ABSTRAK
Layunin ng pag-aaral na ito na suriin ang bisa ng integratibong pagtatasa sa pagkatuto ng mga mag-aaral sa Filipino sa Baitang Siyam sa MATAAS NA PAARALANG MANUEL A. ROXAS, MAYNILA. Ang pag-aaral na ito ay kombinasyon ng kuwantitatibo at kuwalitatibo o tinatawag din na mixed-method approach na binubuo ng talatanungan o sarbey at panayam upang masukat ang epekto ng pagtatasa sa mga makrong kasanayan gaya ng pakikinig, pagsasalita, pagbasa, pagsulat, at panonood sa proseso ng pagkatuto ng mga mag-aaral sa baitang siyam sa asignaturang Filipino. Lumabas sa resulta ng pag-aaral na ang mga guro ay aktibong gumagamit ng mga umiiral na pamamaraan ng integratibong pagtatasa (Overall Mean = 4.08), partikular ang mga project and performance-based tasks. Pinakamataas ang epekto nito sa pagbasa (M=4.14) at pagsasalita (M=4.09), samantalang nanatiling positibo ngunit mababa ang mean sa pakikinig (M=4.00). Natukoy din na nakatutulong ang pagtatasa sa pagkilala at paglinang ng mga kasanayang hindi gaanong nalinang o least mastered skills tulad ng gramatika at husay sa paggamit ng wika (fluency) sa tulong ng puna ng guro o feedbacking at paggabay sa pagkatuto o scaffolding mula sa guro. Gayunman, lumitaw din ang mga hamon tulad ng kakulangan sa oras, kagamitan, at pangangailangang indibidwal na paggabay. Ipinakita rin ng mga panayam na higit na nagiging makabuluhan ang pagkatuto kapag ang gawain ay nakaangkla o nakaugnay sa tunay na pangyayari sa buhay at karanasan ng mga mag-aaral. Sa kabuuan, pinatutunayan ng pag-aaral na ito na ang integratibong pagtatasa ay hindi lamang panukat at pamantayan nang pagkatuto kundi mabisang estratehiya para sa mas malalim, makabuluhan at kolaboratibong paglinang at pagpapaunlad ng kasanayan sa asignaturang Filipino na nangangailangan ng sapat na suporta at inobasyon mula sa mga guro at institusyon.
Mga Susing Salita: Estratehiya, Inobasyon, Integratibo, Kasanayan, Karanasan, Paglinang, Pagtatasa
PANIMULA
Sa kasalukuyan patuloy na lumalago ang lawak ng kaalaman ng mga mag-aaral dahil sa pagkakaroon ng mabisang proseso ng pagkatuto at pagtututuro. Mabilis nilang natututuhan at nauunawaan ang mga paksang-aralin batay sa kanilang sariling kaalaman, pagtuklas ng mga bagong ideya mula sa mga karanasan, paraan ng pamumuhay, at pakikipag-ugnayan sa kapuwa. Umuunlad ang kakayahan ng mga mag-aaral kasabay ng pagpapaunlad ng sistema ng edukasyon sa pagtugon sa mga kasanayang nakaakibat sa kurikulum. Dumarami ang katawagan sa pagpapatupad ng kurikulum (online, modular, blended, limited to expanded face to face). Malaking bahagi ito upang matamo ang layunin gamit ang iba’t ibang midyum sa proseso ng pagkatuto.
Ayon sa pag-aaral ni De Leon (2019), mabilis na pumapailanlang ang salitang globalisadong lipunan na simbilis din ng mga pagtuklas sa mga makabagong makinarya, industriya, iba’t ibang larangan at kalakaran ng pamumuhay gamit ang siyensyang kinasasangkutan ng impormasyon at teknolohiya. Lahat ay nagbabago at kailangang umakma sa isyu ng pagpapaunlad sa anumang larangan at partikular sa pagyabong ng edukasyon. Gamit ang internet at mga midya elektronikong impormasyon, nahahasa ang intelektuwal at kakayahan ng mga mag-aaral sa mga makrong kasanayan at abilidad ng guro sa proseso ng pagtuturo sa pag-usbong ng modernong panahon. Nakatutuklas at nakabubuo ang mga dalubhasa sa edukasyon ng mga bagong konsepto, ideya at solusyon na tutugon sa pagkatuto ng mag-aaral batay sa pagbasa, pagsulat, pagsasalita, pakikinig at panonood na ipinapatupad ng kurikulum.
Ang bawat mag-aaral ay nagtataglay ng angking husay, talento, abilidad at kakayahan na may kaugnayan sa mga makrong kasanayan sa kurikulum sa Filipino at nalilinang pa ang mga ito sa sariling pagtuklas ng mga bagong ideya at konsepto na nakatuon sa kanilang sariling pagganap. Ang wikang Filipino ay gumaganap bilang pangunahing kasangkapan sa pakikipagkomunikasyon. Nagagamit sa isang diskurso para sa maayos argumento gamit ang mga makrong kasanayan tulad ng pakikinig, pagsasalita, pagbasa, pagsulat at panonood. Ito ang mga batayang pang-akademiko sa pagtamo ng mga kasanayang akademiko.
Ang antas ng talakayan sa Filipino sa mga paaralang sekondarya at partikular sa Baitang Siyam ay lumalawak nang higit sa mga pangunahing prinsipyo at napapaunlad sa pagkakaroon ng pagtalakay sa mga isyung panlipunan. Ang pagtuturo ngayon ay nangangailangan ng masusing pampanitikang pagsusuri ng mga maikling kwento, nobela, sanaysay, tula at ibang akdang pampanitikan. Ang pagbuo ng kritikal na pag-iisip kasabay ng pagsusuri ng teksto sa pagbasa at mga kakayahan sa malikhaing pagsulat ay nagaganap nang magkasabay. (Padayon Wikang Filipino, 2024; Aguas et al., 2024).
Ang kurikulum sa pagtuturo ng asignaturang Filipino sa Baitang Siyam ay kailangang maghatid ng tatlong mahahalagang elemento (1) mga layunin o kasanayan (2) mga nilalaman at (3) mga pamamaraan upang makamit ang mga epektibong resulta. Ginagamit ng mga guro ang mga lesson plan o banghay-aralin bilang mga gabay at direksyong pang-edukasyon na tumutulong sa kanila na bumuo ng mga makabuluhang aralin para sa proseso ng pagtuturo at pagkatuto ng mag-aaral na nagpapaunlad sa kanilang kasanayan. Ang detalyadong layout ng kurikulum ay nagbibigay-daan sa mga mag-aaral na bumuo ng mga nilalayon na kakayahan at kaalaman bawat linggo. (Castillo et al., 2021). Bukod dito, ang paggamit ng mga pantulong sa pagtuturo kasama ng mga module, worksheets at suplemental na gawain ay sumusuporta sa mga mag-aaral sa pagpapabuti ng kanilang kakayahan sa pag-aaral ng wika at panitikan. Sa pamamagitan nito, ang pagpapaunlad ng sariling kakayahan ng mga mag-aaral ay nakapokus sa pagtamo ng mga bagay na may kinalaman sa kanilang sarili, karanasan, mga nakakasama at kapuwa. Ang mga ito ay naghahatid ng kabisaan sa mga mag-aaral habang gumagamit ng mga aktibidad o gawain na pang-edukasyon na tumutulong na palaguin ang kanilang mga kakayahan sa wika at kaalaman sa panitikan at ang kanilang pakikinig at tiyak na kakayahan sa wika at ang kanilang potensyal sa pagsulat. (DepEd Tambayan, 2021).
Ang integrative assessment o integratibong pagtatasa sa Baitang Siyam ay paraan sa pagtamo ng mga kasanayan sa pamamagitan ng sariling kakayahan na nakaugnay sa sariling karanasan, lawak ng kaalaman at interaksiyon sa kapuwa. Ito gumaganap bilang isang pangunahing instrumento sa pagtatasa at ebalwasyon ng kanilang natutuhan sa mga paksang aralin at nagbibigay-daan sa mga mag-aaral na bumuo ng malalim na kasanayan sa wika at kaalamang pampanitikan. Ang mga angkop na teknik, estratehiya at dulog ay mga paraan ng epektibong pagtuturo. Ang sistematikong pagtuturo ay nagbibigay-daan sa mga mag-aaral na magkaroon ng kongkreto at kritikal na kakayahan sa pagbasa at pagsulat sa Filipino.
see PDF attachment for more information