Sa bawat sandaling bubuka ang bibig,
Tila ba puso ko’y nalakas ang pintig.
Mistulang yakap ko yaring aking dibdib,
Sa t’wing maririnig wikang iniibig.
Kahit saang lugar o kahit kailanman,
Wikang Filipino’y may taglay ngang yaman.
Pising nagdurugtong sa ‘ting nakaraan,
Hanggang salinlahi at kinabukasan.
Ang sariling wika’y laging isaisip,
Sa panitik, awit, tula’t panaginip,
Ang wika ay buhay, ito’y sumasagip,
Sa pagiging isa, pag-unlad ay hagip.
Wika ay sandata ng pagkakaisa,
Dito nagmumula lakas at pag-asa.
Sa iisang wika tayo’y nagbibigkis,
Nagtutulay, nagdudugtong nitong ating isip.
Ngunit higit pa sa pagkakaisa,
Wika’y nagbibigay ng paalaala
Pag naririnig mo ang wikang atin nga
Sumisibol ang tapang, dangal at ligaya.
Sapagkat ang wika ay di lang salita
Simbolo rin ng buhay, tulay at biyaya.
Sa bawat pagbigkas nitong buong laya
Bayan ay tatayo, tunay ngang malaya!
Sa ‘ting pagdiriwang ng Buwan ng Wika,
Nawa ay magbuklod puso nati’t diwa.
Sa bawat titik at bawat kataga,
Bayanihan sa Wika, ‘di dapat mawala!