Return to site

GNG. CUANTITA TIBO

ni: BAI FAMELA MAE U. KADATUAN

· Volume IV Issue III

Sana nasa mabuti kang kalagayan

Ako pala'y hindi, halata naman

Napanaginipan ko pala ang iyong anak

Si Deskriptib-Correlational na nananapak

 

Isa pa 'tong si Causal- Komparatib

Dumadagundong aking dibdib

Animo'y salarin, tinutugis sa may talahib

Epekto mo'y hanip, ako'y nabibilib

 

Kahit sa panaginip, di sila mapigilan

Si Eksperimental, ayaw akong tantanan

Binuhusan ako ng isang sakong abono

Baka raw umangat pa ang antas ng talino

 

Habol-hiningang namulat sa katotohanan

Sandamakmak na papel nakagugulantang

Buti pa si Malayang barbayol masaya lang,

Di Malayang baryabol, sanaol na lang.

 

Sila F-test at T-Test, ang kambal ng tadhana

Simula't sapul nakalilito pa rin inyong mukha

Si Mean na inuugali ang pangalan

At si Regression, aatakihin ka ng hypertension

 

Si Dr. Hypothesis naman sa buhay ay paladesisyon,

Binansagan ngang Asyumera ng Taon

Dinaig pa si Dr. Correlation

Di maitatago mga lihim na relasyon

 

Gising na ba ako o binabangungot pa?

Sari-saring mukha aking nakikita

Bigla kong naalala

May gagawin pa pala

 

Ginang, ako sana'y may kahilingan

Oras ng pasahan ay mapahabaan

Sa takdang araw kinakabahan

Wala pang pamagat na didepensahan.