Return to site

HABI NG SALITA, YAMAN NG KULTURA

ni: DR. ANGELA C. NAPA

Saan man sa mundo, kilala ang Pilipino

Sa trabaho’y mahusay, gawa n’ya ay pulido

Sa entablado man, arte’t awit ay totoo

Sinuman ay humahanga, tunay na saludo.

Sa larangan ng empleyo, hiling ay Pinoy sana

Mababa man ang pwesto, ugali ay dakila

Pinuno man ng ahensya, gawa’y kilala na

Pilipino, ‘di iba, ipagmamalaki ka!

Ang mga nabanggit, ay tunay at posibli na

Sa lakas at talino, sa sipag at tiyaga

Lahat kinakaya ng dahil sa isang wika

Ang Wikang Filipino, salamin ng kultura.

Kilalang mayaman na, ang kultura ng lipi

Bawat letra ng salitang nunukal sa labi

Ay mula sa wika, tagumpay ng ating lahi

Kaya tayo na’t gamitin, wika’y ipagmalaki.

Wikang s’yang naging dahilan ng pagkakasundo

Ng bawat pamilya, sambayanang Pilipino

Pag-angat ng isa, ramdam ng bayan at mundo

Ang totoong dahilan, ang Wikang Filipino.

Kulturang mayaman, bukam-bibig na ninuman

Nauunawaan, minamahal, ating ingatan

Magandang pamana sa ‘ting mga kabataan

Wikang tagapag-buklod ay ating alagaan.

Tayong mga Pinoy ay may Wikang Filipino

Taas noo, ipagmalaki sa buong mundo

Wala itong kaparis, habi nito ay simbolo

Salamin ng kultura, dangal ng Pilipino.