Wangis ng kawayan sa tibay at lakas
Hindi maigupo bagyo ma’y dinanas
Kusang yumuyukod kapag takdang-oras
Ngunit tumatayo dala ang sagisag
Marami nang sakim na mga dayuhan
Sa bayay’y sumakop dala’y karahasan
Pilit binabago kulturang nagisnan
Upang Pilipino’y mag-asal dayuhan
Kulturang dayuhan niyakap sa bansa
Pusong Pilipino’y muntik nang mawala
Lahat ay dahilan sa wikang banyaga
Pilit itinuro sa bata’t matanda
Pag-ibig sa bayan ang nagsilbing hamon
Sa puso ng ilang Pilipino noon
Tahasang lumaban upang magpatuloy
Wikang Filipino sa komunikasyon
Sa dami ng unos ng wikang dinanas
Wikang Filipino ay namamayagpag
Salamin ng yamang matibay matatag
Filipino’y nabuklod sa wikang may dilag
Ang sariling wika na ngayon ay tangan
Salamin ng isang kulturang mayaman
Na pinayayabong talasalitaan
Upang maging tanyag sa iba pang bayan
Mayamang kultura’y s’yang nagbubuklod
Sa maraming wika sa bansa ay dulot
Pinag-isang layon sa wikang inayos
Hatid ay pag-asang uunlad ng lubos
Wikang Filipino ang naging dahilan
Upang mamamaya’y magkaunawaan
Sa magkakaibang kulturang nagisnan
Siyang nagbibigkis sa iisang bayan.