Return to site

ANG BANGKANG SI AMOR

ni: VICENTE B. OLAVARIO, EdD.

· Volume V Issue I

“May gale warning po Sir...”

“Oo, alam ko..., downloaded ko na nga ang advisory mula sa PAGASA. Wala naman na pagbabago, di ba? Di tayo puwede na pumalaot papunta sa isla. Bakit ko pa ba ipagpipilitan ang sarili ko, kung mismong ang kalikasan ang ayaw? May magagawa ba ako? Wala naman, di ba? Muling nangungusap ang sarili ko pero ayaw kong mag suplado kay titser kasi school head ako eh, dapat maingat lagi sa pagsagot lalo na sa subordinate/s.

“Sir!” napasigaw yong titser nang biglang sumalpok sa bangkang Amor na sinasakyan namin ang malaking alon. Hindi ako nakailag. Nasampal ako nang ubod nang lakas ng ngangalit na alon. Sa tanang buhay ko alon lang ang nakasampal sa akin.

Dinig na dinig ko ang tawanan ng lahat na naroroon. Tawanan na siyang panlaban namin habang tatlumpong minuto na nakikipag roller coaster kami sa dagat. Ang suot na kapote at ang hawak na payong ay parang di sapat para panlaban sa ulan. Kinapa ko ang life vest para kung sakali, may proteksyon pa rin kami.

Alam ko habang nakahawak ako sa poste na nasa gitna ng bangka lihim akong pinagmamasdan ng isang guro. “Ngayong alam mo na ang pinagdadaanan namin, Sir. Sa bawat araw na may pasok iba-iba ang dinadala ng mga alon sa buhay namin...” Muling nangungusap ang aking sarili habang binibigyan ko ng mga diyalogo ang ekspresyon ng kanyang mukha.

“Sige lang.., bata pa ako ganito na lagi ang tinatrabaho ko. Sige lang para sa aking pamilya kaya ko ginagawa ang lahat nang ito...” Pilit kong nililibang ang sarili ko habang pinagmamasdan ang nangangalit na mga alon. Pakiramdam ko nais kaming pataubin ng mga ito.

Tanging ang ingay ng makina ang maririnig sa gitna ng dagat. Yong tawanan ay napalitan ng katahimikan na animo’y taimtim na nagdarasal na sana makarating ng ligtas sa pantalan.

Para sa pamilya..., para sa bayan..., at sa ngalan ng paglilingkod patuloy na maglalayag ang bangkang si Amor.

Iyon ang mga diyalogo na naririnig ko habang seryosong pinagmamasdan ng mga guro ang mga alon. Hindi man sila magsalita alam ko na ang nais nilang iparating sa akin. Nararamdaman ko na ang kanilang nararamdaman. Iisa lang ang paroroonan namin. Iisa lang...