Return to site

KALASAG

ni: MARY GRACE B. MEDINA

Sa bawat hampas ng unos sa dibdib ng bayan,

may matatag na loob na di basta nasusugatan.

Ang KALASAG ay hindi lamang bakal o kahoy na panlaban

kundi pusong namamayani ay pag-ibig sa kapwa at sa bayan.

Tulad ng kwentong iba’t iba ang tauhan

Tulad ng Panitikang, ang anyo ay di pare-pareho ngunit may kaisahan;

May prosang tagos sa diwa at umuukit ng kasaysayan

May patulang bawat saknong tila tintang nag-uugnay sa kultura’t pagkakakilanlan.

Sa ating wika—bawat kataga’y alon ng damdaming nag-uugnay,

bawat salitang binibigkas ay tulay patungo sa pagdamay.

Ang wika’y kalasag ng pagkakakilanlan,

at sa bayanihan, ito’y nagiging sandatang panlaban.

Sama-sama tayong bumubuo ng isang kalasag—

di bakal, kundi relasyon sa kapwang may pag-ibig at paglingap

At sa lilim nito, sabay-sabay tayong lalaban,

hindi para sa sarili, kundi para sa iisang bayan.

Tayo, ikaw at ako ang syang magkakampi

Pinoy tayong may sariling wikang sukatan ng laya at pagsasarili

Wikang Filipinong tatak nati’t ika nga ay sarili

Nakahirong sadya iyan sa lahing Kayumanggi!