Return to site

ANG HINDI MALAYONG HINAHARAP NG LUPANG PANGAKO AT ANG MGA BADJAO NA HINDI NAKALIMOT SA

MAKUKULAY NA LAYAG NG WIKANG

PAMBANSA

ni: JOHN HAROLD O. FRANCISCO

kung sakaling mabibigyan ako ng

pagkakataong maglakbay sa

hinaharap at masilip ang kahihinatnan

ng itinuturing kong lupang pangako,

marahil nga ay marami ng pagbabago ang

makikita ko: maaaring magiging matingkad

sa aking paningin ang hindi ko na mabilang

na pagbabago sa paligid ng lupang pangako,

maaari ring masulyapan kong hindi na marikit

ang lipunang kinagisnan sa walang kapaguran

nitong buhay sa mahabang panahon.

maaaring makadarama ako ng kalungkutan sa

kapaligirang nag-iba na ng sigla at imahen,

na noong una’y sa tingin kong kay tingkad at

puno ng buhay, maaaring sa hinaharap ko

madaratnan hindi na nagbubungkal ang mga

nananahang mamamayan sa lupang pangako,

kung hindi man nagbubungkal ay maaaring

nagpupunla ng kaisahan sa mga butil ng dunong

na ipinamana ng ating mga ninuno at

handog ng kasaysayan.

sa kabila ng pagnanais kong masulyapan ang

hinaharap, mas nanaisin kong manatili sa kasalikuyan,

mas nanaisin kong manatili rito sa isang espasyo

at panahong hindi nagkukubli ang pagkakaisa.

lagi kong tatandaan na ang aking pinagmulan ay nasa

dakong Timog ng lupang pangako, sa dakong

makukulay ang mga layag ng bangka ng mga Badjao,

sila’y kaibigan rin ng mayamang kulturang naging

salalayan ng isang henerasyong hindi nagbubungkal,

sila rin ay isang malayang ugat ng wikang Filipino,

niligaw sa kaduluduluhan ng mga kislot at indayog

ng mga along mapaglaro,

sila rin ang mga kaluluwang patuloy na nananahan

sa kanlungan ng wikang Pambansa kahit pa man ang

karamihan sa kanila’y lumayo at tinalikuran na ang mga

yamang handog ng mga paaralan – nakagapos rin ang iilan

sa kanila sa mabangis na lansangan, ngunit may kakaunting

dunong pa rin silang naitabi sa kani-kanilang mga puso ukol

sa paggamit ng wikang Filipino,

oo, tunay ngang hindi sila nakalimot…

magkasingkulay pa rin ang paggamit ng wikang Filipino sa

kanilang mga payak na buhay.