Return to site

ANG MAHIWAGANG KALENDARYO NI LOLA ISKA

ni: ROSECHELLE MARY E. DINO

Si Tala ay isang batang mahilig sa sining, kwento, at makukulay na kasiyahan. Lumaki siya sa pangangalaga ng kanyang Lola Iska, isang retiradong manunulat na kilala sa kanilang bayan bilang tagapagsalaysay ng kasaysayan, kultura, at mga pista ng Pilipinas. Sa dingding ng kanilang lumang bahay, nakasabit ang isang kalendaryong kupas na ang bawat buwan ay may nakasulat na kakaibang tala. Sa unang tingin ay karaniwang kalendaryo lamang ito, ngunit sa mata ni Tala, isa itong mapa ng mahika at paglalakbay.

Isang gabi ng Enero, habang inaayos ni Tala ang mga lumang gamit ni Lola, napansin niyang kumikislap ang kalendaryo. Inabot niya ito upang punasan, ngunit sa sandaling humawak siya sa pahina ng buwan ng Enero, biglang bumalot ang liwanag sa kanyang paligid. Para siyang hinihigop ng hangin.

Pagdilat ng kanyang mata, nasa gitna na siya ng isang masiglang parada. Sumalubong sa kanya ang ingay ng tambol, hiyawan ng mga tao, at sigaw na “Pit Señor!” Nasa Cebu na siya, at ipinagdiriwang ang Sinulog Festival. Lahat ng tao ay nakasuot ng makukulay na kasuotan, sumasayaw habang buhat ang imahen ni Santo Niño. Damang-dama ni Tala ang lakas ng pananampalataya at ang sigla ng selebrasyon.

Habang humihinto ang musika, muling lumiwanag ang kalendaryo sa kanyang kamay. Nang gumuhit ang liwanag sa paligid niya, agad siyang napadpad sa isang lungsod na malamig ang hangin. Pebrero na, at nasa Baguio siya sa gitna ng Panagbenga Festival. Sa kalsada ay umaagos ang parada ng mga karosang punung-puno ng bulaklak. Ang bango ng rosas at sunflower ay humahalo sa hangin habang pinapanood niya ang makukulay na kasuotan ng mga sumasayaw. Ang buong lungsod ay tila naging isang hardin na may buhay.

Maya-maya, tila kinakalabit siyang muli ng mahiwagang kalendaryo. Sa isang kisapmata, nadama niya ang init ng araw sa kanyang balat at ang kakaibang sigla ng Marinduque. Marso na, at nasa gitna siya ng Moriones Festival. Nakasuot ng makukulay ngunit nakakatakot na maskara ang mga tao sa paligid. Ikinuwento ng isang matanda ang alamat ni Longinus, ang sundalong nabuksan ang pananampalataya matapos ang pagkamatay ni Hesus. Tahimik na sumunod si Tala sa prusisyon, damang-dama ang bigat ng paniniwala at tradisyon.

Mabilis ang pag-inog ng panahon. Abril naman, at nasa isang baryong tahimik sa Cavite si Tala. Mula sa loob ng isang bahay ay maririnig ang salin-saling tinig ng Pabasa ng Pasyon. Umupo siya sa labas, nakikinig habang ang kanyang puso ay napupuno ng pagninilay. Kinagabihan, napanood niya ang Senakulo. Ito ay isang dula tungkol sa buhay at pagdurusa ni Hesus. Hindi ito pista ng kasiyahan, ngunit punung-puno ito ng kahulugan.

Pagdapo ng susunod na liwanag, naamoy niya agad ang sangkap ng handang pagkain. Mayo na, at nasa Lucban, Quezon siya. Ang mga bahay ay puno ng makukulay na dekorasyong gawa sa gulay, prutas, at kiping. Ito ang Pahiyas Festival, isang pagdiriwang ng pasasalamat para sa masaganang ani. Isang ginang ang nag-abot sa kanya ng pancit habhab at ngiti, habang ipinaliwanag ang kahalagahan ng pagtanaw ng utang na loob sa biyayang natatanggap.

Kasunod nito, dumagundong ang tambol at sumayaw ang lupa. Hunyo na, at naroon siya sa Tacloban. Sa Pintados-Kasadyaan Festival, nasilayan niya ang mga mandirigmang may pintang makasining sa katawan. Sumama siya sa parada, pinanood ang mga kwento ng kasaysayan, kabayanihan, at kultura ng mga Waray na iginuguhit sa kanilang balat. Mula sa bawat kulay at sayaw, lumulutang ang diwang matatag at mapagmalasakit.

Hindi pa man siya nakakahinga ng malalim ay muli siyang inilipad ng mahiwagang kalendaryo. Pagmulat niya, Hulyo na, at nasa Bohol siya sa harap mismo ng pagtatanghal ng Sandugo. Muling isinabuhay ng mga artista ang kasaysayan ng pagkakaibigan nina Datu Sikatuna at Miguel Lopez de Legazpi. Sa unang pagkakataon, naisip ni Tala na pista rin pala ang pag-alala sa kasaysayan. Ito ay isang paraan ng pagbibigay halaga sa pinagmulan.

Nang tumama ang init ng Agosto, nasa Davao na siya. Sinalubong siya ng makukulay na costume, masiglang sayaw ng katutubo, at mga paninda sa kalye. Kadayawan Festival ang ipinagdiriwang. Sa piling ng mga batang masaya sa paligid, tinikman niya ang durian, at kahit may pagdududa sa simula, napangiti siya sa lasa nito. “Ang tunay na yaman ng lugar ay ang kanyang mga tao at kultura,” wika niya sa sarili habang sumasabay sa sigawan at halakhakan.

Nang pumasok ang Setyembre, nadama niya ang kapayapaan ng Naga City. Sa ilog ay umaagos ang mga bangkang may kandila. Ito ang fluvial procession para sa Peñafrancia Festival. Lahat ng mata ay nakatuon sa imahe ng Mahal na Birhen habang maririnig ang sabay-sabay na “Viva La Virgen!” Ramdam ni Tala ang matinding pananampalataya ng mga Bicolano, at napayukod siya sa taimtim na panalangin.

Sa pag-ikot ng mundo, dumating ang Oktubre. Nasa Bacolod si Tala, kung saan sumabog ang kulay sa bawat kanto ng lungsod. MassKara Festival ang nagaganap. Sa kabila ng mga pagsubok ng lungsod sa nakaraan, pinili ng mga tao ang makulay na maskara bilang simbolo ng pag-asa. Sumayaw si Tala kasama ang mga tao, at sa bawat ngiti sa likod ng maskara, natutunan niya ang kahalagahan ng tibay ng loob.

Pagdating ng Nobyembre, isang kakaibang anyo ng pista ang sinalubong sa kanya sa Angono, Rizal. Sa kalsada ay naglalakad ang malalaking pigurang gawa sa papel. Ito ang Higantes Festival, at ang buong bayan ay punung-puno ng tawa, musika, at malikhaing pagpapahayag. Napahanga si Tala sa imahinasyon ng mga tao, at napaisip na ang sining pala ay pista rin ng damdamin.

Sa huling liwanag ng taon, Disyembre na, at nasa San Fernando, Pampanga siya. Sa gitna ng gabi ay biglang sumabog sa langit ang mga higanteng parol. Umiikot, kumikislap, at sinasayaw ng musika. Ito ang Giant Lantern Festival. Tumingala si Tala, punung-puno ng pagkamangha. “Ito ang liwanag ng pag-asa,” sabi ng batang nasa tabi niya. At sa gitna ng dilim, tila naliwanagan din ang kanyang puso.

Sa pagbabalik niya sa silid, napansin niyang mahigpit pa rin niyang hawak ang kalendaryo ni Lola Iska. Ngunit ngayon, hindi na ito basta papel at tinta. Naging saksi ito sa mga kwento ng bawat bayan, sa pananampalataya, kasaysayan, at sining ng mga Pilipino.

Napangiti siya habang nilalapitan ang lumang larawan ni Lola sa tokador.

“Salamat, Lola,” mahina niyang sabi. “Dahil sa iyo, nakita ko ang tunay na kahulugan ng pagiging Pilipino.”

At habang muling binubuklat ang pahina ng kalendaryo, isang bagong buwan ang naghihintay… kasama ang panibagong pista, panibagong kwento, at panibagong paglalakbay.