Return to site

BUKANG LIWAYWAY SA TAKIPSILIM 

GERALD F. PAGODPOD 

· Volume IV Issue I

Synopsis:

Aking kinukumbinsi ang sarili na wala na si Luna, ngunit araw-araw akong sakanyan ay nangungulila. Sa aking pangungulila ay may isang babaeng sa buhay ko ay nagpabago, dumating siya sa hindi ko inaasahang pagkakataon, gawa ng aking lungkot ay akin naman pinipilit ang sarili ko na akin nang natagpuan ang katulad ni Luna, lahat ng bagay na gusto niyang gawin ay ganun din ang nais ni Ava. Si Ava na nagpabago sa akin, pansamantala kong nakakalimutan ang sakit ng pagkawala ni Luna. Nagawa kong ngumiti ulit, tumawa at pagmasdan muli ang paglubog ng araw. Naging mas matatag na ulit ako. Sa paglipas ng mga araw ay lalo akong nahuhulog kay Ava, mga katangian ni Luna ay nasa kanya, tuwing siya ay aking iniisip ay hindi ko maiwasan ang mapangiti. Hanggang sa isang araw ay aking natuklasan na sa kabila ng mga ngiti na si Ava ang dahilan ay gawa lang pala ng aking pangungulila at sakit ng pagkawala ni Luna. Ako si Azel at ito ang kuwento ng aking pagmamahal sa babaeng wala na at sa babaeng bigla nalang nawala kung saan nakita ko ang bukang liwayway sa aking takipsilim.

Aking ninanamnam mga alaalang ikaw ay kasama, sa mga planong hindi ka kailan man nawala. Pagkagising ko ay ikaw ang laging hanap, dahil sa lamig ng umaga ay init mo ang sa akin nagpaparamdam at nagpapaalala na kaya kong harapin ang umagang puno ng pagsubok kahit na alam ko na hindi ka na babalik.

Ako si Azel. Isang araw sa kanto ng San Isidro sa aming bayan ay aking hinihintay si Bruno, aking matalik na kaibigan at palaging suportado ako sa lahat ng bagay na aking gagawin. Habang akin siyang inaabangan ay may isang mahalimuyak na amoy, sa sobrang bango nito ay napalingon ako at nakita ko ang isang magandang babae. Sa pagkainip ko sa pag aantay kay Bruno ay nagpasya akong lapitan siya.

Azel: Magandang araw, bago ka lang dito no?

Bati at tanung ko sakanya dahil sa tagal ko na sa aming barangay ay ngayon ko lang siya nakita. Hindi siya sumagot ngunit siya ay ngumiti, nakakabighani ang kanyang mga mata kakaiba ang aking nararamdaman, akin pang inaabangan na siya ay sumagot sa bati at tanong ko.

Azel: Binibini, bago ka lang dito no? anong pangalan mo?

Muli nagtanung ako at sumagot siya…

Ava: Adhara Avyana, pero pwede mo akong tawaging “Ava”

Sagot niya at sabay ngiti. Nakakabighani ang kanyang boses na para bang tumigil ang oras habang sinasabi niya sa akin ang pangalan niya.

Habang tinititigan ko siya ay may tumatawag sa pangalan ko. Si Bruno na aking kaibigan, kakarating lang niya at sabik ako na ipakilala si Ava sakanya.

Azel: Bruno! Angtagal mo, siya nga pala si Ava, bago lang siya dito sa barangay namin.

Magalak na pagpapakilala ko kay Bruno si Ava ngunit nung paglingon ko ay wala siya. Wala ang magandang binibini sa aking tabi.

Bruno: ako ba Azel ay pinagloloko mo? Wala ka namang kasama nung dumating ako. Alam mo gutom ka lang at siyempre pare ako gutom narin. Tara at nag aantay na si manong traysikel.

Habang nakasakay na kami ni Bruno sa traysikel ay aking binalikan ng tingin ang puwesto kung saan nakita ko si Ava, wala siya duon at aking inisip na baka umalis na siya bago pa dumating si Bruno. Dahil may isang kanto pa naman sa kabilang kalsada.

Bruno: alam mo pare huwag mo nang isipin masyado si Luna, palayain mo na ang sarili mo, alam ko masakit pero mag iisang taon na marami naman diyang magaganda at alam ko na pasok na pasok naman sa mga ugaling hanap mo.

Hindi na ako umimik. Naalala ko ulit si Luna, hindi alam ni Bruno kung gaano kasakit para sa akin ang pagkawala niya. Kung kailan nahanap ko na ang babaeng alam ko na makakasama ko habangbuhay duon naman siya kinuha sa akin. Pero bakit nagpapakita sa aking isip ang nakangiting larawan ni Ava na kanina ko lang naman nakilala?

Habang kami ay naglalakad sa lungsod ng Dagupan upang maghanap ng ireregalo sa kaarawan ni Etni, naisip ko na hanapin si Ava, baka nanduon lang siya sa barangay namin. Nang makahanap kami ni Bruno ng ireregalo namin ay nagpasya kaming kumain dahil nagutom kami sa kakalakad. Habang kami ay nag aantay sa aming pagkain ay nakita ko si Ava, lumingon sa akin at akin naman siyang sinundan ng tingin. Napangiti ako at hindi ko maintindihan ang aking nararamdaman. Maya’t maya ay binatukan ako ni Bruno.

Bruno: Hoy! Azel! Bakit para kang naengkanto? Ano to nababaliw ka na ba? Sabihin mo lang pare. Naku naman sa dami ng ngingitian mo si Maryang kulang pa!

Hindi ko napansin na nasa harapan ko narin pala si Maria, si Maria ay may problema sa pag iisip at nangungulit sa mga suki ng karenderya kung saan kami kumakain ni Bruno. Pero sigurado ako na si Ava ang nakita ko na dumaan kanina. Nabuhayan ako at ngayon sigurado ako na hindi ako namamalikmata kanina.

Bruno: Huwag mong sabihin pare na papatulan mo si Maria? Hahahaha!

Sabay tawa ni Bruno. Napangiti nalang ako at binigyan ko nalang ng pagkain si Maria. Hinanap ko si Ava pero hindi ko na siya nakita.

Azel: loko ka hindi! Ikaw talaga puro ka kalokohan.

Natapos kaming kumain ni Bruno at nagpasya na kaming umuwi. Sa aming pag uwi ay nakatatak sa aking isipan ang ngiti ni Ava. Ngiting maihahalintulad kay Luna. Pero iba, iba ang nararamdaman ko na para bang matagal ko na siyang kilala, na parang matagal ko na siyan nakakausap.

Nang dumating na ako sa bahay, nakasalubong ko ang aking ina, sa pag abot ko ng aking kamay ay agad siyang nagtanong…

Nanay: anak parang maganda ang naging lakad natin ah. Napaka aliwalas ngayon ng iyong mukha na para bang may nakasalubong kang diwata sa daan ah.

Masayang tanong nang aking ina at nang magmano na ako ay agad kong sinambit sakanya…

Azel: kanina kasi habang hinihintay ko si Bruno ay may nakilala akong isang babae, Ava ang pangalan niya, napakagaan ng loob ko sakanya kahit na kanina ko lang siya nakilala.

Nanay: naku ang anak ko! Masaya ako at unti-unti naibabalik mo na yang mga ngiti mo. Pero siyempre dadagdagan ang rason ng kagalakan mo, pinagluto kita ng paborito mong adobo. Halika na at kumain na tayo.

Pagpasok ko sa aking silid ay nakaramdam ako ng lungkot, dahil nakita ko ang mga larawan ni Luna, hindi ko maiwasang maalala siya, hindi ko maiwasan ang alala naming dalawa, mga pangarap na binuo naming at mga masasayang araw namin.

Pinapakinggan ko ang paborito naming kanta, at unti.-unti ang mga mata ko ay napapapikit at ako’y pansamantalang nahimlay sa gabing iyon. Sa aking paghimlay ay dinalaw ako ng larawan ni Ava, kung saan nakangiti siyang lumalapit sa akin, napakagandang mga mata, naaamoy ko ang mahalimuyak niyang buhok, mga labi niyang kasing pula ng rosas na umaapoy. Nang ako ay kanyang malapitan ay hinawakan niya ang aking kamay at sabay sabi…

Ava: tara mamasyal tayo, samahan mo ako duon sa dalampasigan.

Hinila niya ako at agad naman akong sumama sakanya, nakakabighani siya, nabibihag ako sa pagkakataon na binigay sa akin, na para bang matagal ko na siyang kilala. Habang naglalakad kami sa dalampasigan ay bumitaw siya aking kamay at unti-unti habang siya ay papalayo siya ay nawawala, sinusubukan ko siyang habulin ngunit hindi ko na siya naabutan. Hanggang sa magising na ako dahil sa hampas ng mga sanga sa bintana ko.

Magbubukang liwayway na nang magising ako, agad akong bumangon at naghanda dahil plano kong mag ehersisyo sa tabing dagat. Ako ay naglakad papunta sa tabing dagat, habang unti-unti kong natatanaw ang dalampasigan ay may isang babae na nakatingin sa malayo, na para bang napakalalim ng kanyang iniisip. Nagpasya akong lapitan siya, mga ilang hakbang nalang at aking napagtanto na sa kagandahan at halimuyak pa lamang ng kanyang buhok ay nakilala ko na agad ang babae. Si Ava, hindi ako nagkakamali at siya nga iyon. Lumapit ako sakanya, tumayo sa kanyang tabi sabay sabing…

Azel: ang ganda ng dagat no? Nakakatuwang tignan lalo na kung makikita mo kung gaano ito kalinaw at kung gaano ito kahiwaga sa ilalim.

Ava: Oo nga, napapaisip tuloy akong lumusong sa tubig.

Sambit sa akin ni Ava na nakangiti, at sabay hila sa kamay ko papunta sa dagat. Sobrang saya niya at ako ay kanyang sinabuyan ng tubig. Sa oras na iyon ay naalala ko si Luna, naalala ko kung gaano siya kasaya na nakikita ang dagat lalo na tuwing bukang liwayway. Pinagmamasdan ko si Ava, at unti-unti nabibihag na ako ng kanyang mga ngiti. Kailangan kong labanan, hindi pa dapat. Dahil hindi pa ako handa.

Ava: Bakit napakalungkot ng mata mo?

Tanong niya sa akin, at hindi ako makasagot.

Ava: Oh. Bakit ka natulala? Pasensya ka na nahila kita dito sa tubig, hindi ko namalayan nakasapatos ka pala.

Sambit ni Ava sabay ngiti.

Azel: Ayos lang Ava, medyo nabigla lang ako. Pero matutuyo din ito.

Ava: oh siya, sige na umahon na tayo.

Sabay hawak sa kamay ko habang siya ay nakangiti.

Ava: sige na umuwi ka na at nang makapagpalit ka nang damit mo.

Azel: taga saan ka? Makikita pa ba kita ulit?

Ava: Oo naman, makikita mo ako ulit. Makikita mo ako lagi.

Sagot ni Ava sa akin, ngunit hindi niya sinabi kung taga saan siya. Dahil sa nahihiya ako ay hindi ko na tinanong kung saan siya nakatira. Nagpasya na akong umuwi at habang ako ay naglalakad napalingon ako pabalik kay Ava ngunit nawala ulit siya, naisip ko nalang na baka umalis narin siya at hindi ko na hinanap kung saang direksyon siya nagtungo. Pagkarating ko sa bahay naman ay nagtataka at nagagalit ang aking inay.

Nanay: Azel! Anong nangyare sa iyo anak? Bakit basang basa ka? Akala ko ba eh mag iehersisyo ka lang sa tabing dagat?

Pasigaw na tanong ni nanay. Naiintindihan ko siya dahil hindi ko rin naman akalain na uuwi akong basang basa.

Azel: nakita ko po kasi si Ava nay, eh bigla po kasi niya akong hinila at ayun nga nay nabasa na ako, mukhang malungkot kasi kaya sinamahan ko nalang siya tapos hinila niya ako sa dagat nabigla nalang ako pero nakita ko na nakangiti siya.

Nanay: Sino ba yang Ava anak at parang ikaw din ay napangiti niya? Oh siya, sige magbanlaw ka na at magpalit ng damit at maghahain na ako ng almusal natin.

Nang makapasok ako sa aking silid ay tinignan ko ang sarili ko sa salamin. Huling ngiti ko ay ang mga oras na kasama ko si Luna. Mula nuong nawala siya ay hindi ko na alam kung paano ngumiti. Hindi ko na alam kung paano ang magalak. Pero kaninang kasama ko si Ava, kahit sa pangalawang beses ko pa lang siyang nakikita ay parang anggaan ng loob ko sakanya, naalala ko si Luna sakanya, naalala ko ang mga oras na napapahalakhak ako ng sobra, sa sobrang saya ay napapaluha ako. Iyong mga sandaling tulad kanina, ay ganun mismo sa mga sandaling kasama ko si Luna.

Kami ay nag almusal ng aking nanay at natanung niya kung sino si Ava?

Nanay: anak, maari bang ipakilala mo sa yung si Ava? Gusto ko lang magpasalamat.

Azel: Bakit ka naman magpapasalamat nay? Eh, dalawang beses ko pa nga lang siyang nakikita eh.

Nanay: Kasi naman, dahil sakanya nakikita ko ulit ang napaga gwapong ngiti ng anak ko. Magpapasalamat ako kasi sumisigla ka na ulit.

Masayang tugon ng aking ina. Ako man din gusto kong Makita ulit siya, at positibo ako dahil alam ko na malapit lang siya. Nagpatuloy kami sa pagkain ng aking nanay at masaya kaming nagkukuwentohan. Masayang masaya ang aking ina nakikita ko ang kinang sa kanyang mga mata.

Nang matapos kaming kumain ay nagpaalam ako dahil magkikita kami ni Bruno upang balotin ang regalong binili naming para kay Etni. Muli ako ay nag antay sa kanto kung saan nakita ko si Ava. Wala siya, naisip ko baka may pinuntahan siya. Sa aking pag aantay kay Bruno ay may kumalabit sa likod ko.

Azel: Bruno! Alam mo kanina pa ako nag…

Napatigil ako dahil pagkalinon ko ay hindi si pala si Bruno ang kumalabit sa akin. Isang diwata, nakangiti at waring mga bituwin ang kanyang mga mata.

Azel: Ava, ikaw pala.

Nahihiyang sambit ko.

Azel: akala ko kasi si Bruno, pasensya ka na ha.

Ava: Ayos lang iyon. May pupuntahan ka?

Azel: Meron kaming pupuntahan ni Bruno, kaso ang tagal niya eh.

Ava: Tara samahan mo ako.

Nakangiting sambit ni Ava sa akin. Nabigla ako dahil niyaya niya akong mamasyal.

Ava: Mamasyal tayo. Gusto kong manuod ng Sine, kumain, at mamasyal sa tabing dagat duon sa Bonuan. Gusto kong makitang lumobog ang araw.

Nabigla ako, pero parang nagagalak kasi nakita ko ulit siya. Nagpasya ako na samahan siya dahil sa mag isa lang siya at wala pa si Bruno. Naisip ko kaya naman ni Brunong balotin iyong regalo namin kay Etni. Kaya nagpasya na ako na samahan siya.

Azel: Sige, sasamahan kita. Total kaya na ni Bruno ang magbalot ng regalo. Ha ha ha.

Ava: Sige! Hindi na ako malulungkot ngayon dahil may kasama na ako.

Masayang sambit ni Ava.

Sumakay na kami at nagtungo kami sa sinehan. Kung saan duon ang unang lugar na gustong puntahan ni Ava. Nang makarating kami sa sinehan ay agad kaming bumili ng bilyete habang nagbabayad ay may kung anong panghuhusga ang nasa mata ng kahera. Siguro ay napakaganda ni Ava o di kaya matagal nang pinalabas ang pilikula at ngayon lang naming ito papanoorin ni Ava. Pagkapasok naming ni Ava sa sinehan ay nataon na kaming dalawa lang ang nanduon at sambit sa akin ni Ava…

Ava: nakakatuwang pagkakataon naman ito Azel. Akalain mo sa atin ang buong sinehan.

Azel: Kaya nga makakatawa tayo ng malakas at walang ibang tao na manghuhusga sa atin.

Sobrang ganda ng ngiti ni Ava. Nang kami ay nanunuod ay hindi na namin napigilan ang sarili naming tumawa kami ng malakas dahil sa komedyang pinapanuod namin. Napahalakhak si Ava na wari ay walang katumbas ang kanyang kasiyahan sa araw na iyon na wari ay isang bata na parang iyon ang pinaka unang beses niyang pasok sa sinehan. Natapos ang aming pinanuod at bakas ang labis na kagalakan sa mukha ni Ava. Hindi ko rin namalayan hanggang sa napatingin ako sa salamin sa may gilid ng sinehan ay nakita ko ang sarili kong nakangiti. Masaya ako, masaya ako dahil muli kong naramdaman na may saysay ang buhay ko. Na unti-unti nakakalimot na ako. Hinawakan ni Ava ang kamay ko ay bigla akong hinila sa mga hilera ng mga kainan.

Ava: Gutom na ako, tara kain na tayo. Gusto iyong adobo, tapos karekareng gulay.

Azel: Sige ako rin, sisig at pinakbet.

Habang kumakain kami ay napapasulyap ako kay Ava. Napaka saya niyang tignan. Wari ay parang bata sa sobrang galak. Maya’t maya ay bigla niya akong sinubuan.

Ava: oh. Tikman mo ito napakasarap ng adobo nila dito.

Agad ko namang isinubo iyong pagkain at habang nginunguya ko ay sambit niya sa akin…

Ava: Ako naman patikim nung pinakbet. Subuan mo ako.

Nakangiting tugon sa akin ni Ava. Ako ay nabigla at tila ba nahiya sa sinabi niya, pero napangiti ako at akin siyang sinubuan.

Azel: O siya sige. Heto na.

Habang kami ay kukuwentohan at nagtatawanan, aking naalala mga panahon na kasama ko si Luna, sa mga ganitong pagkakataon ko rin siya naririnig na tumawa, sa mga halakhak niyang hindi ko kalian man makakalimutan, mga biro niyang kahit hindi nakakatawa ay aking sinosuportahan. Si Ava ay parang si Luna, na habang kami ay nagtatawanan, hindi na namin pinapansin ang mapanghusgang mga mata na nakapalibot sa amin, na tila bang para sa amin lang ang mundo, na parang sa amin lang nakalaan ang oras na iyon. Naantala ang pagkukuwentohan namin ni Ava dahil sa tumunog ang aking telepono. Tumatawag si Bruno at nang aking sinagot…

Bruno: Saan ka na Azel? Saan ka ba nagpunta? Tinatawag kita kanina tapos bigla ka nalang sumakay sasakyan.

Azel: angtagal mo kasi tol, nakita ko si Ava kanina habang nag aantay ako sa iyo kanina kaya niyaya niya akong lumabas. Kasama ko siya ngayon.

Bruno: ganun ba? O siya sige magkita tayo mamayang alasingko sa bahay ninyo, may binili ako na isa pang regalo para kay Etni. Pare pupuntahan kita ha, dapat nasa bahay kasi tandaan mo kaarawan na ni Etni bukas.

Azel: Sige sige pare, nasa bahay na ako nun. Magkita nalang tayo mamaya.

Nabahala ako dahil hindi ko na masasamahan si Ava sa tabing dagat. Naglakadlakad nalang kami sa parke, at duon nagkwentohan…

Azel: Tagasaan ka ba Ava? Bigla ka nalang kasing sumusulpot, eh siguro malapit lang ang bahay ninyo sa kanto kung saan ako nag aantay ng sasakyan no?

Ava: malapit lang ako sa iyo Azel.

Nakangiting sagot lang sa akin ni Ava.

Ava: Tara uwi na tayo, mukhang may gagawin pa kayo ng kaibigan mo.

Nagpasya na kaming umuwi at nang sumakay kami sa traysikel ay waring nagpahinga sa aking balikat si Ava, habang nakapatong ang kanyang ulo sa aking balikat ay hindi ko mapigilan na idampi ang aking mukha sa kanyang buhok, kasing halimuyak niya ang buhok ni Luna, napapaluha ako at bigla niyang hinila ang aking kamay at idinampi niya ito sakanyang mukha. Napapikit nalang ako at aking sinusulit ang pagkakataon na iyon. Naramdaman ko na kaya ko ang magmahal ulit tulad ng pagmamahal ko kay Luna. Nang kami ay makababa, nagbayad ako kay manong drayber at sinabi niya na sobra daw ang aking binigay. Nagtataka ako, kaya sinabi ko…

Azel: Sakto lang naman kuya. Sige kunin mo na iyan.

Kinuha naman ni manong ang pamasahe naminm ni Ava. Pero parang hindi talaga siya makapaniwala sa binayad ko. Nagtataka din ako dahil alam ko sakto lang ang binigay ko na pamasahe namin. Nagpaalam sa akin si Ava sa mga oras na iyon.

Ava: Mag ingat ka ha. Bukas maari mo na ba akong samahan sa tabing dagat?

Nahihiya akong sabihin sakanya na may lakad ako bukas. Pero nasabi ko nalang sakanya na…

Azel: Sige bukas magkita tayo. Sabay nating pagmasdan ang paglubog ng araw.

Bakas ang kasiyahan sa mga mata niya nang aking sabihin na magkikita kami kinabukasan.

Nang nasa bahay na ako ay maagang dumating si Bruno.

Bruno: oh pare! Kamusta ang lakad natin? Mukhang masaya tayo ah?

Azel: Oo pare parang handa na ako ulit. Tuwing kasama ko si Ava, tuwing nakikita ko siya sumasaya ako, alam mo iyong saya na naramdaman ko rin ay Luna? Ganun na ganun iyon pare.

Bruno: baka naman pare ginagawa mong panakip butas si Ava ah, para lang makalimutan mo sa Luna?

Azel: Hindi pare, hindi naman ako ganun. Ewan ko ba basta tuwing nakikita ko siya sumasaya ang damdamin ko.

Bruno: kanina nga tinatawag kita hindi ka man lang lumingon, pero nakita ko sa mga mukha mo na masaya ka kanina kaya hinayaan nalang kita.

Azel: Kaya nga pare, kanina lang ako ulit naka nuod ng sine at solo namin ang sinehan pare.

Bruno: Solo ninyo? Baka naman naka score ka ng halik pare?

Azel: loko! Hindi naman ako tulad mo pare. Ha ha ha ha!

Bruno: Baka lang naman pare. Ha ha ha ha!

Habang binabalot namin ni Bruno ang isa pang regalo na ibibigay naming kay Etni, iniisip ko kong paano ko ipapaalam sakanya na magkikita kami ni Ava sa tabing dagat kinabukasan. Pero naisip ko na gagawan ko nalang ng paraan, aalis nalang ako at hahabolin ang oras ko kay Ava bago lumubog ang araw.

Gabi bago ang kaarawan ni Etni, hindi ako makatulog at aking iniisip kong paano ko hahabulin ang oras ko kay Ava. Nangako ako na papanoorin namin ang paglubog ng araw, iniisip ko rin na handa na siguro ulit ako na umibig ulit. Nakangiti akong ipinikit ang aking mga mata.

Kinabukasan habang nagaalmusal kami ng aking nanay.

Azel: Nay antayin mo, may ipapakilala ako sa iyo.

Nanay: sino naman iyan anak?

Azel: Babae po, si Ava ipapakilala ko po sainyo, baka bukas po.

Nabigla at natuwa si nanay. Bakas sakanyan mukha na nakikita na niya akong nakangiti.

Nanay: Talaga anak? Naku anak ko, sana patuloy na iyan, sana lagi kang nakangiti at naku bukas yayakapin ko iyang Ava na yan at magpapasalamat ako.

Azel: mabait siya nay at sigurado magugustohan ninyo siya.

Masaya kaming nagkukuwentohan habang kumakain at pagkatapos nun ay tinulungan ko si nanay na maglinis sa bahay. Nang matapos akong maglinis ay agad akong naghanda dahil sa ako ay pupunta sa kaarawan ni Etni. Nagbihis at nagtungo na ako sa bahay nila Etni.

Nadatnan ko duon si Bruno, si Etni at ang iba pa naming mga kaibigan. Binati ko si Etni.

Azel: Maligayang kaarawan Etni!

Etni: Salamat Azel, balita ko may nagpapasaya na ulit sa iyo ah.

Azel: Ikaw talaga Bruno, hindi ka makapag antay na ako ang magsabi sakanila!

Pagalit pero nakangiting tugon ko sa mga kaibigan ko.

Bruno: Eh sa sobrang saya ko nga dahil siyempre masaya ka na, at pag masaya ka, masaya ang tropa.

Masaya ang mga kaibigan ko para sa akin. Pero habang kami ay nagkakasiyahan, maaga pa nang tumingin ako sa aking relo ay nakisaya na muna ako sa mga kaibigan ko, ngunit tama nga ang sinabi nila na habang nagkakasiyahan ay bumibilis ang oras, nagpasya akong unmalis nalang nang hindi nagpapaalam. Agad akong nagtungo sa tabing dagat. Pagkadating ko ay natanaw ko agad si Ava, napakahiwaga para sa akin ang oras na iyon. Papalapit lang ako sakanya, hindi makaimik, basta gusto ko lang siyang lapitan at binubulungan ako ng aking puso na yakapin siya, unti-unti, mga ilang hakbang nalang, lumingon siya patungo sa akin, nakangiti siya, na kong gaano kaganda ang paglubog ng araw ay siyang mas maganda ang kanyang mga ngiti, mga mata at hindi ko na napigilan ang aking sarili. Aking niyakap si Ava, sa likod ng paglubog ng araw aking siyang pinasalamatan…

Azel: Dahil sa iyo, naramdamdaman ko ulit ang halaga ko sa mundong ito, dahil sa iyo natuto akong sumulong sa buhay, magmahal muli, ngumiti, at maging masaya. Dahil sa iyo napagmamasdan ko ulit ang paglubog ng araw.

Nasabi kong lahat ng iyon kay Ava, hindi ko na napigilan ang kagalakan sa aking puso, at nang maramdaman ko na idinampi niya ang kanyang mga kamay sa likod ko at hinigpitan niya ang yakap niya sa akin. Tumingin ako sa kanya ako ay natulala na naluluha dahil sa kabila ng pagyakap ko kay Ava, sinabi niya sa akin…

Ava: masaya ako na masaya ka, masaya ako na sa kabila ng lahat at nagagawa mo na ulit ngumiti, nagagawa mo nang sumulong sa buhay. Alam ko masakit ang mga oras at araw na dumaan, pero sana huwag ka nang malungkot dahil sa paglubog ng araw ay kasabay ng pagdilim ng mga mata mo kung saan sa pagdilat mo ay wala na ako. Wala na ako at kalian man hindi na makakabalik pa sa piling mo. Pero sana, huwag mo akong aalisin sa puso mo at gusto ko na magpatuloy ka. Tandaan mo na mahal na mahal kita.

Ako ay nagtataka sa mga oras na iyon, bakit ganun ang mga salitang nanggagaling kay Ava, nakangiti siyang nakatingin sa aking mga mata at ako naman at nagtataka, hindi ako makapagsalita, gusto ko lang siyang yakapin, at nang hinawakan niya ang kamay ko, kasabay ng takipsilim ay siya naman paghila niya sa akin sa dalampasigan. Nakakabighaning mga ngiti, hindi ko nararamdaman ang mga alon na dumadampi sa katawan ko, ipinikit ko ang aking mga mata at nang unti-unti akong dumidilat ay liwanag ang aking nakikita, tinig ni Bruno, Etni na sinisigaw ang pangalan ko, at ang tinig ng nanay ko na umiiyak. Nang magkamalay ako ay nakita ko sila na sobra sa pag aalala, nakahiga ako at nang nakita ko ay parang nasa hospital ako. Pinilit kong magsalita at tinanong ko si Bruno kong nasaan ako.

Bruno: isinugod ka dito sa hospital Azel, buti nalang may mama nakakita sa iyo, bigla ka daw naglakad mag isa sa dagat sa una daw ay akala nila hanggang sa dalampasigan ka lang, pero nagtaka na sila dahil papunta ka na sa malalim na parte kaya hinabol ka nila, buti nalang at nahila ka nila kaya naisugod ka nila ditto sa hospital.

Azel: Si Ava? Nasaan si Ava kasama ko siya, kasama ko siya sa dagat. Nasaan si Ava?

Nagaalala ako sa mga oras na iyon at si Ava agad ang hinanap ko. Ngunit nang sinabi ni Etni sa akin at nabigla ako.

Etni: Ikaw lang daw ang nanduon Azel, wala ka naman daw kasama, nagtataka nga kami dahil bigla kang umalis, nakita ka ni Bruno pero hindi ka na niya nahabol dahil sumakay ka na agad sa taysikel. Nag alala kami sa iyo Azel.

Nanay: ano bang nangyayari sa iyo anak ko? Huwag mo naman sanang sayangin ang buhay mo anak ko. Nandito pa naman kami na nagmamahal sa iyo.

Sa mga oras na iyon ay blangko ang utak ko, hindi ko alam ang isasagot ko sa mga tanong nila, wala din akong maalala, ang naalala ko lang ay si Ava, at ang mga sinabi niya sa akin. Ako ay kanila nang inuwi, tahimik, iniisip lahat ng nangyare, inaalala mga oras na kasama ko si Ava.

Ilang araw na ang lumipas, ilang araw narin akong bumabalik sa tabing dagat kong saan ko huling nakita si Ava at nagbabakasakali na makikita ko siya duon, ngunit wala. Nang isang araw sa aking pag aabang sakanya, nagpasya na ako na umuwi ng maaga, nakita ko si manong traysikel na sinakyan namin ni Ava nuon. Nang makarating na ako sa amin ay agad akong kumuha ng pambayad aking bulsa at nang akin nang iaabot ay tumanggi si manong na kunin ang pamasahe ko, ang sabi niya ay,

Manong: huwag na ser, sobra sobra kasi iyong binayad ninyo sa akin nuon, kaya ayos na po na maihatid ko po kayo dito.

Azel: paanong naging sobra manong eh sakto iyon dalawa kami diba?

Manong: ikaw naman ser, tinatakot mo ako, eh mag isa mo lang nuon, kaya nagtaka nga ako dahil pangdalawang tao ang binigay mo sa akin na bayad.

Azel: teka manong, seryoso ka sa sinasabi mo? May kasama ako nuong araw na iyon.

Manong: Mag isa mo lang talaga nuon ser, sige ser mauna na po ako.

Nagtaka at parang natakot na si manong sa akin, kaya umalis na siya. Imposible na ako lang mag isa nun kasi alam ko kasama ko si Ava at namasyal pa kami sa araw na iyon. Habang ako ay nasa kuwarto, nagpasya ako na balikan lahat ng lugar na pinuntahan namin ni Ava.

Kinabukasan ako ay nagbihis at agad na umalis, nagtaka ang aking nanay pero hindi na ako nakapagpaalam. Una kong pinuntahan ang sinehan kong saan nagtanong tanong ako, tinanong ko iyong kahera pero wala siyang matandaan, nang makasalubong ko ang tagalinis duon sa sinehan ay agad niya akong kinausap.

Tagalinis: Ser, ikaw po ba iyong nanuod dito nuon na pumasok mag isa sa sinehan? Narinig ko po kasi na nagtatanong ka sa kahera at ako po iyong nakakakita sainyo nuon sa mga oras na iyon, mag isa lang po ninyong pumasok sa sinehan pinagmasdan ko po kayo ay para naman po kayong nawiwili sa pinapanuod ninyo sobrang saya nga po ng tawa ninyo nuon.

Umalis si manong at ako naman ay nagtataka na, pero hindi parin ako nakombinse sa mga oras na iyon. Nagtungo ako sa kinainan namin at nakita ko na may CCTV sa kainan kaya agad akong nakiusap. Nabigla ako sa mga nakita ko. Kumakain akong mag isa, tumatawang mag isa, na para bang may kasama ako, pero wala naman akong makitang larawan ni Ava. hindi ako makapaniwala, naging magulo ang utak ko sa mga oras na iyon. Nabuo ang katanungan sa isip ko. Bakit ganon, bakit parang totoo nung nakasama ko siya? Nagpasya akong pumunta sa tabing dagat, baon-baon ang katanungan sa aking isipan. Nang makarating ako sa tabing dagat, ako ay naiiyak, gusto kong sumigaw, mag wala at ilusong ang sarili sa tubig at magpaanod.

Ngunit habang ako at patungo sa tubig, aking naalala ang mga sandaling kasama ko si Luna nuong buhay pa siya, gaano kami kasaya nuong nanunuod kami ng sine, gaano namin ipinagwalang bahala ang mga mapanghusgang mata ng mga tao sa paligid namin habang kami ay nagkukuwentohan at nag tatawanan ng malakas, naalala ko kung paano niya ilagay ang kanyang ulo sa aking balikat kong paano ko idampi ang aking mukha sa kanyang ulo habang naaamoy ko ang mahalimuyak niyang buhok. Lahat ng naaalala ko nung kasama ko si Ava ay ganun mismo ang mga sandaling kasama ko si Luna. Bumalik lahat ng ala-ala ni Luna sa akin kung saan napagtanto ko na nakagawa ako ng mga sandaling nagpapaalala sa akin kay Luna nang hindi namamalayan na nakagawa ako ng isang Ava dahil sa pangungulila ko kay Luna.

Naalala ko, bago mawala sa akin si Luna, naalala ko ang mga katagang sinabi niya sa akin. “huwag kang malulungkot, kasi kahit na malayo ako sa iyo, gagawa ako ng paraan para maipadama na malapit lang ako. Sana kapag dumating ang araw na lilisanin ko ang tabi mo, magpatuloy ka sa buhay, huwag kang malulungkot, huwag kang mawawalan ng direksyon.” Lahat nang iyon ay sinabi ni Luna at kasing kahulugan nun ang mga katagang sinabi ni Ava.

Pinipilit kong hindi imahinasyon si Ava pero sa lahat ng nasaksihan ko ay akin nang nakumbinsi ang sarili ko na dahil sa pangungulila ko kay Luna ay nakagawa ako sa aking isipan ng isang makakasama ko sa kahit kaunting panahon na magpapaalala sa akin na kailangan kong magpatuloy sa buhay.

Lumipas ang mga taon, pinagpatuloy ko ang buhay. Naging guro ako sa isang unibersidad, tinupad ko ang pangarap sa akin ni Luna. Nagpapasalamat ako, dahil hindi man siya naging totoo at parte lang siya ng sakit at saya na naramdaman ko, ay nagpapasalamat parin ako kay Ava, napatunayan ko sa sarili ko na kaya kong sumulong at huwag nang mabuhay sa nakaraan.

Tuwing ako ay matatapos sa trabaho, ako ay dumadaan sa tabing dagat, pinagmamasdan ang paglubog ng araw. Aking ninanamnam ang mga ala-alang kasama ko si Luna, ala-alang naging dahilan bakit nagkaroon ng Ava. Natutunan kong magpatuloy, sumulong sa buhay na kahit puno ng subok ay laging may mga taong sa paligid ko na nagpapaalala sa akin na hindi kalian man ako mag iisa. Nasa kabila ng takipsilim ay may bukang liwayway at balang araw may makikilala akong isang Ava o isang Luna na hindi na mawawala, hindi maglalaho at kapag dumating man ang araw na iyon, hinding hindi ko kalian man siya iiwan. Babaonin ko lahat ng ala-ala sa nakaraan at aking haharapin ang bukas na may ngiti sa aking puso. Dahil sa tuwing takipsilim ay may bukang liwayway na nag aabang at nagpapaalala sa akin na kahit anong hila ng buhay papunta sa nakaraan ay siyang pagsulong ko pa sa aking kinabukasan.

…Wakas…