Nais kong lumikha ng tulang dakila,
Na tumatalakay sa sariling wika,
Wikang mahalagang isapuso’t diwa,
Makapangyarihan, ito ay biyaya.
Mula pagkabata, naririnig ko na,
Na ang ating wika’y dapat mahalin nga,
Ngunit bakit nga ba tila nabahura,
Hindi maramdaman, hindi nga magawa.
Paano nga ba natin maisasabuhay,
Bayanihan sa wika ating inaasam?
Paano nga ba tayo magsasama-sama,
Tungo sa pambansa ng pagkakaisa?
Ngayon ako’y humihiyaw na wari ba ay batingaw,
Pagal man at napapaos tuloy pa rin itong sigaw:
“Kung bayan ay iniibig dapat wika’y minamahal
Salitang atin ay marinig, mamutawi sa ating bibig!”
Mga kababayan sa inyo ay tinuturan,
“Kung wika’y pinagyayaman, dangal ay sumisilang,
Sa wika rin itinatawid pangarap ng ating bayan,
Bayanihan sa wika, isapuso’t isabuhay!”
Ang ating pambansang wika dangal ay kanyang taglay
Dito ay sumisilang ang ating tapang na banal.
Ating wika ay ilaban at atin ngang ikarangal
Dito magsisimula ang tunay na kaunlaran!
Ating wika ay ingatan, ito’y daluyan ng unawaan,
Itindig ang bawat isa, itayo ang Inang Bayan.
Ikaw, ako, siya, tayo- tayong lahat Pilipino
Isigaw sa buong mundo – “Ang wika ko, sandigan ko!”