Return to site

HUSAY NG WIKA, SUHAY NG PILIPINO

ni: MARY GRACE B. MEDINA

Wikang Filipino’y may lakas at angas.

Instrumentong gamit sa bawat pahimakas.

Isa yang baskagang hulmahan ng lahat,

Sisidlang matibay sa lahat ng oras.

 

Kulturang kay sarap damhin at ibida.

Pangkasaysayang wikang mayaman sa binhi at pita.

Gayunmay napatunayan na sa mahabang panahon

Na ang wika ng Pinoy ay sadyang “moog na” mula pa nga noon.

 

Wikang Filipino, kaiba sa lahat,

Pagkat sa paggamit nito, tradisyo’y mamamalas.

May “po at opo” gamit pag nangusap sa maeedad.

Isama pa ang “Mano po” paggalang at respeto ang hayag.

 

Tunay na sa wika bakas ang paniniwala at pilosopiya.

Tatak ng Pilipinong magaling makisama.

Mahalaga ang kapwa at bayanihan ay kitang kita.

Walang maiiwan, sa bawat gawain ika nga’y isa para sa lahat, lahat para sa isa!

 

Napananatili ng Wikang Filipino Kultural na Identidad

Nagsisilbi itong tulay sa bawat etnikong pangkat

Sa alinmang dako ng Pilipinas, iba-iba man ang kulturang namamalas

Pagkakaunawaan at pagkakaisa pa rin ang hatid ng wika sa lahat.

 

Ang wika’y kasangkapan sa sining at panitikan

Mga kwento, dula, awit at tula na naglalaman ng damdamin at karanasan

Tagapagdala ng kultura at tradisyon, sining na ating kayamanan

Yan ang husay ng wika na salamin ng ating bayan.

 

Bagaman ang Pilipinas, dialekto’y iba-iba

May Cebuano, Ilocano, Tagalog, Bicolano at iba pa

Nangungusap itong pusong, iisa ang idinidikta

Pinoy tayong ang wika ay salamin ng yayamanin ang kultura.

 

Kaya dapat lamang na laging ibandera

Ipagmalaki mo, Wikang Filipino palagi ang bida

Sa lahat ng dako, Pilipino’y kilala

Bitbit ang kulturang wika ang nagdala!