Sa isang makitid at masikip na kwarto ay maririnig ang hiyaw at pamimilipit sa sakit ni nanay. Ako naman ay eksited ng lumabas sa mundong ibabaw. Nasasabik na akong masilayan ang kanilang mga mukha at madama ang kalong na puno pag-ibig mula sa kanila. Sa loob ng tiyan ni Nanay ay nakakaboryong. Wala akong kasama at minsa'y natatakot. Mabuti na lamang kinakausap nila ako at sa munti nilang haplos ay napapawi ang aking pangagamba. Ramdam ko rin ang pagmamahal ni tatay. Pag-uwi galing trabaho kahit napapagod ay hindi pumapalyang kamustahin ako. Dinidiin kanyang tenga sa tiyan ni nanay at hinihintay aking pagsipa. Malapit na akong lumabas nanay at tatay tapos na ang inyong paghihintay.
Sa pagsapit ng bukang-liwayway ay ibigay ni nanay ang lahat ng natitira niyang lakas at tuluyan akong nakalaya. Sa wakas ay makikita ko na rin ang liwanag na siyam na buwan kong tiniis sa loob ng sinapupunan ni inay."Otis, ang ipapangalan natin sa kanya." wika ni inay habang naluluha. "Napakagandang pangalan at bagay na bagay sa ating minamahal na panganay." wika ni tatay na abot-tainga ang ngiti.Agad niya akong kinuha at kinalong sa kanyang bisig. Tinignan mala-anghel kong mukha. "Kuhang-kuha niya ang aking ilong pati na rin ang hulma ng aking labi.” sabi ni tatay. Ayaw naman paawat ni nanay at saka humirit pa. "Minana naman niya sa akin ang mga mata kong kay singkit." sambit ni inay. "Oo na, Oo na. Hindi na ako kokontra ang importante ay kapiling na natin siya." mapang-asar na sabi ni tatay.
Mula ng ako'y isinilang pinadama sa akin ni nanay at tatay ang kanilang pagmamahal. Lahat ng aking mga pangangailangan ay kanilang ibinigay ng walang pag-aalinlangan. Mula sa mga mahal na laruan pati na rin sa mga magarbong kasuotan. Hindi sila nanghihinayang na gumastos ng malaki ang importante sa kanila ang aking kasiyahan. "Malapit na ang isang taong kaarawan ni Otis. Kailangan natin mag-ipon para sa kanyang birthday party.” sabi ni nanay."Ang bilis ng panahon. Noon sabik na sabik lang tayong siya'y makita. Ngayon mag-iisang taon na ang ating minamahal na anak.” wika ni tatay. Tinupad ni Nanay at Tatay ang kanilang pangako. Maraming handa at mga bisita. Masayang-masaya ako hindi ko lang direktang masabi sa kanila. Walang paglagyan ang aking puso dahil kumpleto silang lahat sa aking unang kaarawan lalo-lalo na ang aking pamilya at mga taong sa akin ay nagmamahal.
Isang araw habang ako'y naglalaro ng laruan kong kotse ay narinig kong tinawag ni lola si nanay. "Jaylie, wala ka bang napapansing kakaiba sa anak mo?” sabi ni lola. "Anong ibig mong sabihin nay?” ani ni nanay. "Huwag mo sanang masamain pero si Otis ay isang taong gulang na kahit isang salita ay walang lumalabas sa kanyang mga bunganga. Kahit turuan mo ng mama at papa ay hindi niya makuha.” wika ni lola. "Nay, baka delayed lang ang kanyang pasasalita. Maghintay nalang tayo wag natin siyang pwersahin. Hayaan natin siyang matuto. Walang deperensiya si Otis!” wika ni nanay na tumaas ang boses at kitang-kita sa kanyang mukha ang inis. "Sige, bahala ka jaylie. Ako ay nag-aalala lamang sa aking apo. Sige aalis na ako.” sabi ni lola sabay yakap sa akin at umalis.
Makalipas ang ilang buwan. Wala pa rin kahit isang salitang lumalabas sa aking bibig. Araw-araw na tinuturuan ako ni Nanay ng salitang "Mama" at "Papa" pero hindi ko talaga kaya. Palagi lang akong tulala at parang hangin wala silang kausap. Ewan ko ba. May mali ba sa akin?
Pagtungtong ko ng dalawang taon saka palang akong natutong maglakad. Tuwang-tuwa si nanay at tatay ilang buwan din nila itong hinintay. May lumalabas na ring mga salita sa aking bibig pero limitado lamang. Minsan ang aking mensahe ay klaro kadalasan hindi. Mahirap man akong intindihin. Pilit kong sinusubukan para sa kanila. Alam kong nahihirapan na rin si nanay at tatay sa akin. "Otis, halika rito.” sabi ni nanay at tatay habang hinihintay ako sa dulo. Ako naman ay nag-umpisang maglakad. May pagkakataong ako'y nadadapa, pinipilit ko ang aking sariling bumabangon hanggang sa makarating sa kinaroroonan ni nanay at tatay. "Ang galing mo Otis!”sabi ni nanay at tatay sabay halik sa aking mapupulang pisngi. Biglang ako'y may lumabas na isang salita sa aking bibig na kinagalak ng aking magulang. "Ma........Ma........” ani ko.Nakita kong pumatak ang luha ng aking nanay. Hindi ko mawari kong bakit. Wala akong maintindihan. Ang alam ko ako'y niyapos niya ng nakapahigpit at ayaw na niya akong bitawan.
Lumipas ang tatlong taon at nagpagdesisyonan ni nanay at tatay na ako'y pumasok sa eskwela. Gusto nilang makipagsalamuha ako sa ibang mga bata. Maglaro at makahanap ng aking mga kaibigan. "Otis, papasok kana bukas. Binilhan na kita ng bag, papel, lapis at bagong uniforme.” sabi ni nanay. Ako naman ay palinga-linga ang tingin sa mga bagay-bagay sa aking paligid. Hindi man lang ako nag-atubiling tignan ng tuwid si nanay. Ang ganda kasi ng mga larawang nakasabit sa dingding. "Otis na iintindihan mo ba ako?” sabi niya sabay hawak sa aking mukha patungo sa kanya. Saka pa lang ako tumingin na blangko ang ekspresyon ng mukha. "Sige na, matulog kana. Maaga pa tayo bukas. Ihahatid kita" wika niya.
Sa unang araw ng eskwela ay maaga pang nagising si Nanay. Pinagluto niya kami ng almusal ni tatay. Plantsado na rin aking uniform at nakahanda na ang lahat ng aking gamit. "Otis, anak magpapakabait ka sa paaralan. Huwag pasaway at makinig lagi kay titser.” sabi ni tatay. Ako naman ay itinango-tango lang ang ulo. "Bilisan mo na dyan Otis, at malalate pa tayo.” sabi ni nanay sabay kuha ng aking gamit. Pagkatapos kong kumain ay humalik na ako kay tatay at sumenyas ng paalam hudyat ng aking paalam. Sa daan papuntang paaralan ako ay namangha sa mga batang naglalakad. Talon ako ng talon at paypay ng aking kamay kay nanay upang kanyang bilisan sa paglakad. Hindi ko masabi ang aking gustong sabihin. Ang hirap pero ang alam ko lang ngayon ay masaya ako. Sa Flag Ceremony ay nagpakitang-gilas na agad ako para mapansin ng lahat. Tumbling dito, tumbling doon. Sigaw dito, sigaw doon. Pagkarinig ko ng musika ay bigla na lang akong sumasayaw. Hindi ko mapigilan ang aking sarili. Si nanay sa isang tabi ay parang nahihiya. Bakit kaya? Pagkatapos ng Flag Ceremony ay tinawag ng punongguro namin si nanay. Hinawakan ako ni nanay at sabay kaming pumunta sa kanyang opisina. Pagkapasok namin ay agad akong namangha. Nilibot aking paningin sa mga larawan, charts at babasahing nakadikit sa kanyang dingding. Walang imik at naghihintay sa kanyang sasabihin. "Nay, may nais sana akong sabihin sa iyo. Huwag ka sanang magagalit.” sabi niya. "Ano po iyon Ma'am?”sabi ni nanay. "Kanina habang nasa Flag Ceremony ay nakita ko ang kilos ng iyong anak. Kahit anong saway namin ay hindi siya nakikinig. Masakit man ang katotohanan pero mayroong kakaiba sa kanya.”ani niya. Natahimik ang buong paligid. Nagpakita ng katapangan si nanay pero di niya mapigilan ang luhang pumapatak sa kanyang mukha. "Alam po namin, Ma'am. Kakaiba si Otis. May kakaiba sa kanya. Hindi siya katulad ng ibang bata. Di namin siya lubos na maunawaan. Ang hirap malaman kong nasasaktan ba siya. Masaya ba siya o malungkot. Kahit ganon ay pilit kong pinupunan ang kanyang pagkukulang. Hindi ko pinapakita sa kanyang iba siya. Gusto kong mamuhay siya ng normal at hangad ko lamang ang kanyang kaligayahan. Walang magbabago, anak ko siya at mahal ko siya". wika niya habang patuloy na pumapatak ang luha sa mata. “Kung gayon hanggad din aming ang kasiyahan ni Otis. Masakit at mahirap tanggapin pero kailangan. Si Otis ay nangangailangan ng mga taong nakakaintindi sa kanya. Mga taong tutulong sa kanya at pati sa inyo.” sambit niya.
Habang kami ay pauwi ni nanay ay kitang-kita kong siya ay tulala at malayo ang tingin. Gusto ko siyang kausapin pero di ko kaya. Ramdam ko siya, hindi niya lang alam. Hinigpitan ko nalang ang aking hawak sa kanyang mga kamay. Saka lang siya bumalik sa ulirat. Tinignan ako at lumuhod. "Otis...... Bakit? Bakit ganoon? Magsalita ka? malakas niyang sigaw."Sa aking gulat ay bigla akong umiyak. Alam kong galit siya sa akin. Hindi ba niya ako tanggap? Ayaw ba niya sa akin? "Sorry, Anak. Pasensiya na. Mahal na mahal kita. Tandaan mo yan wika niya sabay yakap sa akin upang ako'y tumahan."Alam kong kakaiba ako. Hindi ako katulad ng ibang bata. Di ko kayang ipagtanggol ang aking sarili. Di ko kayang makipag-usap. Senyas at ekspresyon lamang ng aking mukha ang kaya kong gawin. Wala akong kaibigan dahil hindi nila ako maintindihan. Pilitin ko mang gayahin ang kanilang mga ginagawa ay hindi ko talaga kaya. Paano na ako? Bakit nga ba ako ganito?
Ilang araw ring pinag-isipan ni nanay at tatay ang mungkahi ng aming punongguro. Makalipas ng ilang araw ay kinontak agad ni nanay ang pangalan ng doktor at agad naman siyang sinagot. Naghintay kami ng ilang buwan hanggang sa dumating ang araw na pinakahihintay namin. Mapupunan na ang puwang na nararamdaman ko sa aking puso. Mauunawaan ko na kung ano at sino ba talaga ako. Pagkadating namin sa hospital ay maraming pagsubok na pinagawa sa akin. Makalipas ang ilang oras na pag-oobserba ng doktor ay lumabas na ang resulta.
"Nay, si Otis ay mayroong Autism. Ito ay isang uri ng kondisyon na kung saan ay naapektuhan ang abilidad ng isang taong kumilos, magsalita, mag-isip at umunawa ng mga bagay-bagay sa kanyang paligid." Nakita kong biglang nalungkot ang mukha ni nanay nang marinig niya ang sabi ng doktor. Alam kong nasasaktan siya pero di siya nagpatinag at lalong lumaban. Inintindi niya ang aking sitwasyon at buong puso niya itong tinanggap. Umupo siya sa aking tabi at sinabi ang mga salitang lalong nagpatibay sa akin."Otis, anak. Alam kung naririnig mo ako. Alam kong nahihirapan ka sa sitwasyon mo ngayon. Tandaan mo anak, nandito lang kami palagi. Hindi ka namin iiwan at pababayaan. Ikaw ang anak kong AUsome. Mahal na mahal kita."Gusto kong magpasalamat kay Nanay pero di ko magawa. Gusto kong sabihing kakayanin namin to pero walang lumalabas sa aking bibig kahit isang salita. Umiyak na lang ako at saka ko siya niyakap para mapadama sa kanyang mahal na mahal ko siya.
Hindi na nag-aksaya pa ang aking magulang ng oras. Pinasok agad nila ako sa isang paraalan na tanggap ako at maibibigay ang aking pangangailangan. Dito ko naramdaman ang tunay na kaginhawaan at unti-unting napunan ang mga tanong na bumabagabag sa aking isipan kung bakit ako naiiba sa lahat. "Otis, nandito na tayo. Marami kang makikilala rito. Magpakabait ka anak. Maghihintay lang dito si nanay." Tumango lamang ako at ngumiti. Hinawakan agad ni titser ang aking kamay at dali-daling pumasok sa silid-aralan. Talagang nag-enjoy ako sa aking bagong paaralan. Nakilala ko ang mga bago kong kaklase at maraming pinagawa sa amin si ma'am tulad ng pagsasayaw, pagkanta at drawing. Masaya ang aking magulang sa maliit na mga bagay na aking nagagawa para sa kanila ay isa itong malaking tagumpay.
Makalipas ang isang taon ay muling nabuntis si nanay. Magkakaroon na ako ng bagong kapatid at kaibigan. Panangako kung aalagaan ko siya at proprotektahan. Hindi pa man siya lumalabas alam kong kaming dalawa'y magkakaintindihan. "Otis, halika rito.” sabay kuha ni nanay sa aking kamay at nilagay niya ito sa kanyang kamay. Bigla akong nagulat. Ano yun? Bakit may gumagalaw. Nakita ni nanay ang aking reaksiyon at tumawa ng malakas. "Hahahahahaha, huwag kang matakot Otis. Okey lang yan. Kamusta ka na raw, kuya.” sabi ni Baby. "Bay....be..” aking sambit habang hinahaplos muli ang tiyan ni nanay. "Oo, Otis baby. Ito ang bunso mong kapatid. Pangako mo saking mamahalin mo siya at aalagan."Ngumiti na lang ako at sabay diin ng aking tenga sa tiyan ni Nanay. Gustong-gusto ko na siyang makita. Ang siyam na buwan ay mabilis na lumipas. Ang aking kapatid ay lalabas na. Dali-daling dinala si nanay sa emergency room. Kami naman ni tatay ay kabadong naghihintay sa labas ng pinto. Si tatay ay pabalik-balik ang lakad at ako naman ay nahihilo na kakatingin sa kanya. Makalipas ang dalawang oras ay lumabas na ang doktor. "Kamusta na po ang mag-ina ko?” sabi ni tatay. "Congratulations po, mister. Pwede na po ninyo puntahan ang inyong mag-ina." Tinawag ako ni tatay at sabay kaming pumasok sa kwarto. Si nanay ay nakangiti sa amin habang kalong-kalong ang isang sanggol. "Otis, anak. Ito pala ang kapatid mo si Oliver." Tingnan ko ng mabuti ang mala-anghel niyang mukha. Napakagwapo niya katulad ko. Napakakinis ng kanyang balat at napupula niyang pisngi. Sa sobra kong saya ay napasigaw nalang ako. "Waaaaaaahhhhhhh.” sigaw ko habang tumatalon. Hindi ko man kayang sabihin na masaya akong makita siya pero alam kong ramdam niyang mahal ko siya at doon palang pinangako sa kanyang aalagaan ko siya sa abot ng aking makakaya. Tinupad ko ang aking pangako kay Oliver nariyan ako sa kanyang tabi habang siya'y lumalaki. Palagi kaming naglalaro at magkasangga sa anumang bagay. Pinagtatanggol ko siya sa ibang mga batang gusto siyang saktan at ganoon rin siya sa akin. Naiiba man ako sa ibang mga bata ay hindi iyon naging hadlang upang ipadama kong mahal ko ang aking kapatid.
Isang araw, pagkatapos naming kumain ng tanghalian ay nakita kong si Oliver ay biglang sumama ang pakiramdam. Pinipilit ko siyang maglaro sa labas ng tagu-taguan pero ayaw niya. Agad siyang pumasok sa aming kwarto at pinagmasdan ko lamang siya. Makalipas ang sampung minuti ay hindi na ako nakatiis at pumunta sa kwarto. Nakita kong may mga pulang pantal sa kanyang balat. Alam kong may mali sa kanya kaya agad agad akong lumabas at hinanap si nanay. Hindi ko talaga siya makita. Sigaw ako ng sigaw. “Ahhhhhhhhh........ahhhhhhhhh.” sabi ko. Mabuti nalang at narinig ako ng aming kapitbahay. Nahihirapan akong sabihin na kailangan ng kapatid ko ng tulong kaya hinawakan ko nalang ang kanyang damit. "Anong kailangan mo Otis.”sambit niya. "Ahhhhh.... Ahhhhh......” sabay turo ng aming bahay. Hindi ko siya binitawan at lalo ko pang hinigpitan ang aking pagkakahawak sa kanyang damit. Wala siyang nagawa kaya sumunod nalang siya sa akin. Doon niya nakita ang ang kapatid na nahihirapang huminga at puno ng pantal ang balat. "Nako po, anong nangyari sa'yo Oliver. Dali, dalhin natin siya sa hospital."Tumawag agad kami ng traysikel at dinala si Oliver sa hospital. Sumunod rin agad si nanay ng marinig niya ang balita. Nakita kong si Oliver ay nawalan na ng malay at mayroong tinurok sa kanya. Awang-awa ako sa aking kapatid pero wala akong magawa para maibsan ang sakit na kanyang nadarama. Pagkatapos ay agad na lumabas ang doktor. "Nay, nagkaroon ng severe allergies ang inyong anak. Mabuti nalang at agad ninyo itong nakita. Kung hindi maari siyang mamatay." Takot at gulat ang naramdaman ni nanay. Iyak ito ng iyak at sinisisi ang sarili. Niyakap ko na lamang si nanay para iparamdam sa kanya na wala siyang kasalanan at ang nangyari ay nagkataon lamang. "Otis, anak. Kahanga-hanga ka. Isa kang bayani. Kakaiba ka man sa iba pero ikaw ang tunay na nakauunawa. Ikaw ang superhero ng kapatid mo. Kung wala ka hindi ko alam kong mapapatawad ko pa ang sarili ko. Salamat sa pag-aalaga at pagmamahal kay Oliver. Pinagmamalaki kita sa lahat."Gumaling din ang aking kapatid at nakauwi rin kami makalipas ang tatlong araw. Masaya akong nasagip ko ang buhay niya at tinupad ko ang pangako ko sa kanya. Hanggang kailan ay hindi ko siya bibiguan sa abot ng aking makakaya. Alam kong naiiba ako pero hindi iyon kabawasan ng aking pagkatao.
Ang tunay na pagmamahal ay hindi sumusuko anumang pagsubok ang dumating. Ito ay may kaakibat na pagtanggap at pag-unawa sa sitwasyong kinalalagyan. Hindi lamang ito naipapadama gamit ang mga salita, bagkus ito'y maaring maipahayag sa pamamagitan ng kilos o galaw.
Ang kwento ni Otis ang nagpatunay na walang katumbas na salita ang wagas na pag-ibig at hindi kabawasan ng pagkatao ang pagiging iba.
Wala kang katulad Otis, Ikaw ay kahanga-hanga at tunay na dakila.
Laging tandaan na ang kadakilaan ay hindi nasusukat sa pagkatao, kundi sa iyong kakayahan at kapasidad na tumulong sa kapwa.