Return to site

DAKILANG PUSO

ni: KATE LYN M. ARCILLAS

Ang tunay na kabayanihan ay ang pagkakaroon ng busilak na kalooban.

Sa pusod ng kalikasan, sa isang lugar na malayo sa kabihasnan ay matatagpuan ang isang kabukiran. Nakakabinging-huni ng katahimikan, kapayapaan at pagkakaisa ang namumutawi sa lahat. Matatanaw rito ang mga palay na sumasayaw kasabay ang tugtog ng hangin, ang lagaslas ng tubig sa batis at mga ibong umaawit na siyang nagdadala ng pag-asa sa bawat taong nakaririnig. Malayo sa siyudad, malayo sa gulo at karahasan. Sa lugar na ito namulat at isinilang ang isang malusog at mabait na batang si Kenneth. Si Kenneth ay ang kaisa-isang anak ng mag-asawang Aling Mary at Mang Edu. Likas sa kanya ang pagkakaroon ng pusong ginto. Hindi na bago sa kanya ang pagtulong sa kapwa nangangailangan at kahit minsan ay hindi man lang humingi ng anumang halaga, sapagkat bukal sa kanyang kalooban ang kanyang ginagawa. "Tay, tulungan ko na po kayo." ani ni Kenneth ng makita niya ang isang umuugod-ugod na matandang lalake na naglalakad sa daan. "Sige, iho." sambit ng matanda. Hinawakan ni Kenneth ang kamay nito ng mahigpit at inalalayan sa bawat hakbang hanggang sila ay makatawid sa kabilang dako ng daan. "Maraming Salamat, iho. Napakabait mong bata. Pagpalain ka ng diyos." ani niya habang nakangiti. "Walang anuman, Tatang. Hindi ko po maatim na makita kang nahihirapan sa pagtawid. Mag-ingat po kayo sa pag-uwi. Paalam na po, Tatang." ani ni Kenneth.

Pinagpatuloy niya ang kanyang paglalakad pauwi sa kanilang bahay. Namamangha pa rin siya sa tanawin na kanyang nakikita araw-araw. Ang kabukiran na simbolo ng kapayapaan at tiwasayan ng buhay. Habang siya'y nagmumuni-muni ay narinig niya ang isang matinis na iyak at dali-dali niyang pinuntahan ang direksiyon nito.

Nakita niya ang isang batang tumatangis at nakatingala ang mga mata sa ibabaw ng puno. Agad niya itong nilapitan at tinanong. "Ineng, anong nangyari sa iyo? Bakit ka umiiyak?" wika niya. "Ku..ya.. si Kiko.... nasa... ibabaw...ng puno...at..hindi makababa...." ani niya habang ang kanyang boses ay nauudlot at pilit binibigkas ang mga salita dahil sa tinding paghikbi. Tumingala si Kenneth at tinignan ang puno. Doon niya nakita si Kiko. Nakasabit at nahihirapang ibaon ang mga kuko nito sa puno. Dito rin niya napagtanto na si Kiko pala ay isang pusa at alaga ng bata. "Ineng, Huwag ka ng umiiyak. Ako na ang bahala. Sisiguraduhin kong walang mangyayari kay Kiko." sambit ni Kenneth habang pinapatahan ang bata. Walang pag-aatubiling inakyat ni Kenneth ang puno. Sa una'y nahihirapan, sapagkat basa ang balat nito at siya'y nadudulas. Gayunpaman, hindi pa rin siya sumuko sa pagligtas sa pusa. Alam niyang babalik ang sigla ng bata kapag ligtas niyang naibaba ang pinakamamahal nitong alaga. "Ineng, malapit ko na siyang makuha. Maghintay ka lamang." sambit niya. "Opo, kuya mag-ingat ka." wika ng batang babae. Makalipas ang ilang minuto ay matagumpay na nakuha at naibaba ni Kenneth ang pusa. Agad itong niyapos ng batang babae at makikita sa kanyang mukha ang kagalakan. "Kiko, pasensiya ka na ha. Kamusta ka? Wala bang masakit sa'yo." sambit niya habang kinakausap ang alaga. Si Kenneth sa kabilang banda ay masaya at patuloy na nakangiti dahil siya ay muling nakatulong sa kanyang kapwa. Lumapit ang bata kay Kenneth at karga-karga ang pusa. "Maraming Salamat, Kuya. Hindi ko po alam kung ano ang mangyayari kong hindi po ninyo kami tinulungan. Napakabuti po ng inyong puso. Pagpalain po kayo." sambit niya. "Walang anuman, masaya akong nakakatulong sa kapwa nangangailangan. Sa susunod ay alagaan mo ng mabuti si Kiko at huwag pababayaan. Mag-ingat kayo sa pag-uwi." ani ni Kenneth. "Opo, kuya." sabi ng bata.

Si Kenneth ay patuloy na naglakbay sa kabukiran pauwi sa kanilang bahay. Ayaw man niyang mapalayo sa magulang at iwan ang lugar na kinalakhan ito ay kinakailangan, sapagkat ang kolehiyo ay nasa siyudad. Sa isang lugar na nakakabingi ang tunog ng busina ng mga sasakyan, nagsisitaasang mga gusaling kumikislap-kislap at simoy ng hangin na may halong usok ng sigarilyo, kape at sasakyan. Sa loob ng isang taon, mabibilang lamang sa kanyang daliri ang kanyang pag-uwi at sabik na sabik siyang makitang muli ang kabukiran at masilayan ang mukha ng kanyang mga magulang. Malapit na siya sa kanilang tahanan at ilang hakbang nalang ay mayayakap na niya ang kanyang pamilya. Nang biglang nakita niya ang isang batang lalakeng buto’t balat na pasan-pasan ang timba na puno ng tubig. Umiral na naman ang busilak niyang puso. Hindi niya kayang makitang nahihirapan ang bata sa mura nitong edad at agad niya itong nilapitan. "Totoy, Kailangan mo ba ng tulong?" sambit niya. "Opo, kuya. Nahihirapan po kasi akong pasanin ang timba ng tubig dahil hindi kaya ng aking mga katawan." ani ni totoy habang hinihingal. "Sige, ibigay mo sa akin ang timba at ituro mo ang direksiyon ng inyong bahay. Ako na ang papasan nito." wika ni Kenneth. "Opo, kuya." sambit niya. Agad silang naglakad sa papunta sa direksiyon ng bahay ng bata. Si Kenneth ay pasan-pasan ang timba. Ito man ay mabigat at siya'y nahihirapan hindi pa rin siya sumusuko. Hindi niya dinamdam ang pagod na iniinda, sapagkat nanaig ang kanyang konsensiya. Pagkatapos ng limang minuto ay narating rin nila ang bahay ng bata at agad itong nagpasalamat sa kanya. "Maraming salamat, kuya. Hulog ka ng langit sa isang katulad ko. Sana'y marami ka pang matulungan at pagpalain ka ng Diyos. Ingat po kayo." sambit ng bata. "Walang anuman, totoy. Tandaan mo, sa oras na mayroong taong humingi ng tulong sa iyo at kaya mo ito ibigay. Huwag magdalawang-isip na ito'y tulungan. Paalam na sa'yo." ani ni Kenneth.

Sa ikatlong pagkakataon ay nakatulong si Kenneth at iisa lamang ang sambit nilang lahat. Pagpalain nawa siya sa taglay niyang kabutihan na hindi naghahangad ng anumang kapalit. Nagpatuloy siyang muli sa kanyang paglakad, ilang minuto lamang ang lumipas ay natanaw na niya ang kanilang munting tahanan. Maliit at hindi-gaanong kalakihan pero ang mga taong naninirahan ay may taglay na malaking puso para sa lahat ng kapos at nangangailangan. Nakita niya ang kanyang ina na nakadungaw sa bintana wari'y nag-aalala. "Inay!" malakas na sigaw niya. Agad na lumabas ang kanyang ina at niyapos siya ng mahigpit. "Kenneth, anak ko." wika ng kanyang ina na nangungulila sa kanya habang hawak-hawak ang kanyang mga mukha. "Opo, si Kenneth po to nay." pabiro niyang sabi. "Alam mo bang nag-aalala ako sa iyo? Kanina pa kita hinihintay. Saan ka ba nanggaling?" ani ni Aling Mary. "Pasensiya na po, kung nag-alala kayo sa akin. Marami po kasi akong tinulungan sa daan." wika ni Kenneth. "Hay nako, anak. Hindi ka pa rin nagbabago. Ikaw pa rin ang pinakamatulungin rito sa atin." sambit ng kanyang ina. "Inay, Ikaw ang nagturo sa akin. Naalala ko pa rin ang payong sinabi mo sa akin noong ako'y bata pa. Ang taong matulungin ay mahal ng Diyos, sapagkat ang taong may busilak na puso ay kanyang kinalulugdan." ani niya.

Napangiti na lamang ang kanyang ina at niyaya siyang pumasok na sa kanilang tahanan upang nagpahinga at maya-maya lamang ay nakauwi na rin ang kanyang ama mula sa pagsasaka sa palayan. Siya'y niyapos rin nito sa sobrang pangungulila. Naghanda rin ang kanyang mga magulang ng simpleng salu-salo para sa kanya at sabay silang kumain sa hapag-kainan habang nag-uusap. "Anak, kamusta ka naman sa Maynila? Hindi ka ba nahihirapan doon?" sambit ni Mang Edu. "Hindi naman po Itay. Mayroon naman po akong mga kaibigan na tumutulong rin po sa akin kapag ako'y nahihirapan." ani niya. "Mabuti naman kung ganon. Masaya na kami ng iyong ina na nasa maayos kang kalagayan." wika ng kanyang ama. "Maiba naman po itay, kamusta po kayo rito? Kamusta po ang inyong pagsasaka?" ani niya. Biglang nalungkot ang paligid at naging matamlay ang kanyang mga magulang. "Kenneth, hindi masyadong masagana ang ani sa sakahan ngayon." wika ng kanyang ina. "Bakit naman po?" gulat na sambit ni Kenneth. "Mayroong minahan ngayon rito sa atin malapit sa paanan ng bulkan. Nagdudulot ito ng paglubog ng tubig at pagguho lupa na nakakaapekto sa sakahan. Hindi namin sila mapaalis kahit kami'y umaklas sapagkat silang permiso mula sa kinauukulan." matamlay na wika ng kanyang ama. "Ano na lamang ang mangyayari ama? Ang masaganang kabukiran ay masisira lamang ng dahil sa mga ganid na tao. Ang magandang tanawin ay unti-unti nilang pinapatay." galit na sambit ni Kenneth. "Wala na tayong magagawa anak. Kailangan na nating lumikas sa madaling panahon. Iwan ang kabukiran kahit hindi man natin kagustuhan. Wala na tayong magagawa." wika ng kanyang ina. Nang biglang may narinig silang malakas na pagsabog at kasabay nito ay ang pagyanig ng lupa. "Nay, Tay, lumabas na tayo rito. Delikado tayo." wika ni Kenneth. Dali-dali silang lumabas ng bahay. Ang mga tao ay nagkakagulo at lahat ay may bitbit na mga kagamitan at hila-hila ang kanilang mga alagang hayop. "Ate, anong nangyayari rito?" tanong ni Kenneth kanyang kapit-bahay na si Jona. "Nako, Kenneth mabuti at nandito ka. Sumabog ang bulkan ng dahil sa pagmimina. Kailangan na nating lumikas baka magulungan tayo ng malalaking tipak ng bato at magkaroon ng landslide." wika niya at agad na umalis upang hanapin ang kanyang mga magulang. Agad namang pinuntahan ni Kenneth ang kanyang mga magulang. "Nay, Tay, kailangan na po nating umalis rito." wika ni Kenneth. Aalis na sana sila ng makita niya ang isang batang babaeng umiiyak at nawawala. "Nay, Tay, mauna na po kayo." sambit niya sa kanyang mga magulang. "Hindi pwede, kailangang kasama ka namin." wika ng kanyang ama. "Sige na po tay, pangako susunod po ako." ani niya. Wala nang nagawa ang kanyang mga magulang at iniwan na lamang siya nito at dali-daling bumaba at pumunta sa ligtas na lugar. Agad namang binalikan ni Kenneth ang batang babae at dinampot. Kinarga niya ito habang tumatakbo. Ilang minuto lamang ang lumipas ay narinig niya ang isang inang tumatawag sa kanyang anak. "Anak, mika? Nasaan ka na?" umiiyak nitong sigaw. Dali-dali naman itong pinuntahan ni Kenneth at ibinigay ang bata. "Nako po! Mika mabuti at ligtas ka. Maraming salamat po." sambit niya habang tumutulo ang mga luha sa mata. "Dalian na po ninyo umalis na po kayo dito." hinihingal na sambit ni Kenneth. Agad namang sinunod ito ng mag-ina at tumakbo ng marahan. Si Kenneth ay naiwang hinihingal. Hindi niya namalayan ang papalapit na panganib. Isang malaking tipak ng bato ang rumaragasa papunta sa kanyang direksiyon.

Sa kabilang dako naman ay ligtas ng nakarating sa maayos na lugar ang kanyang mga magulang at naghihintay sa kanyang pagdating. "Edu, nag-aalala ako kay Kenneth. Sana hindi nalang siya natin iniwan." sambit ng kanyang inang balisa at nag-aalala. "Walang mangyayari masama kay Kenneth. Ipanalangin na lamang natin na siya ay nasa maayos na kalagayan." wika ni Mang Edu kasabay ng yakap sa kanyang asawa upang mapagaan ang loob nito.

Makalipas ang tatlong oras ay humupa na ang tensyon. Kumalma ang kapaligiran at tumigil na ang malakas na tunog mula sa pagragasa ng mga malalaking tipak ng bato at pagyanig ng lupa. Gayunpaman, hindi pa rin si Kenneth matagpuan. Kahit anino niya ay hindi maaninag ng kanyang mga magulang. Biglang may isang batang lalakeng pumunta sa kanilang mag-asawa. "Mang Edu, Aling Mary, pasensiya na po kayo pero wala na po si Kenneth. Nakita ko po ang isang malaking bato na papunta sa kanyang direksiyon. Imposible pong mabuhay pa siya." malungkot na balita ng bata. "Hindi! Hindi pwedeng mangyari yon. Wahhhhhhhhhhh....... Kenneth.......anak ko…. Wahhhhhhhhh!" naglulumpasay sa iyak na sambit ni Aling Mary. "Sigurado ka ba sa nakita mo? " sambit ni Mang Edu habang unti-unting pumapatak ang luha sa kanyang mga mata. "Opo. Pasensiya na po kayo ulit." wika ng bata kasabay ang pag-alis nito. Hindi makapaniwala ang mag-asawa. Ang masayang bakasyon sana ng kanilang anak ay napalitan ng hinagpis. Niyakap na lamang nila ang isa't isa habang patuloy na umiiyak. Nararamdaman nilang buhay pa ang kanilang anak kaya't mataimtim silang nanalangin. Ang mga taong nakakilala kay Kenneth ay naluha, sapagkat bawat isa sa kanila ay tinulungan rin nito. Nang marinig rin ni tatang, ineng, at totoy ang masamang balita ay agad silang nag-alay ng panalangin kay Kenneth."Panginoon, nararamdam kong buhay pa ang aking anak na si Kenneth. Huwag po ninyo siyang pababayaan." Sambit ng kanyang ina at may hawak-hawak na rosary sa mga kamay nito.

Nagulantang ang lahat ng biglang may pumasok na reskyuwer at karga-karga si Kenneth sa isang langkayan. "Nako po, isang himala buhay si Kenneth!" wika ni Aling Belen. Dali-daling tumakbo ang kanyang mga magulang sa kanyang at mahigpit siyang niyakap. "Anak, Kamusta ka? Akala ko'y kinuha ka na sa amin." umiiyak na wika ng kanyang ina. "Ok lang po ako inay. Hindi mangyayari po mangyayari iyon. Mahal ako ng diyos at hindi niya ako hahayaang mapamahamak." sambit niya.

Agad niyang ikinuwento sa kanyang mga magulang ang totoong nangyari kung paano siya nakaligtas. Kahit siya ay hindi makapaniwala. Akala niya'y katapusan na niya, ngunit narinig ng Panginoon ang kanyang panalangin at himalang umilag ang bato sa kanya at lumihis ng direksiyon. Naapakan lamang ng kaunti ang kanyang mga paa kung kaya't ito’y namaga na dahilan kung bakit hindi siya makalakad ng maayos at kinarga na lamang sa isang langkayan. Gayunpaman, ang pinakamahalaga sa lahat siya ay nanatiling buhay at ligtas. Saludo ang lahat ng mga tao sa kanyang ipinamalas na kadakilaan. Si Kenneth ang naging patunay na ang diyos ay nalulugod sa mga taong taglay ang busilak na kalooban at kababaang loob.

Pagkatapos ng nangyaring trahedya ay tuluyan ng itinigil ang operasyon ng pagmimina sa kanilang kabukiran. Nanumbalik ang kapayapaan at katiwasayan. Ang mga mamamayan ay nagkaisa at nagtulungan. Si Kenneth ang kanilang ginawang inspirasyon upang palaging ipaalala sa kanilang maging mabuti sa kapwa-tao. Ang lahat ay itinuturing siyang bayani. Isang bayani na taglay ang katapangan at kadakilaan ng puso. Bayaning handang isakripisyo ang buhay para sa kanyang kapwa at bayan.