Return to site

ANG TINIG NG PAGLAYA

nina: RINA S. HISONA at MA. CARMEN B. JIMENEZ

Sa gitna ng unos at hanging marahas,

Ang ating wika’y nagsisilbing lakas,

Sa bawat letra at salitang malaladlad,

Nabubuo ang kapayapaang hinahangad.

Sa wikang katutubo, tayo’y nagkakaisa,

Binubura ang puwang, winawakasan ang kaba,

Sa bawat pulo man ay may iba’t ibang wika,

Iisa ang isinisigaw ng ating pananalita.

Kapag ang hustisya’y pilit na tinatapakan,

At ang mahihirap ay pilit na nilulunod sa kawalan,

Ang wikang Filipino ang magiging sandalan,

Upang ilayag ang katotohanan sa lipunan.

Hindi ito pasibol na bulong sa dilim,

Kundi sigaw ng laban sa gitna ng lilim,

Sa bawat salitang mula sa puso ng masa,

Naghahabi ng katarungang puno ng pag-asa.

Ang pagkakaisa’y hindi lamang sa kilos,

Kundi sa wika na sa puso’y tumatagos,

Dahil sa wikang Filipino’y nagkakaunawaan,

Nagkakasundo sa pagkamit ng katarungan.

Sa bawat haraya ng payapang bukas,

Ang ating wika’y tulay na hindi kumukupas,

Pinagbubuklod ang dukha at ang mayaman,

Sa iisang layuning wakasan ang kahirapan.

Kaya’t itanghal ang wikang sariling atin,

Sandata sa laban at gabay sa hangarin,

Sa wikang Filipino, tayo ay titindig,

Para sa katarungan at sa ating daigdig.