Return to site

IMPLEMENTASYON NG STRATEHIYA SA PAGSUSURI BATAY SA TEMA NG MAIKLING KWENTO SA PAGPAPAUNLAD NG KAKAYAHAN SA KOMUNIKASYON NG MGA
MAG-AARAL SA BAITANG 9

REYMART P. GEMINA

Western Leyte College

Master of Arts in Education

Major in Filipino

ABSTRAK

Ang pag-aaral na ito ay sumuri sa implementasyon ng estratehiya ng pagsusuri batay sa tema ng maikling kuwento sa pagpapaunlad ng kakayahan sa komunikasyon ng mga mag-aaral sa Baitang 9 sa Lao Integrated School sa Dibisyon ng Ormoc. Ang mga resulta ng pag-aaral ay naging batayan para sa isang plano ng pagpapabuti sa pagtuturo at pagkatuto ng mga mag-aaral sa larangan ng komunikasyon. Ang pag-aaral na ito ay gumamit ng deskriptibong pamamaraan ng pananaliksik upang masuri ang implementasyon ng estratehiya ng pagsusuri batay sa tema ng maikling kuwento sa pagpapaunlad ng kakayahan sa komunikasyon ng mga mag-aaral sa Baitang 9. Layunin ng pag-aaral na matukoy kung paano naipatutupad ng mga guro ang tematikong pagsusuri ng maikling kuwento at kung paano ito nakatutulong sa pagpapalawak ng kakayahan sa komunikasyon ng mga mag-aaral sa larangan ng pakikinig, pagsasalita, pagbasa, at pagsulat. Upang makalikom ng datos, namahagi ang mananaliksik ng talatanungan o survey questionnaire sa mga piling mag-aaral sa Baitang 9. Ang talatanungan ay naglalaman ng mga pahayag hinggil sa implementasyon ng estratehiya ng pagsusuri batay sa tema ng maikling kuwento at sa antas ng kakayahan sa komunikasyon ng mga mag-aaral. Sinagutan ng mga respondente ang talatanungan nang buong katapatan upang makuha ang kinakailangang datos para sa pag-aaral.

Matapos makalap ang mga datos, ang mga ito ay pinagsama-sama, inayos, at sinuri gamit ang angkop na estadistikal na pamamaraan tulad ng weighted mean at iba pang kaugnay na pagsusuri upang matukoy ang epekto ng implementasyon ng estratehiya ng pagsusuri batay sa tema ng maikling kuwento sa pagpapaunlad ng kakayahan sa komunikasyon ng mga mag-aaral sa Baitang 9. Ang talakayang ito ay tumutukoy sa ugnayan ng pagpapatupad ng estratehiya sa pagsusuri batay sa tema ng maikling kuwento at sa kasalukuyang antas ng kasanayan sa komunikasyon ng mga mag-aaral sa Baitang 9. Layunin nitong matukoy kung may makabuluhang kaugnayan ang maayos na implementasyon ng estratehiya sa pag-unlad ng kakayahan ng mga mag-aaral sa komunikasyon. Ipinapakita ng resulta ang antas ng relasyon ng dalawang baryabol batay sa estadistikal na pagsusuri.

Makikita sa talahanayan na ang ugnayan ng dalawang baryabol ay may interpretasyong “Napakalakas na Positibong Ugnayan.” Ipinapakita rin na ang nakuha na halaga sa pagsusuri ay mas mataas kaysa sa itinakdang halaga sa antas ng makabuluhang pagsusuri, kaya’t tinanggihan ang null na palagay. Ibig sabihin, may makabuluhang ugnayan ang dalawang baryabol at hindi ito nagkataon lamang.

Ipinapakita ng resulta na kapag mas mataas ang antas ng pagpapatupad ng estratehiya sa pagsusuri batay sa tema ng maikling kuwento, mas mataas din ang antas ng kasanayan sa komunikasyon ng mga mag-aaral sa Baitang 9. Ipinahihiwatig nito na ang sistematikong paggamit ng tematikong pagsusuri ay nakatutulong sa pagpapaunlad ng kakayahan ng mga mag-aaral sa pakikinig, pagsasalita, pagbasa, at pagsulat, gayundin sa kanilang kritikal na pag-iisip at pagpapahayag ng ideya.

Ipinahihiwatig ng mga resulta na may mahalagang papel ang implementasyon ng estratehiya sa pagpapaunlad ng kasanayan sa komunikasyon ng mga mag-aaral. Ang resulta ay nagpapakita na ang mas mataas na antas ng pagpapatupad ng estratehiya ay nagdudulot ng mas mataas na antas ng komunikatibong kasanayan. Kaya’t ang natuklasan ay nagpapahiwatig na ang tematikong pagsusuri ng maikling kuwento ay isang epektibong estratehiya sa pagpapahusay ng kakayahan ng mga mag-aaral sa komunikasyon at sa kanilang pagganap sa asignaturang Filipino.

Keywords: Implementasyon, Stratehiya, Pagsusuri, Maikling Kwento, Pagpapaunlad, Kakayahan, Kumunikasyon, Mag-aaral, Baitang 9

PANIMULA

Sa pagtuturo ng maikling kuwento, napapansin ko kung gaano kahalaga ang bawat akda sa paghubog ng pananaw, damdamin, at pagpapahalaga ng mga mag-aaral. Ang mga kwento ay hindi lamang simpleng binabasa sa klase; ito rin ay daan upang makita ng mga bata ang iba't ibang mukha ng buhay. Sa tradisyonal na pagtuturo, kadalasang nakatuon lamang ang diskusyon sa banghay at tauhan, ngunit mas nagiging makabuluhan ang pagkatuto kapag nakatuon din sa tema ng kuwento. Sa ganitong paraan, natututo ang mga mag-aaral na magnilay sa mga isyung panlipunan at karanasang napapanahon sa kanilang buhay, habang pinapalakas ang kanilang kasanayan sa pakikipagkomunikasyon, parehong oral at nakasulat.

Bilang guro at mambabasa, naniniwala ako na ang mabisang pagdulog sa panitikan ay may malinaw na layunin—ang malinang ang kakayahan ng mga mag-aaral na ipahayag ang kanilang sariling paninindigan. Hindi sapat na alam lamang ng mga bata ang nangyari sa kuwento; mahalaga ring matutunan nilang maglatag ng matibay na argumento, gumamit ng ebidensya mula sa binasa, at ipagtanggol ang kanilang pananaw nang may respeto at lohika. Dito pumapasok ang pagsusuring tematiko. Sa pagtutok sa sentral na diwa ng akda, nahihikayat ang mga mag-aaral na bumuo ng mas malalim at makabuluhang interpretasyon mula sa maikling kuwento.

Sa aking karanasan sa silid-aralan, kapag tematikal ang paraan ng pagtalakay, mas nagiging aktibo ang klase. May sumasagot, may nagtatanong, may kumokontra, at marami ang nagbubukas ng sarili nilang pagninilay tungkol sa mga isyung tulad ng kahirapan, diskriminasyon, kabayanihan, at pananagutan. Pinili ko ang paksang ito upang magkaroon ng malinaw at konkretong batayan kung paano nakaaapekto ang tematikong pagsusuri sa kasanayang komunikatibo ng mga mag-aaral, lalo na sa pagpapahayag ng kanilang paninindigan. Bilang guro, mahalaga sa akin na makita ang paglago nila—hindi lamang sa pagsusulit o grado, kundi sa kung paano nila ginagamit ang natutunan sa totoong buhay.

Ayon kay Reyes (2019), ang tematikong pagsusuri ng maikling kuwento ay epektibong nakakapaglinang ng kasanayan sa komunikasyon ng mga mag-aaral dahil hinihikayat nitong tukuyin at ipaliwanag ang sentral na diwa ng akda. Natuklasan ng mananaliksik na kapag binibigyang-pansin ng mga mag-aaral ang tema, mas nagiging aktibo sila sa talakayan, mas mahusay ang kanilang oral at written outputs, at mas nakikilahok sa konstruktibong debate. Suporta rin nito ang ideya na ang kritikal na pag-iisip at pagbuo ng argumento ay nauugnay sa mas mataas na antas ng pagpapahayag sa wika (Reyes, 2019).

Bilang guro, napapansin ko na ang pagsusuring tematiko ay nakaangkla sa mga pamantayan ng kurikulum sa Filipino para sa Baitang 9, lalo na sa paglinang ng kritikal na pag-iisip at pagpapahalaga bilang mga Pilipino. Sa paggamit ng tematikong lapit, mas nagagawang iugnay ng mga mag-aaral ang binabasa nilang teksto sa mahahalagang usaping panlipunan, kaya mas makabuluhan ang kanilang pagkatuto. Nakikita ko rin na nagsisimula sila sa simpleng pag-unawa sa kuwento at unti-unting umuusad patungo sa mas malalim na pag-aanalisa, hanggang sa kaya na nilang bumuo at maglahad ng sarili nilang argumento.

Sa lokal na konteksto, mas epektibo ang tematikong pagsusuri kapag ginamit ang mga kwentong malapit sa karanasan ng mga bata. Halimbawa, ang mga kwentong pang-rehiyon o kuwentong bayan ay nagiging makabuluhan sa talakayan dahil tumutugon sa mga isyung pangkomunidad. Bilang guro, mahalaga na ang anumang estratehiya sa pagtuturo ay may matibay na empirikal na batayan. Kaya isinagawa ang pag-aaral na ito upang matukoy kung ang tematikong pagsusuri ay talagang nakapagpapalakas ng kakayahan ng mga mag-aaral na magpahayag ng paninindigan at maging modelo para sa iba pang guro.

Isa sa mga hamon sa pagtuturo ay ang pagpili ng maikling kuwentong akma para sa Baitang 9, lalo na sa mga sensitibong paksa tulad ng gender, politika, relihiyon, at karahasan. Mahirap ding masukat ang “paninindigan” ng mga mag-aaral dahil kailangan itong gawing malinaw at nasusukat sa kanilang mga output.

Mayroon ding mga mag-aaral na hindi agad nakikilahok sa talakayan, maaaring mahiyain o kulang sa kumpiyansa, kaya nag-aalangan magsalita sa harap ng klase. Dagdag pa rito ang mga praktikal na limitasyon tulad ng kakulangan sa oras, materyales, at pangangailangan sa masusing paghahanda ng mga gawain, rubrics, at performance tasks, lalo na kapag masikip ang pacing o kulang ang resources.

Batay sa karanasan at obserbasyon, malinaw na ang pagsusuring tematiko ay may positibong epekto sa paglinang ng kasanayang komunikatibo ng mga mag-aaral sa Baitang 9. Nakakatulong ito hindi lamang sa pagpapalawak ng kaalaman sa wika at panitikan, kundi pati na rin sa kritikal na pag-iisip, pagbibigay ng ebidensya, at pagpapahayag ng sariling pananaw. Dahil dito, mahalagang isagawa ang pag-aaral na ito upang magkaroon ng kongkretong ebidensya at modelong pedagogical na maaaring gamitin ng mga guro sa pagpapaunlad ng komunikasyon at panitikan sa kabataan.

Ang pag-aaral na ito ay sumuri sa implementasyon ng estratehiya ng pagsusuri batay sa tema ng maikling kuwento sa pagpapaunlad ng kakayahan sa komunikasyon ng mga mag-aaral sa Baitang 9 sa Lao Integrated School sa Dibisyon ng Ormoc. Ang mga resulta ng pag-aaral ay naging batayan para sa isang plano ng pagpapabuti sa pagtuturo at pagkatuto ng mga mag-aaral sa larangan ng komunikasyon.

see PDF attachment for more information