“Bongbong, gising na at nang makarami tayo,” ang pasigaw na sabi ni Mang Tomas na pumunit sa katahimikan ng bukangliwayway. Agad na bumangon si Bongbong at dumeretso sa kanilang kusina para kunin ang paglagyan nila ng kabute at labong. Papungaspungas pa siya habang binabagtas nila ang mahabang daan patungo sa bundok kasama ang tatay.
“Kokak! Kokak! Kokak!Kuruk! Kuruk! Kuruk! Iiittt! Iiittt! Iiitt!
Woooosss! Woooosss! Woooooss! Mga tunog na sa kanyang tainga hindi na ito bagong likha, musikang dala ng mga kakaibang ritmo nitong kalikasan sa atin ipauunawa.
“Ang dami-daming kabute, itay!” sa sayang nadama, siya ay napatalon at napasigaw. “Oo nga, anak ko,” natutuwang sabi ni Mang Tomas.
Pagkakuha ng kabute, naglakad ang mag-ama patungong kawayanan para manguha naman ng labong at sa kanilang pagkagitla, “Itay, ang dami-daming kabute!” pasigaw na sabi ni Bongbong sa labis na kagalakan. “Talagang tayo’y biniyayaan ng Poong Maykapal, anak!” buong galak na sambit ni Mang Tomas.
Pagkadatal sa talipapang kanilang inuupahan, kanilang inilatag ang mga kabute at labong upang ito’y ibenta. “Mga suki, halina kayo! Madaming kabute at labong kaming tinda ngayon,” sigaw ni Mang Tomas. “Mga suki, bili na po kayo dito!” magalang na yaya ni Bongbong.
“Ale! Ale, labis po ang ibinayad niyo!” pasigaw na sabi ni Bongbong sa matandang babae at sabay habol dito. “Napakabuti mong bata,” turan ng matanda. “Ikaw ay isang huwaran para sa mga batang tulad mo,” malumanay na sabi ng ale. “Salamat po pero ito po ang tamang pagpapalaki sa amin ng aming mga magulang na hindi tatanggap ng kabayaran sa kabutihang aming nagawa,” mababang loob na sabi ni Bongbong. Natuwa ang ale at binili lahat ang kanilang paninda.
Tittilaok! Titilaok! Tittilaok! Napabalikwas ng bangon si Bongbong ng marinig niya ang tilaok ng tandang. Agad siyang nagtungo sa kusina para kumain ng almusal. Wala na ang kanyang mga magulang dahil maaga silang umaakyat ng bundok para manguha ng kabute at labong. Pagkakain, agad siyang naligo at nagbihis bago pumasok sa paaralan.
“Magkakabute! Maglalabong si Bongbong! Magkakabute! Maglalabong si Bongbong!” umalingawngaw na sigawan ng mga kaklase nang masilayang papasok si Bongbong sa bungad ng paaralan. Kanya itong binalewala. Sanay na siya sa mga pangungutya. Deretso na lamang siya na pumasok sa kanilang slid-aralan.
“Mga bata, ngayon ay iguguhit natin ang mga iba’t-ibang anyong lupa kaya ilabas niyo ang inyong mga gamit sa pagguhit,” sabi ni Bb. Cruz. Hindi gumalaw si Bongbong kasi wala siyang mga gamit sa pagguhit. “Bakit Bongbong, may masakit ba sa iyo,” tanong ng guro. “Wala po kasi akong gamit sa pagguhit, Ma’am,” ang naiiyak na sabi ni Bongbong.
“Hahaha! Hahaha! Hahaha! Kawawa ka naman, Bongbong. Huwag ka ng mag-aral kung wala kang gamit. Manguha ka na lang ng mga kabute at labong,” ang sabi ng isa sa kanyang kaklase.
Naawa si Bb. Cruz kay Bongbong kaya binigyan niya ito ng mga gamit pagguhit. “Salamat po, Ma’am,” nakangiting turan ni Bongbong pero nababanaag sa kanyang mukha ang pagkaawa sa sarili. Pagkaraan ng ilang minuto, nagtaas ng kamay si Bongbong. “Ma’am, tapos ko na po ang ipinapagawa niyo,” masayang sabi ni Bongbong. “Magaling, Bongbong, napakahusay mo talaga,” sabi ni Bb. Cruz pagkakita sa iginuhit ni Bongbong.
Pagkatapos ng kanilang klase, pumila si Bongbong sa canteen upang ibsan ang kanyang gutom. Konti lang kasi ang kanyang kinain sa almusal dahil sa pagmamadaling pumasok para hindi mahuli sa klase. “Pabili po ng tinapay, Aling Cora,” sabi niya sabay abot ng limang piso na kanyang baon. “Kulang ang pera mo Bongbong, pero dahil mabait kang bata ay ililibre na kita. Huwag mo ng bayaran yang tinapay,” nakangiting sabi ni Aling Cora. Tuwang-tuwa si Bongbong at nagpasalamat ito bago umalis.
Dumeretso si Bongbong sa kanyang paboritong tambayan, Umupo siya sa lilim ng puno ng mangga sa gilid ng kanilang silid-aralan. Dito ay lagi siyang mag-isang nag-aaral ng kaniyang mga leksiyon at gumagawa ng takdang-aralin.
Pagkauwi galing sa paaralan ay agad nagbihis si Bongbong. Nag-igib siya ng tubig, nagdilig ng kanilang mga halaman, nagwalis sa loob ng bahay habang siya ay nagluluto ng kanilang hapunan. “Itay at inay, magpahinga na po kayo habang inihahanda ko po ang hapunan natin,” sabi ni Bongbong habang nagmamano sa kaniyang magulang pagdating nila sa kanilang bahay.
Napansin nila na napakalinis ng kanilang bahay, puno ang lalagyan nila ng tubig, at nadiligan na ang kanilang mga halaman. Nagtinginan ang mag-asawa at sabay sambit ng “Napakaswerte natin sa ating anak.”
“Tao po! “Tao po! “Tao po!” boses ng isang babae sa labas ng kanilang bahay. “Sino po ang kailangan nila?” magalang na sabi ni Mang Tomas sa matandang babae. “Ako po ay isang balikbayan dito sa ating lugar. Inirekomenda po ni Bb. Cruz ang inyong anak para maging skolar ng aming Charity Organization.
Heto ang scholarship form na inyong pipirmahan na nagpapatunay na libre ang pag-aaral ni Bongbong hanggang kolehiyo,” ang mahabang sabi ng matandang babae. Napaluha ang buong pamilya sa saya at taimtim na nagpasalamat sa Poong Maykapal sa biyayang kanilang natanggap.
Sa wakas, nakapagtapos si Bongbong ng pag-aaral at naging isa sa mga pinakamahusay sa kanyang klase. Ngayon isa sa siyang propesyonal. Sa ngayon, siya ay namamasukan sa isang kilalang kompanya. Dahil sa kanyang determinasiyon at kasipagan, matagumpay niyang nakamit ang kanyang mithi sa buhay.