Return to site

BOSES NG BAYAN, WIKA NG PAG-ASA: PAGTATAGUYOD NG HUSTISYA AT PAGKAKAISA

ni: BABY JANE PABLO VALDERAMA

Ating mapapansin na sa kasalukuyang henerasyon

Ang usapang wika ay isa na lamang pagkakataon

Na nagiging paksa tuwing Agosto ng bawat taon

Kaya’t ito’y nagsisilbing isang napakalaking hamon

Upang ating ibida ang wika sa lahat ng panahon

Lingid sa ating kaalaman at hindi napag-uusapan

Ang kahalagahan ng wika sa bawat sambayanan

Isang wikang nagbubuklod at pinagkakakilanlan

Ng bansang malaya at may progresibong mamamayan

Nagtataguyod ng hustisya, pagkakaisa at pagmamahalan

Sa gitna ng kahirapan at pandaigdigang kaguluhan

Mabuting ugnayan ng bawat isa ay kinakailangan

Gamit ang wikang Filipino at pusong makabayan

Na hangad ay kapayapaan at pagkakaunawaan

at isinasabuhay ang mga mabubuting kaugalian

Boses ng bayan, Wikang Filipino, Wika ng Pag-asa

Salamin ng katarungan, tagapagtaguyod ng hustisya

Tagapagbigkis ng pamayanan, tungo sa pagkakaisa

Sa bawat kataga madarama ang matamis na biyaya

Pag-asa para sa mga Pilipino saan mang dako ng bansa

Wikang Filipino’y patuloy nating mahalin at ikarangal

Gamitin ng tama, at sa tuwi-tuwina’y ating itanghal

Sapagkat ito’y pamana ng ating mga ninunong nagpagal

Gamit mga sandatang tabak, sibat at angking dangal

Kalakip ang patnubay at biyaya ng Poong Maykapal.