“Wow! Nakamamangha talaga!” iyan ang mga salitang bungad lagi ng mga batang pumapasok sa silid na iyon. Ito ay isang silid sa aming paaralan na talagang mahiwaga dahil ang bawat batang pumapasok doon ay may ngiti sa labi at masayang lumalabas dito.
Si Bb. Rosa Mabini ang guro na naatasang mamahala sa silid na iyon. Mukha siyang diwata sa ganda at talagang makukumbinsi ka na subukang maglaan ng oras doon kung tapos na ang klase o habang hinihintay ang oras bago magsimula ang klase.
Isang araw ng Huwebes sa oras ng aming recess, tinawag ako ni Ana.
“Beth, halika sumama ka sa akin mamayang uwian sa mahiwang silid. Tiyak na magugustuhan mo doon.”
“Naku Ana, ikaw na lang, pinauuwi kasi ako nang maaga ng mommy ko. May lakad kami.” Pagtangging sagot ko.
“Ganun ba Beth, sana sa susunod samahan mo ako doon.” Tila may lungkot na saad ni Ana.
“Oo Ana, huwag kang mag-alala. Sa susunod sasamahan kita.” sagot ko.
Nang malapit na ang aming uwian ay biglang dumilim ang kalangitan, kumulog nang malakas at bumuhos bigla ang ulan. Hindi agad dumating ang sundo ko kaya wala akong nagawa kundi maghintay. Sabi ng aking guro nagpadala daw ng mensahe ang mommy na maaantala ang dating niya dahil naipit siya sa mahabang trapik.
Habang hinihintay ang aking sundo, dumaan si Bb. Rosa. Tinawag niya ako.
“Beth halika ka habang naghihintay sa sundo mo ay sumama ka muna kina Ana, tayo ay magtungo sa mahiwang silid” . masayang paanyaya ni Bb. Rosa.
“Salamat po ma’am pero dito na lamang po ako sa may bungad ng tarangkahan ng paaralan para hintayin ang aking sundo.” Pagtangging saad ko.
“Ganoon ba, ikaw ang bahala. Pero kung ikaw ay mainip ay maaari kang magtungo doon.” saad ni Bb. Rosa
“Opo ma’am, sige po”. sagot ko
Maya maya pa ay dumating na si Mommy kaya nakauwi na ako agad.
Kinabukasan ay may ilang guro na abala sa pagdiriwang ng Buwan ng Agham kaya nagkaroon kami ng mga bakanteng oras. May mga kamag-aral ako na lumahok sa Tagisan ng Talino, Slogan at isa ako sa sumali sa pagguhit ng Poster. Nang matapos ko ang aking obra ay umakyat na ako upang bumalik sa aming silid-aralan. Nadaanan ko ang tinatawag na mahiwang silid. Tila may mahika na humahatak sa akin na pumasok doon. Dahan dahan kong binuksan ang pinto. Sinilip ko iyon. Wala doon si Bb. Rosa. Wala ding mga bata na naroon sa oras na iyon. Pinagmasdan ko ang kabuuan ng silid. Ito ay puno ng mga aklat. Iba’t ibang uri ng aklat. Para sa akin ay tila pangkaraniwan lang naman itong silid ng mga aklat. Sa panahong uso na ang paggamit ng gadgyet, bihira ang mga batang mae – engganyong pasukin ang silid na ito. Pero sinubukan ko ngayon.
“Wala naman siguro mawawala kung tutuklasin ko bakit sinasabing mahiwaga ito.? “saad ko sa aking sarili.
May isang magandang upuan sa sulok. Doon ako umupo nang komportable nang may biglang tumawag ng aking pansin, may isang aklat doon na naiwang nakabukas. Sinipat ko at sinubukang basahin. Ito ay tungkol sa iba’t ibang magagandang tanawin sa ating bansa. May tila liwanag na bumalot sa aking katawan habang binabasa ko iyon. Parang ako’y nagkaroon ng kapa at nagsimulang lumipad at naglakbay sa bawat bahagi ng bansa.
Unang lugar na napuntahan ko ay ang Albay kung saan naroon ang magandang Bulkang Mayon. Wow! Perpekto nga ang hugis tatsulok na anyo nito. Kahit maraming beses na itong pumutok ay naiwan pa din ang nakabibighaning hugis nito.
Kasunod naman ay dinala ako sa malakristal sa puting buhangin ng isla ng Boracay sa Aklan. Ang ganda ng dagat at parang nag-aanyayang maligo ako sa mga oras na iyon. Kaya pala madaming turista ang naaakit dito at sinusubukang magbakasyon.
Sunod akong dinala sa isang malamig na lugar. Ito ang Tagaytay. Makikita mo dito ang lawa at bulkan ng Taal. Masarap mamasyal dito lalo na kung mainit ang panahon. Nakasanayan din tuwing pagsapit ng Mayo na idaos ng mga taga-Tagaytay ang Pilipinyahan Summer Festival. Ang pinya ay masaganang tumutubo sa Tagaytay dahil sa malamig na klima dito. Ang pista ay pinagdiriwang bilang mahalagang prutas ng ating bansa mula ng ipinakilala ito sa atin sa panahon ng mga Espanyol. Nagkakaroon din ng parada kung saan napapakita ang pagiging malikhain ng mga taga-Tagaytay sa sining sa pamamagitan ng pagdidisenyo ng mgapineapple floats, meron din silang Santacruzan kung saan ang damit ng mga kalahok ay gawa safiber ng pinya at paligsahan sa pagluto gamit ang pangunahing sangkap na pinya. Ang mga tanim na pinya ay masisilayan sa kahabaan ng kalye sa mga gilid ng kalsada.
“Krinnnnnggggg! “tunog ng batingaw sa aming paaralan. Bigla akong nagulat at tila nawala ang ilaw na bumabalot sa aking katawan. Mayroon pala kaming “Earthquake drill.” Dali dali akong lumabas at maayos na pumila at nakiisa.
Pagkatapos noon ay maayos na bumalik ang lahat sa kanilang silid -aralan.
Kinabukasan ay maaga akong pumasok sa paaralan. Nais kong tapusin ang aklat na nasimulan kong basahin sa mahiwagang silid. Pagdating ko doon ay naroon si Bb. Rosa. Binati ko siya.
“Magandang umaga po Bb. Rosa”, masayang bungad ko sa kanya.
“Magandang umaga din Beth. Kumusta ka, mukhang maaga ka yata pumasok ngayon?” tila may pagtataka niyang tanong.
“Opo ma’am, maaga po ako naihatid ni mommy sa paaralan ngayong araw. Maaari po ba akong lumagi muna dito?” Paghingi ko ng pahintulot.
“Aba! Oo naman Beth, alam mo bang matagal na kitang inaanyayahang bisitahin ang lugar na ito? Sige maupo ka ng komportable at kunin ang aklat at basahin ang maibigan mo.” Saad ng mabuting guro.
Luminga -linga ako. Sinipat ko ang mga estante at hinanap ang aklat na sinimulan kong basahin kahapon. Sa wakas nakita ko din iyon! Ito ay may pamagat na “Halina’t Maglakbay sa Pilipinas.”
Marahan kong binuksan ang mga pahina at sinimulang basahin ang bahagi kung saan hindi ko natapos.
Nagsimula nanaman magliwanag ang aking katawan at lumabas ang mahiwagang pulang kapa at dinala ako sa isang isla sa Pilipinas na tinatawag na Palawan. Napakaganda ng mga karagatan at baybayin doon lalo na ang El Nido. Mayroon ding underground river sa Puerto Princesa. Habang naglalakbay ay nasaksihan ko ang mga magagandang kwebang bumabagtas sa ilog. Sadyang nakakabighani ang lugar na ito at mawawalang bigla ang mga alalahanin sa buhay kung makapagbakasyon ka rito. May iba't ibang pagdiriwang sa buong taon, tulad ng mga pista ng bayan at mga pagdiriwang ng mga katutubo gaya ng mga Tagbanwa na kilaal sa kanilang alpabeto at tradisyunal na paniniwala.
Pagkatapos ay lumipad naman kami sa syudad ng Maynila, ang kapital ng Pilipinas. Sa Luneta Park kung saan naroon ang bantayog ni Dr. Jose P. Rizal ang ating pambansang bayani ang una kong nakita at napagmasdan. Nakatutuwa dahil magpasa hanggang ngayon ay makikita pa doon ang kalesa, isa sa sinaunang sasakyan ng mga Pilipino na ginagamitan ng kabayo. Kasunod nito ay namataan ko din ang Pambansang Museo ng Pilipinas kung saan nasasalamin dito ang mayaman na kultura ng ating lahi sa pamamagitan ng mga lumang kagamitan, sinaunang kasuotan ng ating mga ninuno at mga tala ng naging buhay ng ating mga bayani na naka-eksibit doon. Kalapit naman nito ang Intramuros, ang pinakalumang Distrito na matatagpuan din malapit sa Ilog Pasig. Ito ay bayan na napaliligiran ng pader at naging sentro ng militar, pulitika at relihiyon sa panahon ng mga Kastila. Kalapit na rin dito ang napakagandang Katedral ng Maynila ang isa sa pinakamatandang simbahan sa Pilipinas. Sa bandang di kalayuan ay matatanaw din ang Intramuros. Ito ay napaliligiran ng pader na ginamit noon ng mga Pilipino upang maprotektahan ang kanilang sarili laban sa mga mananakop.
Sa isang iglap ay dinala naman ako sa Ifugao kung saan naroon ang Hagdan Hagdang Palayan ng Banaue. Napakagandang taniman ito ng palay ng mga sinaunang Pilipino. Naipakita dito ang pagkamalikhain ng mga Pilipino dahil na nagamit nila ang mga kabundukan na mainam na taniman ng palay sa anyo ng hagdan. Sadyang napakahusay! Nakakabilib ang talino ng mga Pilipino!
Hindi nalalayo sa lugar na ito ang Baguio. Ang tinatawag na “Summer Capital” ng Pilipinas. Talaga naming dinarayo ang lugar na ito tuwing mainit ang klima dahil sa preskong lamig dito. Murang mabibili din ang mga gulay at bulaklak dito. Pinakagusto ko ang sariwang strawberries. Gusto ko din ang ube jam nila. Ang daming pasyalan na maiibigan dito gaya ng Minesview at Burnham Park at ang pinakabagong atraksyon nila dito ang Igorot Stone Kingdom.
Ang pista ng Panagbenga sa Baguio ay isang sikat na pista na dinarayo hindi lamang ng mga Pilipino kundi pati ng mga banyaga. Tanyag ito dahil sa pagpapamalas ng magagarbong karosa na puno ng makukulay na bulaklak. Ito ay ipinagdiriwang sa Lungsod ng Baguio tuwing Pebrero. Ang salitang panagbenga ay may nangangahulugang “Panahon ng Pagyabong”.
Wohooo! Ang sarap lumipad gamit ang mahiwagang kapa! Pakiramdam ko ay pag-aari ko ang mundo dahil ako ay malayang nakapupunta sa nais kong marating at naisin!
Biglang lumakas ang hangin at whoooossshh!!! Sa isang iglap ay ako ay nilipad sa mga burol sa probinsiya ng Bohol. Ito ang tinatawag na Chocolate Hills! Mayroon tinatayang 1,260 mga burol subalit maaaring nasa 1,776 ang mga burol ang nakakalat sa buong kalupaan. Nababalot ng mga luntiang damo ang burol at nagiging kulay tsokolate kapag tag-araw, kaya naging Tsokolateng Burol ang pangalan nito. Napakaganda sa mata ang mala tsokolateng burol doon na mahigit isang libo ang dami.
Ang Bohol ay kilala sa kanyang mayamang kultura na pinagsasama ang mga impluwensya mula sa mga katutubong tao, mga Espanyol, at iba pang mga dayuhan. Mahalaga ang mga tradisyonal na sayaw, musika, at mga festival tulad ng Sandugo Festival.
“Beth! Hindi kapa ba napapagod?” ang sabi ng isang mahiwagang tinig.
Luminga linga ako sa paligid. Hinanap ko ang nagsasalita. Wala naman akong nakikitang tao sa harap o likuran ko.
“Beth! Ako ito ang mahiwagang kapa na suot mo!” saad ng pulang kapa na nakasuot sa aking leeg.
Nagulat ako at imbes na matakot ay laking tuwa ko dahil nagsasalita pala ang kapa na ito.
“Ah ikaw pala iyang nagsasalita. Naku! Tila hindi ako nakakaramdam ng pagod sa aking pamamasyal. Ikaw ba ay napapagod na dalhin ako sa iba’t ibang lugar ng ating bansa?” tanong ko sa kapang suot ko.
“Ay hindi! Wala sa bokabularyo ko ang salitang pagod” saad ng kapa.
At sabay kaming malakas na humalahakhak!
“Halika na , tayo ay lumipad na at maglakbay pa tayo sa ibang lugar!” masayang anyaya ko sa mahiwagang kapa.
“Okay sige.. tara na!” sagot niya
Dinala ako ng mahiwagang kapa sa Cebu, isang pulo at lalawigan sa Gitnang Kabisayaan ng Pilipinas. Kilala ito sa kanyang makasaysayang mga lugar, magandang mga pasyalan, at mayamang kultura. Bilang isa sa pinakamahalagang sentro sa kasaysayan ng Pilipinas, kilala ang Cebu bilang “Ang Puso ng Pilipinas” o “Queen City of the South.” Ito rin ay isang makasaysayang lugar na puno ng kagandahan, kultura, at kasaysayan na patuloy na bumibighani sa mga lokal at dayuhang bisita.
Sa hilaga ng Cebu City, makikta ang sikat na Magellan’s Cross, ito ay simbolo ng Kristiyanismo sa Pilipinas at isang marka ng pagdating ni Ferdinand Magellan noong 1521. Tanyag din ang Basilica Minore del Santo Niño, ang pinakamatandang simbahan sa bansa, kung saan matatagpuan ang imahen ng Senyor Santo Niño, ang patron santo ng Cebu. Ang Sinulog sa Cebu ay isa sa pinakapamahalagang pagdiriwang sa Pilipinas. Taon-taon ay libu-libong mga tao ang nagtitipon sa lungsod ng Cebu upang makisaya sa kaganapan na ito, na nagpapakita ng kulturang Cebuano.
Sa isang talon naman kami napadpad. Ito ay tinawawag na Talon ng Pagsanjan na makikita sa Laguna. Ang Talon ng Pagsanjan, kilala rin bilang Cavinti Falls (katutubong pangalan: Talon ng Magdapio) Ito ay isa sa pinakabantog na mga talon sa Pilipinas. Isa ito sa pinakapangunahing pang-akit na pangturismo sa rehiyon. Mararating ang talon sa pamamagitan ng paglalakbay sa ilog sa pamamagitan ng bangka magmula sa munisipalidad ng Pagsanjan.Ang paglalakbay na nakasakay sa bangka ay isa nang pang-akit na pangturista magmula pa noong Panahong Kolonyal ng Kastila na ang pinakamatandang pagsasalaysay ay noong 1894. Ang bayan ng Pagsanjan ay nasa daluyan ng dalawang mga ilog, ang Ilog ng Balanac at ang Ilog ng Bumbungan (na nakikilala rin bilang Ilog ng Pagsanjan). Napakalamig ng tubig na bumabagtas pababa galing sa bundok. Nakita kong napakadaming naliligo doon. Sinubukan kong bumaba at sumakay sa balsang yari sa kawayan.
“Wow!” nakatutuwa palang sumakay ng balsa!
Ang ganda talaga ng Pilipinas! Kaya pala patuloy na dinarayo ang ating bansa ng mga dayuhan. Sila ay nabibighani sa angking rikit nito. Napakaraming maipagmamalaking tanawin dito at maihahanay sa magagandang tanawin ng ibang bansa. Nararapat din naman nating ingatan at panatilihing magaganda ang mga ito nang sa gayo’y maabutan pa ng mga susunod pang henerasyon.
Hindi ko namalayan ang oras, madaming magagandang lugar at tanawin sa Pilipinas ang aking nilakbay. Nakatutuwang isipin na sa lugar na ito ng aklatan ay malayang makakapaglalakbay tayo sa lahat ng lugar na ating naisin sa anumang oras na ating gustuhin. Libre at hindi na kakailanganin pang magbiyahe. Napakagaling diba?
“Beth! Nariyan ka pala!” gulat na tawag sa akin ni Ana. Hinahanap ka na ng ating guro, tayo na sa ating silid -aralan at magsisimula na ang ating klase.”
“Oo Ana, ako ay nadala din ng mahika sa hiwaga ng pagbabasa ng mga aklat! Matagal ko na sanang ginawa ito. Sige mauna ka na sa ating silid aralan at susunod na ako.” natutuwang sagot ko .
Nagpaalam at nagpasalamat ako kay Bb. Rosa.
“Mabuti at nagustuhan mo ang lugar na ito Beth. Ngayon ay alam mo na kung bakit may hiwagang dala ito sa mga batang pumapasok dito. Mayaman ang lugar na ito sa iba’t ibang uri ng aklat na maaari ninyong basahin. Maraming kaalaman ang hatid ng mga ito sa inyo at dadalhin kayo ng libre sa iba’t ibang lugar na inyong naisin.” saad ni Bb. Rosa
“Opo ma’am, totoo nga po ang inyong mga sinabi. Asahan po ninyo na maglalaan po ako lagi ng oras na dalawin ang lugar na ito. Hihikayatin ko din ang aking mga kamag-aral na bisitahin ito at masayang basahin ang mga magagandang pahina ng aklat.” sagot ko kay Bb. Rosa.
Kinabukasan ay wala ang guro nila Beth sa unang asignatura. Naisipan ulit niyang dumalaw sa mahiwagang silid ng aklatan. Nais pa niyang magbasa at tumuklas ng mga kaalaman Ngayon ay inanyayahan niya ang kanyang mga kamag-aral na samahan siya doon. Sumama sina Fe, Luz at Nita. Ngayon lang din nila nabisita ang lugar na iyon. Sa kanilang pagbabasa ay narasanan din nila ang dalang hiwaga ng mga pahina ng aklat at sila ay naglakbay sa mga lugar na di nila inakalang mararating. May malaking ngiti sa labi at labis ang tuwa sa tuwing lumalabas sila sa mahiwagang silid. Ibinabahagi nila sa kamag-aral ang mga natutuklasan nilang kaalaman o kwento kaya naman halos lahat ng bata sa kanilang bakanteng oras ay bumibisita doon.
“Beth!” saad ng mahiwang tinig.
Lumingon ako at nakita ko muli ang mahiwagang pulang kapa sa aking likuran.
“Handa ka na ba sa ating paglalakbay?” nasasabik na tanong ko sa kanya.
“Aba’y oo naman! Ano pang hinihintay mo? Tara na!” paanyaya ng mahiwagang kapa.
At muli ko nanamang binuksan ang bagong pahina ng isang aklat.