“Buhay, matingkad, malaya at malayo ang abot ng wisik ng tinta mula sa plumang hawak hindi lamang ng mga kamay kundi ng diwa at puso na yumayakap sa bisa ng ginintuang panitikan – sa bersyon nitong limbag. Hangga’t may isa o dalawa mula sa bawat sisibol na henerasyon na titindig at muling magpapamalas ng pagmamahal sa sining ng pagsulat, mananatiling buhay ang ating kultura at ang ating mga kwento…mananatiling saksi ang mundo sa napakaganda at maningas na pangarap ng lahing kayumanggi.” Ito ang mga katagang hinahabi ng aking puso habang nakaharap ako sa nakabukas kong kompyuter at nagpasimulang tumipa ng mga letra at salita para sa isang natatanging akdang ilalahok ko sa isang patimpalak. Ito ang malinaw na nakalimbag sa aking puso bilang isang maestra ng kasalukuyang panahon at bilang isang indibidwal na ang hangaring mapalawig ang pagmamahal ng bagong henerasyon sa panitikan at malikhaing pagsulat bilang salamin ng ating kultura ay pinapanday ng mga karanasan at ng panahon.
Nakaharap pa rin ako sa kompyuter at tila nakikipag- usap sa aking sarili. Nais kong kumbinsihin ang aking kasalukuyang bersyon na ang pinagtagni- tagning ideya, karanasan, at kwento na nais kong ibahagi sa akdang ito ay magiging makabuluhang sangkap para sa isang mabisang pagbabahagi sa mga mambabasa. Nagpapatuloy sa pagkilos ang aking mga kamay sa teklado ng kompyuter habang patuloy na dumadaloy ang kaisipan at mga alaala sa aking diwa.
Tayong mga Pilipino ay likas ang pagmamahal sa kulturang ating kinagisnan. Bakas sa atin ang pagpapahalaga sa mga dakilang pamana ng ating lahi at kabilang dito ang paniniwala na iwi natin ang ating napakayabong na kultura at kasaysayan. Ang landasing ating piniling tahakin ay ambag natin sa ating lipunang may pagkilala sa ugat o pinagmulan, maging sa katauhang ang dibuho at pagkakakilanlan ay ang manatiling buhay ang ating mga kwento. Hangarin ng ating mga pusong hindi sumusuko ang naising ang kwento nating naitatala ay maging kawangis ng awit na hinihimig at hindi makakalimutan; ng isang pintang larawang kaygandang pagmasdan; o kaya ay tulad ng isang imaheng nalilok sa kahoy na mainam malasin at hangaan.
Kung ganoon, hindi ba’t isang hayag na paraan at bahagi upang manatiling buhay ang ating kultura at mga tradisyon ay ang maisatitik ang mga ito o kaya ay ang magpasalin- salin ang makukulay na kwento sa bibig ng bawat henerasyon? Hindi ba’t maituturing na ang isang mabisang lunsaran ng ating kultura at kasaysayan ay ang literatura – ang panitikang saksi sa noon, ngayon at bukas ng ating lahi?
Ako na isang guro ay hindi bumibitaw sa paniniwala sa layon ng pluma at dasal ng aking pusong ang kwentong ito ay maghatid sa marami pang kwento ng mga bagong umuusbong na pangarap tungo sa pagyabong ng ating kultura. Kung paanong mula sa ga- tuldok na bakas ng tinta ay nakalilikha ito ng malawak na tilamsik sa blankong papel, ganoon din ang aking hangaring mamulat ang aking mga mag- aaral sa mahika, ganda at biyaya ng pagsulat.
Sandali akong napatda at sumulyap sa labas ng bintana. Nakikita ko ang maraming bituin sa kalangitan at ang buwan na nakatanglaw na pawang nagpapaalala sa akin ng senaryong nakapinta pa rin sa aking puso at isip. Nakita ko ang aking sarili sa panahong ako ay matamang nakamasid sa gaserang nakapatong sa maliit na lamesang gawa sa kawayan. Minamasdan ko ang apoy ng gaserang iyon na tila sumasayaw sa banayad na ihip ng hanging nagmumula sa nakabukas na bintana ng kubong aming tahanan. Sa aking ulinig ay malinaw ang huni ng mga kuliglig, isang gabing payapa at ang tanging kaulayaw namin ay ang buwan at mga bituin na tanaw mula sa kinauupuan at ang gaserang tanging tanglaw at liwanag sa kubong iyon. Ang puntong iyon sa aking buhay ay isa sa napakaraming gabing kaming magkakapatid ay nakapaikot at nakatalungko sa harap ng gasera habang nakikinig sa kwentong isinasalaysay ng aking ama. Sa aking murang kaisipan, namulat ako sa ganda ng pangarap ng musmos na puso. Natanim sa aking diwa at puso ang noon ay ga- butil pa lamang na hangaring ako man nawa sa pagdaan ng panahon ay maging tulad ni ama, isang maestrong may marubdob na pagmamahal sa pagsulat at sa oral na panitikan. Sa pakikinig sa kaniyang mga kwentong hinahabi sa tuwing kami ay natitipon matapos ang hapunan ay nabuo sa aking katauhan ang naising maging larawan ng isang guro na magagawang magbahagi ng mga kwento ng buhay sa aking mga magiging mag- aaral. Nakintal sa aking musmos na kaisipan ang naising makasulat at sumulat. Nang sa gayon, mapadaloy ko rin ang inspirasyong tulad ng motibasyong hatid ng mga tauhang nililikha ni ama sa kaniyang mga kwento at kung paanong napagwawagian ng mga ito ang mga hamon. Sa musmos kong damdamin ay naroon ang pangarap na nagsisimulang lumago. Hinihiling ko noon na ang mga kwentong naririnig ko kay ama ay maging tuntungan ko upang ako man ay makagawa ng sarili kong paglalakbay bitbit ang mga makabuluhang leksyon ng mga pabula, tula at tala ng buhay na ibinabahagi niya sa pagsasalaysay at pagsulat.
Napakakulay at nakamamangha ang mundong nalilikha ni ama sa pamamagitan ng kaniyang mga kwento. Saksi ako sa kung paanong mula sa kaniyang mayamang kaisipan ay isinasalaysay niya ang mga kwentong ang tema ay umiikot sa mga pabula na ang hatid ay aral ng buhay, mga kwentong anting- anting, tikbalang, dwende, engkanto at iba pang mga tauhan mula sa mitolohiyang Filipino. Sa kaniyang mabisang mga pagsasalaysay ay tila isa ako sa mga tauhang nasa entablado at kasama ako ng mga mismong karakter sa mga tunggalian at bawat bahagi ng kwento. Tila isang napakaganda at isang surpresang paglalakbay ang hatid niya sa kaniyang mga isinasalaysay na ngayon ay batid kong paraan niya ng pagtuturo sa amin noong kami ay nasa aming kamusmusan pa lamang. Batid ko na hindi lamang niya ito paraan upang libangin kami kundi upang sa aming mga puso man ay makintal ang leksyon na iniiwan ng bawat kwento at maging ang ganda ng oral at limbag na bersyon ng panitikan na maaaring maging bahagi ng ating iwing kultura.
Isang pamana. Oo, maituturing kong isang pamana sa akin ni ama ang pagmamahal sa panitikan…sa sining ng malikhaing pagsulat. Mula noon hanggang ngayon ay kasama ko siyang naglalakbay sa buhay na ito bilang guro at bilang kami ay mga indibidwal na may masidhing pagmamahal sa pagsulat at pagbabahagi ng inspirasyon. Isang tulay ang nilikha ni ama mula sa mundo ng panitik patungo sa puso kong nangangarap lamang noon. At sa araw araw ay ipinangako ko sa aking sarili, sisikapin kong sumulat, matutong sumulat at magturong sumulat kasabay ng aking tungkuling magpatuto ng mga mag- aaral na nasa aking pangangalaga. Kung kaya, sa pagdaan ng panahon, kasabay ng pag- usad ng aking buhay guro ay ang pagyakap ko sa mga oportunidad, gawain at pagkakataong mahasa ang aking sarili sa larangan ng pagsulat. Ito ay sa paniniwalang ang kaalaman at kakayahan ko ay hindi sapat. Ito ay bunsod din ng ideya na napakainam na ako ay muli’t muling matuto mula sa karanasan at mula sa mga eksperto o bihasa sa mga ganitong larangan. Kasabay ng mabilis na kilos ng mga kamay ng orasan ay mas nakilala ko ang aking sarili at ang iwi kong pangarap.
Tahimik ang gabi na dinig ko maging ang pagtipa ng aking mga daliri sa teklado ng kompyuter at ito ay tila gumagawa ng ritmong hudyat sa pagbubukas ng isa pang pinto ng nakapinid na bahagi ng aking alaala. Kung ito ay bubuksan, makikita ko ang aking sarili na tumawid sa panahong hindi na ang apoy ng mismong gasera ang aking minamasdan. Ako ay nasa loob ng silid- aralan, kasama ang isang batang babaeng hawak ang panulat, nakamasid siya sa blankong papel at matamang nag- iisip. Sa nakabukas na bintana ay panaka- nakang sumasalit ang sinag ng araw ng umagang iyon. Payapa ang paligid. Tanging ako lamang at ang aking mag- aaral ang nasa silid ng mga oras na iyon, araw ng Sabado. Ito ay tila ritwal na namin – ang magsanay sa pagsulat para sa paglahok sa mga patimpalak. Minamasdan ko siya at tila nakaharap ako sa salamin sapagka’t nakikita kong malinaw ang sarili kong repleksyon – ang imahe ng isang musmos na may angking pangarap at pagmamahal din noon at maging hanggang ngayon, sa sining ng pagsulat. Nababanaag ko sa kaniyang pigura na tinutugunan ng atmospera ng silid, ang maningas na hangaring makalikha ng kwentong hitik sa aral at pagbubunyi sa ating kulturang maka- Pilipino. Sa sandalling iyon, naiisip ko at masasabi kong tila nakamasid pa rin ako sa gasera sapagkat ang alab ng pagsisikap na namamasdan ko sa batang aking kasama ay kasing ningas ng apoy nito. Nakapinta sa kaniyang nakakunot na noo na pagkuwa’y napalitan ng banayad na ngiti ang hudyat ng pagsisimula ng kaniyang pagbibigay katuparan sa kaniyang pangarap. Ang kaniyang kamay, hawak ang panulat ay nagsimulang magsatitik. Malaya at mahabang oras ko siyang minamasdan kasabay ang salitan kong pagpapaalala sa mga mekanismo at istratehiyang maaari niyang gamiting gabay sa pagbuo ng kaniyang kauna- unahang obramaestra – Nakausap Ko ang Aking Bukas. At hindi nga maitatanggi na naroon ang puso at kaluluwa niya sa pagsulat. Ang nasabing kwentong binuo niya ay umiinog sa pangarap ng isang batang lalaking mahilig sa larangan ng pagpinta. Sa kwentong nilikha ng aking mag- aaral ay itinampok niya ang mayamang kultura ng aming bayan na naging elemento kung paanong ang mga karakter ay nagpipinta ng mga imaheng may kaugnayan sa mga natatangi nating tradisyon at kung paano nito napagtagumpayan ang hamon ng mabilis at digital na pagbabago. Bakas sa kaniyang masiglang kilos at pagbabasa ng kaniyang akda ang bumubulong na tagumpay sa hinaharap niyang paglahok sa patimpalak. Senyales iyon na matapos ang pagpunit ng maraming pahina sa kaniyang sulatang papel sa mga araw ng pagsasanay ay handa na siyang humarap sa tunay na mundo…sa tunay na hamon.
Patuloy sa paglalim ang gabi at lumaktaw ang aking pagbabalik- tanaw sa yugtong nasa entablado kami ng aking mag- aaral upang tumanggap ng pagkilala bilang siya ang nagwagi ng unang pwesto sa patimpalak sa pagsulat. Naghuhumiyaw ang kaniyang pangarap para sa sarili, para sa kaniyang pamilya, para sa paaralan at para sa bayan. Maliwanag na larawan ito ng kaniyang tagumpay na hindi lamang hatid ng titulo, medalya at sertipiko kundi bunsod ng katotohanang naitawid niya ang simula ng kaniyang paglalakbay hawak ang pluma. Ang landasin para sa pagpapatuloy ng kaniyang hangaring makasulat ay muli’t muling nalatagan ng mga hamon, maliliit at malalaking tagumpay, pagkabigo, pagod, luha, ngiti at muling pagbangon. Ang mismong pagsasabuhay niya ng katauhan ng mga mapagsikhay at mapagpunyaging mga karakter sa mga nililikha niyang kwento ay nabanaag ko sa kaniya sa maraming araw na kami ay magkasama.
Kaming dalawa ay tila ang mismong mga pangunahing tauhan sa isa muling pyesang kaniyang naisulat, ang Silhueta ni Zulueta. Malinaw sa aking alaala kung paanong gumawa ng mga landas sa aking pisngi ang mga luhang nag- uunahang bumalong mula sa aking mga mata nang aking mabasa ang kwentong ito. Dito ay itinampok niya ang isang maestrang alagad ng sining ng tradisyunal na sayaw at ang kaniyang mag- aaral na noong una ay balot ng pangamba at tila anino lamang ng maestra. Nang malaon, matapos ang matagumpay na pakikibaka ng batang karakter sa mga tunggalian at hamon ay nagawa niyang maging tila isang makulay na paru- paro. Hindi na lamang siya isang anino o silhueta kundi isa na siyang ganap na tagapagtaguyod ng sining at kultura. Sa pagpapaalam ng kaniyang maestra sa liwanag ng entablado ay siyang pagsisimula naman ng batang noon ay nangangarap lamang na siya namang magpatuloy ng kanilang adhikain. Bakas sa kaniyang sinulat na akda kung paanong kami mang dalawa ay nagsimula sa aming paglalakbay sa malikhaing pagsulat. Sa kwentong iyon na isinatitik ng aking mag- aaral ay ramdam ko ang pagbibigay niya ng kaniyang buong puso, kakayahan at isip. Batid ko kung ilang beses siyang muntik na sumuko at kung ilang mga pahina muli ng papel ang napilas at nilukot niya dahil sa paulit ulit niyang pagwawasto ng kaniyang sinusulat.
Malapit ko nang marinig ang tilaok ng mga manok at narito pa rin ako, kapiling ay ang mga alaalang nagsasalibuybuyan sa aking isip, kaharap pa rin ang kompyuter at naaaliw sa mala- musikang tunog ng teklado nito. Sa patuloy na daloy ng aking mga alaala ay nasumpungan ko naman ang aking sariling nakaupo sa aking silid at ramdam ko ang magkahalong kaba at galak kasabay ang pag- usal ng mga dasal habang nakatutok ako sa aking cellphone at nanonood ng video ng isang awarding ceremony. Inaabangan ko ng mga sandaling iyon ang pag- a anunsyo ng mga nagwaging kalahok sa 3rd Instabright National Literary Awards, taong 2024. Lumukso ang aking puso sa tuwa at pasasalamat nang marinig ko ang pangalan ng aking mag- aaral. Nahirang siya bilang nagwagi ng unang pwesto sa Most Inspiring Story of the Year (Filipino Category) sa kaniyang akdang Ang Parola, ang Hangin at ang Gasera. Lumuluha ako sa galak at pagbabalik sa Panginoon ng pasasalamat habang nakikinig ako sa kaniyang binibigkas na talumpati ng pasasalamat. Sa mga sandaling iyon, nasaksihan ko kung paanong ang pluma at ang tinta nito ay nagiging mabisang kalasag at sandata upang mapagwagian ang hamon ng isang indibidwal at ng komunidad na tumutugon sa transpormasyon. Naramdaman ko sa mga oras na iyon ang bisa ng pangarap na inilalagak ng Panginoon sa puso ng tao – ang layuning maging bahagi ng transpormasyon at repormasyon. Ang tagumpay niyang iyon ay patunay na ang taong natamnan ng pangarap sa puso ay magagawang makamit ang kaniyang nilalayon kung ito ay kaniyang yayakapin. Tulad ng saranggolang nakikipagpatintero sa bugso ng hangin, hindi mapapatid ang pisi nito kung ito ay mayroong direksyon at tatag. Iyon ang imaheng namasdan ko sa batang babaeng mag- aaral na nasaksihan ko sa kaniyang nakamamanghang pagbabagong- anyo – sa kaniyang nakatadhanang metamorphosis.
Gumuhit sa aking alaala na tulad din ng mga karakter sa kaniyang pyesang Ang Parola, ang Hangin at ang Gasera, nagawa ng mag- aaral na ito na bigyang buhay ang kaniyang pangarap, una ay sa gabay ng Diyos kasama ang kaniyang maningas na mithiin at pagsisikap. Tulad ng parolang simbolo ng matayog at matibay niyang pangarap; ang hangin bilang kawangis ng mga sinalunga niyang pagsubok; at ang gasera bilang larawan ng natanaw niyang pag- asa, nagawa ng mag- aaral na ito na makapaghandog sa kaniyang mambabasa ng inspirasyon balot ng pagmamahal sa bayan, sa kulturang kinagisnan at sa sining ng pagsulat.
Halos nakikita ko na ang sumusungaw na araw, hudyat sa pagbubukang liwayway. Tanaw ko na rin ang pagwawakas ng kwentong ito na nahabi gamit ang mga matatamis na alaala, talang- gunita at pananaw. Hindi pa ganap na inaagaw ng antok ang aking isip kung kaya ako ay nanatiling nakaupo sa harap ng screen ng aking kompyuter. Ganoon pa man, handa na akong bigyang wakas ang akda na aking nasimulan subalit hindi ang pangarap ko para sa bayan at para sa kultura kong sinisinta.
Umaga na at nakita kong matingkad ang sikat ng araw. Ito ay tila pagbabadya ng pagsisimula ng panibagong araw, bitbit pa rin ang pangarap na mayroon ako noon, ngayon at bukas. Sa magandang kwento ng pangarap at inspirasyon ng aking ama bilang aking maestro, sa aking hangarin bilang isang maestra ng kasalukuyang panahon, at sa layunin ng aking mag- aaral na patuloy na yumakap sa kultura, literatura at sa magandang bukas, hinding hindi papanaw ang sining na ito. Kami ay kabilang sa napakaraming Pilipinong ang nais ay magtaguyod ng ating natatangi at mayamang kasaysayan at kultura gamit ang buong kaya at ang ating mapagpagal na puso.
Kasabay ng matinis na tilaok ng manok na hudyat ng isang masiglang umaga ang muling pagpapaalala ko sa aking sarili ng aking layon. Buhay, matingkad, malaya at malayo ang abot ng wisik ng tinta mula sa plumang hawak hindi lamang ng mga kamay kundi ng diwa at puso na yumayakap sa bisa ng ginintuang panitikan – sa bersyon nitong limbag. Hangga’t may isa o dalawa mula sa bawat sisibol na henerasyon na titindig at muling magpapamalas ng pagmamahal sa sining ng pagsulat, mananatiling buhay ang ating kultura at ang ating mga kwento…mananatiling saksi ang mundo sa napakaganda at maningas na pangarap ng lahing kayumanggi.
Ako ay isang maestra, mahal ko ang aking kinagisnang kultura at sa sama samang wisik ng tinta ng mga plumang hawak natin sa ating puso, makalilikha tayo ng komunidad na nagmamahal sa ating pinagmulan…makapag- aakay tayo ng mga bagong sibol ng henerasyon na may puso sa kultura at sining ng pagsulat.
Matapos kong itipa ang pamagat ng aking entri - Ang Maestra at ang Kultura, sa Wisik ng Tinta, may ngiti sa labi at lugod sa pusong ipininid ko ang aking kompyuter.