Return to site

ANG TIRADOR, ANG KOMIKS, AT ANG ALAALA

ni: ANALYN V. ATIENZA

Mainit na naman ang hapon sa Maynila. Ngunit hindi ang init ng araw ang nagpapainit ng ulo ni Liam, kundi ang balitang wala siyang choice. "Ang boring sa probinsya... walang Wi-Fi, walang Netflix, walang games!" reklamo niya habang isinilid ang tablet sa maleta, kasabay ng isang mabigat na buntong-hininga.

“Liam, hindi lahat ng saya ay nasa online,” wika ni Mama habang iniipit ang isang pares ng medyas sa gilid ng bag. “Minsan, nasa totoong buhay ang tunay na koneksyon.”

Napailing siya. Para sa kanya, walang kapalit ang mabilis na internet, mall hopping, at unlimited gaming.

Mainit-init pa ang umaga. Sa terminal ng bus sa Cubao, siksikan ang mga tao—may amoy kape, may amoy pawis, may amoy pancake na binebenta sa tabi. Sa tabi-tabi, nag-uumpugang sigawan ng mga dispatcher.

“San Roque! Last trip! Isang upuan na lang!”

Magkakahalong tunog ng tambutso, sigawan, at busina. Habang hawak ang eco bag na puno ng baon—adobo, suman, itlog na maalat, at bote ng suka—si Mama, isang babaeng nasa trenta’y singko, naka-maong, plain white shirt, at may tote bag na may nakasulat na “Plantita Warrior”, sumisigaw kay Liam.

“Liam, bilis! Naiwan na tayo!”

Si Liam, labing-isang taong gulang, mestizo, chinito, may dalawang biloy sa pisngi, suot ang oversized hoodie na may print na “Loading… Please Wait”, bitbit ang sling bag na punong-puno ng gadgets, headset, at comics. Tipikal na batang lungsod—sanay sa elevator, hindi sa kuliglig.

Sumakay sila sa bagong airconditioned bus, kulay puti at bughaw, may LED sign sa harap na “San Roque Express – WiFi Onboard” (pero may maliit na naka-footnote: “Depende sa signal, wag umasa.”)

Sa loob, malalambot na faux leather seats, may footrest at charging port. Sa screen sa unahan, walang sawa ang “Bakit Nga Ba Mahal Kita” na karaoke version, may background na waterfalls, ulap, at kalabaw na parang swimmer.

“Ma… seryoso? Karaoke habang nasa biyahe?” reklamo ni Liam habang pinipigilang matawa.

“Anak, yan ang tunay na Spotify sa probinsya.” sagot ni Mama, sabay upo.

Nang paandarin na ang makina, gumalaw ang bus—tila hinihila ng hangin habang kumakaway ang mga billboard ng milk tea at pawnshop. Unti-unting nawala ang concrete jungle, napalitan ng mga taniman ng mais, palayan, niyugan, at signage na “Bawal Umihi Dito. Multa ₱500.”

“Ma… bakit parang bawat puno may ganitong sign?” tanong ni Liam.

“Pang-conservation yan. Pinoprotektahan ang puno... laban sa ihi.” sagot ni Mama na tawa nang tawa.

Akala ni Liam tahimik na ang biyahe. Maling akala.

Pagkalampas ng ilang bayan, biglang sumampa ang isang lalaking may tray ng balut, penoy, at kwek-kwek, sabay sigaw,

“Balut! Penoy! Sawsawan suka!”

“Ma, seryoso? Balut delivery sa bus?” tanong ni Liam, manghang-mangha.

“Anak, dito walang Food Panda. Pero merong Food Paakyat.” sabay hawi ni Mama sa wallet.

Kasunod ang isang ate—bitbit ang tray ng banana cue, turon, at camote cue. Ang asukal sa banana cue, nagki-crack pa habang iniipit ng kawayan.

Sumunod ang isang kuya, may dalang basket ng mani—garlic, adobo, spicy—espasol, yema, at pastillas.

“Mainit pa mani! Espasol, pastillas, pang-meryenda!”

Pahabol pa ang isang tindera ng malamig na halo-halo sa plastic cup—may gulaman, sago, at yelo na halos sumayaw habang nanginginig sa bawat galaw.

Si Liam, titig sa banana cue. Sa bawat kagat, “krakkkk”—lutong sa labas, lambot sa loob, tamis na parang ngiti ng crush mong hindi ka pinapansin.

“Ma… parang mall itong bus. May food court, may toy store, may entertainment (karaoke), kulang na lang may arcade!”

“Anak, ganyan talaga. Sa atin, basta may biyahe… may kainan.” sagot ni Mama habang ngumunguya ng turon.

Maya-maya, sumampa ang isang lalaking naka-puting polo, may bitbit na mini speaker at folder.

“Magandang araw po sa lahat ng pasahero! Pahingi po ng ilang minutong katahimikan.”

Nagdasal siya ng taimtim. “Ama naming makapangyarihan, ilayo niyo po kami sa disgrasya, iligtas sa kapahamakan...”

Tahimik ang bus. Wala nang kumakain. Wala nang umuubo. Yung kuya sa likod na kanina naka-headset, biglang inalis—parang holy ground na ang loob ng bus.

Pagkatapos ng dasal, “TSSSHK!”—binuksan ang folder, nilabas ang mga sobre.

“Wala pong pilitan. Bukal sa loob. Kahit piso, barya, malaking tulong po sa mission.”

At dito nagsimula ang Operation Tulog-Tulugan.

• Yung mag-jowa sa row 5, sabay sandal, sabay pikit—may matching fake yawn.

• Yung kuya sa aisle, pumikit na may kasamang fake na hilik. “Khh... khhh...” kahit naka-open pa YouTube sa bulsa.

• Yung ate sa gilid, abalang-abala kunwari sa paghalukay ng bag na wala namang hinahanap.

• Si Lolo sa bintana, biglang naging hard-core plantito—nakatingin sa palayan, walang kurap.

Si Liam: “Ma… parang epidemic ng antok dito ah.”

Si Mama, habang inilalagay ang piso sa sobre: “Anak, sa love life, uso ghosting. Sa bus, ghosting sa sobre.” sabay hinalakhak.

Pagkaikot ng sobre, may laman yung iba. Yung iba... flat, walang tunog kahit anong alog.

Pagbaba ng lalaki, biglang nagising lahat. May isang kuya pa sa likod na nag-unat at sumigaw, “Haaaay! Ang bilis ng biyahe!” sabay yawn.

Pagkalampas ng boundary ng Maynila, unti-unting nawala ang siksikang trapiko, mga billboard ng milk tea, at mga businang kasing lakas ng kulog.

Ang mga concrete na gusali, biglang napalitan ng mga palay na kumakaway sa hangin, mga niyugang tila mga sundalong nakapila, at mga bundok na may nakahilerang ulap sa tuktok, parang may sombrero.

Bawat liko sa highway, may bagong tanawin. May mga kariton ng buko sa gilid ng kalsada, mga karenderyang may tarpulin na faded na pero nababasa pa ang nakasulat na “Lutong Bahay — Silog All Day.”

Minsan, makikita mo ang mga bakuran na may mga nakasampay na kumot, brief, at uniporme—sumasayaw sa hangin na parang nagpa-pageant.

Ang mga tricycle dito, iba-iba ng personality—may isang may sticker ng “God Knows Judas Not Pay”, yung isa naman may sticker ng paboritong K-pop group, tapos yung isa, may sound system na tumutugtog ng “Señorita” kahit basag na ang speaker.

Sa bawat baryo na nadadaanan, may mga sari-sari store na may karatulang “Load na Dito” at mga batang nakatambay sa harap, kumakaway sa mga dumaraang bus, parang naka-duty na welcoming committee.

Doon sa bahagi ng highway na paakyat na, ramdam ni Liam ang mga zigzag na daan—parang rollercoaster sa Star City, pero walang seatbelt. Sa bawat kurbada, makikita niya sa gilid ang bangin, tapos sa kabilang gilid, bundok na punong-puno ng puno ng mangga, saging, at niyog.

“Ma, parang adventure park ‘to, no?” tanong niya habang kumakapit sa armrest.

“Anak, libreng thrill ride ‘yan. Wala pang entrance fee.” sagot ni Mama habang pinipisil ang braso ni Liam, nakangiti pero halatang kabado rin sa bangin.

Habang tumatakbo ang bus, may mga sandaling biglang papasok sa mini gubat—madilim, malamig, at amoy basa ang hangin. Tapos biglang lalabas ulit sa open area kung saan makikita ang malawak na taniman ng tubo o palayan, kulay gintong kumikinang sa ilalim ng araw.

Sa bawat crossing, may mga signage na:

• “Mag-ingat sa Tumatawid na Baka”

• “Bawasan ang Bilis, May Nabubuong Pamilya” (tinutukoy yung mga sisiw sa tabi)

• “Bawal Umihi. May CCTV — Joke Lang Pero Wag Pa Rin.”

Sa mga parteng paakyat, bumabagal ang bus. Ang makina, “Urrrrhhhhh... Urrrhhhh...” — parang sinisinghot ang hangin para may energy paakyat.

“Ma, kaya pa ba ni Manong driver ‘to?” tanong ni Liam, nakaabang sa bintana.

“Anak, kaya yan. Subok na ng panahon yan. Parang jeep ni Lolo na kahit walang preno, umaabot pa rin sa simbahan.”

Habang umaakyat, ramdam nila ang lamig ng simoy ng hangin. Ang amoy ng hangin? Amoy lupa, amoy damo, amoy sariwang hangin na parang may kaunting halong simoy ng gata—baka dahil sa niyugan sa gilid.

Minsan, may biglang lalabas na ilog sa gilid ng kalsada, malinaw na parang salamin, kita mo pati ang mga batong bilugan sa ilalim. May mga bata doon na naliligo, nagsasagwan ng kahoy na bangka, at kumakaway sa dumadaang bus.

“Ma, parang ang saya nila oh!”

“Ganyan ang buhay dito, anak. Simple pero masaya. Walang Wi-Fi, pero full signal ang kaligayahan.”

Habang lumalalim ang biyahe, si Liam, minsang napapatingin sa langit—bughaw na bughaw, may mga ulap na parang cotton candy, at mga ibong nagliliparan.

“Grabe, Ma... parang screensaver lang sa laptop ko, pero totoo pala sa totoong buhay.”

Pagkababa ng bus sa maliit na terminal ng barangay San Roque, bumungad kay Liam ang kakaibang tanawin—walang polusyon, walang busina, kundi halimuyak ng bagong ani, huni ng ibon, at malamig na hangin na may kasamang halik ng damo.

Mula sa malayo, may isang matandang babae na nakatayo sa ilalim ng punong mangga. Si Lola Mila.

Maputi ang buhok, nakapusod na may suklay na kahoy na may ukit ng bulaklak. Naka-bestidang kulay bughaw na may maliliit na puting bulaklak, at suot ang lumang straw hat na may nakadikit pang artificial na rosas. Sa isang kamay, may hawak na pamaypay na gawa sa anahaw, at sa kabila, isang maliit na basket na may laman—suman, itlog na maalat, at manggang hilaw.

Habang papalapit si Liam, tila bumagal ang oras. Sa bawat hakbang, ramdam niya ang paghaplos ng hangin, ang langit na lalong bumubuka, at ang tunog ng mga dahon na humuhuni na parang sinasabing, “Maligayang pagdating.”

Si Lola, nakatitig lang. Una, parang hindi makapaniwala. Unti-unting naluha ang kanyang mga mata—kumikinang sa liwanag ng hapon.

“Ay… Diyos ko... ang aking apo...” mahina niyang sambit habang tinatakpan ang bibig, nanginginig ang balikat, tila pinipigilang humagulgol.

Nagmamadaling tumakbo si Lola, kahit bahagyang may panginginig ang tuhod. Sa unang yakap, mahigpit—yung yakap na kay tagal niyang hinintay, yakap na puno ng pangungulila at pagmamahal.

“Apo... Apo ko... Diyos ko, totoo na... nandito ka na…” paulit-ulit na bulong ni Lola habang hinihimas ang likod ni Liam.

Si Liam, bagamat sanay sa mga quick hug sa siyudad, napapikit, dama ang init ng palad ni Lola, ang amoy nitong pinaghalong pabangong sampaguita at usok ng kahoy mula sa kalan—amoy na ngayon lang niya uli naalala.

“Lola…” mahina niyang sabi, na para bang lahat ng pagod sa biyahe, lahat ng kaba sa bagong lugar, ay biglang nawala sa higpit ng yakap na ‘yon.

“Tumangkad ka na… gwapo pa lalo... parang artista...” hinaplos ni Lola ang pisngi ni Liam, sabay punas sa luhang di niya napansin na umaagos.

“Pasensya ka na apo... matanda na si Lola... pero itong puso ko, masayang-masaya. Hindi mo alam kung gaano ko hinihintay ‘tong araw na ‘to…”

Habang nag-uusap, unti-unting lumapit ang mga kapitbahay—si Aling Marites na may dalang tray ng kakanin, si Mang Kanor na may dalang niyog, at ang mga batang kapitbahay na pabulong-bulong, “Ang pogi pala ni Liam oh...”

Kasabay ng pagyakap ni Lola, tila yumakap na rin ang buong baryo sa kanya—sa kanyang pagdating, sa kanyang pagbabalik sa ugat, sa kanyang pagkilala sa sariling pinagmulan.

Sa likod nila, sa ilalim ng punong mangga, andoon ang simpleng bahay kubo—may bubong na pawid, dingding na kawayan, at sa harap, papag na may nakasampay na lambat, tabo, at sombrero ng mangangalakal.

“Tara na, apo. Sa wakas... nasa tahanan ka na.”

At habang lumalakad sila patungo sa bahay, sinundan sila ng mga aso, huni ng kuliglig, at simoy ng hangin na parang musika ng pag-uwi.

Habang humahakbang si Liam papasok sa kubo, unang bumungad sa kanya ang tunog ng “tik-tik-tik-tik” — tunog ng sandok na kahoy na humahalo sa kumukulong palayok.

Sumalubong sa ilong niya ang mabangong halimuyak—matamis, malapot, may halong gata at langhap ng niyog na bagong piga.

“Ma… amoy mo yun? Parang... parang dessert sa langit...” bulong ni Liam, habang kusang lumalaki ang mga mata’t napapalunok.

Pagkapasok nila, kumalat sa mukha niya ang mainit-init na singaw mula sa maliit na kusina sa likod ng kubo. Sa dapugan na gawa sa tatlong batong malalaki, may nakapatong na kalderong kulay itim, may marka na ng taon ng pagluluto — bakas ng panahon.

Habang umaalon ang usok, kitang-kita ni Liam ang malapot na gata na bumubula sa ibabaw ng sumisiklab na palayok. Sa loob nito, sumasayaw-sayaw ang maliliit na bilog na galapong—puting-puti, makinis, parang perlas.

Sa tabi, may nakapatong na tray ng hinimay na langka—kahel at dilaw, kumikislap sa mantika, na lalong nagpapabango sa paligid. May nakahilerang hiwa ng ube na parang violet na alon, at tabing-tabing kinikiskis ni Lola ang kaunting asin sa ibabaw ng suman na pang-partner.

“Apo... tamang-tama ang dating mo. Mainit pa ‘to.” Ngumiti si Lola, sabay kuha ng batya at inilagay sa mesa ang bagong hango sa palayok na bilo-bilo na may makapal na gata, galapong na perlas, malambot na saging na saba, ginayat na langka, at ginadgad na niyog na parang snow.

Ang gata—makapal, maputi, at may konting mantikang umaangat sa ibabaw. Sa bawat paghalo, naglalabas ito ng amoy na parang niyayakap ka ng init, lambing, at saya.

“Sige na, tikman mo habang mainit pa.” sabay abot ni Lola ng mangkok na kahoy kay Liam.

Sumandok si Liam. Sa unang subo, sumabog sa bibig niya ang lambot ng bilo-bilo—parang yakap ng ulap, kasabay ng tamis ng saba at bango ng langka. Ang gata—malinamnam, malapot, may saktong alat na nagdadala ng balanse sa tamis.

“Grabe... Lola... parang... parang nag-party yung lasa sa bibig ko.” hawak-hawak ang kutsara, sabay kagat ng labi.

Si Mama, napatawa. “Di ba? Hindi mo matitikman ‘to sa city kahit ilang cafe pa puntahan mo.”

Habang kumakain, nadagdag pa ang amoy ng hinihilaw na kamoteng kahoy na niluluto sa tabi, at usok ng kahoy na nasusunog, humahalo sa malamig na hangin mula sa bintana. Sa paligid, maririnig ang kuliglig, huni ng maya, at hampas ng dahon ng niyog sa bubong.

Lumingon si Liam. Sa loob ng kubo, simple lang—may aparador na puno ng lumang pinggan, kurtinang may disenyo ng sunflower, isang lumang orasan sa pader na medyo atras ng sampung minuto, at sa gilid, isang papag na may banig na makintab sa sobrang gamit.

Sa ilalim ng hagdan, doon niya napansin ang isang tambak na mga komiks. Kumupas na ang mga pabalat, pero sa bawat pahina, buhay na buhay pa ang kulay ng mga kwento—mga bayani, kababalaghan, at mga alamat na tila tinatawag siyang basahin.

Habang sumisimsim ng huling kutsara ng bilo-bilo, “Ma... Lola... parang ayoko nang umuwi sa Maynila. Pwede ba dito na lang?”

Natawa si Lola, sabay haplos sa buhok ni Liam. “Apo... dito ka laging may lugar. Sa kubo... at sa puso ko.”

Matapos maubos ang mangkok ng mainit-init na bilo-bilo, si Liam ay napasandal sa papag. Hinimas ang tiyan na punong-puno, habang ang mukha ay bakas ang kasiyahan.

Habang nagpapahinga, napatingin siya sa ilalim ng hagdan. Isang tambak ng makakapal, medyo kupas na mga babasahin ang naroon. Ang iba, may bahagyang punit sa gilid. Ang iba, parang medyo nilamok na ang papel.

Lumapit si Liam, paluhod na inabot ang nasa pinakataas. Paghawak pa lang niya, ramdam niya ang gaspang ng luma pero matibay pang pabalat. Sa harap, may nakaimprentang makulay na karakter—isang superhero na may bandilang Pilipino sa dibdib. Sa taas, ang pamagat:

“ALIWAN KOMIKS — Espesyal na Labas!”

“Ma… Lola… ano po ‘to?” tanong ni Liam, habang dahan-dahang binubuklat ang pahina, para bang may hawak siyang kayamanang kay tagal na niyang hinanap.

Lumapit si Lola, naupo sa gilid ng papag, hawak-hawak ang pamaypay na anahaw, sabay ngiting puno ng alaala.

“Apo... naku... malaking parte ‘yan ng kabataan ng Papa mo.”

“Ha? Talaga po?”

“Oo... noon, pagkatapos naming kumain ng tanghalian... lalo na kapag ganitong tag-init... d’yan kami sa papag. Nakahiga, nakahiga ang Papa mo, minsan kasama ang mga pinsan niya. Tapos isa-isang magbabasa ng komiks.”

Habang nagsasalita si Lola, tila nabubuhay sa isipan ni Liam ang eksena.

Isang batang lalaki—ang Papa niya—nasa papag, nakataas ang paa, may banig na hinila mula sa aparador. Naka-shorts lang, walang damit pang-itaas, habang hinihipan ng electric fan na kalahating gumagana.

Sa kamay, nakatayo ang komiks, bukang-buka.

“Ang Kabayong Umaalon sa Hangin!”

“Bampira sa Kubo!”

“Ang Hiwaga ng Nuno sa Punso!”

“Tuwang-tuwa sila noon. Minsan, tatawa nang malakas kasi nakakatawa yung kwento. Minsan naman... natatakot, lalo na kung aswang o tiyanak ang bida sa komiks.” kwento ni Lola habang pinipigilan ang tawa.

“At Apo, alam mo ba… kapag tinamaan na ng antok... makikita mong nakatihaya na yung Papa mo, hawak pa rin ang komiks sa dibdib, tulog na... tapos lalaglag na lang yung libro sa mukha niya!”

Tumawa si Liam. “Ang cute po pala ni Papa noon!”

“Aba, oo! At minsan, kapag may bagong labas sa tindahan sa kanto... takbuhan yan! Pipila sila kahit tanghaling tapat. Kahit walang pamasahe sa tricycle, maglalakad makabili lang ng komiks.”

Dahan-dahang binuklat ni Liam ang isa pang komiks. Sa bawat pahina, amoy niya yung amoy ng lumang papel—yung kombinasyon ng tinta, alikabok, at alaala. Kita niya ang kulay na medyo kupas pero buhay na buhay pa sa imahinasyon.

“Lola, grabe... parang time machine ‘to. Parang nakikita ko kung paano nabubuhay yung mga kwento noon.”

“Apo, totoo. Dito kami natutong mangarap. Sa bawat kwento, natuto kaming maniwala na kahit simpleng tao, pwedeng maging bayani... pwedeng manalo laban sa pagsubok ng buhay.”

Tahimik si Liam. Tinitigan ang komiks. Hawak niya ngayon hindi lang papel—hawak niya ang bahagi ng kasaysayan ng pamilya, ng kultura, ng pagkabata ng Papa niya... at ngayon, parte na rin ng kanya.

Lola... pwede po ba... ako naman ang magbasa nito habang nagpapahinga sa papag?”

Ngumiti si Lola, sabay haplos sa buhok ni Liam.

“Oo naman, Apo. Ang mga kwento, hindi lang binabasa... minamana.”

Humiga si Liam sa papag, inunan ang braso, at inilatag ang isang bukas na komiks sa dibdib. Umuugong ang electric fan na paikot-ikot, pero mas malakas pa rin ang simoy ng hangin mula sa bintana — malamig, may kasamang amoy ng kahoy, niyog, at lupa.

Sa unang pahina ng komiks:

“Ang Kabayong Lumilipad sa Itaas ng Maynila” — isang kwentong superhero na may kabayong may pakpak!

“Hala... grabe, Lola... lumilipad pala ang kabayo dito! Parang si Pegasus pero naka-tsinelas.” Napahagalpak sa tawa si Liam, habang hawak ang tiyan.

“O, diba? Noon pa lang, malikhain na kami, Apo. Walang imposible sa imahinasyon.” sagot ni Lola, sabay tawa rin.

Habang umuusad ang kwento, dumating ang parte kung saan may eksenang hinahabol ng tiyanak ang bida sa gitna ng gubat. Biglang dumilim ang mata ni Liam, napatingin sa sulok ng kubo.

“Lola... teka... may tiyanak ba talaga dito sa baryo?” tanong niya, bahagyang napapahigpit ang hawak sa komiks.

Napahalakhak si Lola. “Ay, naku! Noon, pinaniwalaan namin. Pero ngayon... minsan yung kapitbahay lang pala na maingay sa gabi.”

Bumalik si Liam sa pagbasa. Habang binubuklat niya ang komiks, may eksena naman na ang bida, isang makulit na batang lalaki, ay nahulog sa punso at napunta sa kaharian ng mga duwende.

“Grabe, parang game portal!” napasigaw si Liam, sabay tili ng tuwa. “Ma, Lola! Dapat ganito ang mga video games ngayon — gawa sa kwento ng komiks natin!”

Habang binabasa, hindi niya mapigilang matawa ng malakas sa mga linya ng mga karakter:

“Hoy! Tigilan mo akong habulin, baka akala mo itlog ako!” — sabi ng bida sa aswang.

“Patingin ng ID mo, baka multo ka lang na nag-a-apply maging tao!” — hirit ng isang engkanto.

Sa bawat pahina, sumisigaw si Liam ng “Hala!”, “Waaa!”, “Ahahaha!”, habang si Lola ay napapangiti sa gilid, minamasdan ang apo, parang bumalik ang panahon.

“Apo, ganyan din ang Papa mo noon. Magbabasa ng komiks, tapos mag-iimbento na ng sarili niyang kwento. Minsan nga, kukunin pa ang walis tingting, magpapanggap na espada, tapos tatakbo paikot sa kubo. Akala mo nasa sarili niyang palabas.”

Biglang tumayo si Liam, kumuha ng walis tambo na nakasandal sa dingding. “Lola... tingnan mo oh! Ako na si Kapitan Tsinelas! Tagapagtanggol ng mga mangga sa baryo!”

Nagpanggap siyang nakikipaglaban sa mga di-nakikitang kalaban. Tumalon sa papag, umiikot, at sumisigaw ng “HIYAAAAA!” sabay hampas ng walis sa hangin.

Tawanan. Halakhakan. Buhay na buhay ang kubo sa kasiyahan.

Pagkatapos ng ilang minutong kakulitan, bumalik si Liam sa papag, hingal pero nakangiti. Binalikan niya ang komiks, dahan-dahang isinara. “Lola... ang saya pala dito. Ang saya pala noon. Para akong napunta sa ibang mundo.”

Ngumiti si Lola, hinaplos ang buhok ng apo. “Apo, ‘yang mga kwentong ‘yan... hindi lang para sa aliw. Paalala ‘yan... na sa bawat problema, may solusyon... sa bawat takot, may tapang... at sa bawat simpleng bagay... nandoon ang pinakamasayang kwento.”

Sa labas ng kubo, ang huni ng kuliglig, hampas ng dahon ng niyog, at simoy ng hangin ay tila musika na sumasabay sa paglikha ng bagong alaala ni Liam.

“Lola... bukas po, pwede po bang ikwento n’yo naman yung mga kwentong hindi nasulat sa komiks?”

Ngumiti si Lola, sabay turo sa dibdib ni Liam.

“Apo... ang pinakaimportanteng kwento... ‘yung isinusulat mo mismo sa buhay mo.”

Kinabukasan, ginising si Liam ng tilaok ng manok na parang may alarm clock na walang snooze.

“Tiktilaok! Tiktilaok!” — sabay-sabay pa silang nagtataasan ng boses, akala mo may kompetisyon kung sino ang pinakamalakas.

Napakamot si Liam habang bumabangon sa papag. Sa bintana, bumungad ang araw na kasisimula pa lang umahon, kulay gintong nagpapasilaw sa hamog sa mga dahon.

Sa labas, sumalubong sa kanya si Lola na abalang-abala, may dalang tabo, basket, at tinidor na kahoy na tila pang-halimaw kung ikukumpara sa mga gamit sa siyudad.

“Apo, halika! Ipapakita ko sa ‘yo ang gulayan natin.”

Paglabas ng kubo, bumungad kay Liam ang paraisong berde.

Malawak ang bakuran — sa kanan, may hanay ng mga tanim na pechay, mustasa, at kangkong. Sa kaliwa, andoon ang kamatis, talong, at sili — ang mga bunga, naka-display na parang mga Christmas decor sa mga sanga.

Sa gitna, may trellis na gawa sa kawayan — umaakyat doon ang mga upo, ampalaya, at patola. Ang mga bunga, nakalaylay, malalaking parang swing ng mga duwende.

“Grabe… parang grocery pero mas fresh... at libre!” sabi ni Liam, hindi mapigilang mapanganga.

“Aba, Apo, dito sa baryo, ‘di lang grocery... parang supermarket na, with matching vitamin D pa mula sa araw.” natatawang sagot ni Lola habang tinuturo ang mga pananim.

Habang nililibot ang gulayan, sumasalubong sa kanila ang halimuyak ng lupa, amoy ng dahong bagong dilig, at simoy ng sariwang hangin na may halong bango ng sampaguita mula sa bakod.

“Lola, paano n’yo po ‘to napalaki?” tanong ni Liam, habang hinahaplos ang dahon ng mustasa na parang di makapaniwalang totoo.

“Apo... simple lang. Tubig, araw, tiyaga, at pagmamahal. Araw-araw mong aalagaan... kakausapin mo... at saka... wag mong kalimutan... wag magalit sa mga uod, parte sila ng buhay dito.” sabi ni Lola habang tinatanggal ang isang malikot na uod sa dahon ng upo.

“Uy... parang pet din pala.” napatawa si Liam.

Sa likod ng gulayan, may maliit na espasyo na may tanim na luya, luyang dilaw, bawang, at sibuyas. Sa gilid, may halamang gamot — oregano, tanglad, serpentina, at lagundi.

Habang naglalakad, napansin ni Liam ang isang malaking puno ng bayabas — puno ng hinog, malalaki, kulay mapusyaw na dilaw na may konting berde.

“Lola... pwede po ba akong umakyat?” tanong ni Liam, punong-puno ng excitement.

“Aba, oo! Pero mag-ingat ka ha! Wag lang lagpas sa ikalawang sanga, baka maging bayabas ka rin!” sabi ni Lola, sabay tawa.

Umakyat si Liam, inabot ang pinaka-hinog na bayabas, at kinagat. Krrrrchhhh... tunog ng malutong na balat habang pumuputok ang katas sa gilid ng labi niya.

“Grabe... ang tamis! Parang may libreng juice sa loob!”

“Aba, syempre. Organik yan, walang halong kung ano-ano. Pati langgam, ayaw nang bumitaw d’yan.” sabay turo ni Lola sa bayabas na may kumpol ng langgam sa kabilang sanga.

Lola, hindi ko na yata kayang bumalik sa grocery sa city... mas gusto ko na dito. Fresh, masaya... at libre pang adventure!”

Ngumiti si Lola, tinapik ang balikat ng apo.

“Apo, dito... simpleng buhay, pero punong-puno ng yaman.”

Habang sina Lola at Liam ay paikot sa gulayan, napansin ni Liam ang mga usisero’t usiserang kapitbahay na unti-unting nagsusulputan — parang mga halamang biglang sumibol sa bakod.

“Ayy... siya na ba ‘yung apo ni Mila?” pabulong pero lakas-lakas na tanong ni Aling Sioning, habang tinatakpan ng panyo ang bibig niya pero hindi naman talaga nakakabawas sa lakas ng boses.

May dumating na isang babae, si Aling Bebang, may dalang tray na may pansit na may kalamansi sa gilid, may pink na itlog na maalat, at puto na may keso sa ibabaw.

“Mila, aba’y may bisita ka pala! Eto, nagluto ako oh. Aba, dapat mapatikim natin ng pansit ang apo mo, pampahaba ng buhay ‘yan!” sabay abot kay Lola habang sinisipat si Liam mula ulo hanggang paa.

Sunod naman ang mag-asawang Mang Kanor at Aling Marites, may dalang isang supot ng rambutan at lansones.

“Mainit ang panahon, Mila... pabungahan tayo dito! Eto, pampalamig oh. Straight from my puno... organic ‘yan, apo.”

Tawa ang sumunod. Dumating naman si Tatay Pidro, may dalang isang sariwang huli — tatlong tilapia, buhay pa, nagkikisay-kisay sa supot.

“O Mila, para may ulam kayo mamaya. Welcome home sa apo mo!”

Si Liam, nakatayo lang, hindi mapigilang mapanganga sa eksena. “Ma... parang... parang fiesta?” tanong niya, habang napapakamot sa ulo.

“Apo, ganyan dito. Basta may bisita, automatic... community potluck na ‘yan. Hindi uso dito ang ‘BYOB,’ dito, BYO — Bring Your Own... Ulam, Prutas, Kakanin, Kwento at Intriga!” sabay tawa ni Lola habang inaayos ang mga dinala sa mesa sa ilalim ng punong bayabas.

Sa bakuran, nagmistulang mini-palengke na may kasamang tsismis station.

• Si Aling Sioning, nagtatanong kung may girlfriend na si Liam.

• Si Aling Marites, update agad sa latest chika sa kabilang purok.

• Si Mang Kanor, pinagmamalaki ang bunga ng kanyang punong rambutan.

“Aba, gwapo pala talaga ang apo mo, Mila. Parang artista. Parang... parang si Daniel Padilla, pero medyo mas maputi.” biro ni Aling Bebang, sabay kindat kay Liam.

Namula si Liam, hindi alam kung matatawa o mahihiya. “Ahh... hehe... thank you po...”

Tumingin si Lola kay Liam. “Apo, dito sa probinsya... kapag may bago, lahat curious. Pero higit sa lahat... lahat handang magbahagi.”

Habang nagkukwentuhan, may batang dumaan, bitbit ang manok na may tali, sabay sigaw ng:

“Ate Bebang! ‘Yung manok mo sumama na naman sa manok ni Mang Pidro, baka magka-chick sila!”

Tawanan. Halakhakan. Mas lalong naging buhay ang buong bakuran.

Sa gitna ng kasiyahan, napatingin si Liam sa gulayan, sa punong bayabas, sa mga taong hindi niya kilala pero ramdam niya, parang pamilya na rin siya sa kanila.

“Ma... Lola... ngayon ko lang na-feel yung sinasabi n’yong ‘bayanihan.’ Hindi lang pala sa trabaho ‘yon... pati sa kwento, sa pagkain, sa tawa... at sa pagmamahal.”

Ngumiti si Lola, sabay turo sa paligid.

“Apo... ito ang tunay na yaman ng probinsya. Hindi pera. Hindi Wi-Fi. Kundi ang mga taong laging may dalang kwento, pagkain, at pagmamahal.”

Habang abala ang mga kapitbahay sa kwentuhan at pag-aabot ng pagkain, napalingon si Liam sa dingding ng kubo. Doon, sa isang sulok na may nakasabit na sombrerong buri, tabo, at tinidor na kawayan, may isang bagay na agad niyang ikinainteres.

Isang luma, medyo kupas na... tirador.

Kahoy ang katawan, yari sa sangang may hugis Y. Sa dulo, may baling goma—medyo naninilaw na sa tanda, pero kita pa rin ang tibay. Ang hawakan, binalot ng lumang electrical tape para hindi dumulas. Sa gitna ng goma, may pirasong balat ng sapatos—ang pouch kung saan nilalagay ang bala.

Nilapitan niya ito, dahan-dahang kinuha sa pagkakasabit. “Ma... Lola... tirador po ‘to, diba?”

“Aba oo, Apo. Yan... gawa pa ng Lolo mo... para sa Papa mo noon.” sagot ni Lola, sabay lapit, kitang-kita sa mata ang pagsariwa ng alaala.

“Talaga po? Si Papa marunong gumamit nito?” gulat na tanong ni Liam habang iniikot-ikot ang tirador sa kamay, sinusuri ang pagkakayari.

“Naku, Apo... noon, pagkatapos nila magbasa ng komiks, ‘yan ang libangan. Manghuhuli ng bayawak... este, joke lang. Mga mangga lang. Kapag may nakita silang hinog sa puno, lagot ang mangga... zip! Bagsak agad.” sabi ni Lola, sabay turo sa puno ng mangga sa likod.

“Minsan pati bayabas, kaimito, at yung saging na akala nila pwede... kahit hilaw pa. Naku, tinakbuhan sila ng may-ari noon. Kaya ito, may marka pa yan oh... kinagat daw ng aso habang tumatakbo si Papa mo. Hahaha!”

Tiningnan ni Liam ang kahoy, at totoo nga — may maliit na uka, parang kagat o gasgas, na tila may sariling kwento.

“Grabe... Lola... ang galing... parang artifact na ‘to.”

“Apo, kung gusto mo, papalitan natin ng bagong goma sa lolo mo. Pwede mo ring ayusin, gamitin mo. Dito sa atin, hindi lang cellphone ang pwedeng laruin, Apo. Dito, kahit maliit na bato... basta may tirador... adventure na.” sabi ni Lola, sabay kuha ng isang pirasong goma sa aparador na puno ng kung anu-anong gamit—lata ng biskwit, sinulid, retaso, kandila, at lumang flashlight.

Habang pinapalitan ang goma, tinuro ni Lolo kung paano gamitin. Tinuturo niya kung paano humawak ng tama, paano i-stretch nang hindi napuputol, at paano pumili ng tamang bato — ‘yung bilog, hindi magaspang, para di madiskaril sa ere.

“O Liam... tingnan mo ‘to ha... ganito ‘yan... hawakan dito, tapos... sipat... target...” sabay tutok ni Lola sa isang dahon ng bayabas... “Zip!”

Pak! Tumama ang bato. Laglag ang dahon.

Napanganga si Liam. “Lolo... grabe! Sharp shooter pala kayo!”

“Aba, Apo, noong bata ako, hindi uso ang ML, pero ‘ML’ din ako — Mangga Legend!” sabay tawa, sabayan ng halakhakan ng mga kapitbahay na nakikinig sa kanila.

Si Liam, pinasadahan ng matinding excitement. Hinawakan ang tirador, sumipat, sabay release... Pak!... sablay. Tumama sa puno ng niyog.

“Aba, pwede na! Practice pa Apo, practice!” sigaw ng isang kapitbahay.

“Lola... parang gusto ko yatang mag-stay dito ng matagal... hindi lang dahil sa tirador... kundi sa mga kwento, sa tawanan... at sa saya na dito ko lang naramdaman.”

Ngumiti si Lola, sabay yakap sa apo. “Apo... dito, hindi ka bisita. Dito, bahay mo rin ito. Bahagi ka ng kwento... at ikaw na ang magsusulat ng susunod na kabanata.”

Mabilis lumipas ang isang linggo. Parang kahapon lang nang dumating si Liam sa baryo — tahimik, puno ng hiya, at walang kilala. Ngayon, tila isang buong buhay na ang naipon niyang alaala sa simpleng kubo nina Lolo at Lola.

Sa umagang iyon, iba ang simoy ng hangin. Hindi tulad ng mga nakaraang araw na puno ng sigla, may halong lungkot ang paligid — ramdam ng lahat na araw ito ng pamamaalam.

Habang nililigpit ni Lola ang mga pabaon, pinagmamasdan ni Liam ang bakurang minsang dayuhan sa kanyang paningin, ngunit ngayo’y tila bahagi na ng kanyang pagkatao.

• Bayabas na puno ng marka ng kanilang tirador.

• Bakod na puno ng gumagapang na ampalaya at upo.

• Papag sa ilalim ng puno kung saan sila tumatawa habang nagbabasa ng komiks.

• At ang gulayan na tila palaging nakangiti sa kanya.

Sa ilalim ng puno ng bayabas, nagtipon ang kanyang mga kalaro at pinsan.

Si Tonton, pilit tinatago ang lungkot. Hawak niya ang paborito nilang goma ng tirador.

“Liam... ‘wag mong kalimutan yung pinangako mo, ha. Sa susunod, santol naman ang target natin.”

Si Lenlen, tahimik na iniabot ang isang papel — may drawing nila ni Liam, kasama ang puno ng bayabas at ang kubo sa likuran.

“Para ‘pag tiningnan mo, maalala mong may mga nagmamahal sa’yo dito.”

Si Kiko, kunwaring matapang.

“O, ‘wag kang magpapatalo sa city, ha! Pero sa aakyat ng puno, panalo pa rin ako.”

Si Dodong, may dalang saranggola — gawa sa plastic ng grocery, kawayan, at sinulid na hiningi pa nila kay Lola.

“Eto... liparin mo sa city. ‘Pag nakita mong lumilipad, isipin mo kami... parang kasama mo pa rin kami.”

Si Maya, mahigpit na nakayakap sa baywang ni Liam. Hindi nagsalita — pero damang-dama ang luhang pilit niyang pinipigilan.

Si Junjun at Nica, may dalang maliit na paso na may tanim na oregano.

“Ayan... panggamot sa ubo, pero panggamot din sa lungkot. Para ‘pag nalungkot ka, maalala mong may bahay kang babalikan.”

Sa kabilang bahagi, sina Lolo at Lola, halos hindi rin maitago ang pangungulila.

Si Lolo, iniabot ang maliit na kahon ng sapatos na may laman ang inayos niyang tirador, ilang pirasong bato na perfect pangbala, at isang lumang komiks.

“Apo... alagaan mo ‘yan. Alaala ‘yan ng lolo mo... ng tatay mo... at ngayon, alaala mo na rin.”

Si Lola, iniabot ang bayong na punong-puno ng pabaon.

• May suman na may latik.

• May adobong native na manok na niluto niya mismo kaninang madaling araw.

• May garapon ng bagoong, suka, at isang bote ng sariling gawa nilang kalamansi juice concentrate.

• At hindi mawawala — isang bilao ng ginataang bilo-bilo na niluto pa niya habang nagsisimula nang mag-empake si Liam.

“Apo... kahit gaano ka kalayo... andito ang bahay mo. Huwag mong kakalimutan, ha...” halos pabulong na sabi ni Lola habang pinupunasan ang luha.

Habang papasakay ng bus si Liam, sinundan siya ng tanaw ng buong baryo. Kaway dito. Kaway doon. May hagikhik. May iyakan.

“‘Wag mong kakalimutan yung suman, ha!” — sigaw ni Aling Bebang.

“Balik ka, Apo, pag may rambutan ulit!” — hiyaw ni Mang Kanor.

“Liam, promise ha... aakyat pa tayo ng puno pagbalik mo!” — habol ni Kiko.

Habang umaandar ang bus, kumakaway si Liam, pinipigil ang luha, ngunit ramdam niyang hindi ito maiwasan. Pinagmamasdan niya ang kubo nina Lolo at Lola, ang puno ng bayabas, ang gulayan, at ang papag na unti-unting lumiliit... hanggang tuluyang mawala sa paningin niya.

Pagkarating sa kanyang kwarto sa condo, binuksan niya ang bayong. Amoy probinsya. Amoy bahay. Amoy pagmamahal.

Kinuha niya ang kahon mula kay Lolo. Dahan-dahang binuksan... naroon ang tirador, ang komiks, at isang maliit na papel na may sulat ni Lola:

“Apo, tandaan mo... ikaw na ang susunod na tagapagkwento ng ating mga alaala.”

Napangiti si Liam... habang ang isang patak ng luha ay nahulog sa kanyang pisngi — hindi dahil sa lungkot... kundi dahil sa saya na minsang naging parte siya ng isang mundong payak ngunit puno ng yaman — yaman ng pagmamahal, pagkakaibigan, at alaala.

Ang probinsya... hindi lang basta lugar. Ito ang tahanan ng kwento, ng pagmamahal, at ng alaala — na kahit gaano ka kalayo, kailanman ay hindi mawawala.”