Return to site

BAHAY-BAYANIHAN NI

LOLA FLORING

ni: AL GERWEN M. APULI

Sa isang maliit na baryo sa paanan ng bundok, may isang lumang bahay na yari sa kahoy at pawid. Ang bahay na ito ay pagmamay-ari ng matandang si Lola Floring, isang mabait, maaruga, at masayahing lola na palaging nakangiti sa mga bata. Palagi din siyang nagpapakain ng kakanin tuwing hapon.

Isang araw, dumaan ang malakas na bagyo. “Woooooosssshhh! Boooogsh!” tinangay ng hangin ang bubong ng bahay ni Lola Floring, at binaha ang kanyang bakuran. Taimtim na nagdarasal si Lola habang tinitingnan ang wasak niyang tahanan.

Kinabukasan, kumalat ang balita sa buong baryo. “Si Lola Floring! Nasira ang bahay!” sigaw ni Mang Noel habang bitbit ang kanyang martilyo.

“Hindi puwedeng pabayaan si Lola,” sabi ni Aling Nena, ang kusinera ng barangay. “Nagpapakain 'yan sa atin tuwing pista. Panahon naman para suklian natin ang kanyang kabutihan.”

Nagtipon-tipon ang mga kapitbahay. May dalang mga kawayan si Mang Jose. May pako at iba pang kagamitan na dala-dala ng anak ni Manong Noel na si Tomas. Si Aling Nena naman ay nagluto ng pancit at puto para sa mga magtutulungan.

Kahit ang mga bata, may dala-dalang tabo at walis. Sila ang naglinis ng paligid habang ang mga matatanda ay nagtayo ng bagong bubong.

“Bayanihan,” sabi ng guro nilang si Ma’am Lisa, “yan ang tunay na diwa ng pagiging Pilipino.”

Si Biboy, isang batang mahiyain, ay lumapit kay Lola at inabot ang kamay niya. “Lola, mano po.”

Ngumiti si Lola, pinatong ang kamay sa noo ni Biboy at humagikgik. “Salamat, apo. Napakabait mo.”

Makalipas ang isang linggo, may bago nang bubong ang bahay ni Lola.

“Handa na tayo para sa pista!” sigaw ng lahat.

Sa araw ng pista, nagsuot sila ng makukulay na kasuotan. May sayawan, awitan, at siyempre, kainan! May adobo, sinigang, lechon, at halo-halo. Pati si Lola Floring, may inihandang bibingka at sapin-sapin.

Habang tumutugtog ang banda, nagsimula ang sayawan sa gitna ng kalsada. Ang mga bata ay sumayaw ng tinikling habang ang matatanda’y nakaupo sa ilalim ng mga banderitas, masayang nagkukuwentuhan.

Nang magdilim, sabay-sabay pinailawan ang mga nakasabit na mga parol.

“Ang ganda ng mga parol!” bulalas ni Biboy.

“Parang mga bituin sa langit,” dagdag ni Tomas.

Ngumiti si Lola Floring. “Ang bahay ay maaaring masira ng hangin, pero ang puso ng Pilipino—puno ng pagmamahal, pagtutulungan, at pananampalataya—ay hindi kailanman matitinag.”

Sa huli, itinuro ng kuwento na sa gitna ng sakuna, ang pagkakaisa, kabutihang-loob, at diwa ng bayanihan ang tunay na yaman ng isang komunidad—isang aral na dapat pahalagahan at ipamana sa bawat henerasyon.