Return to site

ANG SIRENA SA BALINGA-ASA

JENNIFER C. BALBUENA

Tayum Central School

Masaya at payapang naninirahan noon ang mag-inang sirena sa ilalim ng tulay ng Balinga-asa na matatagpuan sa isang baryo sa probinsiya ng Abra. Ang tulay na ito ay malapit sa ilog ng Abra. Batid na ng mga tagaroon ang mag-inang sirena dahil tumutulong ang mga ito sa mga tao lalo na sa mga mangingisdang nakatira malapit sa ilog. Malaya ring nakikihalubilo at nakikipaglaro sa mga bata ang anak na sirena. Kaya naman, itinuturing na kaibigan at ordinaryong tao ng mga tagaroon ang mag-inang sirena.

Madalas makipaglaro ang anak na sirena sa mga bata kapag naliligo ang mga ito sa ilog. Ngunit mahigpit naman na ipinagbabawal ng inang sirena sa anak na huwag itong lumayo at iwasang magpakita sa mga taong hindi niya kilala.

Isang umaga, nagbilin ang inang sirena sa anak. “Anak, huwag kang masyadong lumayo sa paglalangoy mo,” ang sabi ng inang sirena sa anak.

“Opo ina,” ang sagot naman ng anak na sirena. “Dito lang po ako sa malapit.”

Ngunit matigas ang ulo ng anak na sirena. Isang araw, naglalaro ang anak na sirena sa pampang. Nakita ng inang sirena ang anak na nasa gilid ng ilog at tinawag niya ito.

“Anak, huwag kang magtatagal sa pampang baka may makakita sa iyo na ibang tao!”

“Opo, sandali lang po ako dito,” ang sagot naman ng anak na sirena. “Naglalaro lang po ako dito sa pampang.” At maghapong naglaro at lumangoy sa ilog ang anak na sirena.

Isang araw, isang grupo ng kabataan ang dumayo mula sa ibang bayan upang maligo at magpiknik sa tabi ng ilog. Maingay ang mga ito habang inaayos ang kanilang mga gamit. Habang naliligo ang mga kabataan, may napansin ang isa sa kanila. Nakita niya na may malaking isda na lumalangoy sa kabilang pampang. Akala nito ay isang malaking isda lamang na papalapit sa kinaroroonan nila. Biglang nagpakita ang anak na sirena sa mga kabataan.

“Sirena! Sirena!” sigaw ng isang lalaking nakakita. Nagulat ang lahat ng makita nilang may papalapit na isang maliit na sirena.

“Hulihin natin siya!” ang utos ng isang babae.

“Kukuha ako ng panghuli natin” ang sabi naman ng isang lalaki. “Heto ang kawayan.”

Hindi na nag-atubili ang lalaki na hulihin ang sirena. Nasugat ang buntot ng sirena sa pagkatusok nito mula sa kawayang ginamit ng lalaki sa paghuli sa kaniya.

Pinalibutan siya ng mga kabataan at hindi na nakawala pa.

Kaawa-awang sirena.

“Huwag po, maawa kayo sa akin! Wala akong gagawing masama sa inyo!” ang sabi ng nagmamakaawang anak na sirena. Ngunit hindi siya pinakinggan ng mga kabataan.

“Huwag!” ang sigaw ng inang sirena nang biglang magpakita ito nang marinig ang daing ng kaniyang anak.

“Huwag ninyong sasaktan ang anak ko!” ang galit na sinabi ng inang sirena.

Napahinto ang lahat at nagulat sa paglitaw ng inang sirena na noo’y nagmamasid lang pala sa kabilang pampang.

Galit ang inang sirena at sinabi, “Gusto lang ng anak ko na makipagkaibigan. Wala siyang gagawing masama sa inyo!”

Mabilis na nilapitan ng inang sirena ang anak na umiiyak. Natakot ang mga kabataan.

“Hindi n’yo dapat sinaktan ang anak ko. Dito kami nakatira, dayo lang kayo rito,” dagdag pa ng inang sirena. Niyakap niya ang anak na sirena at sumisid sila sa kailaliman ng ilog at hindi na muling lumitaw pa.

Pagkatapos ng pangyayaring iyon, hindi na muling lumitaw ang mag-inang sirena. Hindi na rin tumulong ang inang sirena sa mga mangingisda. Nalungkot ang mga tao sa pangyayari. Makalipas ang ilang araw ay madalas ng makarinig ng iyak ng babae ang mga taong malapit sa ilog.

Paniwala ng mga tagaroon ay namatay ang anak na sirena kaya nagdadalamhati ang inang sirena. Pagkaraan ng ilang buwan sa baryong iyon ay may nabalitaang nalunod na bata sa ilog malapit sa ilalim ng tulay.

“Naku, naghihiganti na siguro ang inang sirena,” ang pabulong na sinabi ng isang lalaki na minsan ding natulungan ng inang sirena sa muntik nitong pagkalunod sa ilog. Iyon na marahil ang sumpa ng inang sirena sa sinumang bata o kabataan na maliligo sa ilog. Natakot na rin ang mga bata na maligo sa ilog dahil sa pangambang baka malunod sila.

Mula noon ay madalas nang makarinig ang mga tagaroon tuwing gabi ng nagdadalamhating babae sa tabi ng ilog at isinisigaw nito ang, “Anak ko!” Kaya lahat ng mga taong napapadaan sa tulay ng Balinga-asa ay natatakot na maglakad mag-isa lalo na sa gabi dahil sa pangambang makikita o maririnig ang inang sirena na tinatawag ang kaniyang anak.