Humiyaw ka o Bayan ko
Nang ang boses mo’y aming marinig.
Magdalamhati ka at damhin
Ang pait at sakit na iyong sinapit
Sinaktan at niyurakan ang yong pagkatao
Nilagmak sa dusa at sinira ng buo
Wala ni isang itinira, inangkin ang lahat-lahat
Buhay man ang inialay, tila hindi pa rin sapat
Umalingawngaw ang mga panaghoy
Dugo sa lupa mo’y dumaloy
Walang makapangahas na makasambit
Kahit mulat ay tila pikit
Sinubukang bumoses, makibaka at lumaban
Kahit bakal na moog man ang haharang
Gamit ang wikang malaya, pag-asa ang isinisigaw
Hustisya at pagkakaisa ang umaalingawngaw
Dagitab ng liwanag ay unti-unting nararamdaman
Hindi lamang sa sarili maging sa buong bayan
Sumusulong, yumayabong ang pag-asa sa dibdib
Kahapon, ngayon at bukas ay hindi padadaig
Humiyaw ka o Bayan ko
Ang boses mo ay aming naririnig.
Gisingin ang nahihimbing
Ang mga mulat ay patatagin
Humiyaw ka o aking Bayan
Iisa ang aming tinig
Sama-samang lalaban, sama-samang titindig
Sa diwa ng pagkakaisa, hustisya at pag-ibig.