Return to site

GURO NG KABATAAN: TAGAPAGDALA NG WIKA'T KULTURANG BAYAN

ni: AL GERWEN M. APULI

Sa silid-aralan na puno ng sigla,

Ako’y guro’t ama ng mga munting bata.

Sa titig nila’y, doon ko nakikita,

Pag-asang may anyo ng aking adhika.

Sa wikang Filipino ako'y nagtuturo,

Ng “po” at “opo,” asal na totoo.

Sa bawat kwento’t awit na may aral,

Lumalalim ang puso nilang mapagmalasakit at banal.

Hindi lang letra ang aking itinuturo,

Kundi ang dangal ng kulturang totoo.

Kapag sila’y naglalaro ng luksong tinik,

Kasaysayan ng lahi'y aking naihahandog sa titik.

Tumbang preso’t tiyakad ay aking kasama,

Sa paglalaro, sila’y natutuwang talaga.

Ngunit sa bawat tawa’t hiyawan,

Ay butil ng diwa ng pagka-Pilipino ang natataniman.

Gamit ang wika, ako’y nagtutulay,

Mula puso ng bata tungo sa gabay.

Sa simpleng “Magandang Umaga po,”

Naroon ang dangal na hindi matutumbasan ng ginto.

Ako’y lalaking guro, buong pusong nagtuturo,

Na ang wika’y hindi hadlang kundi tulay ng puso.

Maging sa laro, asal at salita,

Wikang Filipino ang sinag ng pag-asa.

Sa kwento ng bayani o dasal ng bata,

Lumalalim ang ugat ng kanilang diwa.

Saksi ang silid sa araw-araw na tagpo,

Kung paanong wika’y humuhubog sa mundo.

Itong wikang minana, atin sanang pagyamanin,

Sa laro, sa aral, sa puso’y panatilihin.

Ako’y guro, tagapagtanggol ng wika’t dangal,

Isang haligi ng kulturang tunay na mahal.