“Walang sakit ang iyong asawa, hindi siya dapat nasa ospital.” Nagulat ang babae sa binigkas ni Constancia.
“Po? Ano po ang inyong ibig sabihin?” Naguguluhang tanong nito.
Tinitigan ni Constancia ang langis na nasa platito na para bang may nakikita itong mga imahe dito. “May lumalaro sa kaniya. Siya ang nagbigay ng sakit dito.” sagot nito.
Natutop ng babae ang kaniyang bibig. “Ang ibig niyong sabihin ay siya ay kinukulam? Ngunit sino po ang nangkulam sa kaniya?” tanong ulit ng babae.
Tinitigan lamang ni Contancia ang babae at hindi ito sinagot. Tumayo ito at kumuha ng sintron na gawa sa balat ng anonang. “Ipasuot mo ito sa kaniya at sabihin mong huwag na huwag niyang aalisin. Kailangang ang pagsuot nito ay dumidikit sa kaniyang balat at hindi nakikita ng sinuman maliban sa iyo.” Ibinigay nito sa kaniya ang sintron. “Mamaya pagbalik mo sa ospital ay kumuha ka ng palito at itusok ito sa hinlalaki ng kaniyang dalawang mga paa. At ito,” ibinigay nito dito ang isang bala ng baril. Nag-aalangan man ay kinuha ito ng babae. “Huwag kang mag-alala wala na itong pulbura. Balutin mo ito sa pulang tela at lagyan ng aspile. Ilagay niya ito sa kaniyang bulsa. Ngunit kailangan niyang tanggalin ito kung siya ay pupunta sa lamay dahil mawawalan ito ng bisa.” Mahabang salaysay nito.
“Ngunit gagaling po ba siya, manang?” Tanong ng babae. Tinitigan siyang muli ni Constancia, “Kung kayo ay naniniwalang gagaling siya ay gagaling ito. Huwag kang mag-alala isasama ko siya sa aking mga panalangin ganon na din ang taong lumalaro sa kaniya.”
“Sino po ang gumagawa sa kaniya nito? Ano pong dahilan niya bakit niya ito ginagawa sa asawa ko?” Sunod-sunod na tanong sa kaniya ng babae. Umiling lamang si Constancia, “Ako na ang bahala sa taong iyon. Humayo ka na at gawin ang mga sinabi ko sa iyong asawa.”
Pinunasan ng babae ang mga luhang kumawala sa kaniyang mga mata bago ito tumayo at naglagay ng donasyon sa altar.
Ito ang ginagawa ni Constancia sa buong araw. Dinudumog siya ng maraming tao na mula pa sa iba’t ibang lugar upang magpagamot sa kaniya. Marami na kasing nagpatotoo na siya ay isang mahusay na manggagamot dahil sa dami na din ng kaniyang natulungan at napagaling. Ang kaniyang kagalingan ay madaling kumalat na parang isang apoy sa tuyong damo. Sa isang araw ay halos isang daang tao ang kaniyang ginagamot at dumodoble at minsan ay tumitriple pa dito ang bilang ng mga tao sa mga araw ng Martes at Biyernes. Pinaniniwalaan kasing ang mga araw na ito ay ang araw ng mangkukulam. Lalo na ang Biyernes dahil sa araw na ito namatay si Hesus.
Sa dami ng nagpapagamot sa kaniya ay hindi na ito nakakakain ng tama na maski na hatiran siya ng kaniyang asawa na si Salvador ay hindi niya ito nagagalaw. Ngunit hindi niya nararamdaman ang gutom, hindi siya nagugutom.
“Magkano po ang bayad?” tanong sa kaniya ng kaniyang huling kliyente sa araw na iyon. Nginitian lamang siya ni Constancia at tumingin sa Birheng Maria. “Kung anong kaya mong ibigay na bukal sa iyong puso.” sagot nito.
Matapos umalis ng kaniyang huling kliyente ay doon pa lamang naramdaman ni Constancia ang pagod at gutom. Mag-aalas nuweba na at hindi pa siya nananghalian at naghapunan.
“Nay, kain na po tayo.” Aya sa kaniya ng kaniyang panganay na anak na si Macaria. “Halina po inay.” Niyakag naman siya ng kaniyang bunsong anak na si Irene papunta sa hapag na kung saan nandon na ang kaniyang dalawa pang anak na si Salvacion at Juanito kasama na din ang kaniyang asawa.
“Gabi na bakit hindi pa kayo naghapunan?” nag-aalalang tanong ni Constancia sa mga ito.
“Gusto ka naming makasalo.” Sagot ng kaniyang asawa. Pinisil ni Constancia ang kamay ng kaniyang asawa, nagdasal na ang mga ito at matapos non ay sabay-sabay na nilang pinagsaluhan ang isdang huli ng kaniyang asawa.
Kinaumagahan ay ganoon ulit ang naging tagpo sa tahanan nila Constancia. Alas kwatro pa lamang ay nag-umpisa na siyang dumugin ng mga tao kaya naman sa ganap na alas singko ng umaga ay inumpisahan na niyang manggamot. Bata, matanda, dalaga, at binata ang mga nagiging kliyente nito sa araw-araw. Maski na nasa ibang bansa ang taong pinapagamot ay nagagamot niya ito gamit lamang ng langis na gawa tuwing Biyernes Santo.
Nag-umpisa ang kaniyang paggagamot noong siya ay labing siyam na taong gulang pa lamang. Nangyari ito ng sumama siya sa kaniyang Tiya Esmeralda na isang misyonaryo ng lakbayin nila ang Grotto ng Mahal na Ina ng Lourdes sa Bamban, Tarlac. Mahal na Araw noon at masama ang lagay ng panahon ngunit dahil panata ng kaniyang tiya na akyatin ang grotto ay hindi ito nagpapigil at yumakag pa din ito. Kaya naman napilitan siyang sundan ito ngunit ng nasa kalagitnaan na sila ng isaang daang hakbang patungo sa Mahal ng Birhen ay naapakan ng kaniyang tiya ang may lumot na bahagi ng hagdan na naging dahilan upang madulas ito at mabagok ang ulo.
Nang makita ito ni Constancia ay naitapon nito ang dalang payong at tinalon ang tatlong hakbang pagitan nila. Laking gulat niya ng kaniyang makitang ang kaniyang tiya na naliligo na sa kaniyang sariling dugo. Sumigaw siya ng saklolo ngunit dahil sa sobrang lakas ng ulan ay tiyak walang nakarinig sa kaniya. Sila lamang ng kaniyang tiya ang lumusob sa malakas na ulan upang makaakyat. Walang nagawa si Constancia kung hindi mapaluhod at taimtim na nagdasal sa kagalingan ng kaniyang tiya maski na alam nitong imposible na dahil mahina na ang nakapa nitong tibok ng kaniyang puso ngunit ito ay nag-aasam pa din na mapakinggan ng Mahal na Birheng Maria. Sa kaniyang pagdarasal ay mas lalong lumakas ang ulan at ngayon ay may kasama ng hangin. Sa dalang hangin ng ulan narinig niya ang isang tinig na ilagay nito ang kaniyang kanang kamay sa sugat sa ulo ng kaniyang tiya at magdasal ng taimtim. Naguguluhan man ito sa kung saan nagmula ang tinig ay sinunod niya ito. Sa pag-patak ng kaniyang luha ay bigla itong tumayo at tinanong sa kaniya kung anong nangyari.
Sa sobrang tuwa ni Constancia ay hindi na nito sinagot ang kaniyang tiya at hinagkan ito. Dito niya muling narinig ang isang tinig. “Mag-alay ka ng iyong panalangin sa tuktok ng grottong ito. Pasalamatan mo ang Inang Birhen sa pagkakaloob niya sa iyo ng kapangyarihan upang manggamot at gagamitin mo lamang ito sa mga taong nangangailangan ng iyong tulong. Ngunit, hindi mo ito maaaring gamitin sa iyong mismong pamilya dahil kapag ginawa mo ito’y mawawala sa iyo ang regalong ito.” Nalungkot man siya sa narinig na hindi niya ito maaaring gamitin sa kaniyang pamilya ay sinunod pa din nito ang sinabi ng tinig.
Nang makababa si Contancia at ang kaniyang tiya sa burol ay hindi pa ito nag-umpisang manggamot dahil hindi nito alam kung saan magsisimula. Walang kalam-alam ang kaniyang tiya sa kung anong nangyari dahil hindi sinabi ni Constancia na siya ang gumamot dito sa tulong ng boses na kaniyang narinig at ng Birheng Maria.
Lumipas ang mga araw at buwan ng kaniyang pag-iisip kung paano nga ba niya magagamit ang ibinigay na regalo sa kaniya. Ngunit hindi pa din dumaan sa kaniyang isip kung paano nga ba.
Kailangan ba niyang magtayo ng sarili niyang pagamutan o ipagkalat sa kaniyang mga ka-baryo na siya ay nakakapagpagaling ng sakit? Ito ang mga madalas nitong tanong sa kaniyang sarili na kinatutulugan niya sa gabi.
Isang malakas na pagsabog ang pumukaw sa katahimikan ng gabi at sa kaniyang pag-iisip. Nag-umpisang umingay ang paligid dahil nagsilabasan ang kanilang mga kapitbahay at ang iba’y nagtutungo sa may kalsada upang siyasatin kung anong nangyari. Babalik na sana ito sa kaniyang pagkakahiga ng marinig nito ang palahaw ng isang babae. Kaya naman dali-dali itong lumabas at nagpa-tianod sa kaniyang mga kapitbahay patungo sa may kalsada.
Ganoon na lamang ang kaniyang pagkagulat ng makita ang dalawang sasakyang nagbanggaan, isang motor at isang pribadong van sa isang banda ay nakita nitong nakabulagta sa kalsada ang katawan ng isang lalaking duguan at nag-aagaw buhay. Sa ‘di kalayuan naman ay isang babae na tiyak nito ay ang asawa ng lalaki na pilit gumagapang upang mapuntahan ang kaniyang sinisinta.
Hindi na natiis pa ni Constancia ang imaheng nakikita nito sa kaniyang harapan kaya naman ay sumigaw ito sa mga tao. “Tumawag kayo ng ambulansya,” at tumakbo na siya sa kinaroroonan ng lalaki. Nang makalapit na ito ay narinig niya ng muli ang tinig na matagal na niyang hindi naririnig. “Hawakan mo ang kaniyang pulso at ipanalangin mo sa Mahal na Birhen ang kaniyang kagalingan upang magbalik sa normal ang tibok ng kaniyang puso.” Walang imik niyang ginawa ang sinabi ng tinig. Wala pang ilang sandali ng kaniyang pananalangin ay naramdaman na nitong lumakas ang tibok ng puso nito at nag-umpisa na itong ibukas ang talukap ng kaniyang mga mata. “Huwag mo munang pilitin, ang katawan mo’y mahina pa. Huwag kang mag-alala sa ilang sandali ay darating na dito ang tulong.”
Matapos niyang magamot ang nakabulagtang lalaki ay nagtungo naman ito sa babae na duguan din. Tinulungan niya itong makatayo, “Ang a-asawa ko…” bigkas ng babae. “Ligtas na ang asawa mo sa kapahamakan, halika at aalalayan kitang makaupo banda roon.” Ganoon nga ang ginawa niya, inalalayan niya ang babaeng makaupo. “Dito ka na muna, sila na ang bahala sa’yo,” turo nito sa mga kapitbahay niyang nakiki-usyoso sa pangyayari.
Sa puntong ito ay nagpunta naman siya sa gilid ng nakabanggang van at binuksan nito ang pinto. Nakita niya ang lalaking umiiyak sa sakit at nagmamakaawa sa kaniyang tulungan siyang makalabas. Ngunit dahil sa yupi sa harap nito ay mahihirapan siyang mailabas ito kaya naman ay tumawag siya ng mga kalalakihan at inutusan ang mga ito kung paano nila mailalabas ang naipit na drayber ayon sa tinig na kaniyang naririnig. Halos labing limang minuto ang itinagal upang tuluyang matanggal ang naipit na drayber at hindi nagtagal ay dumating na ang ambulansya.
Simula ng gabing iyon ay nag-umpisa na ang bulong-bulungan sa kung ano ang kayang gawin ni Constancia- nakakapagpagaling ito. Mas lalong umugong ang balita ng makaraan ang dalawang linggo ay bumisita sa kaniya ang asawa ng lalaking nakabulagta at nag-aagaw buhay ng gabing iyon.
“Andito po ako para personal na ihatid sa inyo ang aming pasasalamat. Kung hindi dahil sa inyo, wala na ang aking asawa ngayon. Kaya tanggapin niyo po ito,” ibinigay ng babae ang tseke kay Constancia.
Inabot ito ni Contancia at agad ding binalik sa babae ng makita ang malaking halagang nakasulat dito. “Hindi ko maaaring tanggapin ito dahil kapag tinanggap ko ito ay para ko na ding pinabayaran ang pagtulong ko.”
Malungkot na tinanggap ng babae ang tseke. “Ngunit nais lang po naming suklian ang inyong pagpapagaling sa aking asawa,” tinitigan ni Constancia ang babae at naramdaman nito ang pagkamasigasig nito. Dahil dito ay narinig niyang muli ang tinig, “Humiling ka na lamang dito ng isang kapilya kung saan mo maibabahagi ang iyong regalong pagpapagaling sa mga tao.”
Nang marinig ito ay agad niya itong sinabi sa babae at agad namang sumang-ayon ito. Kinaumagahan ay nag-umpisa agad ang pagpapatayo ng kapilyang hiniling nito. Ang kapilyang ipinapatayo ay idinugtong lamang sa bahay nila Constancia dahil ito din ang kaniyang kahilingan.
Habang pinapatayo ang kapilya ay may mangilan-ngilan ng nagpupunta sa tahanan nila Constancia upang magpagamot. Ang tinig ang siyang gumabay sa kung ano ang kailangan niyang gawin upang maramdaman ng mga tao na hindi siya ang nagpapagaling sa mga ito kung hindi ang kanilang paniniwala sa tulong ng Mahal na Birheng Maria. Sa maliit nilang salas ay naglagay ito ng lamesa upang maging pansamantalang altar kung saan niya ilalagay ang imahe ng Mahal na Birhen ng Manaoag, krus, rosaryo, kandila, at ang langis ng Biyernes Santo na kaniyang gagamitin sa pagtatawas. Mahigpit na inihabilin sa kaniya ng tinig na hindi ito maaaring magpresyo o humingi ng tulong sa kaniyang mga kliyente. Na kung nais nilang mag-abot ng tulong ay walang sasabihing halaga at kinakailangang ito’y bukal sa kanilang puso.
Mas dumami ang kaniyang parokyano ng matapos ang ipinapagawang kapilya para sa kaniya, ganoon din ang dagsa ng mga nagbibigay ng kanilang mga pasasalamat dahil sa pagkakagaling nila sa kanilang mga sakit at sa katapuran ng kanilang mga hiniling.
Sa paggagamot din nakilala ni Constancia ang kaniyang naging kabiyak na si Salvador ng mapaglakad nito ang kaniyang ina na nalumpo dahil sa pagkakabali ng kaniyang balakang at hindi siya mapatingin sa isang espesyalista dahil sa kakulangan sa pera. Ang ina ni Salvador ang nagpakilala sa kaniya kay Constancia ng malamang walang nobyo ang huli at hindi nagtagal ay nakapalagayan niya ng loob at naging kabiyak niya ito matapos ang isang taon.
“Ang bigat naman ng iyong dinadala,” ito ang bungad ni Constancia sa una niyang parokyano sa araw na iyon, si Sitang. Matagal niya na itong kliyente, matuturing niya na itong suki dahil maya’t maya ay nagpupunta ito sa kaniya upang magpatingin. Tinitigan niya ang langis sa platito at doon niya mas naintindihan ang dahilan ng kaniyang pagkabagabag. Pinatalikod niya ito at hinilot ang sintido nito.
“Pinaparatangan ako ng aking mga kapatid na tayo daw ay mangkukulam. Ito daw kasi ang lumabas sa tawas nung albularyo sa Gerona. Binanggit ng albularyong iyon ang ating pangalan at hinihimok ako ng aking mga kapatid na tayo daw ay magtungo doon kung wala tayong tinatago,” mahabang salaysay ni Sitang. Maski hindi ito sabihin ni Sitang ay alam niya kung ano ang nangyari. “Sa lahat ng albularyong napuntahan ko, siya lamang ang bukod tanging nagpapangalan ng mga mangkukulam. Paninirang puri ito. Alam nating dalawa na wala tayong masamang ginagawa sa kanila,” dagdag pa nito. “Ikaw nga maski na pilitin kitang magsabi kung sino ang lumalaro o naiinggit sa akin ay hindi mo sinasabi samantalang ang albolaryong iyon na tinatawag nilang Sister Ayen ay walang takot kung magpangalan ng wala namang sapat na pruweba. At ang mga kapatid ko, lalo na ang Manang Lita ko’y sinusugod ako, winiwisikan ng banal na tubig, at tinatapunan ng asin na may kasamang bigas dahil mangkukulam daw ako.”
“Sobra naman ang mga paratang na iyan. Hindi tama ang ginagawa ni Sister Ayen, dahil imbis na pagbukludin niya kayo ng inyong pamilya ay pinagwawatak niya kayo,” pagbibigay opinyon ni Constancia. “At ang Manang Lita mo, na araw-araw ay nasa simbahan at walang ibang hawak kung hindi Biblia o libro ng nobena ay naniniwala sa sinabi sa kanila at hindi din natatakot sa pagpaparatang sa’yo.” Iniharap ni Contancia si Sitang sa kaniya at inilagay ang kanang kamay nito sa kaniyang dibdib. “Sobra na sila manang, sobra na ang pagpaparatang nila sa akin ng kung anu-ano,” hindi na napigilan pa ni Sitang na kumawala sa kaniyang mga mata ang mga luhang kanina niya pa pinipigilan. “Iiyak mo lang iyan upang mabawasan ang bigatn na dinadala mo dito. Makakasama kasi iyan sa’yo kung hindi mo mailalabas at kikimkimin mo lamang. Tandaan mo, kailangan ka pa ng anak mo.” At iyon nga ang ginawa ni Sitang, umiyak ito sa harap ni Constancia na parang isang bata na nagsasabi ng kaniyang sama ng loob sa mga ginagawa sa kaniya ng kaniyang mga kapatid.
Hindi ito ang unang beses na may magparatang kay Constancia na siya ay isang mangkukulam. Sabi pa ng ilang hindi naniniwala sa kaniyang panggagamot ay siya din ang nagbabalik sa mga sakit ng kaniyang parokyano upang bumalik ang mga ito sa kaniya at makuhanan niya ulit ito ng pera o donasyon. Ngunit ang lahat ng ito ay walang katotohanan.
Kaya naman ng gabing iyon, ay kinausap niya si Sister Ayen sa kaniyang panalangin. Binigyan niya ito ng babala sa pagbigkas ng pangalan ng mga taong inaakusahan niyang manggagamod ngunit wala itong nakuhang sagot dito.
Naalimpungatan si Constancia sa kaniyang masamang panaginip. Napanaginipan kasi nito na natanggal ang lahat ng kaniyang ngipin. Ito ay hindi magandang pangitain dahil nangangahulugan itong may masasawi na kaniyang mahal sa buhay. Agad niyang kinagat ang kahoy na nagsisilbing haligi ng kanilang bahay at ikwinento ito kay Salvador upang hindi matuloy ang kahulugan ng kaniyang panaginip.
Halos ayaw niyang maggamot ng araw na iyon dahil siya ay nangangamba sa posibilidad na pwedeng magkatotoo ang kaniyang panaginip. Ngunit dahil na din sa hiya sa mga taong maaga pa lang ay nakapila na upang magpagamot ay wala na siyang ibang magawa kung hindi umpisahan ang panggagamot.
Matagal ang paggalaw ng oras dahil maya’t maya niya itong tinitignan. Gusto na nga niyang hatakin ang mga daliri nito upang matapos na ang araw na ito. Nasa kalagitnaan siya ng paggagamot sa pilay ng isang bata ng may humahangos sa kanilang tahanan at hinahanap siya.
“Tiyang Constancia, Tiyong Salvador!” sigaw ng binatilyo. Lumabas si Constancia upang harapin ang binatang humihingal pa mula sa pagtakbo. “Tiyang Contancia, s-si I-Irene po…” nanlamig si Constancia ng marinig ang pangalan ng kaniya bunso. “Nasaan si Irene?” agad nitong tanong sa binatilyo. “Nakita pong lumulutang si Irene sa i-” hindi na pinatapos pa ni Constancia ang binatilyo at agad na tumakbo patungo sa kinaroroonan ng kaniyang bunso. Lakad, takbo ang ginawa nito hanggang sa makarating sa may tulay kung saan ay pinaliligiran na ng maraming tao na nakiki-usyoso.
“Paraanin niyo ako,” utos niya sa mga ito.
Gumuho ang kaniyang mundo ng makita ang maliit na katawan ng kaniyang bunso na buhat-buhat ng lalaking nag-ahon dito sa ilog. “Anak ko!” Mabilis niyang pinuntahan ang kaniyang anak at kinuha sa lalaki. “Anak ko, anong nangyari sa’yo? Sino ang gumawa sa’yo nito?” Patuloy siya sa pagtangis ng may nagsalita sa kaniyang isip. “Iyan ang napapala ng isang albularyong pakialamera.”
Nanlaki ang kaniyang mata ng mapagtantong ang boses na kaniyang narinig ay ang boses ni Sister Ayen. Sa puntong iyon lamang niya naramdaman ang emosyon na sa tagal ng panahon ay hindi niya naramdaman- galit. Napatingin siya sa kalangitan na waring kinakausap ang May Likha na bakit kailangan pang madamay ang kaniyang mahal sa buhay… ang kaniyang anak.
“Ngunit, hindi mo ito maaaring gamitin sa iyong mismong pamilya dahil kapag ginawa mo ito’y mawawala sa iyo ang regalong ito.”
Naalala niya ang sinabi sa kaniya ng tinig ng ipinagkaloob sa kaniya ang regalong manggamot ng Mahal na Birhen. Ngunit hindi niya kayang pangatawanan ito, hindi niya kayang mawala ang kaniyang bunsong anak ng wala siyang ginagawa.
Kaya naman hinawakan niya ang pulso ng kaniyang anak, ipinikit nito ang mata at tumatangis itong nananalangin sa Mahal na Birhen. “Mahal na Birheng Maria, patawarin niyo po ako, hindi ko po kayang mawala ang aking anak, mahal na mahal ko po ito… parang awa niyo na po huwag niyo pa po siyang kunin sa amin… Ibalik niyo po siya sa amin.” Impit niyang wika.
Hindi nagtagal ay dumating na din si Salvador at katulad niya ay napaluhod din ito ng makita ang walang buhay niyang anak na nakahiga sa hita ng kaniyang asawa. Gaya ng kaniyang asawa ay nagdasal din ito at naniniwalang pagkakalooban sila ng milagro. Ang mga taong nakapalibot sa kanila ay ganoon na din ang ginawa, sama-sama silang nanalangin para kay Irene.
Makalipas ang ilang sandal ay naramdaman ni Constancia ang muling pagnumbalik ng pulso ni Irene. Dahan-dahang binukas ni Irene ang kaniyang mga mata, “Mamang….” Walang ibang ginawa si Constancia kung hindi yakapin ng mahigpit ang kaniyang anak habang tuloy-tuloy ang pagbagsak ng mga nag-uunahang mga luha nito. Lumapit na din si Salvador sa kanila at binuhat ang kaniyang anak. “Maraming salamat, Panginoon, Inang Maria… Maraming salamat…”
Nang gabing iyon matapos ang insidente, ay nagdasal silang buong pamilya ng banal na rosayo. Ito ay ang kanilang pasasalamat dahil sa pagbibigay ng panibagong buhay kay Irene. Ganoon din, ipinalangin din ni Constancia ang taong nanghamak sa kaniyang anak, si Sister Ayen.
“Hindi ba sabi mo ay hindi mo pwedeng gamutin ang iyong sariling pamilya dahil kapag ginawa mo ‘yon ay mawawala ang regalo mong manggamot?” tanong sa kaniya ni Salvador. Nilingon niya ang kaniyang kabiyak at tumango. Bumalik ang paningin ni Constancia sa ulap na puno ng mga bituin. “Ngunit hindi ko pala kayang makitang mawala sa akin ang mga mahal ko sa buhay ng wala man lang akong ginagawa upang mailigtas kayo. Pamilya ko kayo at mahal na mahal ko kayo. Kaya kong isakripisyo ang lahat para sa inyo.” Agad na pinunasan ni Constancia ang luhang umagos sa kaniyang pisngi.
Walang ibang ginawa si Constancia ng gabing iyon kung hindi humingi ng tawad sa Mahal na Birhen dahil ginamit nito ang regalo niya upang ibalik ang buhay ng kaniyang anak. Dahil hindi siya dinadalaw ng antok ay nagpunta ito ng kapilya at umupo sa may altar kung nasaan ang langis na ginagamit nito sa paggagamot at tinitigan ito.
“Pagmamahal ang nagbigay sa iyo ng regalo, pagmamahal rin ang magbabalik sa’yo nito.”
Napaiyak si Constancia ng marinig ang tinig mula sa langis. “Ang nanghamak sa iyong anak ang siyang mabibigyan ng kaparusahan mula sa langit at ikaw, Constancia, nawa ang kabutihan ng iyong loob ang siyang manaig sa bawat oras.”
Nalaman na lang ni Constancia kay Sitang na nakakulong na si Sister Ayen dahil sa pagpaparatang nito ng mali sa mga tao at kinakaharap ang patong-patong na reklamo ukol dito. Totoo nga ang sinabi sa kaniya ng tinig, ang taong nanghamak sa kaniyang anak ay nakakaranas na ngayon ng kaparusahan.
Nalabag man ni Constancia ang kabilin-bilinan ng tinig sa paggamit ng kaniyang regalo ay binigyan siya ng pagkakataon nito na magampanan pa ang tungkulin nito bilang isang albularyo na nagpapalakas ng pananampalataya ng mga taong humihingi ng tulong mula sa iba’t ibang relihiyon.