Noong unang panahon sa baryo ng Catmon ay may magkaibigan na masayang naninirahan. Pagdudulang ng ginto sa ilog at pagtatanim ng gulay ang kanilang pangunahing hanapbuhay. Tunay na magkaiba ang ugali ng dalawa. Si Rene ay likas na matiyaga, masipag at mapagbigay. Si Pepe naman ay madaling magalit at makasarili.
Isang araw maagang lumusong si Rene sa ilog. Dahil madilim pa ay naisipan muna niyang bungkalin ang lupa at magtanim ng mga gulay sa Tumana. Biglang dumating si Pepe.
“Naku Rene! inuubos mo lang ang oras mo diyan. Halika at magdulang na tayo.” Aya ni Pepe.
“Sige susunod ako, didiligan ko lamang ito at nang may makain tayo sa hinaharap.” Tugon ni Rene.
Ganoon nga ang palaging ginagawa ng magkaibigan. Nauuna si Rene sa ilog upang alagaan ang mga tanim na gulay sa Tumana. Pagdating ni Pepe ay magdudulang na sila. Sapat naman ang nakukuha nilang ginto upang mabili ang kanilang pangangailangan. Ngunit isang araw.
“Doon ako sa gitna magdudulang. Huwag kang susunod, sa gilid ng pangpang ka lumagay.” Utos ni Pepe.
Dahil mabait si Rene ay sumunod na lamang siya at sa gilid nagdulang. Bawat suro ni Rene ng Bilikan sa ilog ay matiyaga niyang inaalis ang mga buhangin at bato. Kinikiskis niyang mabuti upang mabukod ang mga buhangin sa butil ng ginto. Hindi niya alintana ang matinding init ng araw at mga alipunga na dulot ng maghapong pagkababad sa tubig.
“Wow ginto! Ang galing ko naman.” Masayang wika ni Rene.
“ Mukhang nakakarami kana, patingin nga. Mabuti ka pa! ako kaunti palang ang nakukuha ko.” Naiinis na sabi ni Pepe.
“Nagmamadali ka kasi, hindi mo gaanong inaaninag ang mga bato at buhangin kaya kaunti ang nakuha mo.” Tugon ni Rene.
“Naku, hindi lang talaga ako swerte ngayon. Tara umuwi na tayo.” Pag-aaya ni Pepe.
“Sige mauna kana, pipitasin ko lang ang mga bunga ng gulay at nang may maiulam tayo.” Paalam ni Rene.
Maligaya si Rene sa kanyang ginagawa. Ibinabahagi niya ang kanyang ani sa mga kapitbahay.
“Maraming salamat Rene, napakabait mo talaga.” Sambit ng mga ito.
“Bakit mo ba ginagawa iyan? Pinahihirapan mo ang iyong sarili.” Inis na wika ni Pepe.
Masaya ako kapag nakakapagbahagi ako ng mga aning gulay sa iba.” Tugon ni Rene.
“Kalokohan! Kung ipinagbili mo iyan nagkapera ka pa.” sagot ni Pepe.
“Hindi lamang pera at kayamanan ang nakapagpapasaya sa tao.” Nakangiting tugon ni Rene.
“Bahala ka!” Bulalas ni Pepe.
Pagpasok sa kanilang bahay nakita ni Pepe na malapit ng mapuno ang boteng sisidlan ni Rene ng butil ng ginto. Tumubo ang matinding inggit sa puso at isipan ni Pepe.
“Bukas ay doon ako sa gilid ng pangpang pupunta para mas marami akong makuhang ginto at mahigitan ko si Rene.” Kunot noong sambit ni Pepe.”
Kinabukasan, dumiretso si Pepe sa gilid ng pangpang. Binilisan niya ang pagsuro ng bilikan sa tubig upang makakuha ng maraming ginto. Hinawi niya ang mga buhangin at bato. Tuwang-tuwa siya dahil marami ang kanyang nakukuha.
“Ah alam ko na! kukuha ako ng asarol at titibagin ko unti-unti ang lupa sa pangpang ng sa ganoon, mas marami akong makuhang ginto. Ito na ang magiging simula ng pagyaman ko ha ha ha.” Kumikislap ang matang tugon ni Pepe.
Ganoon nga ang ginawa ni Pepe, inasarol niya ang lupa sa pangpang ng ilog. Hindi naisip na nasisira niya ang pananim ni Rene. Ang importante sa kanya ay makakuha siya ng maraming ginto.
“Pepe tigilan mo iyan. Ang mga pananim,tumana, lupa sa ilog at ginto ay biyaya ng kalikasan. Malaki ang naitutulong nila sa atin. Huwag mo itong sirain.” Umiiyak na wika ni Rene.”
“Tumigil ka! Kailangan ko ng maraming ginto para yumaman. Hindi ako katulad mo na walang pangarap sa buhay, Alis!” sigaw ni Pepe.
Biglang nagdilim ang kalangitan. Bumuhos ang malakas na ulan sa kabundukan.
“Pepe tigilan mo na iyan, umuulan na sa bundok baka biglang bumaha. Naubos na ang lupa sa pangpang wala ka nang matatakbuhan.” Paalala ni Rene sa kaibigan.
“Kung gusto mo umahon ka na, Ngayon pa na ang dami kong nakukuhang ginto.” Pagmamalaki ni Pepe
“Tama na! sapat na iyan para mabili mo ang pangangailangan mo.” Pagmamakaawa ni Rene.
Umahon nga si Rene ngunit nanatili si Pepe sa ilog at ipinagpatuloy ang pagdudulang. Ilang saglit pa umulan ng malakas. Umugong ang alingawngaw mula sa Hulo ng ilog at dumagundong ang malaking gulong ng tubig. Lahat ng madaanan nito’y naaanod. Hindi nakatakbo si Pepe at tuluyang nilamon ng tubig. Mula noon, hindi na nakita si Pepe.
Kung nakuntento lamang siya sa biyaya ng kalikasan, marahil ay masaya siyang kasama ng kaibigan. Samantala, si Rene ay nanatiling tapat ang pagmamahal sa kalikasan ipinagpatuloy niya ang pagtatanim at pagdudulang. Itinuro din niya sa mga nakababata ang hanapbuhay na ito. Nabuhay siyang maligaya magpakailanman.
= WAKAS =