ABSTRAK
Ang pag-aaral na ito ay naglalayong matukoy ang epekto ng manipulatibong materyales sa antas ng kasanayan sa pagbasa ng mga mag-aaral sa ikaapat na baitang ng mga pampublikong paaralang elementarya. Partikular, sinuri nito ang antas ng paggamit ng manipulatibong materyales sa limang baryabol: pagkilala sa tunog ng titik; pag-uugnay ng tunog at titik; tatas sa pagbasa; pagpapalawak ng talasalitaan; at pag-unawa sa binasa. Tinalakay din ang ugnayan ng paggamit ng materyales sa antas ng kasanayan sa pagbasa at ang antas ng pagtanggap ng mga hurado sa mga inihandang materyales. Gumamit ang pag-aaral ng deskriptibong disenyo sa pamamaraang sarbey na lumahok ang 80 guro mula sa napiling mga pampublikong paaralang elementarya sa Taong Panuruang 2025–2026 sa isang bayan ng Ikatlong Distrito ng Albay. Ang sumusunod ang ginamit na kagamitang estadistika: Frequency Count, Percentage Technique, Weighted Mean, at F-Test ANOVA upang suriin ang mga datos.
Ipinakita ng resulta na ang antas ng paggamit ng manipulatibong materyales ay pinakamataas sa pagtutugma ng salita batay sa huling tunog na may weighted mean na 3.80 na Lubos na Ginagamit, habang ang paggamit ng Sound Boxes at word mat ay may pinakamababang antas ng paggamit na 2.58 at 3.28 na Minsan na Ginagamit. May makabuluhang pagkakaiba sa antas ng paggamit ng manipulatibong materyales sa limang baryabol ayon sa F-Test na may computed F-value na 4.00 na mas mataas kaysa sa tabular F-value na 2.52. Ipinakita rin na may makabuluhang ugnayan ang paggamit ng materyales sa kasanayan sa pagbasa ng mga mag-aaral ayon sa F-Test na may computed F-value na 9.58 na mas mataas kaysa sa tabular F-value na 2.23. Ang antas ng kasanayan sa pagbasa ay mataas, partikular sa pagpapakita ng kasiyahan at interes sa pagbabasa na may weighted mean na 3.90 na Napakahusay. Ang inihandang manipulatibong materyales ay napatunayang Lubos na Katanggap-tanggap na may weighted mean na 4.57.
Ang paggamit ng manipulatibong materyales sa pagtuturo ng phonemic awareness ay napatunayang epektibo, kaya’t inirerekomenda ang patuloy na paggamit nito sa mga klase upang mapalawak ang kasanayan sa pagbasa. Mainam na hikayatin ang mga guro na mas gamitin at gawing interaktibo ang manipulatibong materyales, lalo na sa Pagkilala sa mga Tunog ng Titik at Pag-uugnay ng Tunog at Titik, upang mas mapaunlad ang kasanayan sa pagbasa ng mga mag-aaral. Palawigin at paigtingin ang mga aktibidad na naghihikayat ng interes at kasiyahan sa pagbabasa upang higit pang mapanatili at mapaunlad ang positibong saloobin ng mga mag-aaral, lalo na sa pagpapahusay ng kanilang kakayahang umunawa sa binasang pangungusap at talata. Higit pang hikayatin ang mga guro na aktibong gamitin ang mga materyales sa pagtuturo upang mas mapaunlad ang kasanayan sa pagbasa ng mga mag-aaral at upang mas maging interaktibo, makabuluhan, at kawili-wili ang proseso ng pagkatuto. Patuloy na hikayatin ang mga guro na epektibong gamitin ang mga materyales sa pagtuturo upang higit pang mapaunlad ang kasanayan sa pagbasa at mas mapalakas ang aktibong partisipasyon at interes ng mga mag-aaral sa proseso ng pagkatuto. Paggamit ng iba-ibang uri ng manipulatibong materyales upang higit pang mapabuti ang kasanayan ng mga mag-aaral sa pag-unawa sa binasang pangungusap o talata at sa paggamit ng bagong salita sa sariling pangungusap, upang higit na mapalakas ang kanilang aktibong partisipasyon at interes sa pagbasa.
PANIMULA
Ang pagbabasa ay isang pundamental na kasanayan na nagsisilbing batayan ng pagkatuto at akademikong tagumpay ng mga mag-aaral. Sa kabila ng kahalagahan nito, patuloy na nararanasan ng maraming mag-aaral sa elementarya, partikular sa ikaapat na baitang na nasa transisyong yugto mula antas primarya tungo sa intermedyet. Ang kahirapan sa pagbasa ay nagiging hadlang sa kanilang pag-unawa sa iba-ibang asignatura. Dahil dito, kinakailangang pagtuunan ng pansin ang mga estratehiyang makatutulong sa pagpapataas ng antas ng kasanayan at interes ng mga mag-aaral sa usaping ito.
Bilang tugon sa pangangailangang ito, binibigyang-diin ng Republic Act No. 10533 o Enhanced Basic Education Act of 2013 ang pagpapaunlad ng mga pundamental na kasanayan kabilang ang pagbasa, bilang mahalagang bahagi ng de-kalidad na edukasyon. Pinatitibay pa ito ng DepEd Order No. 56, s. 2020 o Guidelines on the Implementation of the Reading Program for DepEd Schools, na nagtatakda ng mga pamantayan at estratehiya sa pagpapatupad ng mga programang pagbasa, kabilang ang paggamit ng mga angkop at inobatibong pamamaraan tulad ng mga manipulatibong materyales upang matugunan ang mga kakulangan sa literasi ng mga mag-aaral. Ang pag-aaral na ito ay nakatuon sa pagsusuri ng epekto nang paggamit ng mga manipulatibong materyales sa kasanayan sa pagbasa ng mga mag-aaral sa ikaapat na baitang. Layunin ng mananaliksik na matukoy kung makatutulong ang mga materyales na ito sa pagpapataas ng pag-unawa at interes sa pagbasa, at makapagbigay ng batayan upang mapahusay ang mga estratehiya sa pagtuturo ng pagbasa sa mga pampublikong paaralan.
see PDF attachment for more information