Tuwing madaling araw, maagang gumigising si Mario upang samahan ang kaniyang amang si Mang Ramon sa pangingisda. “Tatay, sana marami tayong mahuling isda mamaya?” sabi ni Mario, habang binabaybay nilang mag-ama ang daan patungo sa kanilang bangka. Bitbit niya ang gasera, balde, at sagwan. “Siyempre naman, anak.
Maraming isda sa Lawa ng Laguna, kaya tiyak ang masaganang huli,” tugon ni Mang Ramon. Bitbit nito ang isa pang sagwan habang may hawak na flashlight. “Yehey! Marami na naman po akong ibebentang isda mamaya.” Sa gitna ng lawa, kung saan malayo sila sa mga baklad, ihahagis ni Mang Mario ang lambat. Pagkatapos, matiyaga silang maghihintay. “Tatay, kapag nakatapos po ako sa pag-aaral at makapagtrabaho, bibilhan ko po kayo ng bangkang de motor para hindi ka na magsagwan,” sabi ni Mario. “Naku, anak! Salamat, anak. Masaya na ako kapag nakikita kitang nag-aaral nang mabuti at nagpupursiging makatapos. Gusto ko nga sanang huwag kang pasamahin sa pangingisda kasi napupuyat ka at napapagod.” “Pero, Tatay, gusto ko pong makatulong sa inyo ni Nanay.” “
Sapat na ang tulong mo sa mga gawaing-bahay, sa pag-aalaga mo sa kapatid mo, at sa pagiging masipag na mag-aaral.” Napakamot sa ulo si Mario. “E, ‘Tay, gusto ko po kasing makaipon po tayo ng pera para sa pagpapagawa ng kubo natin. Luma na at butas-butas na ang bubong.” “Naku, ikaw talaga, Mario, kay bata-bata mo pa, iniisip mo na kaagad ang mga ganiyang problema. O, halika na, hatakin na natin ang lambat baka marami nang isda ang nahuli natin.” Habang hinihila ng mag-ama ang lambat, umaasa silang maraming isda ang nahuli nila. Subalit pagkatapos nilang mahila ang dulo niyon, hindi man lang nangalahati ng laman ang balde. “Tatay, masyado na pong malalaki ang butas ng lambat natin, kaya ganito lang kakaunti ang huli natin,” malungkot na saad ni Mario. “Tama ka. Kailangan na nating makabili ng bagong lambat. Kung tatahiin ko na naman, mabubutas pa rin naman. Kaya lang, wala pa tayong pambili, Mario,” malungkot na tugon ni Mang Ramon. “At mas marami pa ang nakuha nating basura kaysa isda.” “Walang disiplina ang kapwa-tao natin. Sinisira nila ang kalikasan, na tayo rin ang naaapektuhan.” Nalungkot si Mario sa isa pang problemang iyon, pero biglang lumiwanag ang mukha niya nang may naisip na ideya. Sumikat na ang araw nang makarating sa pampang ang mag-ama. “Mauna ka na, Mario. Dalhin mo na ang mga huli nating isda para mailuto na. Hindi ka na muna magbebenta ngayon,” utos ng ama. “Opo, Tatay! May pang-ulam na tayo ngayong almusal at mamayang tanghalian,” masayang sagot ni Mario. Sa daanan patungo sa kanilang kubo, nakasalubong ni Mario si Lola Reming. "Iho, pwede bang humingi ng ilang isda? Wala kasi akong pambili," sabi ng matanda. Hindi nagdalawang-isip si Mario. Kumuha siya ng ilang isda sa balde, at binigyan si Lola Reming. "Heto po para po sa inyo.” Natuwa ang matanda at nagpasalamat kay Mario. "Maraming salamat, Iho. Pagpalain ka nawa ng Diyos sa iyong kabutihan," sabi ng matanda bago umalis. Pagkatapos mag-almusal, maghahanda na si Mario sa pagpasok sa paaralan. Ngayong araw, maaga siyang makakapasok dahil wala naman siyang ibebentang isda. Takang-taka naman ang mga kaklase at guro ni Mario dahil maaga siyang nakarating sa paaralan. Maaga rin siyang inantok, pero katulad dati ay sinikap niyang sumali sa talakayan upang hindi siya makatulog. “Bilang mag-aaral, ano ang kaya mong gawin upang makatulong sa polusyon sa tubig?” tanong ni Binibining Acosta, at tumawag ng mga nais sumagot. “Itatapon ko po ang mga basura sa tamang tapunan para hindi po makarating sa mga katubigan gaya ng dagat at ilog,” sagot ni Harlene. “Tutulong po ako sa paglilinis ng bakuran, lalo na ng mga kanal at estero,” sagot ni Carlo. “Hihikayatin ko po ang mga kaibigan ko na huwag magtapon ng basura sa Lawa ng Laguna.” Sagot ni Mona. “Magbabangka po ako mamaya sa lawa para magsagawa ng aking munting proyekto. Dadamputin ko ang lahat ng mga basurang makikita ko sa lawa. Naniniwala kasi akong ang malinis na lawa ay magdudulot ng magandang kabuhayan para sa ating lahat,” sagot naman ni Mario. Pinalakpakan si Mario ng ilang mga kaklase. “Mahusay ang naisip mo, Mario,” papuri ni Binibining Acosta. “Ma’am, hindi po kayang gawin ni Mario ang kaniyang sinabi,” sabi ni Henry. “Opo, Ma’am, pabida lang po siya para sa grado,” sabi naman ni Dindo. “Mga anak, huwag nating husgahan ang bawat isa sa atin. Lahat tayo ay may kakayahang gawin ang mabubuting bagay,” sabi ng kanilang guro.