Return to site

ANG MAKABAGONG PANAHON

ni: MARY FARAH GRACE T. GITGANO

Isang bansang dakila’t malaya

Butihing handog ni Amang Bathala

Kaya ikaw Pilipinas! Sa iyo ang puri

Sa lahat ng mananakop ika’y nagwagi

Kaunlaran mo’y natatanging hangad

Sagana sa kalikasan, kaya ika’y mapalad

Kaya’t tangkilikin natin ang sariling atin

Sa komunikasyon, wikang Filipino’y gamitin

Saan mang lugar iyong pinanggalingan

Magkaiba man ang tinubuang angkan

Upang tayo ay magkaintindihan

Wikang Filipino ating gamiting daan

Pero ang Kabataan sa bagong henerasyon

Sa mga wikang balbal at dayuhan nalason

May “Hey! Ermat at Erpat” na ngayon

Sa halip na magmano’t humalik kung gayon

Kaya Kabataan sa makabagong panahon

Sana’y tunay na Pagbabago ang maging layon

Kaya wikang Filipino sana’y ating paghusayin

Kahit ang wikang ingles ay inaasam rin

Magkaisa tayo para sa ating hinaharap

mabuting pagbabago’y ating ipangarap

Upang ipamana sa ating salinlahi

Ang kaunlaran ang ating minimithi

Magkakaiba man ang ating mga estado

Magkaisang tumayo at itaas ang noo

Ipagmalaki natin ang galing ng Pilipino

Gamitin ang Wika’t ipaalam sa mundo

Tuklasin man natin mga wikang banyaga

Ngunit sana’y pagbutihin rin ang sariling kataga

Dahil ito’y salamin ng ating pagkakakilanlan

Kaya Wikang Filipino isapuso kailanman