Return to site

ANG PALIGSAHAN

GERALDINE S. DELA CRUZ

· Volume II Issue I

Maririnig ang maingay na tunog na nagmumula sa bahay ni Mang Sinong. Abalang-abala ang matanda sa kaniyang mga ginagawang kasangkapan. Napakahusay gumawa ng iba’t ibang uri ng silya ni Mang Sinong. Kilala siya sa bayan ng Pandi dahil sa mga upuang kaniyang itinitinda. Halos lahat ng mga naninirahan sa bayan ay sa kaniya pumupunta kapag nangangailangan ang mga ito ng mga upuan.

Ngunit lahat ng mga iyon ay nakalipas na dahil sa panahon ngayon, tila napag iwanan na si Mang Sinong. Nagsulputan sa kanilang bayan ang napakaraming tindahan ng mga upuan. Apektado ang hanap buhay ng matanda at halos wala na talagang pumupunta sa kaniyang tindahan kahit magaganda pa at hindi matatawaran sa tibay ang kaniyang mga gawa. Napag iwanan na marahil siya dahil sa mabagal na siya sa kaniyang pagkilos.

Matanda na nga si Mang Sinong at nag-iisa na lamang sa buhay. Kahit pa man ganoon ang kaniyang kalagayan, hindi pa rin siya tumitigil sa kaniyang paggawa. Nakaipon na siya ng mga gawang upuan sa kaniyang tindahan. Hinihintay na lamang niya na may magawi sa kaniyang tindahan upang bilhin ang mga ito.

Mahal ni Mang Sinong ang mga silya. Araw–araw niya itong nililinis at kinakausap. Batid niya na kailangan niya ng salapi kaya nais niyang maibenta ang mga ito.

Isang umaga habang nililinis niya ang mga silya, bigla na lamang may lumitaw na babae sa kaniyang harapan. Laking gulat niya ngunit hindi niya magawang kumilos. “Sinong! nasaksihan ko ang iyong paghihirap at napatunayan ko din ang tunay mong pagmamahal sa mga silya,” wika nito. “Huwag kang matakot sa akin. Ako ang Diwata ng mga silya, nandito ako upang tulungan ka at higit sa lahat mayroon akong ipagagawa sa iyo na maaring magpabago sa isang silyang narito,” dugtong ng Diwata. “Mula ngayon ay maaari mong makausap at marinig ang mga silyang iyong ginawa. Nais kong sa pagdating ng araw tuturuan mo ng aral ang silyang nangangailangn nito,” patuloy na paliwanag ng Diwata. Magtatanong sana si Mang Sinong sa Diwata ngunit bigla na lamang itong nawala.

Nagulat nga si Mang Sinong nang marinig ang mga boses ng mga silya. Naguguluhan man pero pinilit parin niyang unawain ang lahat. “Hello po Mang Sinong,” ani Kanape. Si Kanape ay isang uri ng upuan na malaki, makulay, napakaganda at may kamahalan din ito. “Kumusta po kayo,” bati naman ni Likmuan. Isang silyang nagagawang tila isang higaan dahil naitutulak ang sandalan nito at naitataas ang pang-ibabang bahagi upang maging patungan ng mga paa. “Ako naman po si Tumba-tumba,” habol ng isa pang silya. Naiuugoy ang katawan ni Tumba-tumba kaya siya ang itinuring na pinakamasayahin sa lahat. “Ako naman po si Silyon,” bati ng huling silya. Si Silyon naman ang silyang may patungan ng kamay.

Masayang-masaya ang lahat habang nagpapakilala sila kay Mang Sinong. Hindi rin maitago ni Mang Sinong ang kaniyang kasiyahan. Isa-isa niyang niyakap ang mga silya at nagpakilala din siya sa mga ito.

Napakaganda ang biyaya sa kaniya ng Diwata dahil araw-araw na siyang may nakakausap na naging dahilan upang maibsan ang kaniyang kalungkutan. Lumipas ang ilang araw at naging matalik na kaibigan niya ang mga upuan. Ngunit palaisipan pa rin sa kaniya ang mga sinabi ng Diawata.

Isang araw napansin ng mga silya na matamlay at tila lalong tumatanda si Mang Sinong. Narinig nila itong nagbubuntong hininga kapag nakatalikod na ito sa kanila. Alam ng mga upuan na may malaking suliranin ang matanda. Napagpasyahan nilang humingi ng tulong sa Diwata ng mga silya. Tinawag nila ito at kinausap. “Aming mahal na Diwata maari mo bang ipaliwanag sa amin kung bakit matamlay at malungkot si Mang Sinong?” tanong ni Tumba-tumba bilang siya ang pinakamatanda sa lahat. “Malungkot si Sinong dahil nangangailangan siya ng salapi upang magamit sa kaniyang pangangailangan araw-araw,” paliwanag ng Diwata. “Kailangan niya kayong maibenta ngunit walang mga tao ang nagagawi dito sa tindahan niya,” ani pa ng Diwata. “Kung ganon nakikiusap kami sa iyo Diwata ipasumpong mo sa mga tao ang lugar na ito upang kami ay mabili,” sabi ni Silyon. “Matutupad ang hiling ninyo,” sagot ng Diwata at naglaho na rin siya matapos ipagkaloob ang mga hiling ng mga silya sa kaniya.

Nagpulong ang mga silya at napag pasyahan nilang magkaroon sila ng paligsahan para makatulong sa matanda. Nais nilang mapasaya at matulungan ang itinuring nilang kaibigan. Gagawin nila ang lahat at magustuhan ng mga tao upang sila ay mabili. Panalo sa paligsahan ang sino mang mabili ng mga tao. Habang sila ay nagpupulong, biglang nagyayabang si Kanape. “Hahaha ako ang tiyak na panalo, wala kayong laban sa akin dahil nasa akin na ang lahat ng katangian upang magustuhan ng mga tao,” mapagmataas na wika ni Kanape sa iba pang mga silya. Tuwang-tuwa si Kanape dahil alam niyang siya ang magwawagi at nais din niyang matulungan si Mang Sinong. Ngunit naging mapagmataas ito dahilan upang masaktan niya ang kaniyang mga kasama.

Kinaumagahan, tinupad ng Diwata ang pangako niya. Pinasumpong niya sa mga tao ang tindahan ni Mang Sinong. Unang pumasok sa bulwagan ng tindahan ang isang matandang lalaki. Nagpagalingan ang lahat ng mga silya. Pinatingkad pa lalo ni Kanape ang kaniyang magagandang kulay. Pinalambot pa ng husto ni Silyon ang kaniyang sarili. Inunat ni Likmuan ang kaniyang katawan. Gumalaw galaw naman ng husto si Tumba-Tumba.

Inisa –isa silang tingnan ng matanda at tuwang-tuwa siyang makita si Tumba-Tumba. Agad niyang tinawag si Mang Sinong upang sabihing bibilhin niya si Tumba-Tumba. Laking gulat ni Mang Sinong sa pangyayari kaya inabot niya ang pera at ibinigay na si Tumba-tumba. Ngunit habang papalayo na ang matandang lalaki na nakabili kay Tumba-tumba, nakaramdan ng matinding lungkot si Mang Sinong. Nakangiti siya na may kurot sa kaniyang puso. “Paalam na sa iyo Tumba-tumba,” wika na lamang niya.

Ilang sandali lamang ang lumipas, may dumating na naman sa tindahan. Isang magandang babae ang pumasok. Nilibot niya ang paligid ng tindahan upang tingnan ang mga paninda. Nagpaligsahan ulit si Kanape, Silyon at Likmuan. Ginawa nila ang lahat ng kanilang makakaya upang magustuhan ng magandang babae. “Aba! Ito ang nababagay sa akin , bibilhin ko siya,”wika ng babae sabay turo kay kay Silyon. Nagpaalam na rin si Silyon sa kaniyang mga kasama at kay Mang Sinong. Masayang-masaya si Silyon dahil natupad ang hiling niyang matulungan si Mang Sinong. Umalis na ang babae at kasama na niya sa kaniyang pag-alis si Silyon.

“Likmuan tayo na lang dalawa ang natitira. Tiyak akong ako na ang susunod na bibilhin. Magpaalam na ako sa iyo habang may panahon pa,” pagmamaalam ni Kanape kay Likmuan.

“Magandang araw sa iyo,” bati ni Mang Sinong sa panauhin na pumasok sa kaniyang tindahan. Nag usap silang dalawa. Ipinaliwanag ng taong pumasok ang katangian ng upuang nais niyang bilhin. Kinuha ni Mang Sinong si Likmuan at magiliw na ipinakita sa isang matandang babae .”Nababagay ang silyang ito para sa iyong pamamahinga,” masayang sabi ni Mang Sinong sa matanda. Binili ng matandang babae si Likmuan.

Bumalik sa loob ng tindahan si Mang Sinong. Tinawag siya ni Kanape. ”Saan na si Likmuan bakit hindi mo siya dala pabalik?” tanong ni Kanape. “Binili na ng isang matandang babae si Likmuan,” sagot ni Mang Sinong. Laking gulat ni Kanape sa pangyayari. Galit na galit siya sa kaniyang pagkatalo dahil siya na lamang ang nag-iisa sa tindahan.”Natalo ako sa aming paligsahan,” wika niyang may galit. “Hindi ito maaari! Bakit hindi ako ang nanalo? Ako ang pinakamaganda, matibay at pinakamalaki sa lahat. Alam mo iyan Mang Sinong,” sabi pa niya. “Nalulungkot ako dahil sa aking pagkatalo!” dugtong pa nito.

Lumapit si Mang Sinong at umupo ito sa kaniya. “Ano ba ang dahilan mo kung bakit sumali ka sa inyong paligsahan?” mahinahong tanong ni Mang Sinong sabay haplos kay Kanape. “Nais ko lamang mabigyan ka ng kasiyahan at makatulong sa iyo,” sagot ni Kanape. “Ngunit hindi ko ito nagawa!” malungkot na wika ni Kanape. “Kanape, hindi sa lahat ng pagkakataon kailangan nating manalo sa paligsahan. Minsan ang pagkatalo natin ang magbibigay daan upang mas maibigay pa ang husay at galing natin. Hindi rin sa lahat ng pagkakataon mananalo tayo dahil lamang sa tayo ang pinakamahusay. Maaaring mahusay nga tayo pero baka hindi iyon ang tamang pagkakataon para sa atin,” paliwanag ni Mang Sinong. “Alam mo bang ang saya ko ngayon dahil nandito ka, hindi mo ako iniwan,” nakangiting sabi ni Mang Sinong sa kaniya. “Napasaya mo ako, di ba yan naman ang nais mo?” dugtong pa nito.”Opo,” sagot naman ni Kanape. “Ito tingnan mo marami na akong salapi at nagpapasalamat ako sa tulong ng iyong mga kasamahang silya. Nalulungkot man ako sa kanilang pagkawala pero hindi ako lubos na mangungulila dahil nandito ka. Hindi na kita ibebenta,” masayang wika ni Mang Sinong.

Natunghayan ni Kanape ang kasihayan sa mukha ni Mang Sinong . Naramdaman din niya ang sobrang saya dahil natulungan nila si Mang Sinong. “Mabuti na lamang at hindi ako ang nanalo sa aming paligsahan at sana mapatawad ako ng aking mga kasamang silya sa aking kayabangan,” sabi ni Kanape. “Tiyak akong mapapatawad ka nila Kanape dahil lahat sila ay mabubuti,” sagot ni Mang Sinong.

Lumitaw sa kanilang harapan ang Diwata. “Magaling at natutunan mo na ang iyong aral Kanape. Maraming salamat sa iyo Sinong dahil sa iyo natuto nang mamuhay na may pagpakumbaba si Kanape. Mula ngayon magsasama na kayong dalawa nang masaya sa piling ng isa’t isa,” wika ng Diwata. “Ang ibang mga silya ay nakatagpo din ng kanilang paglilingkuran, magiging kapakipakinabang sila ayon sa pangangailangan ng mga taong bumili sa kanila,” ang mga huling salita ng Diwata.

Nagpaalam na si Mang Sinong sa Diwata at nagpasalamat sa tulong nito sa kaniya. Masayang namuhay si Mang Sinong sa piling ng natalong si Kanape. “Mabuti na lang walang naghahanap ng malaki, matibay, at magandang silya,” biro ni Mang Sinong kay Kanape. “ Oo nga,” sagot ni Kanape sabay nagtawanan ang dalawa.

Wakas …