Return to site

HINUBOG NG WIKA

ni: MA. VICTORIA V. MAULLON

Wikang Filipino, pagkakakilanlan ng lahi,

Sa puso’t diwa ay namumutawi,

Kahit kailan, kahit saan ay nanatili,

Wika Mo! Wika Ko! ay iisa’t tatak ng ating lahi.

“Wikang Filipino: Salamin ng mayamang kultura”,

Bumuo sa pagkataong pinagmulan,

Mga bagay-bagay na aking natutunan,

Sa aking minamahal na magulang.

Mula nang isilang ay nauulinigan,

Katagang “po” at “opo” ay laging napakikinggan,

Kaya kinalakhan sa tuwina’y paggalang,

Sa minamahal na mga magulang.

Si ama’y nakilala sa pagsama sa bayanihan,

Kung saan siya’y agarang tutulong sa bayan,

Lalo’t higit sa mga karatig-bayan,

Kaya’t laking pasasalamat ng bayang pinagmulan.

Si ina nama’y kilalang mapagbigay,

Hindi kami mayaman at salat sa anumang bagay,

Palagi n’yang sambit, “mas maigi tumulong sa nangangailangan”,

Turan niya’t “tayo’y busog, tiyan nila’y walang laman.”

Itong lola ko nama’y kaina-inaman,

Nagpapasinsay kung sinong dumaan,

Halina’t magkape at magkuwentuhan,

Dine sa aming munting tahanan.

Bukambibig ni lolo’y palaging tandan,

Pamilya’y mahalaga sa anumang bagay,

Kahit saan, kahit kailan ay itatak sa isipan,

Pagkakabuklod-buklod nito’y dahil sa pagmamahalan.

Wika’y naging tulay sa paghubog niring katauhan,

Na mayamang kultura ng ating bayan,

‘Di mawawala, ‘di mananakaw ninuman,

Pagkat ito’y nakaukit sa puso’t isipan.