.
"Tuwa!"
Palayaw iyon ni Perpetua.
Nagulat siyang napalingon.
"Bakit?"
"Alam ko na ang ipapangalan sa anak natin!"
Dali-daling lumabas si Gorio sa kasilyas, bakas sa kanyang mukha ang pananabik.
"Ano nga?" tanong ni Perpetua.
"Consuelo."
Napangiti si Perpetua.
"Consuelo..."
Marahan niyang inulit ang pangalan habang pinagmamasdan ang kanyang sanggol.
Tila ba iyon na ang pangalang matagal na nilang hinahanap.
Ngunit hindi alam ng mag-asawa na balang araw, ang munting sanggol na iyon ang magbabahagi ng kuwento ng kanyang buhay—isang kuwentong ipapamana rin sa mga susunod na henerasyon.
KABANATA 2
Sa Gitna ng Kahirapan
Malaki ang agwat ng edad nina Gorio at Perpetua.
Bago naging asawa si Perpetua, balo na si Gorio at may lima na itong anak sa kanyang unang asawa. Sa paglipas ng mga taon, nagkaroon na rin siya ng mga apo. Ang ilan sa mga ito ay halos kasing-edad na nina Eugenio, Consuelo, at Mariano.
Sa pagsasama nina Gorio at Perpetua, apat ang naging anak nila—sina Antonia, Eugenio, Consuelo, at Mariano. Ngunit maaga silang naulila sa panganay na si Antonia, kaya tatlo na lamang ang lumaking magkakapatid.
Matagal nang kristo sa sabungan si Gorio at iyon ang pangunahing ikinabubuhay ng kanilang pamilya.
Samantala, si Perpetua ay araw-araw na nagkakayas ng mga walis na ipinagbibili niya sa mga karatig-bahay. Madalas din siyang sumama kay Gorio sa sabungan upang magtinda ng sigarilyo at kendi.
Hindi man kalakihan ang kanilang kinikita, sapat iyon upang maitawid ang pang-araw-araw na pangangailangan ng kanilang pamilya.
Anim na taong gulang pa lamang si Consuelo nang magsimula siyang sumama sa kanyang ina sa sabungan upang tumulong sa pagtitinda.
Sa murang edad, natutuhan na niyang magbilang ng pera at magsukli sa mga bumibili.
Ngunit hindi naging madali ang kanyang karanasan.
May mga pagkakataong kinukuha ng ilang lalaki ang kanyang mga panindang sigarilyo at kendi nang hindi nagbabayad. Minsan nama'y tinutukso siya ng mga ito hanggang sa mapaiyak siya.
"Huwag n'yo namang lokohin ang anak ko," saway ni Gorio sa mga lalaki habang naaawa sa umiiyak na si Consuelo.
Natahimik naman ang mga ito at ibinalik ang mga kinuha o kaya'y nagbayad sa kanyang paninda.
Samantala, si Eugenio ang naiiwan sa bahay upang alagaan ang bunsong kapatid nilang si Mariano.
Sa murang edad, natutuhan nina Consuelo at Eugenio ang kani-kanilang pananagutan.
Habang si Eugenio ay tumutulong sa pag-aalaga sa bunso, si Consuelo naman ay unti-unting natutong makibahagi sa paghahanapbuhay.
Hindi man nila ito nauunawaan noon, ang mga simpleng gawaing iyon ang unti-unting humubog sa kanilang pagiging matatag sa pagharap sa buhay.
KABANATA 3
Ang Unang Manika
Dumating ang pista sa kanilang bayan.
Maagang isinama ni Perpetua ang kanyang tatlong anak upang makipagpista sa bahay ng isang kamag-anak.
Masayang naglakad ang magkakapatid habang pinagmamasdan ang kasiyahan sa paligid. Matapos ang kanilang pagdalaw, napadaan sila sa isang sedera malapit sa palengke.
Noon lamang nakarating si Consuelo sa ganoong lugar.
Namangha siya sa dami ng mga paninda.
Ngunit sa lahat ng kanyang nakita, isang tindahan ang nakaagaw ng kanyang pansin.
Puro manika ang laman nito.
Iba't iba ang laki at kasuotan ng mga ito. Para kay Consuelo, tila iyon ang pinakamagagandang laruan na nakita niya sa buong buhay niya.
"Inay," marahan niyang tugon, "pwede po ba ninyo akong ibili ng isang manika?"
Napatingin si Perpetua sa anak.
Nais man niyang matupad ang hiling nito, alam niyang hindi sasapat ang perang dala niya.
"Pasensya ka na, anak," malumanay niyang sabi. "Kaunti lang ang pera natin ngayon. Hindi pa natin kayang bumili ng manika."
Ngunit bata pa si Consuelo.
Hindi pa niya lubos na nauunawaan ang hirap ng kanilang kalagayan.
Noon lamang siya humiling ng laruan sa kanyang ina.
Habang papalayo sila sa tindahan, hindi niya napigilang umiyak.
Hanggang sa pag-uwi nila ay hindi pa rin siya mapatahan.
Pagdating sa bahay, ikinuwento ni Perpetua kay Gorio ang nangyari.
"Manika ba ang gusto mo?" nakangiting tanong ni Gorio habang nilalapitan ang anak.
Tumango si Consuelo.
"Naku, halika rito. Igagawa kita ng manika—mas maganda pa sa nakita mo."
Biglang lumiwanag ang mukha ng bata.
"Talaga po, Tatay?"
"Oo, anak."
Agad na kumuha si Gorio ng itak at pumutol ng isang piraso ng kahoy na palapa na may pinakaulo. Pagkatapos ay kumuha siya ng lumang piraso ng tela mula sa dating damit ni Perpetua.
Tahimik na pinagmamasdan ni Consuelo ang bawat kilos ng kanyang ama.
Maingat nitong hinubog ang kahoy.
Inukitan ng mukha.
Binalot ng tela.
Unti-unting nagkaroon ng anyo ang isang munting manika.
Hindi maalis ang ngiti sa labi ni Consuelo habang pinapanood ang kanyang ama.
Sa wakas, natapos din ang manika.
Masayang iniabot iyon ni Gorio sa kanyang anak.
"Ineng, narito na ang manika mo!"
Tuwang-tuwang tinanggap iyon ni Consuelo. Niyakap niya ang manika na para bang isa itong napakahalagang kayamanan.
"Nanay! May manika na po ako!"
Masaya niyang isinayaw-sayaw ang manika habang paikot-ikot sa kanilang bakuran.
Tahimik lamang na nakamasid si Perpetua.
May ngiti sa kanyang mga labi, ngunit bahagya ring namuo ang luha sa kanyang mga mata.
Hindi man nila kayang bilhin ang lahat ng nais ng kanilang mga anak, alam niyang sa pagmamahal at pagsisikap ng isang ama, may mga pangarap pa ring natutupad.
see PDF attachment for more information