Sa bayan ng Daraga, sa paanan ng Bulkang Mayon, nakatira ang isang masayahing bata na ang pangalan ay Maya. Mahilig si Maya magtanong tungkol sa kasaysayan ng kanilang lugar.
Lalo siyang interesado sa mga lumang bagay at kwento ng kanyang Lola Marta.
Isang araw ng Linggo, isinama siya ni Lola Marta sa Simbahan ng Daraga. Habang umaakyat sila sa mga lumang hagdang bato, napatigil si Maya at tumuro sa malaking kampana sa itaas ng simbahan.
“Lola Marta, para saan po iyon? Ang laki-laki po!”
Ngumiti si Lola Marta at tumingin sa kampana.
“Iyan ang Kampana ng Daraga, apo. Iyan ay gawa sa bakal at tanso. Tumutunog ‘yan kapag may kasal, pista, o tuwing Araw ng mga Bayani.”
Lumapit si Maya kay Lola Marta at bumulong:
“May lihim po ba ang kampanang ‘yan?”
Lumingon si Lola Marta at ngumiti.
“Aba, oo naman! Ang sabi-sabi, may lihim ang kampana na hindi alam ng lahat…”
Ang Lihim ng Kampana
Noong panahon ng digmaan, itinago raw ng mga matatanda ng Daraga ang mga mahalagang dokumento at sulat ng mga bayani sa loob ng kampana. Sa ilalim nito, may maliit na espasyong pinagtataguan ng mga lihim na liham, mga plano, panawagan, at sulat ni Heneral Simeón Ola para sa mga kababayan.
“Ang kampana ay hindi lang tumutunog para sa pista,” sabi ni Lola Marta.
“Tumutunog din ito noon bilang palatandaan ng panganib o kapag may paparating na kalaban. Isa itong tagapagbantay ng bayan.”
Namangha si Maya.
“Parang tagapagsalita po pala ang kampana!”
“Tama ka apo,” sagot ni Lola Marta. “At isa pa, hanggang ngayon, sinasabi ng mga matatanda na kapag may batang tunay na nagmamahal sa bayan, maririnig niya ang mga bulong ng kasaysayan kapag tahimik na tahimik ang paligid ng simbahan.”
Kinabukasan, isinulat ni Maya ang kanyang kwento tungkol sa lihim ng kampana at ibinahagi ito sa klase. Lumikha pa sila ng mini-museo kung saan may larawan ng kampana, ng simbahan, at ng Bulkang Mayon.
Mula noon, naniwala si Maya na ang kampana ng Daraga ay hindi lamang gawa sa bakal at tanso, kundi gawa rin sa tapang, pananampalataya, at pagmamahal sa bayan.