Halos hindi pa rin maipinta ang mukha ni Aya mula ng marinig sa ina ang plano nitong pagbakasyunin muna siya sa bahay ng kaniyang lola sa Batangas. Hindi sa ayaw niyang makita ang lola, pero hindi siya sanay sa buhay sa probinsya. Sa Maynila siya lumaki. Mas gusto niya ang maingay na tunog ng mga sasakyan kaysa sa huni ng ibon at tilaok ng manok. Mas pipiliin rin niyang makita ang mga nagtataasang gusali kaysa maglambitin sa mga puno ng kahoy. Marahil kung isa hanggang dalawang araw ay kakayanin pa niya, pero yung isang buwan? Naku! Baka panawan siya ng bait!
“Mama naman eh. Ayoko nga po dun. Wala namang signal dun eh. Hindi ako makakapag-online. Wala namang wifi kina lola,” reklamo pa rin niya habang nakahalukipkip sa likod ng sasakyan.
Kasalukuyan silang nasa byahe papuntang Palahanan, San Juan, Batangas.
“Jusko naman Aya. Hindi mo naman siguro anak ikamamatay kung isang buwan kang hindi makapag-Tiktok, ano.” Nangingiting tugon naman ng kanyang inang sumulyap sa asawa.
Napailing si Allan, papa niya.
“Ayaw mo bang makasama ang lola mo, Aya? Aba, ay wag na wag kang magpaparinig doon ng mga ganyang imik at tiyak na tatampo iyon,” sabi naman nito sa Batanguenong tono. Kahit matagal na sa Maynila ay hindi pa rin naaalis dito ang punto. Si Allan Batang nga ang tawag dito ng mga kapitbahay nila.
Okay lang naman sa papa niya. Ayon pa dito, mas ayos nga raw iyon at ng mabilis siyang mahanap kapag may delivery rider na maghahanap sa kanya.
“Hindi naman po sa ganun, Pa. Kaya lang po, bukod sa pagpapatuka ng manok at pagwawalis s aumaga, ano pa bang ibang gagawin ko roon? Hindi ko naman close ang mga kapitbahay doon, e.” sagot pa rin niya.
Tiningnan siya ng ama buhat sa rear view ng sasakyan.
“kung gagawin lang ang pinuproblema mo, ay di magpaturo ka sa lol among gumawa ng palayok. Ang lola mo ang pinakamatandang manlililok ng palayok sa Palahanan. Para naman may mapagpamanahan siya ng gawaan ng palayok natin dun.” Susog pa rin ng papa niya.
Lalo siyang sumimangot. Sa lahat ng ayaw niya ay ang madudumihan ang kaniyang kuko. Kakapa-nail extension lang niya. Sayang naman kung masisira agad.
Hindi na lamang siya sumagot pero talagang labag pa rin sa kalooban niya ang bakasyon niyang iyon. Maya-maya pa’y isang malalim na buntong hininga ang pinakawalan niya.
“Wow! Ang lalim nun ah!” nang-aasar na puna ng mama niya.
Tumingin siya rito.
“Bakit po ba kasi hindi niyo na lang ako isama sa out-of-the-country tour ninyo? Dakilang third wheel ba. Hindi ko kayo guguluhin, promise. Maski maghapon pa kayong maglambingan sa harap ko,” pagkumbinsi pa rin niya sa mga ito.
“Hayaan mo, next year.”, sabi ng papa niya. “Ibigay mo na sa amin ang taong ito at pa-20 years na naming nagtitiisan ng mama mo. Worth celebrating yun,” natatawang dugtong pa nito.
Hinampas naman ng mama niya ang balikat ng asawa pero nakitawa rin.
Napailing na lamang siya. Hindi na magbabago ang pasya ng mga ito. Gayunpaman ay bahagya pa rin siyang napangiti. Dalawampung taon nang kasal ang mga magulan niya at ni minsan ay walang nagging malalang away ang mga ito. Patuloy pa rin silang nagsasama at sa panahon ngayon, tama ang papa niya. Worth celebrating iyon.
Napatingin siya sa labas. Sigurado siyang nasa Palahanan na sila dahil marami na siyang nakikitang tindahan ng mga palayok, paso at kung anu-ano pang garden designs sa tbi ng highway.
Julieta’s Pottery.
Iyon na ang pinakamalaking tindahan doon. Pagmamay-ari iyon ng kaniyang lola Julieta. Balang-araw daw ay siya ang magmamana noon. Palagi nito iyong binabanggit sa kaniya tuwing dadalaw sila doon. Wala kasi itong ibang apong babae kundi siya. Apat silang mga apo nito. Tatlong magkakapatid ng kaniyang mga papa. Pawang nasa US na ang mga ito.
Matagal nang pinagreretiro ng mga anak ang kaniyang lola pero ayaw nito. Bibisitana lamang daw siya sa US kung gusto niya pero hindi raw niya bibitawan ang paggawa ng mga paso dahil kaya pa naman niya.
Hindi nagtagal ay lumiko sila sa isang hindi sementadong daan. Bagama’t hindi naman ganun kalubak, ramdam pa rin niyang kumakalog ang sasakyan, isang palatandaan na malapit na siya sa bahay ng kaniyang lola.
Mabait naman talaga ang lola niya. Ang totoo niyan, miss na rin niya ito dahil isang taon na yata nung huli silang magkita ng personal. Makwento ito at nakakaaliw din ang tonong Batangas nito. Minsan nga’y may mga salita pa itong hindi niya alam ang ibig sabihin dahil masyadong malalim.
Ilang saglit pa ay huminto na ang sasakyan. Buhat sa loob ng malawak na bakuran na napalilibutan ng iba’t ibang klase ng bulaklak, maluwang ang ngiti at lakad takbong nagbuhas ng gate na bakal ang kaniyang Lola Juliet. Bumaba siya ng sasakyan at nagmano rito. Isang mahigpit na yakap naman at halik sa pisngi ang iginanti nito sa kaniya.
“Naku! Dalagang-dalaga na areng si Arianna e. Kakabilis din nga. Ay di iwan mo ang boypren mo sa Maynila gawang dito ka sa akin aaywan ng iyong papa’t mama?” Salubong na bati nito sa kaniya.
Sa kabila ng inis sa mga magulang ay natawa siya. Lola lang niya ang tumatawag sa kaniya sa buo niyang pangalan. At hindi man nito direktang itanong, nakikichismis ito sa kaniya kung may kasintahan na ba siya.
“Si lola talaga oh. Wala po akong boyfriend. Nakikisama nga po ako kina papa papuntang-US e ayaw naman po at date daw nila yun,” sagot naman niya.
Sabay na napatingin sa kaniya ang mga magulang. Pasimple siyang pinanlakhan ng mata ng mama niya. Napakagat naman siya sa labi.
“Pero okay lang naman po lola at ng makasama niyo naman po ang pinakamaganda ninyong apo,” mabilis naman niyang bawi.
Napatawa ang lola niya, hindi halata ang saglit na tension sa pagitan niya at ng mga magulang.
Dumiretso na sila sa loob.
“Tamang-tama, magtatanghalian na. Nakahanda na ang mesa at ika ko nga ay siguro’y parating na kayo,” yaya nito sa kanila habang pumapasok sa kabahayan.
Biglang kumulo ang tiyan ni Aya ng maamoy ang tinolang manok. Napatingin ang tatlo sa kaniya bago bumunghalit ng tawa.
“Hindi ko na itatanong kung gutom ka na Arianne at tiyan mo na ang nagsabi,” komento pa ng lola niya sa pagitan ng tawa.
Sabay-sabay silang dumulog sa hapag.
Matapos ang masarap na pananghalian at kaunting kwentuhan, nagpaalam na rin ang kanyang mga magulang. Naiwan sila ng matanda sa bahay ni Lola Juliet. Tahimik ang paligid. Tanging huni ng mga ibon at tunog ng hangin sa mga dahon ang kanyang naririnig.
Maganda naman pala ang ganitong paligid. Sa loob-loob niya. Nakaagaw ng kaniyang pansin ang isang paru-parong palipat-lipat sa mga bulaklak ng santaana. Bumaba siya sa hagdan at dahan-dahang lumapit sa paru-paro pero tila naramdaman nito ang kaniyang pagdating. Mabilisi tong lumipad palayo.
Dala ng kuryosidad, sinundan niya ang paru-paro. Hindi niya alam ngunit tila may nag-uudyok sa kaniyang sundan ang daan kung saan ito patungo. Hindi nagtagal at pumasok ito sa loob ng bodega. Napatigil siya.
"Gusto mo bang pumasok sa loob? Halika't ipapakita ko sa 'yo ang gawaan ng palayok," aya ni Lola Juliet buhat sa kaniyang likuran.
Halos mapatalon si Aya sa gulat. Hindi man lang niya napansing kasunod pala niya ang matanda. Masyado siyang naaliw sa paru-parong iyon.
Napilitan siyang sumama. Wala rin naman siyang magawa kundi sundin ang matanda. Nagtuloy sila sa lumang bodega na yari sa kahoy at bato. Naroon ang iba't ibang hugis at laki ng palayok, paso, at kung anu-anong likhang-luwad.
“Dito ako araw-araw. Kahit na luma na ang katawan ko, masigla pa rin ang mga kamay ko,” may pagmamalaking sabi ng matanda habang inaayos ang mga palayok sa estante.
Ilang beses nang nakapasok doon si Aya. Pero iba ngayon. Hindi niya maipaliwanag subalit may kung anong mahikang tila humahatak sa kaniya upang pagmasdan ang mga likha.
Nagagandahan na siya sa ito noon pero iba ang paghanga niya ngayon. Maski siya ay nagtataka sa sarili.
Ano bang nangyayari sa akin? Tanong niya sa isip.
“Pwede po bang tingnan ko ang mga nasa bandang iyon?” tanong niya sa kaniyang lola bago itinuro ang isang lumang estante sa may bandang sulok.
Lumingon ang matanda at saglit na natahimik. Tumingin ito sa kanya at bahagyang ngumiti.
“Naku, ay hindi ko pa yun nalilinis buhat nung isang buwan. Baka maalikabok na doon.” Anito.
“Okay lang po,” sagot naman niya at tuloy-tuloy na naglakad palapit sa estante.
May sasabihin pa sana ang matanda pero nakaalis na siya. Buo ng paghanga niyang pinagmasdan ang mga naka-display na jar. Hindi iyong mga ordinaryong paso lamang. May mga nakaukit ditong mga taon.
Mula sa mga nakahilera sa pinakababa, hanggang sa pinakataas, may taon at initials.
1892- J.I.S.
1922 – R.S.M.
1947- C.G.S.
1977- M.N.S.
2002 – J.N.S.
Napakunot-noo siya. Isang letra ang pare-pareho sa mga initials na iyon. Ang letrang S. Ano kaya ang ibig sabihin noon? Pero sa halip na itanong sa lola niyang nag-aayos sa kabilang bahagi ng bodega, nagpatuloy siya sa pagtitingin-tingin sa mga naka-display na paso.
Lingid sa kaniyang kaalaman ay tahimik siyang pinagmamasdan ng Lola Julieta niya. Bakas sa mukha nito ang pinaghalong pangamba at pananabik sa mga susunod niyang ikikilos. Maya-maya pa’y napahugot ito ng pigil na paghinga. Nasa harap na si Aya ng isang bagay na matagal na niyang hinihintay na lapitan nito.
Napukaw naman ang pansin ni Aya ng isang palayok na hindi pa tapos hulmahin subalit naka-display na sa estante. Pinagmasdan niya iyon. Masusi niyang inisa-isa ang mga nakauskit na disenyo rito at napakunot ang noo niya ng mapansin ang isang paru-paro.
Mas lumalim pa ang pagkakakunot ng noo niya ng mapagtanong kamukha ito ng paru-parong sinusundan niya kanina. Ang tanging kaibahan nga lamang ay wala itong kulay.
Wala sa sariling hinaplos niya ang palayok. Kasabay ng paglapat ng kaniyang mga daliri sa palayok ay ang mabining pag-ihip ng hangin sa loob ng bodega. Nakaramdam si Aya ng kakaibang pakiramdam. Lumingon siya upang may itanong sana sa kaniyang lola ngunit wala na ito roon. Napakibit-balikat siya. Baka may kinukuha sa loob ng bahay.
Inilibot niya ang tingin sa paligid. Nasa loob pa rin naman siya ng bodega pero parang may kakaiba. Hindi nga lamang niya maisigurado kung ano o alin.
Muli siyang napahawak sa palayok. Mainit-init pa ito sa kabila ng tila matagal nang nakalagay sa estante. Sa sandaling iyon, tila may dumaloy na alon sa kanyang palad—parang pintig ng puso na hindi kanya. Napasinghap siya. Umihip na muli ang malamig na hangin. Ngunit sa pagkakataong ito, may kasabay nang tila bulon- mga salitang hindi niya maintindihan ngunit pamilyar ang tunog. Kinilabutan siya.
Biglang lumiwanag ang paligid. Napapikit siya. Nang muli niyang imulat ang mga mata, wala na ang bodega. Wala na ang mga palayok. Wala pa rin si Lola Julieta.
Sa halip, nasa gitna na siya ng isang malawak na tabing-ilog, kung saan may mga babaeng may bahag at puting tapis na abala sa paghubog ng luwad. Kaiba sa hulmahan nila sa Palahanan, hindi moderno ang kanilang kagamitan, kundi mga kamay at dasal. Umaawit sila habang humuhulma—isang himig na hindi niya maintindihan ngunit tila lumulukob sa buo niyang pagkatao.
Muli na naman tumaas ang mga balahibo niya.
Napatitig siya sa isang matandang babae sa gitna ng bilog. Ang kilos nito’y puno ng paggalang sa bawat nililikhang palayok. Bigla itong napatingin sa kanya.
“Aba, sino ka iha? Wala ka kanina,” anito, ngunit sa wikang hindi Tagalog pero lalo namang hindi Ingles. At ang mas ikinagulat ni Aya ay naiintindihan niya ito.
“Po?” sagot niya, nanginginig ang tinig. “Nasaan po ako?”
Hindi sumagot ang matanda. Sa halip, tinitigan lamang siya at marahang lumapit. Humawak ito sa noo niya. Napangiwi siya dahil maputik ang kamay nito. Paniguradong bakat ang mga daliri nito sa kaniyang noon. Marahan itong nagsalita:
"Ikaw ang inutusan ng mga lumang anito upang paalalahanan kami."
"Ano pong sinasabi ninyo?" Naguguluhan niyang tanong. “Anito? Ano yun?”
Ngunit patuloy itong nagsalita na tila ba wala siyang sinabi.
"Ang isa'y darating. Magmumula sa hinaharap. Taglay ang marka ng paru-paro—sagisag ng pagbabagong lilok ng kasaysayan."
Naguluhan si Aya. Hindi niya alam kung nananaginip ba siya o sadyang tuluyan na siyang nawala sa sarili. Ngunit bago pa siya makapagtanong muli, isang malakas na tunog ng palayok na nahulog ang pumunit sa katahimikan. Isa sa mga pinatutuyong lilok na luwad ang nabasag. Isang pangitain ang sumilay sa kanyang mata—isang batang umiiyak sa gitna ng putik, isang bundok na gumuho, at isang kamay ng matandang babae na unti-unting nawawala.
Hindi siya makahinga. Sa isang iglap, nagbalik siya sa loob ng bodega. Nanginginig, nangingilid ang luha, at muling nakatayo sa harap ng palayok na may ukit ng paru-paro.
Wala pa rin si Lola.
Ngunit sa sulok ng bodega, may isang bagong paso na hindi niya nakita kanina.
At sa ilalim nito, may nakaukit: 2025 – A.M.S.
Hindi pa rin siya makakilos.
Nakatingin pa rin si Aya sa palayok na may ukit ng paru-paro at sa bagong paso na lumitaw na may ukit na 2025 – A.M.S.
A.M.S. – Arianna Marasigan Santos. Pangalan niya iyon. Maaari kayang ang J.N.S. ay pangalan ng lola Julieta niya? Julieta Naredo Santos?
Sa likuran niya’y narinig niya ang marahang yabag ng paa. Tatakbo na sana siya upang salubungin ang Lola Julieta niya at upang patunayan sa sarili na hindi siya nahihibang pero napatigil siya. Paglingon niya, naroon muli ang matandang babae mula sa kanyang pangitain sa ilog. Ngayon ay tila may liwanag na nakapalibot dito—hindi nakakasilaw, kundi mapayapa. Hindi ito si Lola Julieta. Ngunit parang may koneksyon silang dalawa.
Lumapit ito sa kanya, at sa isang pitik ng kamay, parang nag-iba na naman ang paligid.
Ngayon ay nasa gilid na siya ng ilog. Hindi gaya kanina, wala nang mga babaeng humuhulma ng palayok. Wala nang awit. Wala na ring luwad. Sa halip, puro putik dahil sa gumuhong lupa. Basag-basag ang mga palayok sa paligid. Nasa harapan niya ang mga batang walang sapin sa paa, nanginginig sa lamig. Walang apoy. Walang tahanan. Umiiyak.
“Anong nangyari?” tanong ni Aya, nanginginig ang boses.
“Ganito ang magiging kinabukasan, apo ng mga manlililok, kung hindi mo tatanggapin ang pamana,” mahinahon ngunit matatag na sabi ng matanda. “Ang mga kamay ng iyong mga ninuno ang humulma ng kultura’t kabuhayan ng inyong bayan. Kung hindi mo dadalhin, mawawala. At kapag nawala, kasabay rin nun ang pagguho ng dangal at pagkakakilanlan.”
“Pero bakit ako?” halos pabulong niyang tugon. “Hindi ko po ‘to pinili. Wala po akong alam sa palayok. Mas gusto ko pong—” napahinto siya.
Mas gusto ko pong mag-TikTok.
Hindi niya kayang ituloy ang pangungusap. Napakaliit ng dating alalahanin kumpara sa kahulugan ng nakita niya ngayon.
“Baka ito ang dahilan kung bakit ikaw ang pinili. Sapagkat ang pamana ay hindi hinihingi. Ito’y ibinibigay, upang matutunan mo kung paano ito ipagpatuloy.”
Muling bumalot ang liwanag sa paligid. At sa isang kisapmata—nasa loob na muli siya ng bodega. Muling katahimikan. Parang walang nangyari. Parang panaginip lang.
Ngunit naroon pa rin ang palayok. At naroon pa rin ang kanyang pangalan.
Hindi alam ni Aya kung saan nagmumula ang lakas ng loob na biglang dumaloy sa kanyang katawan, pero kinuha niya ang lumang apron na nakasabit sa pako. Isinuot niya ito. Sa tabi ng paso, nakita niya ang isang maliit na batya ng luwad. Inilubog niya ang kanyang mga daliri. Malamig. Basa. Buhay.
At sa unang pagkakataon, pinisil niya ang luwad. Wala na siyang pakialam kung babagong lagay lamang ang kaniyang nail extension.
Nag-ukit siya ng linya. Hindi perpekto. Hindi pantay. Pero may hugis. May simula.
Sa likod niya, biglang lumitaw si Lola Julieta, tahimik na nakamasid.
“Areng si Arianna, marunong na ring humawak ng lupa. Ikaw ba ga’y naglalaro o napilit bumuo ng pagsasaingan natin ng tulingan mamaya,” nakangiting sambit ng matanda, may bahid ng luha sa mga mata.
Nginitian lamang niya ito ngunit niya siya nagsalita. Saglit na nagtama ang kanilang mga mata at isang mabining tango ang ibinigay sa kaniya ng kaniyang lola. Mas lumawak ang ngiti ni Aya. Sapat na ang tingin, tango at ngiting iyon upang magkaunawaan sila ng kaniyang lola.
Tiningnan niya ang luwad sa kanyang mga kamay.
At sa kanyang puso, unti-unting umusbong ang damdaming matagal nang nahimlay: pagkakakilanlan at dangal.