Return to site

FILIPINO: WIKA KO, YAMAN KO!

ni: JOVIE L. VILLANUEVA

· Volume V Issue I

Pilipino ako at Filipino ang wika ko,

Wala itong katumbas ano mang yaman sa mundo,

Ipinagmamalaki ko sa kahit na kanino,

Salamin ‘to ng yaman ng kulturang Pilipino.

 

Ang wikang Filipino ay buhay at daynamiko,

Binubuo ng mahigit sandaang dayalekto,

Mula sa magigiting na ninunong Pilipino,

Pinapamalas ating galing at angking talino.

 

Ang bawat salitang bumubuo sa ating wika,

Pawang may katumbas rin at may lihim na hiwaga,

Kapag minumutawi, tayo ay napapamangha,

Tunay ngang wikang Filipino ay kahanga-hanga!

 

Bawat rehiyon na bumubuo sa Pilipinas,

Sa wikang Filipino’y may ambag na pinamalas,

May kanya-kanyang kultura at dayalektong bigkas,

Nagpapaigting ng ganda at yaman netong likas.

 

Wikang Filipino’y walang katumbas na halaga:

Larawan ng kasaysayan at ng ating kultura,

Simbolo ng pagkakaisa’t pagiging Malaya,

Yaman at maipagmamalaki ng ating bansa!