Return to site

ANG MGA PAA NI PABLO

ni: GRACE ANN B. FUNDAL

Masayahing bata si Pablo. Mahilig siyang makipaglaro sa labas ng kanilang bahay na nakayapak dahil hindi siya komportable na nakatsinelas. Marumi at mahaba na rin ang kanyang mga kuko dahil hindi siya mahilig maglinis ng paa.

Isang araw habang nag-aayos na siya papuntang paaralan, kinausap siya ng kanyang ina na si Aling Pina. “Pablo anak, bakit nakayapak ka? Nasaan na naman ang sapatos mo?” , tanong niya sa anak. “A opo ito na po isusuot ko na po Inay”. Kaya agad-agad isinuot ni Pablo ang kanyang sapatos at nagpaalam sa ina. “Alis na po ako Inay!”. Humalik ito sa kanyang ina bago umalis ng bahay.

Sa kalagitnaan ng kanyang paglalakad, naisip ni Pablo na tanggalin ang kanyang sapatos at magyapak nalang. “Ano ba iyan ang sakit ng paa ko!. Tanggalin ko na lang nga ang sapatos na ito, tutal hindi naman nakikita ni nanay”, wika nito sa sarili. Kaya naman dali-dali niyang hinubad ang sapatos at nagyapak nalang sa paglalakad. Araw-araw ganito ang kanyang ginagawa.

Hanggang isang araw, nahuli siya ni Aling Pina na nakayapak habang papasok. Pinagsabihan siyang muli ng kanyang ina. “Alam mo Pablo, dapat lagi kang magsuot ng sapatos dahil iyan ang magsisilbing proteksyon ng iyong mga paa upang hindi ka masugatan kapag may natapakan kang matutulis na bagay gaya ng pako at mga bubog”, pangaral ng ina sa anak.

Hindi parin nakinig si Pablo sa kanyang ina. Nakayapak parin itong lumabas ng bahay. Nang bigla’y siyang nakatapak ng bubog mula sa basag na bote. “Aray! ang sakit ng aking paa!” , sigaw ni Pablo. Narinig ito ng kanyang ina kaya dali- dali itong sinaklolohan. Malalim ang kanyang sugat. Agad siyang dinala sa malapit na klinika upang maipagamot.

Labis na nagsisi si Pablo sa hindi pagsunod sa kanyang ina. Simula noon, lagi na siyang nagsusuot ng tsinelas o sapatos sa tuwing lalabas ng bahay at pinapanatili niya na rin na malinis ang kanyang mga paa.