Return to site

ANG BAHAY SA SITIO COLONIA

ni: CHRISTIAN L. CHUA

Takipsilim na nang marating ni Charles ang dulong bahagi ng Barangay Gabihan. Isang mahabang paglalakbay na tumagal ng halos 4 na oras buhat sa mga maiingay na kakalsadahan ng kamaynilaan.

Oo, narito na muli ako, aniya sa sarili.

Sa tarangkahan pa lamang ng bahay-kastilang yaon ay tanaw na niya ang mga nangagtipon sa harapan ng maliliwanag na mga ilaw ng Funeraria. Maging ang mga miron sa naglalaro sa sakla ay tila di alintana ang kabalintunaan ng sandali. Sa nakabibinging mga palahaw ng mga naulila, tila ba di nila pansin na ang namatay ay ang isang tagapamayapa,ang hepe ng Bayan. Isang sinasabing marangal at tuwid na tao.

Si Lorenzo Timoteo, 62, ay kilala sa aming mga kabataan bilang si Ninong chief.Sa mga nakakatandang kabataan, siya naman ay si Hepe. At sa mga matatanda naman ay kilala siya bilang si Butas. Ito ay isa pa rin sa mga bagay na pinagtataka naming mga nakababata habang kami ay lumalalaki. Marahil ay may kinalaman rito ang tila malaking pilat sa kaliwa niyang braso,sabi ko sa sarili.

Sa aming maliit na Sitio ng Colonia ay walang nagdaang paskong hindi siya nagbigay ng mga matatamis na mga candy at ibang mga bagay na kinatutuwaan niyong mga bata o kahit pa ng mga nakakatanda sapagkat walang sinumang di napagbigyan ng mabait na pulis. Gayundin naman, karaniwang araw man o hindi ay laging bukas ang kaniyang bahay sa sinumang dumulog sa kaniyang pintuan.

Tumunog na ang ika-sampu ng gabi ng magkagulo sa loob ng tahanan ng Pamilya Timoteo. Lumayas ka! Lumayas ka!,sigaw ng panganay na anak ni Hepe. Di naman maawat ang mga nakikiusiyoso sa nagaganap. Samantala, Ang lahat ng mata ay nakapaling kay Charles na siyang pinakatungo ng lahat ng suntok at mga masasamang salitang namutawi sa labi ng mga miyembro ng pamilya. Anu’t-ano pa man, siya’y tila estatwang walang imik at nakaupo lamang sa isang sulok. Tila ba manhid na walang reaksyon sa anumang gawin sa kaniya ng mga miyembro ng pamilya.

Tila isang milagro para sa amin ang makita muli si Charles. Mahigit 16 taon na ng lisanin nila ng kaniyang inang si Aling Loida ang Sitio upang muling simulan ang kanilang buhay sa Maynila. Bago pa man iyon, di maikakaila sa mga matatabil ang dila sa Sitio na may alitan na ang pamilya ng Pulis at sina Aling Loida. Pasaring, parinigan,at nung minsan ay umabot pa nga sa pisikalan ang mga awayan ng Asawa ni Hepe at ng pobreng modista. Wari kasi’y nagkairingan sa pagbili sa tindahan, nagkaaway, hanggang sa sila’y nagpambuno sa harapan ng mga mirong imbis na umawat ay nagtatawanan.

Alam ng lahat ng naroon na si Charles ay anak ni Aling Loida sa maaga nitong pagdadalang-tao. Subalit ang lalaking kinakasama ng kaniyang ina ay hindi ang kaniyang ama, kundi isa lamang sa mga tila di na mabilang na naging kasintahan ng kaniyang ina. Isang lalaking mawawala rin sa paglaon. Ngunit ang kaniyang ama, sa kaniya ay isang malaki pa ring misteryo. Kapag sumasagi ito sa isip ay biglang natatahimik o kaya’y maluluha na lamang si Charles sa tuwing mapag-uusapan ang paksa ng kung sino ba ang kaniyang ama.

Gayunpaman, kakikitaan ng kakaibang kaligayahan si Charles sa tuwing magtutungo siya kina Ninong chief. Bagama’t alam niyang di magkasundo ang kaniyang ina at ang asawa ng Hepe ay malugod siyang tinatanggap sa araw-araw. Sa isip niya, pakiramdam niya ay isa siya sa mga paborito ni Hepe sa kadahilanang mas madalas siya nitong pinapapaupo sa hita at higit rin itong pasensyoso sa kaniyang kakulitan. Sa kaniyang batang isip, tila napunuan ng mabait na pulis ang anumang pitak na hinahanap niya mula sa amang umabandona sa kaniya...

Hanggang sa paglisan nila ng mahigit 16 na taon na ang nakaraan. Sa maliit na umpukan ng mga kabataang simbahan ay nabanggit niya na sa bahay daw ng kanilang namatay na lolo sa Sta.Mesa na sila maninirahan. Katahimikan lamang ang isinukli niya sa mga katanungan at isang maikling tugon.

Huwag ninyo kaming kalilimutan,ha?, sabi niya.

Di nga kami nainip ay dumating na ang araw na lumisan sina Charles at Aling Loida sa kanilang maliit na tahanan. Noon din ay lumabas mula sa mga samu’t-saring dila na may kinalaman diumano ang pamilya ni Hepe sa paglisan ng mag-ina. Na sa katotohan raw ay nakita nilang tila sumilip ang luha nito ng unti-unting isinakay sa lipat-bahay ang kagamitan ng mag-ina. Mula noon, tila nabawasan ang ngiti ng masayahing si Ninong chief. Banaag ang lumbay sa kaniyang mga mata at kilos. Tila nagupo ng paglisan ng mag-ina ang positibong pananaw ni Hepe sa buhay. Anu’t-ano pa man,wala nang bakas ni Charles at Aling Loida ang nasilayan sa Sitio Colonia, o maging sa Baranggay Gabihan.

Sa pagkakataong iyon ay bumuhos ang mga luha at pumalahaw ang kanina pang nanahimik na binata. Kababakasan ng hinagpis ang kaniyang maaliwalas na psinging ngayo’y basa sa mga luhang kaniyang kinimkim sa loob ng maraming panahon. Isang luha ng mga nasayang na panahon at pagkakataong sana’y nakasama niya ang taong kabahagi ng kaniyang buhay.

Samantala, si Aling Loida nama’y matagal na ring namayapa kaya’t di rin naman kawalan ang ilang linggong pagtigil nito sa lalawigan. Ilang araw matapos ang libing ng mabuting hepe, usap-usapan ang pananatili ni Charles sa matandang bahay sa Colonia. Ang lumang bahay na pimana sa kaniya ng namayapang pulis. Siya man ay kinilala rin ng Hepe bilang bahagi niya.Siya ay Isang Timoteo. Isang anak ni Hepe.

Isang lihim na paalala nito ang pilat na iyon sa braso ni Hepe. Isang paalala ng gabing iyon na di sinasadyang nabaril siya ng ama ni Aling Loida matapos malamang ang ama ng pinagbubuntis nito ay isang lalaking may asawa na.

Sa huling habilin ni Ninong chief ay nabigyan ng wastong bahagi ang lahat ng anak nito. Higit sa ilang bahagi ng salapi at mga ari-arian, natanggap ni Charles ang Matandang bahay sa Gulod ng Sitio Colonia, kung saan niya haharapin ang isang panibagong bukas,at bubuo ng mga bagong alaala.