Return to site

ANG BATANG LALAKE, ANG GINTONG ORGAN AT ANG MUSIKANG NAGKUKUBLI SA HARDIN NA
NAGLILIWANAG

ni: JOHN HAROLD O. FRANCISCO

Synopsis

Tunghayan sa kakaibang kuwentong ito ang buhay ng isang batang lalakeng puno ng pangungulila, taglay niya ang kakaibang sugat sa puso, tuklasin ang makulay niyang pananampalataya’t paniniwala at kung papaanong ang mahika ng kaniyang musika’t instrumento ang naging daan upang mahanap niya ang tunay na kagalakan.

Malalim na ang gabi ng mapagpasiyahan ng isang batang lalake na lumabas sa maliit niyang bahay sapagkat iginugol niya ang buong maghapon sa pagtangis. Tunay na nag-iisa siya sa tahanang yaon - isang tahanang imahen ng malungkot na buhay. Lalabas siya upang hanapin ang sinasabi nilang gintong organ na kapag naranasan mo raw na patugtugin ay magkakatotoo ang iyong isang kahilingan. Sa pagnanasa niyang magkatotoo ang isang munting hiling na ibinubulong ng kaniyang puso, siya ay nagsimulang makipagsapalaran, siya ay maglalakabay sa mga dakong hindi pa niya napupuntahan, at ni minsan ay hindi pa niya naaaninag.

Nagsimula siyang maglakad sa madilim na daang hindi sementado, mabato at makipot, tangan ang isang sulong may liwanag ng apoy. Ang kaniyang katapangan ay natatangi at kahanga-hanga sa lahat ng nilalang na naroroon. Habang binabagtas niya ang nanlalamong kadiliman, may mga umuusling mumunting liwanag na nakakalat sa mga madidilim na bahagi ng gubat. Namangha siya sa hindi mabilang na mga alitaptap na nagpatingkad sa kaniyang mga mata at diwa. Siya ay humanga sa kariktang naulinigan at walang alinlangang ipininta ang isang ngiti sa kaniyang maamong mukha.

Nagpatuloy siya sa paglalakad, tinapangan niya ang kaniyang sarili dahil sa inilukob niyang paniniwala na ang kaniyang tanging kahilingan ay mabibigyan na ng katuparan sa sandaling makalilikha siya ng musika sa gintong organg nagdudulot ng mahika. Sa kaniyang pagpapatuloy sa paglalakad ay natagpuan niya ang isang munting batis na may malinaw at malamig na tubig, buhay na buhay ang tubig nito na dumadaloy sa direksiyong pakanluran, namalas niya ang repleksiyon ng buwan sa walang katapusang ragasa nito, ang kariktan ng bilugang buwan sa langit ay maliwanag na iginuhit sa kaniyang kawalang-malay. Sumalok siya ng kaunting tubig sa kaniyang palad at uminom bilang pamatid uhaw. Sa pagkakataong yaon ay nabatid niya sa sarili ang pagod sa paglalakad - ngunit, sa kaloob-looban ng kaniyang nagtatampo at naguguluhang kaluluwa ay nabatid rin niya ang isang uri ng pagod na gumagapang hanggang sa kaibuturan ng kaniyang durog na puso - inisip rin niyang siya’y pagod nang mabuhay sa mundong ito na paminsan-minsan ay ibinilang niyang malupit at hindi kailanman maituturing na sakdal. Ang pananalig niya sa Panginoon ay kasing liwanag ng kariktan ng buwang nakasilip sa gitna ng madilim at walang hanggang karimlan sa malalim na gabing yaon, nagsilbi itong gabay sa kaniya sa mga pagkakataong naikintal niya sa isipan na hindi pumapabor sa kaniya ang mga lumipas na panahon, sa mga ganoong kalagaya’y ang manalig at manalangin na may kasamang mga butil ng luha ang tangi niyang magagawa, sa ganoong pamamaraan - siya ay nagiging maligaya na rin kahit pahapyaw.

Nagpatuloy ang kaniyang paglalakad patungong hilaga, ang bawat hakbang ay kasinggaan ng malayang hangin at kasing tahimik ng mga sumasayaw na talahib. Sa dakong yaon ay mapapansin ring nabawasan na ang mga mumunting liwanag na nililikha ng mga alitaptap, ngunit nananatiling masigla ang bagang nagmumula sa kaniyang sulo. Sa kalaliman ng gabing yaon, maririnig ang mga tunog na nililikha ng sari-saring kulisap na nagkukubli sa talahiban. Nagdulot rin ng kaunting pangamba sa kaniya ang mga huni ng mga ligaw na hayop at ibon sa lahat ng sulok. Tinapangan niya ang kaniyang sarili sa mga posibleng nakapaligid na panganib, “Ako si Mateo, isang batang matapang! Hindi nasisindak!” ang pabulong niyang usal sa sarili habang pilit na ikinukubli ang mga naglalarong takot at pangamba sa kaniyang kawalang-malay, ito ang kaisipang pilit niyang pinaniniwalaan at patuloy niyang paniniwalaan hanggang sa hinaharap. Siya nga’y batang matapang at pinili niyang magpatuloy sa paglalakbay anuman ang maging kulay ng buhay.

Ilang hakbang pa ang kaniyang iginugol nang may nakita siyang isang anino ng taong nakasunod sa kaniya, binilisan pa niya ang mga hakbang hanggang sa ang bilis ay naging papatakbo. Ang mga katagang pinaniwalaan at inusal niya kanina ay nilimot niya sa isang iglap. Siya’y napahinto at lumingon papatalikod, naaninag niya ang isang pamilyar na mukha, isang karakter na hayagan niyang hinangaan sa gitna ng kaniyang kamusmusan at isa rin sa mga karakter na napabilang sa mga koleksiyon niya ng mga laruan, si Spiderman na miyembro ng Marvels, ang bayaning minsan ng nagtanggol sa bansang Amerika mula sa mga halimaw at masasamang loob. Dahan-dahan itong lumapit sa kaniya, at siya’y kinausap na parang isang matalik na kaibigan.

“Kumusta ka na?”, ang mahinahong tanong nito sa kaniya. Ngumiti siya sa katapat na luklukan, at siya’y namangha sa kausap. “Kumusta ka na?”, ang muling pagtatanong nito. “Mabuti naman po.” ang nag-aalanganing tugon niya. “Bakit ka malungkot? Ang iyong mga mata ay tila nangungusap ng mga hindi mabilang na karanasan?” ang pagtataka nito.

“Naging masaklap lang siguro sa akin ang buhay…… ang inabot ng hindi ko mabatid na kapalaran at ang lahat ng mga karanasang ito ng pangungulila mula sa isang kaluluwang patuloy kong hinahanap, ang lahat ng ito.”

At ang batang lalaki ay tumangis ng bahagya sa gitna ng kaniyang pagtatapat, siya ay niyakap ng bago niyang kaibigan na parang inililigtas sa natamong kalungkutan at pumapanglaw na kaluluwa. Sa mga lihim na sulok na iyon ng kaniyang munting tahanan, lingid sa kaniyang kaalaman na ang kaibigang bayani na kaniyang kausap ngayon ay siya ring laruan niya sa kaniyang silid na naging saksi sa lahat ng mga malulungkot at masasayang alaala’t danas.

“Siya pa rin ba ang iniisip mo?” ang pabulong nitong tanong habang nakayakap ng mahigpit.

“Oo” ang pabulong na sagot ng bata.

“Wala kang dapat ilihim sa akin, dahil batid ko ang iyong mga danas, ang iyong mga ikinukubling suliranin at ang pangungulilang patuloy na nakayakap sa iyo. Saksi ako sa iyong mga kapighatian sa mga sulok na hindi natatanaw ng iba. Tandaan mo na ang pag-iyak, lihim man ito o hayag ay pagpapakita ng katatagan at pagtanggi sa nagbabadyang pagsuko - hindi ito kailan man mabibilang na kahinaan ng isa kaluluwang pagod.” pagpapaliwanag nito.

“Bakit kailangan kong danasin ang lahat ng ito?” patuloy niyang pagtatanong habang patuloy na tumatangis.

“Upang makita mo ng bahagya ang mga nakatagong kagandahan ng buhay kahit pa man ito ay mailap para sa iyo.” ang nakangiting sagot nito.

“Papaano po?” pagtatakang sagot ng batang lalake bumuwal na mula sa pagkakayakap,

“Sa pamamagitan na kung papaanong pinunan ng Panginoon ang mga pagmamahal na inakala nating habambuhay nang nawala sa atin. Iyon ang tunay na kagandahan para sa akin na patuloy at patuloy kong paniniwalaan. Ang iyong pag-usad ay tanda ng iyong katatagang lakbayin ang mga nakamasid na pagsubok, kahit pa man sa mga pagkakataong tila napag- iiwanan na ka na ng mundo, at tila lumulubog na ang iyong pananalig at pananampalataya sa Kaniya……… at kung minsan ay tanging alingawngaw ng musika na lamang ang patuloy na naghahayag ng mga tunay mong nararamdaman. Iniligtas ko minsan ang Amerika mula sa mga panganib, ako’y naging isang bayani sa mata ng karamihan at maging sa iyong mga mata, ngunit tayo lamang sa ating mga sarili at ang Panginoon ang maaaring makapagliligtas sa gumuguho nating kagalakan at kaluluwang araw-araw ay patuloy na nanghihimagod. Minsan ay mas mahirap magpakabayani sa sarili mong kaluluwa.”

Pinunasan na ng batang lalake ang kaniyang mga luha, nagkaroon siya ng kaliwanagan mula sa pakikipag-usap sa bagong kaibigan. Ang pag-uusap na iyon ay nagdulot sa kaniya ng panibagong lakas na napalalamutian ng mga maririkit na pananalig at pag-asa. Ang gunita ng pag-uusap na yaon ay tiyak na hindi niya kailanman makalilimutan hanggang sa kaniyang mga gunita at agam- agam.

“Halika na’t magpatuloy na tayo sa ating paglalakbay.” ang mahinahong aya ng bayaning kaibigan.

Tumahimik ang batang lalake, taimtim na nag-isip, ngumiti at malumanay na nagsalita. “Tunay ngang kay layo na ng aking nilakbay at ang pagsuko ay hindi ko dapat piliin o isaisip. Kailangang ipagpatuloy ang buhay, kailangang kayanin.” Tumango ang bata sa kausap at pareho silang humakbang papahilaga. Tahimik nang muli ang dalawang kaluluwa sa gitna ng nanlalamong kadiliman at tanging ang mga tunog ng kulisap, huni ng mga malalayang ibon at alingawngaw ng mga ligaw na hayop ang maririnig sa buong paligid.

Patuloy nilang binagtas ang makipot na daan, tangan pa rin na batang lalake ang sulong bumubuga ng kaunting dilaw na liwanag, sila’y lumiit nang lumiit kasama ng nanlalabong liwanag na kanilang dala habang sila’y papalayo nang papalayo. Dumating ang pagkakataong tuluyan na silang nilamon nang madilim na karimlan, at ang kanilang mga wangis ay hindi na masumpungan.

Sila’y napagawi sa parte ng gubat na tinupok ng apoy. Mababakas sa dakong ito ang pinansala ng nagdaang sunog dahil sa sobrang init. Nasunog ang mga matatayog na puno, may mga bangkay ng iilang hayop na hindi nakaligtas sa pinsala at bakas ang naglipanang abo sa tigang na lupa. Hindi rin kakikitaan ng mga maririkit na bulalak na humahalimuyak ang dakong ito at walang ring mga aliptatap ang nagsasaya sa simoy ng hangin.

“Kay lungkot naman ng dakong ito. Lubhang kay tahimik. Kasing lungkot ng aking diwa.” ang mahinahong ani ng batang lalake na tila nag-iisip ng malalim at taimtim,

“Alam mo ba na sa mga dakong malungkot at tahimik minsan nananahan ang tunay na kaligayahang ating hinahanap?” nakangiting tugon ng kaibigang bayani.

“Papaano po?” pagtatakang tugon ng batang lalake.

“Sa mga dakong malungkot at tahimik natin puwedeng buhayin at balikan ang mga masasayang alaala at sandali sa hindi na mababagong nakaraan, ito’y kasing rikit ng mga bituin sa madilim at nagdudumilim na langit. Minsan, ang tunay na kaligayahang hanap ng isang kaluluwa ay nakakubli lamang sa mga bagay na may bahid ng kalungkutan. Minsan, doon tayo nagiging tunay na maligaya, aminin man natin ito sa ating sarili o hindi.” ang naluluhang paliwanag ng kaibigang bayani.

“Ngunit kahit gaano pa kalaki ang pinsala rito, unti-unti pa rin itong babangon, patuloy at patuloy pa rin itong lalaban sapagkat walang ibang pagpipilian kung hindi ang magpatuloy, lumaban, humakbang at manalig sa mga darating na pagbabago.” Ang tugon ng batang lalake habang tinuturo at pinagmamasdan ang mga halamang nagsimula ng umusli mula sa nakalatag na abo at ang mga malulutong na sangang nakakabit sa matatayog na puno’y unti-unti na ring napalalamutian ng mga mumunting dahong sariwa.

“Ngayo’y nauunawaan ko na ang lahat tungkol sa iyo.” ang nakangiting ani ng kaibigang bayani.

“Tunay ngang naunawaan mo na ang lalim at lihim ng buhay. Hanga ako sa iyo dahil sa hindi mo pagbitaw. Hinangaan kita dahil sa iyong matapang na pagpapatuloy. Karapat-dapat kang hangaan.” ang nakangiting dugtong nito.

“Hindi ako makakatayo nang ganito katagal sa buhay kung wala ang habag at awa ng Panginoon. Kung hindi dahil sa kaniya, malamang ay inanod na ako ng mga agos na minsan ay pumapaimbabaw sa akin, kung mayroon mang dapat hangaan, Siya iyon at hindi ako.” ang naluluhang sagot ng batang lalake.

“Pinatatag ka na nga ng panahon. Maging ako ay itinayo rin Niya sa mga pagkakataon ng kalituhan at kaguluhan. Tahan na kaibigan. Panahon na upang tayo ay magpatuloy.” Tugon ng kaibigang bayani.

Humina na ang dilaw na bagang masisipat sa sulong tanga-tangan ng batang lalake, nagpatuloy sila sa paglalakad at nakarating sa isang malawak na kapatagan ng mga bulaklak. Malakas ang simoy ng malayang hangin na tila nangyayakap at kumakalong. Kulay asul at kahel ang mga bulaklak na nagliliwanag sa dakong ito na palagiang dinuduyan ng mapaglarong hangin, ang mga ito’y na napakaganda at parang mga maririkit na brilyante. May mga alitaptap, alibangbang at mga kulisap na nagliliwanag sa dakong ito, iba’t iba ang ang kanilang kulay, bawat isa’y espesyal, bawat isa’y bahagi ng isang marikit na larawan.

Namangha siya sa kapatagang ito, sa loob ng napakahabang panahon, ngayon lamang siya nakadama ng nag-uumapaw ng kaligayahan, ang kaligayahang ito na nagkubli sa kaniya sa napakahabang panahon. May mga luha na namang bumalong kaniyang maliit na pisngi na pilit niyang pinunasan.

“Hanggang dito na lamang ako kaibigan, hanggang dito na lamang kita maaaring samahan. Panahon na upang bagtasin mo ang paglalakbay na ito ng mag-isa, hindi ito pamamaalam sapagkat ako’y patuloy na mananatili sa iyong mga gunita at agam-agam, magpapakita sa iyo ang gintong organ kung nabatid na nitong handa na ang iyong puso sa paglikha ng musika. Iyon ang mahikang nagkakubli ng puso ng bawat himig nito, at kinakailangang taimtim na makikinig ang iyong mga puso sa bawat tunog na lilikhain nito. Nawa’y pag- isipan mo ng taimtim ay iyong ihihiling, tiyakin mong ito ay magdudulot sa iyo ng labis na kaligayahan. Sa gabing ito’y nababatid kong ikaw ay magiging tunay na maligaya.” ang tumatangis na tugon ng kaibigang bayani.

“Salamat po Spiderman. Salamat sa pagiging mabuting kaibigan, hindi kita makalilimutan at ang ating mga naging pag-uusap ay isang napakagandang karanasan at gabay para sa akin. Mananatili ang ating pagkakaibigan kahit pa man tayo ay saglit na magkakalayo. Ika nga ng ilang kaluluwa, walang distansyang magkapaghihiwalay sa dalawang kaluluwang tunay na magkaibigan. Salamat, salamat sa iyong mga salita nagpalaya sa akin.” Tugon ng batang lalake habang tumatangis. Nilapitan nito ang papaalis nang kaibigan at niyakap ng pagkahigpit-higpit.

“Walang anuman Mateo, salamat rin.” ang huling tugon nito at tuluyan ng lumisan papuntang Timog. Nagpatuloy ang batang lalake sa paglalakad, maya-maya pa’y narating din niya ang pinakagitnang bahagi ng kapatagan. Sa gitnang bahagi nito, hindi na kulay asul o kahel ang mga tila brilyanteng bulaklak, bagkos ito’y kulay puti na. Hinanap niya sa bahaging ito ang gintong organ ngunit hindi niya ito masumpungan. Naalala lang niya ang bilin ng kaibigang lumisan na kinakailangang ihanda niya ang kaniyang puso at ito ay magpapakita. Naisip ng batang lalake ang ina nitong yumao, ang taong pinakamamahal niya at siya’y nangungulila rito. Siya ang naging dahilan ng kaniyang paglalakbay. Nagpatuloy ang kaniyang pagtangis ay naibulong sa sarili.

“Mama ko, gabayan mo po ako. Para po sa iyo ang lahat ng ito, mama ko, ang pinakamamahal kong mama, miss na miss na kita. Kung alam mo lang ma ang sakit ng ating pagkakawalay, ang iyong paglisan ay pilit kong pa ring tinatanggap hanggang sa ngayon, kahit na kung minsan ay hindi nila ako maintindihan, at batid ko ma na kailanman ay hinding- hindi nila ako maiintindihan. Masakit minsan ang kanilang panghuhusga sa akin ngunit alaalang sa alaala mo ma ay tatanggapin ko lahat at patuloy ko silang uunawain. Isang parusa ma ang manatili sa mga dakong tahimik na kung minsan ikaw ang nagiging laman ng aking mga alaala, panaginip at pagdurusa. Ma, ang buhay ko ay hindi na kasing sigla at rikit na gaya ng dati, marami na ang nagbago ma simula noong ikaw ay lumisan at hindi ko na kailanman mapipigilan ang mga pagbabagong ito na kusa nalang dumarating. Ma, alam mo bang napakalungkot ng buhay ko ngayon, halos ang ngiti ko’y hindi na tunay, ang halakhak ko’y hindi na kasing lutong na gaya nung mga pagkakataon na tayo ay naglalaro. Napakalungkot minsan ma na maligaw sa karimlan kahit na alam ko ang tamang daan. Minsan ay nakapapagod na rin ang maghanap ng mga kasagutan sa mga bagay na lumipas na at hindi na maibabalik, ang sakit ma, napakasakit na sa mga gunita ko at larawan nalang kita matatagpuan. Kay lungkot lang, sobrang lungkot.” Iniluha ng buong taimtim na batang lalake ang mga pangungulila at hinanakit ng kaniyang musmos na puso. Labis-labis ang kaniyang pagluha nang sandaling yaon. Ang makita ang yumaong ina ang tangi niyang kahilingan.

Patuloy siyang nahimpil sa gitnang bahagi ng kapatagan, pinakikiramdaman ang paligid at dinarama ang simoy ng mapaglarong hangin na dumadampi sa kaniyang balat. Naamin niya sa sarili na masakit gunitain ang bahaging iyon ng kaniyang buhay ngunit hindi niya magawa ang tuluyang pag-iwas mula rito. Ang mga alaala ng kahapon ay patuloy at patuloy na magbabalik sa kaniyang gunita, isang makapangyarihang bagay na patuloy na mananahan sa kaloob-looban ng kaniyang munting kaluluwa. Maya-maya pa ang napansin niya ang pagliliwanag ng buong paligid, nagliwanag ang mga hibla ng talahib, ang mga maririkit na bulaklak na tila brilyante, ang mga makukulay na kulisap, alibangbang at alitaptap. Namangha siya sa kakaibang mahikang naganap sa kaniyang paligid, ang mga pangyayaring ito ay hindi pa niya nasaksihan kailanman simula ng siya ay isilang. Sa kaniyang harapan ay lumitaw ang gintong organg kaniyang pinakaaantay, ito ang pinakamarikit na organg kaniyang nakita, nakamamangha ang kariktan nito na siyang pinakamaganda sa lahat ng instrumentong kaniyang nasilayan. Makintab at nagliliwanag. Lumapit siya rito at naupo sa kaakibat nitong gintong silya. Pumakawala siya ng mahabang buntong hininga at pinakiramdaman ang pagkakataong magbibigay katuparan sa nag-iisa niyang kahilingan. Sa pagkakataong iyon, natiyak niyang handa na ang kaniyang marikit at nangungulilang puso.

“Ang musikang ito ay handog ko para sa Panginoon at para sa iyo ma.” Huli niyang ani bago nagsimulang tumugtog.

Pumakawala ng ngiti ang batang lalake, naiiyak siya sa kagalakan, marahang pumikit at nagsimulang tumugtog ng isang napakagandang piyesang hindi pa naririnig ng iba pang kaluluwa. Naging malikot ang kaniyang mga daliri sa pagtugtog. Sa mga sandaling yaon ay kaniyang nadama ang bawat himig, nota at ritmong pumakawala sa mga nakakubling kalungkutan at pangunglila nang bata niyang puso. Sa mga pagkakataong yaon, natiyak niya sa sarili ang kaligayahan yumakap sa kaniya.

Nagpatuloy siya sa pagtugtog at dahan-dahang idinilat ang mga naluluhang mata. Sa kaniyang pagdilat, naaninag niya ang wangis ng isang babaeng nagliliwanag, may suot na putong ng buhay sa ulo at nakatayo sa kaniyang harapan, naluluha ito at nakangiting nakaharap sa kaniya. Ang wangis ng mukha nito ay tulad ng sa kaniya. Mas naluha ang batang lalake, pakiramdam niya’y bumalik siya sa nakaraan kung saan ang lahat ng bagay ay masaya’t payapa pa. Kilala niya ito at siya’y tumindig, huminto sa pagtugtog at mahigpit na mahigpit na niyakap ang ina. Nagpatuloy sa pagtugtog ang gintong organg sa sarili nito na siyang naging sandigan ng tagpong yaon. Ang tagpong yaon na kasintibay ng malalim na pag-aantay at malungkot na diwa.

“Anak, Mateo, kumusta ka na?, ang laki mo na. Narinig ko ang iyong damdamin, habang iniluluha mo ang iyong mga suliranin at pangamba. Masakit para sa akin na makita ang iyong kalagayan, kahit langit ay hindi nito nagawang ikubli ang iyong mga danas mula sa akin. Tandaan mo nak na sa mga pagkakataong ikaw ay lumuluha, lumuluha rin ako. Sa tuwing ikaw ay nalulungkot ay ganoon din ako roon. Ang langit ay hindi kailanman magiging lugar ng kagalakan sa tuwing nakikita ko ang iyong mga danas at pighati. Minsan ay hiniling ko sa Mahal na Panginoon na ilipat nalang sa akin ang iyong mga kabigatan. Nais kong malaman mo nak na nasubaybayan ko ang iyong paglaki, naalala ko pa nung unang beses kang humawak ng organ, lagi akong nakasabay sa pagpupuri rito sa langit sa tuwing ikaw ay tumutugtog ng mga pauring awitin sa lahat ng dako na may gawain dito sa lupa. Sa tuwing ika’y naluluha ay sinasamahan ka namin ng Mahal na Panginoon, nakayakap ako sa iyo sa tuwing ikaw ay nakaluhod kahit hindi mo man ako naaaninag. Patuloy at patuloy akong magiging masaya para sa iyo sa mga pagkakataong tatanggapin mo ang mga hindi mabilang na pagpapala, at kung minsan ay makikita mo ang aking pag-ibig sa mata ng iyong mga kaibigan. Sa tuwing ikaw ay nag-iisa ay naroroon kami ng Mahal na Panginoon, laging nakaakay sa iyo. Kung iyong iisipin nak, hindi kita kailanman iniwan sapagkat laman ka lagi ng aking mga panalangin doon sa itaas. Kaya magpakalakas ka sa mga pagsubok, sa mga kapighatian, sa mga bumabalong na kalungkutan pagkat ikaw ay mapalad sa lahat ng mapalad, isa kang hinirang gaya ko at nang iba pa sa tunay na iglesia. Marami pang magagandang bagay ang nakalaan para sa iyo.” ang naluluhang tugon nito habang nakayakap sa lumuluhang anak na lalake.

“Mama ko salamat, mahal na mahal kita. Ito ang pinakamasayang gabi ng aking buhay.” Ang tumatangis nitong tugon. Sa mga pagkakataong yaon, siya ay naging maligaya.

“Lagi mong tatandaan na mahal na mahal kita kahit na ano man ang mangyari. At hinding-hindi ako hihiwalay sa iyo. Patuloy at patuloy kitang ipagdarasal. Kakaunting panahon na lamang, babalik na Mahal na Panginoon, nawa’y sa araw na yaon, tayo’y ganap ng magkakapiling. Mahal kita, anak. Oras ng magpaalam, sasalubungin kita isang araw, sa panahong itatakda ng mahal na Panginoon.” ani nito habang unti-unting naglalaho ang wangis ng ina.

“Paalam ma. Mamimiss kita. Salamat Mahal na Panginoon sa katugunan.” ang nakangiting tugon ng batang lalake.

Mula sa malayo, ay natanaw ng batang lalake ang pagliliwanag ng bukang liwayway.

Pinagmasdan niya ito ng tahimik, at nakangiting sinambit “Hallelujah, purihin ka Oh Diyos”.