ABSTRAK
Ang pag-aaral na ito ay naglalayong suriin ang bisa at implementasyon ng mga proyektong pampaaralan sa ilalim ng School Monitoring, Evaluation, and Adjustment (SMEPA) sa Governor Feliciano Leviste Memorial National High School para sa taon 2024–2025. Gumamit ang mananaliksik ng kuwantitatibong palarawang disenyo at nagsagawa ng pangangalap ng datos sa pamamagitan ng sarbey–talatanungan na sumasaklaw sa 146 guro, 368 mag-aaral, at 9 na puno ng paaralan. Tinukoy ang mga kalahok gamit ang Slovin’s Formula, samantalang ginamitan ng stratified random sampling para sa mga guro at mag-aaral at total enumeration para sa mga puno.
Lumabas sa resulta na ang mga pangunahing proyektong pampaaralan ay lubos na mabisa ayon sa lahat ng stakeholder, partikular sa usapin ng access, equity, quality, resiliency, well-being, at enabling mechanisms. Gayunpaman, nakilala rin ang ilang malubhang suliranin sa implementasyon gaya ng kakulangan sa pondo at pasilidad, mabagal na proseso ng pamamahala, kawalan ng malinaw na monitoring at evaluation, kakulangan ng resources, at mababang partisipasyon ng komunidad. Ipinakita rin ng pag-aaral na ang mga suliraning ito ay may makabuluhang epekto sa tagumpay ng mga proyekto, lalo na sa kalidad, koordinasyon, at bilis ng pagpapatupad.
Batay sa pagsusuri, napatunayang may makabuluhang ugnayan ang mga suliranin sa implementasyon at bisa ng mga proyekto, gaya ng pinatibay ng p-values na mas mababa sa 0.05. Bunga nito, bumuo ang mananaliksik ng angkop na planong aksiyon upang mapahusay ang pagpapatupad at patuloy na mapaunlad ang kalidad ng mga programa ng paaralan. Ang mga natuklasan ay nagbibigay-daan sa mas sistematiko, episyente, at inklusibong pamamahala ng mga proyektong pampaaralan.