"Triple Kill! Savage! Wiped out!"
Sigawan ang mga bata sa labas ng bahay nina Carlo. Panalo na naman sa Mobile Legends!
"Yun oh! Hari ng jungle!" biro ni Toto habang inaabot ang yelong may orange flavor.
"Kita n’yo ‘yun? Na-wipe out ko sila mag-isa!" tawa ni Jun-jun.
Sabay-sabay silang sumigaw: "Savage!"
"Uy Carlo!" sigaw ni Jun-jun. "Lumabas ka na, tol! Full squad na!"
Muling tumunog ang announcer: "You have slain an enemy!"
"Pag kasama ka, easy win ‘to! Master Carlo ‘yan!" tawanan ang lahat.
Pero sa loob ng bahay, tahimik si Carlo sa lamesang may lapis, papel, ruler, at protractor. Sumulyap siya sa bintana. Nakita ang mga kaibigan, pawis pero masaya.
"An ally has been slain!" sigaw ng laro mula sa labas. "Support ka na lang, Carlo!" hiyaw ni Jun-jun.
Ngumiti si Carlo. Dinampot ang protractor. "Kung may jungler kayo..." bulong niya, "ako ang gagawa ng tunay na plano. Time to dominate… with math."
At gumuhit siya ng eksaktong 45° angle—tahimik pero buo ang loob.
Si Carlo, nasa ikaapat na baitang sa San Andres Elementary School, ay tila tahimik lang. Pero sa mundo ng sining at sukat, siya ang tunay na game changer.
"Carlo, halika nga rito saglit," tawag ng kanyang ama, si Mang Elmer, mula sa sala.
"Teka lang po, Tatay!" sagot ni Carlo, iniiwan ang iniisa-isang lapis sa sahig.
Paglapit niya sa sala, napansin niya ang isang lumang kahon sa ibabaw ng lamesa—may nakasulat sa takip:
"High School Memories – Elmer M."
Tahimik si Mang Elmer habang binubuksan ang kahon. Isa-isang inilabas ang ilang litrato, isang may-guhit na ID, isang medalya na kinakalawang na ang gilid. Pero may isang bagay ang nakatawag ng kanyang pansin: isang protractor na gawa sa transparent na plastik, may kaunting gasgas, at tila luma na talaga.
"Tatay... sa’yo ‘yan?" tanong ni Carlo, nanlalaki ang mata.
Tumango si Mang Elmer, saka ngumiti nang may halong lungkot.
"Oo, anak. Sa protractor na ‘yan ako unang natutong magsukat ng pangarap."
"Ha? Anong ibig po ninyong sabihin, Tay?"
"Iyan ang gamit ko noong sumali ako sa isang Math-Art contest noong Grade 4 din ako. Kagaya mo. Hindi lang ‘yan basta gamit. Marami na ‘yan naituro sa’kin tungkol sa pagpili—kung kailan susunod, at kung kailan lalaban."
Tahimik si Carlo. Parang biglang may kung anong init sa dibdib niya. Parang gusto niyang hawakan ang protractor, parang may sariling bigat at kwento ito.
"Carlo, may pagkakataon kang gamitin ulit ‘yan. Hindi lang sa pag-aaral, kundi sa isang bagay na mas mahalaga," patuloy ni Mang Elmer.
"Ano po ‘yon?"
“Alam mo bang noong Grade 4 ako, sumali rin ako sa Math Challenge tungkol sa Geometry,” ani Mang Elmer na may ngiting may halong lungkot.
“Tatay, ikaw din po? Geometry?” sabay hawak ni Carlo sa medalya.
“Oo, anak. Pero hindi ko natapos ang paligsahan noon dahil kailangan kong samahan ang lola mo sa ospital. Alam mo, hindi ko iyon pinagsisihan. Minsan, kailangan mong pumili hindi lang ng kung ano ang magaling ka, kundi kung ano ang tama."
"Malalaman mo rin, anak. Pero sa ngayon... gamitin mo muna ‘yan sa pagguhit mo. Baka may matuklasan ka."
Hindi agad naintindihan ni Carlo ang sinabi ng ama, ngunit itinanim niya ito sa kanyang isipan.
Pagdating ng pasukan, hindi tulad ng ibang bata na masiglang nagkukwentuhan, si Carlo ay tahimik lamang sa kanyang upuan, pinagmamasdan ang bagong protractor na bili pa ng kanyang ina para sa kanya.
“Ano kaya mayroon sa protractor ni tatay, kahit luma na iyun ay may kung anong maganda sa kanya”, sa loob-loob ni Carlo.
"Ngayong linggo," anunsyo ni G. Andres, ang kanilang guro sa Matematika, "tatalakayin natin ang pagsukat at pagguhit ng mga anggulo gamit ang protractor. Ito ay bahagi ng ating araling Geometry!"
Napangiti si Carlo. Hindi niya alam kung bakit, pero may kakaibang tuwa siyang nararamdaman tuwing pinag-uusapan ang sukat, linya, at anggulo. Bawat tuldok at guhit ay tila may sinasabi sa kanya.
Ngunit may isang bagay na hindi alam ng lahat: si Carlo ay hindi lamang interesado sa mga anggulo—ginagamit niya ang kanyang natutunan upang gumawa ng mga maliit na blueprint at plano para sa isang proyekto… isang mini green classroom na maaring itayo sa likod ng paaralan.
Ang proyektong ito ay hindi para sa karangalan, kundi para kay Alyssa-nakababata niyang kapatid. Nais ni Carlo na magkaroon ng isang "green learning pod " para sa mga bata kung saan sila'y makakapag-aral sa ilalim ng araw, may sariwang hangin, at may natural na bentilasyon.
Sa mga susunod na araw, naging abala si Carlo sa pagsasanay gumamit ng protractor. Inukit niya sa kanyang isip kung paanong masusukat ang acute, right, at obtuse angles nang tama. Lagi siyang pumupunta sa likod ng silid upang gumuhit ng mga plano sa lumang karton na itinapon na ng ibang mag-aaral.
Ngunit isang gabi, habang abala si Carlo sa pagguhit ng angles para sa plano, biglang namatay ang ilaw sa buong bahay.
Boooooom! isang malakas na kalabog mula sa labas. Sumabog pala ang transformer ng kuryente sa poste. Tumigil si Carlo sa pagguhit.
“Kuyaaaaa!” sigaw ni Alyssa mula sa kanyang kwarto, nanginginig ang boses. “Kuyaaa, andiyan ka ba? Madilim!”
Mabilis na naiwan ni Carlo ang kanyang ginagawa, dagling hinanap ang flashlight at tinungo ang kwarto ng kapatid. Madilim ang buong bahay, at tanging ang liwanag mula sa flashlight niya ang nagsilbing gabay. Pagbukas niya ng pinto, nakita niya si Alyssa na nakatalukbong ng kumot, nanginginig, at umiiyak.
“Alyssa…” dahan-dahan siyang lumapit, “Huwag kang matakot, andito si Kuya.”
“Kuya, ayokong maiwan sa dilim… may multo… may mga anino…” bulong ni Alyssa, habang yakap-yakap ang isang lumang stuffed toy.
Alam ni Carlo ang dahilan kung bakit ganito ang reaksyon ng kapatid. Noong tatlong taon pa lamang si Alyssa, naiwan ito sa loob ng madilim na silid habang may malakas na bagyo. Nasira ang kandado ng pintuan noon at halos isang oras siyang umiiyak sa loob hanggang sa matagpuan ng kanilang ama. Simula noon, takot na takot na siya sa dilim pati na din sa kulog, at kidlat.
“Hindi ko kaya, Kuya… huwag mo akong iwan,” nanginginig ang boses ni Alyssa habang kumakapit sa braso ni Carlo.
Umupo siya sa tabi ng kama, niyakap ang kapatid, at bumulong,
“Huwag kang mag-alala, hindi kita iiwan. Kahit anong mangyari, kasama mo si Kuya.”
Nagtagal silang ganoon. Ipinagpaliban muna niya ang pagguhit ng mga angles at pagsasanay nito. Ngunit sa mga sandaling iyon, isang mahalagang tungkulin ang pinili niya: ang pagiging isang kuya.
Kinabukasan, hindi naiwasang magkaroon din siya ng problema sa paaralan.
“Uy, drawing na naman nang drawing si Carlo!” sigaw ni Brent habang nakasandal sa pinto ng silid-aralan.
“Baka magtayo na ‘yan ng palasyo sa gitna ng quadrangle!”
Tawanan ang grupo niya—sina Jomar at Kent—habang pabulong na nagtutuksuhan.
Hindi umiimik si Carlo. Nakayuko siya habang pinipinid ang kanyang lapis sa mga linya ng obtuse at acute angles sa kanyang proyekto. Pilit niyang hinahayaan na lang ang mga salita ni Brent na lumagpas sa tenga niya.
Ngunit sa dulo, nakaramdam siya ng uhaw. Kinuha niya ang kanyang tubigan. Walang laman.
“Sandali lang,” mahinang sabi niya, tumayo at lumabas papunta sa gripo sa dulo ng hallway.
Nang makalabas na siya, mabilis na lumapit si Brent sa upuan ni Carlo.
“Game na, dali!” bulong ni Brent. “Gupitin mo na ‘yan, Kent!”
Habang si Kent ay bumunot ng maliit na gunting mula sa kanyang bag, si Jomar naman ang nagbantay.
“Walang kwenta ‘tong gawa niya,” sabay punit ni Brent sa karton. “Akala mo kung sinong magaling.”
Pinaglaruan nila ang mga piraso, at ang pinakamasakit—pinagtulungan nilang baluktutin at basagin ang bagong protractor ni Carlo.
“Tara na, baka dumating ‘yun,” utos ni Brent sabay tapon ng mga piraso sa basurahan.
Makalipas ang ilang minuto, bumalik si Carlo, bitbit ang kanyang tubig.
Paglapit niya sa mesa, napahinto siya.
“Nasaan…?”
Luminga-linga siya. May kaba sa dibdib. Hanggang sa mapansin niya ang mga pira-pirasong karton sa basurahan. Unti-unti siyang lumapit, at doon, nakita niya ang kanyang guhit—punit-punit.
Sa ilalim, ang kanyang protractor—sirang-sira, basag sa gitna.
Hindi siya gumalaw agad. Parang may kumurot sa dibdib niya. Tumayo lang siya doon, nanlalambot, habang ang mga mata ay hindi na napigilan ang pagtulo ng luha.
“P-paano na…” bulong niya.
Wala siyang sinabing kahit ano. Hindi siya tumingin sa paligid. Tahimik niyang pinulot ang bawat piraso—maingat, parang muling binubuo ang kanyang puso.
Tahimik ang buong silid. Ang ilang kamag-aral niya ay nakatingin, ngunit walang nagsalita.
Makailang araw na lumipas, pinatawag ng punong-guro ang lahat ng mag-aaral para sa isang anunsyo:
"Ang ating paaralan ay lalahok sa Sub-office Project-making Contest: 'Likha Para sa Bayan' kung saan pipiliin ang pinakamahusay para sa mga makakalikasan at makataong proyekto mula sa mga mag-aaral. Mananalo ng gantimpala at popondohan ng munisipyo ang mapipili."
Nagningning ang mga mata ni Carlo. Ito na ang pagkakataon niyang buhayin muli ang plano! Ngunit may problema: wala na siyang protractor, at alam din niyang wala na din silang sapat na pera upang bumili ng bagong gamit.
Pagkauwi ni Carlo galing paaralan, Tahimik siya habang nakaupo sa isang sulok ng sala. Nakatulala sa kanyang protractor na parang nawalan na ng saysay. Wala na siyang gana.
Napansin iyon ng kanyang ina.
“Anak, okay ka lang ba?” mahinahong tanong ni Aling Tess habang nilalapag ang tasa ng gatas sa mesa.
Tumango lang si Carlo, pero hindi siya makatingin.
“Hindi mo kailangang magsalita, Carlo,” sabay upo ni Tatay Elmer sa tabi niya. “Ramdam namin ng nanay mo…”
Dahil sa mga salitang iyon, hindi na napigilan ni Carlo ang pagtulo ng luha. Nanginginig ang kanyang boses nang magsalita.
“Gusto ko pa rin po sanang sumali… pero parang… parang wala nang pag-asa.”
Ngumiti si Tatay Elmer, sabay tumayo at kinuha ang lumang kahon sa ilalim ng estante—ang parehong kahon na ipinakita niya kay Carlo ilang araw ang nakaraan.
“Anak,” wika ni Tatay habang pinupunasan ang alikabok ng kahon, “nung panahon ko, ito ang naging simula ng lahat.”
Binuksan niya ito at dahan-dahang kinuha ang luma niyang protractor—medyo gasgas na, pero buo pa rin ang hugis.
“Ito ang ginamit ko noong ako’y nasa hayskul. Dito ko natutong gumuhit ng mga anggulo, sukatin ang mundo, at unti-unting mangarap. At ngayong ikaw naman ang may pagkakataong tumindig, Carlo…” huminto siya saglit, tinitigan ang anak, “…ipinapamana ko ito sa’yo.”
Nanlaki ang mga mata ni Carlo. Inabot niya ang protractor na para bang hawak niya ang isang mahiwagang kayamanan.
“Tay… akin na po talaga 'to?”
“Oo, anak,” sagot ni Tatay Elmer habang nilalagay ang kamay sa balikat niya. “At kasama ng protractor na ‘yan, ang tiwala naming kaya mong tapusin ang sinimulan mo.”
Tahimik na sandali. Hawak-hawak ni Carlo ang protractor. Sa liwanag ng lamp shade, tila kumikislap ito, kahit pa may kalumaan. Sa puso niya, parang may apoy na muling nabuhay.
“Salamat po, Tay… Nay…” bulong niya, sabay yakap sa mga magulang. “Sasali po ako, susubukan ko po. Gagawin ko 'to hindi lang para sa paligsahan… kundi para sa atin…kay Alyssa”
Habang patuloy si Carlo sa kanyang pag-eensayo at pagpipino ng blueprint ng Green Learning Pod, isang hapon ay napansin niyang kumikislap ang protractor niya sa ilalim ng sikat ng araw. Agad niya itong kinuha, at sa hindi maipaliwanag na dahilan, may nakita siyang kakaiba—isang maliit na marka sa likod, na parang ukit na simbolo.
Pinagmasdan niya ito nang maigi. Ang marka ay tila isang hugis tatsulok na may maliit na titik E sa gitna.
"Tay," tanong ni Carlo kay Mang Elmer nang hapong iyon, "ano po itong ukit sa likod ng protractor niyo?"
Napakunot-noo ang kanyang ama. "Ah, ‘yan ba? Iyan ang tinatawag naming ‘marka ng Ermitanyo’ noon. Sabi ng guro ko dati, may kasamang kwento ‘yan. Ayon sa alamat, ang sinumang marunong gumamit ng protractor na may ganyang marka ay maaaring makabuo ng estrukturang kayang tumagal ng daang taon—basta’t mula ito sa puso."
"Parang mahika?" tanong ni Carlo.
"Hindi mahika, anak. Kundi inspirasyon. Tanging ang may layuning mabuti ang nakagagamit nito nang tama."
Kinilabutan si Carlo. Biglang tila nabigyan ng panibagong lakas ang kanyang proyekto. Noong gabing iyon, sinubukan niyang sundan ang marka sa protractor habang nagguguhit. Dito niya nadiskubre ang isa pang sikreto—isang pattern ng mga anggulo na kapag ginuhit ay bumubuo ng isang disenyo na katulad ng solar panel na hugis-dahon.
“Maaari ko pala itong gamitin para magkaroon ng sariling enerhiya ang learning pod!” bulalas niya.
Dahil dito, binago niya ang kanyang plano—ngayon, ang Green Learning Pod ay hindi lamang maaliwalas at ligtas, kundi eco-friendly din.
Buong tiyaga niyang ginuhit muli ang lahat ng plano, gamit lamang ang kanyang diskarteng Geometry at sipag. Inilahad niya kung paano ang tamang pagsukat ng anggulo ay makakatulong sa paglikha ng estruktura na ligtas, matibay, at makabago.
Humantong na ang gabi bago ang paligsahan. Sa silid ni Carlo, kalat-kalat ang papel, karton, lapis, at ruler sa sahig. May drawing pa lang siya ng basic layout ng proyekto pero wala pa ring pinal na plano at prototype. Hawak niya ang protractor at iniiisp niyang mukhang kukulangin siya sa oras.
“Bakit ba parang wala akong maisip?” bulong ni Carlo sa sarili, habang pinipigang gumana ang utak. Tila kinukulang na siya sa oras at ideya.
Biglang nag-vibrate at tumunog ang cellphone sa gilid ng lamesa. Tawag ni Tatay Elmer.
“Hello, Tay?”
“Anak, kami ng nanay mo ay male-late ng uwi. Grabe ang trapik dito sa kabilang bayan, baha pa. Siguro mga alas-onse na kami makakauwi. Pakibantayan muna si Alyssa, ha?”
“Sige po, Tay. Ingat po kayo.”
Hindi pa man niya naibababa ang cellphone ay umalingawngaw ang boses ng reporter sa bukas na TV sa sala:
“…nagbabala na ang PAGASA tungkol sa bagyo ngayong gabi. Inaasahan ang malalakas na ulan at posibilidad ng kidlat at kulog—”
KKKKZZZTTT!! BOOOOMMM!!!
Isang malakas na lagitik, kasunod ng dagundong ng kulog ang pumunit sa katahimikan ng bahay. Napatigil si Carlo sa paggu-guhit.
“KUUUUUYAAAAA!!! Isang sigaw mula sa kwarto ni Alyssa.
Agad siyang tumayo at tinakbo ang silid ng kapatid. Nasa gilid ng kama si Alyssa, nanginginig, yakap-yakap ang kanyang kumot.
“Kuya! Kuya! Huwag mo akong iwan! Ang dilim! Ang ingay!”
“Nandito ako, Alyssa. ‘Wag kang matakot, okay?” sabay yakap ni Carlo.
Inaninag ni Carlo sa liwanag ng kidlat ang orasan. 9:15 PM... Hindi pa siya tapos sa kanyang proyekto. Pero hindi siya makabalik sa kwarto upang ipagpatuloy ang paggawa ng proyekto hangga’t hindi ligtas at kalmado ang kapatid. Mukhang matatagalan pa siya.
“Kuya, ayoko na ng ganito. Parang mamamatay na ang puso ko sa takot,” hikbi ni Alyssa.
Huminga nang malalim si Carlo. Sa halip na mainis, mas lalo siyang naliwanagan. Lumuhod siya sa harap ng kapatid at hinawakan ang mga kamay nito.
“Alyssa, alam mo bang minsan, ako rin… natatakot?”
“Ha? Sa ano?”
“Sa mga bagay na hindi ko kayang kontrolin. Kagaya ngayon. Takot ako na baka hindi ko matapos ang proyekto. Pero mas takot ako kapag may mahal ako sa buhay na nasasaktan.”
Napatingin si Alyssa kay Carlo, bahagyang napatahimik.
“Pero may naisip ako,” patuloy ni Carlo. “Bakit hindi natin pagsabayin? Alam kong natatakot ka, pero baka… baka kapag magkasama tayo, unti-unti nating kayang lampasan 'yan. Tulungan mo ako sa proyekto habang nandito ako sa tabi mo. Gagawin nating parang laro. Game ka?”
Tumango si Alyssa, bagamat may kaba pa rin sa mata.
“Sige… pero ‘wag kang aalis ha?”
“Promise.
Dinala ni Carlo si Alyssa sa kanyang kwarto. Nilapag niya ang mga gamit sa sahig, nagsindi ng ilaw sa tabi, at pinatugtog ang paboritong kanta ni Alyssa sa cellphone. Pumili sila ng makukulay na karton, at habang gumuguhit si Carlo ng mga angle, ginupit naman ni Alyssa ang mga label at sinukat gamit ang protractor ang mga tamang sukat.
“Kuya, eto ba ang 45 degrees?”
“Tama! Ang galing mo!”
Tumawa si Alyssa, at kahit muling dumagundong ang kulog, hindi na siya tumili. Bagkus, sumiksik lang siya kay Carlo at sabay silang nagpatuloy.
Lumipas ang oras. Hindi man napansin ni Carlo, ang proyektong hindi niya matapos-tapos kanina, ay unti-unti nang nabubuo. At higit sa lahat, unti-unting nawawala ang takot ni Alyssa—hindi dahil sa katahimikan ng gabi, kundi dahil sa yakap ng isang Kuya na hindi siya iniwan kahit kailan.
Dumating na ang araw ng paligsahan, maaga pa lamang ay naroon na si Carlo sa San Andres Elementary School covered court. Ang paligid ay abala na—mga estudyanteng nag-aayos ng kanilang mga proyekto, mga guro’t hurado na may hawak na score sheets, at ang tunog ng speaker na paulit-ulit na nagpapaalala ng mga patakaran.
Hawak ni Carlo ang kanyang prototype: isang Green Learning Pod na may label ng bawat bahagi—lahat ng anggulo ay eksaktong sinukat. Sa tabi nito, nakapatong ang lumang protractor ng kanyang ama. Tila ito ang simbolo ng lahat ng pinagdaanan niya.
Kahit tapos na ang ensayo, kabado pa rin si Carlo. Tinitigan niya ang kanyang kamay—medyo nanginginig pa. Sa isipan niya, bumabalik ang mga gabing puyat, ang bagyo, at ang yakap ng kapatid na si Alyssa noong kinailangan niya siyang palakasin.
Tumawag ang emcee:
"Next presenter: Carlo Mendoza, Grade 4 – Green Learning Pod Project."
Lumakad si Carlo papunta sa entablado. Sa bawat hakbang, dama niya ang bilis ng pintig ng kanyang puso. Sa pag-angat niya ng tingin, bago pa man magsimula, may gumuhit na ngiti sa kanyang mukha—sapagkat sa di kalayuan, sa may dulo ng court, nakita niya sina Tatay Elmer, Nanay Tess, at si Alyssa.
Nakatayo sila roon, kumakaway, at may dalang simpleng karton na may nakasulat: “Go Kuya Carlo! Proud kami sa’yo!”
Napangiti si Alyssa, may hawak pang maliit na karton na may guhit ng protractor. Hindi na siya takot. Hindi na siya namumutla. At sa mga mata niya, andoon ang tiwala sa kanyang kuya.
Huminga nang malalim si Carlo. Tumingin sa mga hurado. At nagsimula.
“Magandang umaga po. Ako po si Carlo, at ang proyektong ito ay tinatawag na Green Learning Pod. Isa po itong ideya para sa isang silid-aralan na eco-friendly at accessible sa lahat ng bata, lalo na ‘yung mga katulad ng kapatid kong si Alyssa.”
Tumigil siya sandali. Humawak sa protractor.
“Bawat anggulo, bawat sukat ng proyektong ito, ay ginawa namin ng may kwento. Kwento ng pagsubok, ng kulog at kidlat, ng takot na napagtagumpayan… at higit sa lahat, ng pagmamahal sa pamilya.”
Tahimik ang buong court. Maging ang mga hurado ay nakikinig nang buong pansin.
“Hindi po ako ang pinakamagaling sa klase. Pero sa proyektong ito, natutunan ko na ang tapang, hindi lang sinusukat sa lakas ng loob—minsan, sa kabutihang loob. Ang proyektong ito ay alay ko sa lahat ng batang nangangarap kahit maraming hadlang. Lalo na sa kapatid kong si Alyssa—na siyang dahilan kung bakit ko ito itinuloy.”
Pagkatapos ng kanyang presentasyon, muling nagpalakpakan ang buong court. Ang mga guro ay napangiti. Ang iba ay napaluha.
Maya-maya, lumapit si Alyssa at ang kanyang mga magulang kay Carlo sa gilid ng entablado.
“Kuya!” sigaw ni Alyssa habang yakap ang kanyang drawing ng protractor,
“Ang galing mo kuya! Natapos mo rin! Hindi na ako takot, promise!”
Yumakap si Carlo sa kanyang kapatid.
“Salamat, Alyssa. Dahil sa’yo… natapos ko ‘to.”
At sa araw na iyon, hindi lang si Carlo ang naging inspirasyon ng lahat—kundi pati na rin ang maliit niyang kapatid na, sa kabila ng takot, ay naging bahagi ng isang proyektong sinukat ng pagmamahal at tiwala.
Habang unti-unting nauubos ang mga taong nasa paligid ng covered court, abala ang mga magulang ni Carlo sa pagyakap at pagbati sa anak. Nasa tabi nila si Alyssa, tuwang-tuwa habang kinukuwento sa kanyang tatay kung paano siya natuto huwag matakot sa kulog dahil kay Kuya.
“Anak, pinatunayan mong hindi mo kailangang maging pinakabibo para maging pinakapuno ng puso,” ani Tatay Elmer, habang marahang tinatapik sa balikat si Carlo.
“Tay naman,” sabay tawa ni Carlo.
“Eh sa totoo lang anak,” sabat ni Nanay Tess. “Ang tapang mo kanina.”
Ngunit sa mga sandaling iyon, may mga matang tahimik na nakamasid sa kanila mula sa lilim ng isang poste. Dahan-dahang lumapit ang isang matandang lalaki—naka-itim na barong tagalog, may maayos na puting bigote, at may hawak na lumang compass na tila iningatan sa loob ng maraming taon.
“Elmer… hindi ko akalaing ang protractor ay napunta sa tamang kamay,” wika ng matanda sa malalim ngunit banayad na tinig.
Napalingon si Tatay Elmer. Nagulat.
“G. Ramon Escudero?”
“Oo, ako nga. Isa sa mga pinakamatanda mong guro sa geometry. Akala mo siguro’y wala na ako sa mundo,” pabirong ngiti ng matanda.
“Hindi po. Hindi kita malilimutan, Ginoo. Ikaw ang nagturo sa akin kung paano sukatin ang mundo, hindi lang sa pamamagitan ng protractor, kundi ng puso.”
Lumapit si G. Escudero sa gitna ng pamilya, tinitigan si Carlo, at pagkatapos ay humakbang papalapit.
“At ito ang anak mo. Carlo, tama?”
Napatingin si Carlo, nagulat sa pagtawag sa pangalan niya.
“Opo. Ako po si Carlo…”
“Bata ka pa lang, napakalalim na ng iyong pag-unawa sa sukat at layunin. Hindi lahat ng batang marunong gumamit ng protractor ay naiintindihan ang sining ng balanse—ng tamang anggulo sa tamang panahon.”
Nagkatinginan sina Carlo at ang kanyang mga magulang. Sa mga mata ni G. Escudero, may taglay na respeto at paghanga.
“Ako si G. Ramon Escudero,” muling sabi ng matanda. “Ako ang dating guro ng iyong ama, at isa sa mga lumikha ng espesyal na protractor na hawak mo ngayon.”
Napanganga si Carlo.
“Kayo po ang gumawa nito?” hawak niya ang lumang protractor na isinabit pa niya sa kanyang backpack.
“Oo. Isa lang ‘yan sa limang ginawang protractor na may ‘Marka ng Ermitanyo.’”
Ipinakita ng matanda ang likod ng compass na may parehong ukit ng maliit na bulalakaw at letra E sa gitna.
“Ang protractor ng ama mo—at ngayon ay sa’yo—ay isa sa mga iyon. At ito… ang huling bahagi ng set.”
Iniabot ni G. Escudero ang lumang compass. Kumislap ito nang kaunti sa ilalim ng araw. Si Carlo, dahan-dahang tinanggap ito gamit ang dalawang kamay, parang isang sagradong bagay.
“Ito ang compass na kumukumpleto sa set. Kapag pinagsama mo ito sa plano mo, mas magiging matibay ang foundation. Hindi lang sa design, kundi sa prinsipyo—ang respeto sa precision at purpose. Kahit bagyo, kahit gumuho ang paligid, tatayo ‘yan.”
Napamulagat si Carlo. Lumingon kay Tatay Elmer na tila naiyak.
“Hindi lang pala ito basta protractor…”
“Hindi nga. Isa itong paalala. Na minsan, ang pinakamahalagang bahagi ng sukat ay hindi kung gaano ito kahaba o kaiksi… kundi kung sino ang kasama mong sumusukat.”
Tahimik silang lahat. Hanggang sa marinig nila si Alyssa:
“Kuya, gamitin natin ‘yan sa susunod nating project, ha?”
Napangiti si Carlo. Sa puso niya, naramdaman niyang hindi pa dito nagtatapos ang kwento. Magsisimula pa lang.
Makalipas ang ilang buwan, naging opisyal na bahagi ng paaralan ang “Carlo and Alyssa Green Learning Pod”—isang silid-aralang makabago, makulay, at punô ng inspirasyon.
Sa pagbubukas nito, muling dumalo si G. Escudero. Nilapitan niya si Carlo at iniabot ang isang lumang sobre na may tatak na bituin at protractor.
“Isang liham mula sa akin. Ito ang iyong tunay na gantimpla sa iyong tagumpay. At ito na ang susunod mong misyon,” aniya.
Pagkauwi, binuksan ni Carlo ang sobre. Isang mapa at liham ang laman: “Ang tunay na sukat ng mundo ay hindi lang sa guhit at anggulo. May mga sikreto sa loob at labas ng silid-aralan.”
“Tingnan mo, Alyssa,” bulong ni Carlo. “Parang may susunod na sikreto…”
Ngumiti si Alyssa. “Kuya… panibagong adventure na naman 'to.”
Sa di kalayuan, isang misteryosong lalaki ang nakamasid—may hawak na kwaderno at kakaibang protractor.
Nagkatinginan sina Carlo at Alyssa. “Mukhang hindi pa tapos ang kwento natin.”